Biyernes, Marso 21, 2025

Pagngiyaw ni alaga

PAGNGIYAW NI ALAGA
(Alay ngayong World Poetry Day)

aba'y nakatutuwa
tila ba tumutula
ang aming si alaga
sa Araw ng Pagtula

animo'y entablado
ang inapakan nito
adhika niya't gusto
binigkas na totoo

panay ang kanyang ngiyaw
na di nakabulahaw
di naman nagtungayaw
hay, kayganda ng araw

anya, ang tingin ko lang:
"nais ko nang maibsan
ang damang kagutuman
isda ako po'y bigyan"

mamaya, isda'y alay
ngiyaw ay tula't tulay
na nagbibigay kulay
sa aming iwing buhay

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/1FL21cEdmD/ 

Laban sa bugok at sistemang bulok

LABAN SA BUGOK AT SISTEMANG BULOK
(Alay sa World Poetry Day 2025)

ang pag-iral ng dinastiya'y kabulukan
ng sistemang sanhi ng laksang kahirapan
pagbalikwas laban dito'y dapat tuunan
ng pansin ng api't pinagsamantalahan

wala sa sinumang trapong bugok at bulok
ang tutubos sa ating bayang inilugmok
ng mga dinastiyang naupo sa tuktok
lalo't sa yaman ng bayan ay pawang hayok

halina't buksan yaring diwa, puso't taynga
at damhin ang sugat ng mga nagdurusa
dinggin ang tinig ng nakararaming masa:
dapat nang wakasan ang bulok na sistema!

ang tibak na Spartan ito'y nalilirip
habang samutsari yaong nasasaisip
masang naghihirap ay tiyaking mahagip
maging mulat sila't sa sistema'y masagip

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

Pagsali, pagsalin, pagsaling

PAGSALI, PAGSALIN, PAGSALING
(Alay sa World Poetry Day 2025)

nais kong sumali sa mga paligsahan
at sa madla'y ipakita ang kahusayan
sa palakasan man, spelling o takbuhan
bakasakaling may premyong mapanalunan

o pagsasalin ng akda'y trinatrabaho
aklat man, artikulo, pabula o kwento
munti mang bayad ay may ginhawang totoo
na makabubuhay naman sa pamilya mo

garapal na dinastiya'y dapat masaling
ng mamamayang bumalikwas na't nagising
mula sa kayhaba nilang pagkagupiling
habang burgesyang bundat ay pagiling-giling

pagsali, pagsalin, pagsaling ng makatâ
habang pinagsisilbi ang mga salitâ
ukol sa kapakanan ng mga dalitâ
nang sistemang bulok ay kanilang magibâ

- gregoriovbituinjr.
03.21.2025

Huwebes, Marso 20, 2025

Sa bisperas ng World Poetry Day

SA BISPERAS NG WORLD POETRY DAY

inaalagata ang mga karanasan
sa pakikibaka ng dukha't manggagawa
simpleng pamumuhay ang pinanghahawakan
ng makatang tibak na yakap ang adhika

at sa bisperas ng World Poetry Day naman
o sa Pandaigdigang Araw ng Pagtula
nais kong mailarawan ang karukhaan
at paglaban ng masang api't maralita

makatang nagsisilbi sa kapwa at bayan
iyon ang temang aking hangad na makatha
lalo na't panulaan ay pandaigdigan
tema ng tula'y magdadala ng paglaya

kaya narito ako, mga kababayan
itutula'y mula sa inang nag-aruga
magbinata, at makibaka sa lansangan
hanggang kamatayan, sa prinsipyo'y sumumpa

- gregoriovbituinjr.
03.20.2025

* ang sanligan o background ay litrato ng makatang si Edgar Allan Poe

Sa sakayan

SA SAKAYAN

alas-singko ng hapon, mahirap sumabay
sa mga nag-aabang na nais sumakay
ng dyip pauwi sa patutunguhang tunay
naglakad na lang ako habang nagninilay

maluwag pa pag alas-tres o alas-kwatro
at marami nang pauwi pag alas-singko
ang nakaupo sa dyip ay dulo sa dulo
kaypalad mo pag nakaupo kang totoo

ah, mabuti pa ngang ako'y maglakad-lakad
hinay-hinay lang at huwag bilisan agad
kahit tulad ng pagong, marahan, makupad
at sa paglubog niring araw ay mabilad

may paparating na dyip, sana'y di pa puno
pagkat lalakarin ko'y talagang malayo
kung walang dyip, maglakad kahit na mahapo
mahalaga'y marating kung saan patungo

- gregoriovbituinjr.
03.20.2025

4-anyos na anak, pinatay sa sakal ng nanay

4-ANYOS NA ANAK, PINATAY SA SAKAL NG NANAY

karumal-dumal ang sinapit ng apat na anyos
na anak pa ng kanyang inang sumakal sa kanya
bakit nangyayari ang ganitong kalunos-lunos?
na pangyayari't paano sasaguting talaga?

tila may mental health problem na ang nasabing nanay
naburyong dahil di raw nagpapakita ang mister
bakit naman anak ang napagdiskitahang tunay?
naku, nagsawa na ba siya sa pagiging martir?

may hinala siyang mister ay may ibang babae
pagkat ilang araw nang ito'y di nakakauwi
nagdilim ang paningin, sinakal niya si Sophie
hay, sa selos o panibugho'y walang nagwawagi

ngayon, siya'y makukulong sa pagpaslang sa anak
sugat kung maging balantukan man ay mag-aantak

- gregoriovbituinjr.
03.20.2025

* ulat ng Marso 20, 2025, sa mga pahayagang Pilipino Star Ngayon, Bulgar, at Pang-Masa

Miyerkules, Marso 19, 2025

Aklat ni at kay Lualhati Bautista

AKLAT NI AT KAY LUALHATI BAUTISTA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kilala natin si Lualhati Bautista bilang manunulat ng nobela, tulad ng Gapo, Desaparesidos, Bata, Bata, Paano Ka Ginawa, at Dekada '70. Subalit hindi bilang makata. Kaya nang makita ko ang aklat niyang Alitaptap sa Gabing Madilim (Koleksyon ng mga tula) ay hindi na ako nagdalawang isip na bilhin, kahit pa iyon ay singhalaga ng siyam na kilong bigas na P50 kada kilo. Ang mahalaga'y magkaroon ako ng kanyang aklat, dahil baka di ako mapakali pag hindi iyon nabili.

May aklat din ng pagtalakay sa pagiging nobelista ni Lualhati Bautista ang magaling na awtor na si E. San Juan Jr., kung saan tinalakay niya ang 'mapagpalayang sining ng kababaihan sa Pilipinas'.

Nabili ko ang aklat ng mga tula ni Lualhati Bautista sa booth ng Anvil Publishing sa ikalawang araw ng Philippine Book Festival 2025 sa halagang P450.00. At nabili ko naman sa booth ng UST Publishing House sa ikaapat at huling araw ng nasabing festival ang aklat na Lualhati Bautista Nobelista sa halagang P260.00.

Laking kagalakan para sa akin ang magkaroon ng dalawang aklat pagkat bihira ang ganitong aklat sa maraming book store sa Kalakhang Maynila. Kailangan pa talagang sadyain ang mga ito sa tagapaglathala kung alam mong meron nito. Subalit ako'y walang alam na may ganitong aklat, kaya buti't nakapunta sa nasabing Book Festival.

Ang aklat na Alitaptap sa Gabing Madilim (koleksyon ng mga tula) ni Lualhati Bautista ay naglalaman ng labing-apat na katipunan (hindi kabanata) ng mga tula. May sukat itong 5.5" x 7.5", may kapal na 3/4", at binubuo ng 258 pahina (kung saan 18 pahina ang nasa Roman numeral).

Ayon sa Paunang Salita ni Bautista, noong panahon ng lockdown nang naisipan niyang tipunin ang kanyang mga naipong tula. At ang kinalabasan nga ay ang nasabing aklat. Hindi lamang nasa wikang Filipino ang kanyang tula, marami rin siyang tulang sinulat sa wikang Ingles. Oo, marami.

Ang aklat namang Lualhati Bautista Nobelista ay naglalaman ng pitong kabanata, bukod sa Pagkilala at Pasasalamat, Introduksyon at Pangwakas na Pananalita. May sukat itong 6" x 9", may kapal na 5/8", at binubuo ng 276 pahina (kung saan 14 na pahina ang nasa Roman numeral).

Ang pitong kabanata ay ang mga sumusunod.
I. 'Gapo
II. Dekada '70
III. Bata, Bata... Pa'no Ka Ginawa
IV. Desaparesidos
V. Bulaklak sa City Jail
VI. Sixty in the City
VII. In Sisterhood - Lea at Lualhati, at Sonata

Matagal ko ring babasahin ang dalawang aklat, subalit inuna ko munang basahin, na palagi kong ginagawa, ang Paunang Salita o Introduksyon, dahil mananamnam mo roon ang buod ng buong aklat.

Ang pagninilay ko'y idinaan ko sa munting tula:

LUALHATI 

kilalang nobelista si Lualhati Bautista
may libro nga sa kanya sa pagiging nobelista
ngayon ko lang nalaman na siya pala'y makatâ
nang koleksyon ng kanyang mga tula'y nalathalâ

siya nga'y muog na sa panitikang Pilipino
lalo't wikang ginamit niya'y wikang Filipino
kanyang mga nobela'y umugit sa kaisipan
ng mga henerasyong sa diktadura'y lumaban

naging tinig ng mga api, mga walang boses
naging behikulo ng pagtitimpi't pagtitiis
kaloob-looban ng bayan ay kanyang inalog
hanggang masa'y magising sa mahabang pagkatulog

daghang salamat, Lualhati Bautista, babae
taaskamaong pagpupugay, isa kang bayani

03.19.2025

Suhol

SUHOL

talamak na ang katiwalian
dito sa ating pamahalaan
mga nahahalal ba'y kawatan?
aba'y kawawa naman ang bayan!

under the table, tong, lagay, suhol, 
padulas, regalo, tongpats, kuhol
na trapong pera-pera, masahol
na sistemang tila walang tutol

kailan titigil ang tiwali
kailan itatama ang mali
hindi ba't bayan ang dito'y lugi
sa galawang talagang masidhi

bakit ang bayan ay nakakahon
sa mga tagong gawaing iyon
dapat wakasan na ang korapsyon!
paano? sinong may ganyang misyon?

- gregoriovbituinjr.
03.19.2025

* larawan mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 12, 2025, p.5

Martes, Marso 18, 2025

Antok na rin ako tulad ni alaga

ANTOK NA RIN AKO TULAD NI ALAGA

antok na rin ako / tulad ni alaga
gabi na't pikit na / itong iwing diwa
naghihikab kaya / sa katre'y humiga
katawang pagod ko'y / ipahingang sadya

habang si alaga / ay pabiling-biling
sa higaan niya'y / doon na humimbing
ako'y antok ngunit / narito pang gising
nag-aalagata / ng mga pasaring

ako'y bagong kain / mahirap matulog
baka bangungutin, / utak ay maalog
habang nangangarap / pa rin ng kaytayog
buti si alaga't / agad nakatulog

mata ko'y pinikit / upang makaidlip
panay ang hikab ko't / di makapag-isip
marami mang isyu / yaong nalilirip
habang si alaga / ay nananaginip

- gregoriovbituinjr.
03.18.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1KDw5Y3H4a/ 

Ang librong di ko nabili

ANG LIBRONG DI KO NABILI

may libro rin akong di nabili
doon sa Philippine Book Festival
subalit ako'y interesante
sa environmentalist na Rizal

anong mahal ng nasabing aklat
halaga'y eight hundred fifty pesos
ngunit nais ko iyong mabuklat
dagdag sa buhay niya'y matalos

baka mayroong bagong saliksik
na makakatulong sa kampanya
upang luntiang binhi'y ihasik
at pangalagaan ang planeta

wala raw sa ibang bookstore iyon
sa St. Bernadette Publishing House lang
na siyang tagalathala niyon
librong dapat ko lang pag-ipunan

nagkulang kasi ang aking badyet
upang bilhin ang nasabing libro
aral sa librong iyon ay target
nang makatulong pa sa bayan ko

- gregoriovbituinjr.
03.18.2025

* naganap ang Philippine Book Festival noong Marso 13-16, 2025 sa SM Megamall

Si Nadine Lustre para sa planeta

SI NADINE LUSTRE PARA SA PLANETA

ambassadress pala ang artistang si Nadine 
Lustre ng campaign na Save the Planet, Go Vegan
matibay na dedikasyong dapat purihin
nagpintura pa ng Mother Earth sa katawan

sa isang photoshoot noong Lunes sa Pasig
na vegan lifestyle campaign ang isinusulong
di lang diet kundi sa produktong tangkilik
sa kampanyang ito'y kaylaki niyang tulong

nagbukas ng vegan restaurant sa Siargao
sapagkat nang minsang sa Palawan mapunta 
ay nasubukang kumain ng pulos gulay
kay Nadine nga ako'y nagpupugay talaga

kampanya niyang ito'y sa tulong ng grupong
People for the Ethical Treatment of Animals
o PETA kaya tayo'y nakakasigurong
gawaing ito'y kampanyang dapat itanghal

- gregoriovbituinjr.
03.18.2025

* tula ay batay sa ulat sa pahayagang Pang-Masa, Marso 18, 2025, p.5

Magsulat ng anuman

MAGSULAT NG ANUMAN

walong ulit na "Write something" ang nakatatak
sa telang bag mula Philippine Book Festival
ay, kayraming paksang naglalaro sa utak
na nais isulat, di man magbigay-aral

samutsaring tula, kwento't pala-palagay
hinggil sa pang-aapi't pagsasamantala
sa madla na kaban ng bayan pala'y pakay
ng bundat na dinastiya't oligarkiya

silang nagtatamasa sa lakas-paggawa
ng manggagawang hirap pa rin hanggang ngayon
silang dahilan ng demolisyon sa dukha
sanhi rin ng salot na kontraktwalisasyon

ay, kayrami kong talagang maisusulat
upang sa masang api ay makapagmulat

- gregoriovbituinjr.
03.18.2025

* naganap ang Philippines Book Festival mula Marso 13-16, 2025

Lunes, Marso 17, 2025

Edad 7 at 10, ginahasa sa magkaibang lalawigan

EDAD 7 AT 10, GINAHASA SA MAGKAIBANG LALAWIGAN

pitong anyos na batang babae yaong hinalay
saka pinagsasaksak pa ng gwardyang desperado
na kinalasan daw ng kinakasama, kaylumbay!
ngunit bakit ang bata ang pinagbalingan nito?

sampung anyos namang batang babae'y ginahasa
ng isang suspek na pumalo sa ulo ng paslit
biktima'y natagpuang walang saplot sa ibaba
may mga sugat pa sa ulo, ay, nakagagalit!

una'y sa Butuan, Agusan del Norte naganap
isa'y sa Lupi, Camarines Sur naman nangyari
winalang halaga ang mga batang may pangarap
iyang mga suspek kaya ngayon ay nagsisisi?

nawa'y makamit ng mga bata ang katarungan!
sana mga suspek ay makalabosong tuluyan!

- gregoriovbituinjr.
03.17.2025

* ulat ng Marso 17, 2025 sa pahayagang Pilipino Star Ngayon at Bulgar

Kaygandang musika sa kampanya

KAYGANDANG MUSIKA SA KAMPANYA

habang sakay ng trak sa kampanya
dinig ko ang kaygandang musika
nag-aalab ang pakikibaka
upang hustisya'y kamtin ng masa

laban sa kuhila't mapang-api
laban sa oligarkiyang imbi
dinggin ang musika't sinasabi
sa Senado'y mayroong kakampi

sina Ka Leody't Attorney Luke
mga lider-manggagawang subok
sa Senado ay ating iluklok
upang palitan ang trapong bugok

Ka Leody at Luke Espiritu
magagaling na lider-obrero
kakampi ng masa sa Senado
kaya sila ay ating iboto

- gregoriovbituinjr.
03.17.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://web.facebook.com/share/v/19PFaTv1s4/ 
#21 Leody de Guzman
#25 Luke Espiritu

Dalawang libreng libro mula National Museum of the Philippines

 

DALAWANG LIBRENG LIBRO MULA NATIONAL MUSEUM OF THE PHILIPPINES
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sa unang araw pa lang ng Philippine Book Festival ay napagawi na ako sa booth ng National Museum of the Philippines. Tiningnan ko ang limang aklat na naroroon. Nakita ko ang hinggil sa Baybayin, na antigong panulat ng ating mga ninuno. Nais ko iyong bilhin.

Subalit sinabi sa akin ng babaeng naroon na libre lang nilang ibibigay ang dalawang aklat na magustuhan ko basta ipakita ko lang na nag-like ako sa facebook page ng National Museum of the Philippines. Ni-like ko naman at ipinakita sa kanila, at naglista ako ng pangalan at tsinekan ang mga nakuha kong libro. Kaya pala libre, nakalimbag sa kanang ibaba ng pabalat ang mga katagang "Not for Sale."

Ang dalawang aklat ay ang Baybayin: Mga Sinauna at Tradisyunal na Panulat sa Pilipinas (Ancient and Traditional Scripts in the Philippines), at ang Breaking Barriers ni Virginia Ty-Navarro. Talagang pinili ko ang Baybayin dahil iyon sana ang aking bibilhin, subalit libre pala. Ang kapartner na Baybayin, ayon sa staff ng museo, ay ang Breaking Barriers, kaya tanggapin na lang, kahit may isa pang aklat na mas gusto ko sanang makuha at mabasa, ang The Basi Revolt. Marahil dahil di pa ako gaanong interesado sa biswal kundi sa mga teksto, tulad ng mga tula, kwento, at sanaysay hinggil sa pulitika at kasaysayan.

Dalawang historical na babasahin sana, ang una'y Baybayin, at ikalawa'y The Basi Revolt. Ang Breaking Barriers naman ay pawang mga painting ni Navarro. Mga pamagat na pulos titik B - Baybayin, Breaking Barriers, at Basi.

Ang aklat na Baybayin ay may sukat na 8" x 11.5" at naglalaman ng 100 pahina (kung saan 8 pahina ang naka-Roman numeral), habang ang Breaking Barriers ay may sukat na  8 1/4" x 7 1/2" at 80 pahina (na 3 pahina ang walang nakalagay na bilang, at nagsimula ang pahina 1 sa kaliwa imbes na sa nakagawiang kanan).

Isa kong proyekto ang pagsusulat ng mga tulang nasa Baybayin, kaya interesado ako sa nasabing aklat.

Nakapaglibot pa ako sa mga sumunod na araw nang magbukas ako ng aking tibuyo o alkansya upang makabili ng mga gusto kong basahing aklat. Ang apat na araw ng Philippine Book Festival ay naganap noong Marso 13-16, 2025 sa Megatrade Hall, SM Megamall sa Lungsod ng Mandaluyong.

SALAMAT SA PAMBANSANG MUSEO

salamat sa dalawang libreng aklat na binigay
sa may booth ng National Museum of the Philippines
mga libro'y may 'Not for Sale' pang istiker na taglay
talagang pinili ko roon ang librong Baybayin

tungkol naman sa painting ang Breaking Barriers na aklat
na kapartner ng Baybayin, ayon sa istaf doon
nais ko sana'y ang The Basi Revolt ang mabuklat
subalit di ako nabigyan ng pagkakataon

maraming salamat pa rin sa Pambansang Museo
buti't natsambahan kong magtungo sa kanilang booth
sa Philippine Book Festival, kaygaganda ng libro
upang mga katanungan sa isip ko'y masagot

sa Pambansang Museo, taos kong pasasalamat
mabuti na lamang, kayo'y nakadaupang palad
asahan n'yo pong suporta ko'y aking isusulat
para sa kasaysayan, sa kapwa, at sa pag-unlad

03.17.2025

Linggo, Marso 16, 2025

Ang aklat na Insurgent Communities ni Sharon M. Quinsaat

ANG AKLAT NA INSURGENT COMMUNITIES NI SHARON M. QUINSAAT
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Hindi ko pa personal na nakadaupang palad si Ms. Sharon M. Quinsaat, ang awtor ng aklat na Insurgent Communities: How Protests Create a Filipino Diaspora. Subalit nagkausap na kami sa pamamagitan ng gmail dahil inirekomenda ako sa kanya upang i-transcribe ang dalawang casette tape hinggil sa kanyang panayam sa mga OFW. Panahon iyon bago magkapandemya. Bilang pultaym na aktibista, nabayaran naman ako sa gawaing ito na nakatulong sa aking pagkilos at matupad ang iba pang gawain.

Kaya nang makita ko ang kanyang aklat sa booth ng Ateneo de Manila University Press sa Philippine Book Festival 2025 sa SM Megamall ay naisipan ko agad iyong bilhin. Subalit kulang ang aking salapi sa unang araw na pagtungo sa nasabing festival. Nagkakahalaga iyon ng P490.00.

Pagbalik ko sa ikatlong araw, aba'y bumaba na ang presyo, at nabili ko iyon sa halagang P360.00 mula sa orihinal na P490.00. Kaya nakatipid din ako ng P130.00 kung saan ang isandaang piso roon ay naibili ko ng tigsisingkwenta pesos na aklat pampanitikan sa booth naman ng UST Publishing House. Maraming salamat.

Ang nasabing aklat ay may sukat na 6" x 9" at kapal na 5/8" ay naglalaman ng 246 pahina (20 dito ang naka-Roman numeral). Binili ko iyon upang mabasa, at higit pa, bilang pakikiisa at pagsuporta sa awtor sa kanyang inilathalang aklat. Bukod sa Introduksyon at Konklusyon, ang aklat na ito'y binubuo ng mahahalagang paksa sa limang kabanata:
1. Movement(s) ang Identities: Toward a Theory of Diaspora Construction through Contention;
2. Roots and Routes: Global Migration of Filipinos;
3. Patriots and Revolutionaries: Anti-Dictatorship Movement and Loyalty to the Homeland;
4. Workers and Minorities: Mobilization for Migrants' Rights and Ethnic/National Solidarity; at
5. Storytellers and Interlocutors: Collective Memory Activism and Shared History

Ano nga ba ang diaspora na nabanggit sa pamagat ng aklat? Ayon sa Merriam-Webster Dictionary, ang diaspora ay a: people settled far from their ancestral homelands; b: the places where people settled and established communities far from their ancestral homelands; at c: the movement, migration, or scattering of a people away from an established or ancestral homeland. O sa wikang Filipino ay a: mga taong nanirahan malayo sa kanilang lupang ninuno o tinubuang bayan; b: mga lugar na tinahanan ng mga tao at nagtatag ng mga pamayanang malayo sa kanilang lupang ninuno o tinubuang lupa; sa c: ang kilusan, migrasyon, o paglikas ng isang tao nang malayo sa isang itinatag o lupang ninuno o tinbubuang bayan.

Sa likod na pabalat ng aklat ay mababasa ang hinggil sa diaspora na aking sinipi para sa mambabasa:

"When people migrate and settle in other countries, do they automatically form a diaspora? In Insurgent Communities, Sharon M. Quinsaat explains the dynamic process through which a diaspora is strategically constructed. Quinsaat looks to Filipinos in the United States and the Netherlands - examining their resistance against the dictatorship of Ferdinand Marcos, their mobilization for migrants' rights, and the construction of a collective memory of the Marcos regime - to argue that diasporas emerge through political activism. Social movements provide an essential space for addressing migrants' diverse experiences and relationships with their homeland and its history. A significant contribution to the interdisciplinary field of migration and social movements studies, Insurgent Communities illuminates how people develop collective identities in times of social upheaval."

Isinalin ko ito sa wikang Filipino: "Kapag lumikas at nanirahan na sa ibang bansa ang mga tao, awtomatiko na ba silang bumubuo ng diaspora? Sa Insurgent Communities, ipinaliwanag ni Sharon M. Quinsaat ang dinamikong proseso kung saan ang isang diaspora ay estratehikong nabuo. Tiningnan ni Quinsaat ang mga Pilipino sa Estados Unidos at Netherlands - sinuri ang pagtutol nila sa diktadura ni Ferdinand Marcos, ang sama-sama nilang pagkilos para sa karapatan ng migrante, at ang pagbubuo ng kolektibong memorya ng rehimeng Marcos - upang ikatwirang lumitaw ang mga diaspora sa pamamagitan ng pulitikal na aktibismo. Naglaan ng mahahalagang espasyo ang mga panlipunang kilusan sa pagtugon sa samutsaring karanasan at ugnayan ng mga migrante sa kanilang tinubuang bayan at sa kasaysayan nito. Isang makabuluhang ambag sa interdisiplinaryong larangan ng migrasyon at pag-aaral ng mga panlipunang kilusan, naipaliwanag sa Insurgent Communities kung paano umuusbong ang mga kolektibong pagkakakilanlan ng mga tao sa panahon ng agarang pagbabagong panlipunan."

Ginawan ko ng munting tula ang usaping ito.

DIASPORA

kaytalim sa diwa ng nabili kong aklat
pag-iisipin ka ng mga nakasulat
sa kahulugan ng diaspora'y namulat
mula sa panulat ni Sharon M. Quinsaat

sa Philippine Book Festival ay nabili ko
sa panahong pawang mura ang mga libro
sa animo'y pistang pinuntahan ng tao
di pinalampas ang pagkakataong ito

magkaroon ng librong ito'y pagsuporta
sa awtor na sa email lamang nakilala
at may ginawa akong trabaho sa kanya
noong panahon bago pa magkapandemya

salamat, ako'y taasnoong nagpupugay
sa awtor sa kanyang sinulat na kayhusay
malaking ambag sa makababasang tunay
uukit sa diwa't mga pala-palagay

03.16.2025

Babae, hinoldap na, ginahasa pa ng habal-habal rider

BABAE, HINOLDAP NA, GINAHASA PA NG HABAL-HABAL RIDER

aba'y naku, ingat, mga kababaihan
lalo na't dalaga pa, puri'y pag-ingatan
mula sa masamang loob, pusong kawatan
lalo't madaling araw na't tungo'y tahanan

may ulat ngang hinoldap ang isang babae
at ginahasa pa sa madilim na parte
ng lugar sa Cebu, talagang sinalbahe
ng suspek na tsuper ng motorcycle taxi

mabuti't nakapagsumbong pa ang biktima
kaya suspek ay nasakote kapagdaka
tiyak suspek ay sa kulungan magdurusa
dahil sa krimeng nagawa't inamin niya

sa pag-uwi po ng madaling araw, INGAT!
at maraming mapagsamantalang nagkalat

- gregoriovbituinjr.
03.16.2025

* ulat ng petsang Marso 16, 2025 mula sa pahayagang Bulgar, Pang-Masa, at Pilipino Star Ngayon

Ayaw magplato, tinangay ang pagkain

AYAW MAGPLATO, TINANGAY ANG PAGKAIN

di sanay magplato si alaga
tinanggal pa niya sa lagayan
ang binigay kong ulo ng bangus
at kinain doon sa ilalim
ng traysikel ang handa sa kanya
buti naman, kahit papaano
ay nakakain siya't nabusog

pag siya'y lumapit na sa akin
ngumingiyaw habang nakatingin
at ikikiskis pa ang katawan
niya sa aking tuhod at hita
alam ko na ang aking gagawin
batid niyang may inihanda na
akong makabubusog sa kanya

- gregoriovbituinjr.
03.16.2025

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/share/v/1BbSygCVfE/ 

Maralita para kina Ka Leody at Atty. Luke sa Senado

MARALITA PARA KINA KA LEODY AT ATTY. LUKE SA SENADO

kaming mga maralita'y para kina Ka Leody
de Guzman at Attorney Luke Espiritu sa Senado
sila ang totoo nating mga kasangga't kakampi
tungong kapakana't kagalingan ng dukha 't obrero

lalabanan nila ang salot na kontraktwalisasyon
lalo ang mga walang kabusugang kapitalista 
sila ang kasangga ng dukha laban sa demolisyon
silang kalaban ng mapang-api't mapagsamantala

lalo't nangingibabaw batas ng naghaharing uri
upang magkamal pa ng tubo 't manatili sa poder
hindi nila hahayaang maralita'y maduhagi
at titiyaking madurog ang oligarkiyang pader

babaguhin din nila ang patakarang mapang-api
na nakikinabang ay burgesya't elitistang bundat
didistrungkahin ang batas na dahilang masasabi
hinggil sa malayong agwat ng mayaman at mahirap

maipanalo sila sa Senado ang unang hakbang 
upang magkaroon ng kinatawan ang maralita
ang maipagwagi sila'y tagumpay ng sambayanan 
upang mga batas na pangmasa'y kanilang malikha 

- gregoriovbituinjr.
03.16.2025

Sabado, Marso 15, 2025

Nang mapadaan sa booth ng Bulgar

NANG MAPADAAN SA BOOTH NG BULGAR

dumaan ako sa booth ng Bulgar
doon sa Philippine Book Festival
may pinamigay na libreng dyaryo
at nagpakuha rin ng litrato

isa ako sa tagatangkilik
nitong pahayagan at panitik
pag may balita ritong seryoso
ay gagawan ko ng tula ito

palaisipan pa'y sasagutin
kolum, showbiz at isports basahin
salamat pagkat may Bulgar tayo
pangunahing balita'y narito

sa Bulgar po, ako'y nagpupugay
nahugisan ang aking palagay
magpatuloy lang sa ambag ninyo
iulat ang samutsaring isyu

- gregoriovbituinjr.
03.15.2025

* ang Philippines Book Festival ay mula Marso 13-16, 2025