Lunes, Oktubre 20, 2025

Di man ako sinamahan

DI MAN AKO SINAMAHAN

siyang tunay, di nila ako sinamahan
baka tingin nila ako'y nang-uuto lang
subalit itinuloy ko ang panawagan
dahil kung hindi, ito'y isang kahihiyan

baka sabihin nila, "Wala ka pala, eh!"
at malaking dagok ang kanilang mensahe
subalit tulad kong sa masa'y nagsisilbi
pinakitang may isang salita't may paki

baka sila'y abala sa sariling buhay
baka ako'y inaasahan silang tunay
baka sila'y abala sa kanilang bahay
baka ako kasi'y pulos lang pagninilay

baka ako'y lihim na kinukutya nila
isang makatang walang kapag-a-pag-asa
kaya napagpasyahan kong kahit mag-isa
tuloy ang laban, tuloy ang pakikibaka

ayos lang, walang samaan ng loob dito
pagkat mahalaga'y may nagagawa tayo
aking ipagtatapat, ito ang totoo:
inangkin ko na'y laban ng dukha't obrero

- gregoriovbituinjr.
10.20.2025

* kuha sa tapat ng NHA, Oktubre 17, kasabay ng International Day for the Eradication of Poverty

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento