Sabado, Hulyo 13, 2024

Salitang nabuo sa HOLIDAY

SALITANG NABUO SA HOLIDAY

sa kabila ng laksang gawain
larong Word Connect pa'y lalaruin
ito'y pinakapahinga na rin
at ngayon, may di kayang sagutin

di ko nabuo't nasagot ang app
na Word Connect, di ko na magagap
ang isa pang salita, kayhirap
napatunganga na lang sa ulap

kung Tagalog kaya ang gamitin
sa salitang HOLIDAY buuin
ano-anong salita, alamin
ito ang napagtripan kong gawin

sa HOLIDAY, salitang nabuo:
LAHI, LIHA, HILA, HILO, LAHO
DAHIL, DALOY, DAYO, DALO, HALO
DALI, DILA, ALID, AHOD, LAYO

ALOP, AYAP, AYOP, marami pa
LIDO, LIYO, ngalang HILDA, YODA
katuwaan man, ang mahalaga
nalilibang kahit na abala

- gregoriovbituinjr.
07.13.2024

* ALID - manipis na manipis, payat na payat, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p.32
* AHOD - salitang medikal, kalmot o marka ng kagat ng hayop sa balat ng tao, UPDF, p.21
* ALOP - marumihan o mamantsahan, UPDF, p.40
* AYAP - uri ng sitaw na higit na maikli ang bunga at masapal, UPDF, P.94
* AYOP - alipusta, UPDF, p.95
*LIDO - sa Ifugao, sumbrero o putong na higit na malanday sa hallidung, UPDF, p.694

Madaling araw

MADALING ARAW

saklot pa ng dilim ang paligid
nang magising akong nangingilid
ang luha, animo'y may naghatid
ng balitang dapat kong mabatid

dama kong aking pinagsanggalang
ang buhay laban sa mapanlamang
na sa akin ay biglang humarang
batid kong ito'y panaginip lang

tiningnan ko kung sara ang pinto
nakaamoy ako ng mabaho
narinig ko pa'y mahinang tulo
na maya-maya'y biglang naglaho

di pa dapat ako kinakaon
ni Kamatayang mayroong misyon
nais ko pang gampanan ang layon
isang makauring rebolusyon

ayokong sa sakit ay maratay
buti kung bala'y napos ng buhay
nais ko pang rebo'y magtagumpay
na mata ko ang makasisilay

- gregoriovbituinjr.
07.13.2024

Biyernes, Hulyo 12, 2024

Platitong hugis dahon

PLATITONG HUGIS DAHON

napa-Wow sa platitong nabili ni misis
sa isang palengkeng binilhan din ng walis
habang ako nama'y kumakain ng mais
aba'y tingni, anong ganda't dahon ang hugis

marahil gumawa'y environmentalista
o ito'y pakulo lang ng negosyo nila
subalit anumang dahilan ang makita
hugis ng platito'y isa nang paalala

pangalagaan natin ang kapaligiran
lalo't mga magsasakang nahihirapan
upang pakainin ang buong daigdigan
kung walang magsasaka ay walang palayan

kaya salamat sa platitong hugis dahon
di lang siya platito kundi isang misyon
tungkol sa bigas, puno, prutas, klima't nayon
na dapat batid natin bawat isyu niyon

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

Yanga at kapad

YANGA AT KAPAD

mga salita itong di ko alam
na nabatid lang sa palaisipan
mga salitang dagdag-kaalaman
sa kagaya kong tagakalunsuran

salitang marahil lalawiganin
kaya kaytagal kung aking isipin
buti na lang, alam ko ang gagawin
upang tamang sagot ay makuha rin

pag sa Pahalang, di batid ang sagot
Pababa muna'y sagutang malugod
krosword ay aliwang di mababagot
tasahan lang pag lapis mo'y napudpod

masetera o PASO pala'y YANGA
at ang ANGKOP naman ay KAPAD pala
sa isang diksyunaryo ko nakita
kung anong kahulugan ng dalawa

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

* krosword mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 31, 2024, p.10
* 17 Pahalang: Paso - YANGA; 19 Pahalang: Angkop - KAPAD
* yanga - masetera, UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p.1343
* masetera - maliit na paso, UPDF, p. 766
* kapad - angkop o marapat sa isang gawain, UPDF, p.574

Pagbabasa ng pocketbook

PAGBABASA NG POCKETBOOKS

sa lumang bookstore sa sulok-sulok
nabili'y mumurahing pocketbook
serye'y binabasa't inaarok
bago ako dalawin ng antok

kinakatha ko'y maikling kwento
para sa Taliba naming dyaryo
kaya pocketbook binabasa ko
nobela'y tutunghayang totoo

inaaral ko'y pagnonobela
bago iyon, magkwentista muna
pagkat pangarap ko ring talaga
ang maging awtor at nobelista

kung may pocketbook kayo sa bahay
na nais na ninyong ipamigay
bago iyan kalugdan ng anay
sa akin na lang ninyo ialay

pangako, nobela'y kakathain
kaya pocketbook ay babasahin
estilo ng akda'y aaralin
upang nobela'y malikha ko rin

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

Sinong pipigil?

SINONG PIPIGIL?

kung walang nagbabasa sa akin
sinong sa pagtula ko'y pipigil
ang bawat isyu ay papaksain
tutula ako ng walang tigil

nais ni amang ako'y mag-aral
ng inhinyero sa pamantasan
nais ko namang tula'y maaral
upang maging makata ng bayan

nais ni inang ako'y magtapos
at itayo'y sariling negosyo
ngunit iba'y ginawa kong lubos
ang tumulong sa dukha't obrero

pag pinatula ako sa rali
entablado ko na'y ang lansangan
makata man, ako'y nagsisilbi
sa api't pinagsamantalahan

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

4 na salitang may 11 titik sa parisukat

4 NA SALITANG MAY 11 TITIK SA PARISUKAT

KAPARARAKAN
DALA-DALAHAN
KASALUKUYAN
KATALINUHAN

nakita ko kaagad ang ganda ng parisukat
na isasagot na salita'y nagsala-salabat
nagkakaugnayan sila't madaling madalumat
bagamat sa pagtugon ay sadyang napakaingat

Siyam Pahalang: Pakinabang ay KAPARARAKAN
sa Tatlumpu't Apat ay: Abastos DALA-DALAHAN
Una PababaAng ngayon nama'y KASALUKUYAN
Walo PababaKarunungan ay KATALINUHAN

madalas pag ganito ang krosword, nakalulugod
sa maghapong trabaho'y nakakatanggal ng pagod
animo mula ulo't kalamnan ko'y hinahagod
kahit ako'y parang kalabaw na kayod ng kayod

maraming salamat sa dinulot nitong ginhawa
kaya nakakapahinga ang katawan ko't diwa

- gregoriovbituinjr.
07.12.2024

* krosword mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 10, 2024, p.7

Huwebes, Hulyo 11, 2024

Di na lang antas-dalo

DI NA LANG ANTAS-DALO

tapos na ako sa panahong antas-dalo
di tayo flower base lang, aking napagtanto
sa anumang pagkilos na kasama tayo
di maaaring nakatunganga lang ako

may isang rali na ako'y nabugbog naman
isang kakilala ang ako'y pinayuhan
ang sabi niya, "huwag ka kasi sa front line!"
ano ako, tuod? doon lang sa likuran?

di tayo dumadalo upang pamparami
kundi tiyaking naroon tayong may silbi
sa samahan, bayan, ngunit di pahuhuli
nais ko'y may tangan laging plakard sa rali

ayokong dadalo lang at nakatunganga
na sa isyu't usapin ay natutulala
kung may matututunan ay pupuntang sadya
upang pagtingin sa isyu'y maisadiwa

minsan, sa mga forum naiimbitahan
ayos lang dumalo't may napag-aaralan
ngunit ngayon, ayokong antas-dalo na lang
kundi may naiaambag sa talakayan

noong kabataan ko'y antas-dalo lagi
nabatid na trapo'y di dapat manatili
kaya nais kong tumulong upang magwagi
ang dukha't manggagawa sa laban ng uri

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

Agariko - pinulbos na kabute

AGARIKO - PINULBOS NA KABUTE

tanong: Siyam Pababa - Kabute pinulbos
aba, ewan ko, ang krosword muna'y tinapos
palaisipan muna'y sinagutang lubos
agariko pala ang kabuteng pinulbos

anang U.P. Diksiyonaryong Filipino
salitang Botanikal at Medikal ito
binebenta bilang gamot ang agariko
pumunta kang botika kung nais mo nito

ang agariko ba'y para ring penicillin?
na sa sugat ng isang tao'y bubudburin?
o ito'y ginawang tabletang iinumin?
o kaya'y kapsula itong dapat lunukin?

may nagsasabing sa tumor ito'y panlaban
pati sa cancer, heart disease, diabetes man
pampatibay ng immune system at katawan
ngunit wala pa raw syentipikong batayan

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

* krosword mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 8, 2024, pahina 7
* agariko - Botanikal, Medikal: kabute na pinulbos at ipinagbibili sa botika bilang gamot, mula sa U.P. Diksiyonaryong Filipino, pahina 17
* ilang nasaliksik na datos:

Bilyones na pondo para sa klima

BILYONES NA PONDO PARA SA KLIMA

aba'y pitongdaan walumpu't tatlong bilyong piso
na pala ang nakuhang suporta ng ating bansa
mula tatlumpu't isang development partners nito
na para raw sa climate change action plan, aba'y di nga?

may dalawampu't tatlong proyektong pangtransportasyon
National Adaptation Plan, kaygagandang salita
nariyan pa'y Nationally Determined Contribution
Implementation Plan, batid kaya ito ng madla?

siyamnapu't apat ang proyektong inisyatiba
para sa gawaing pangklima habang iba naman
ay mula raw sa pautang, pautang? aba, aba?
anong masasabi rito ng ating mamamayan?

anong tingin dito ng Freedom from Debt Coalition?
sa bilyon-bilyong pautang ba'y anong analysis?
di na ba makukwestyon kahit suportang donasyon?
anong tingin ng Philippine Movement for Climate Justice?

pabahay ng mga na-Yolanda'y kasama kaya?
sa climate emergency ba pondong ito na'y sagot?
bakit climate emergency'y di ideklarang sadya?
nawa'y pondo'y di maibulsa ng mga kurakot!

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

* ulat mula sa pahayagang Abante Tonite, Hulyo 9, 2024, pahina 3

Suhol

SUHOL

pagsaludo sa taong di tumatanggap ng suhol
kung may akusasyon, sarili'y dapat ipagtanggol
matuwid magsalita, di nagkakabulol-bulol
lalo na't nasa kapangyarihan, may nanunulsol

ibig sabihin, may pabor kapalit ng salapi
dapat usisain lalo't bansa'y naduduhagi
ang akusasyon ng suhol ay dapat lang masuri
dahil pagkatao na'y may bahid pag di napawi

anong patunay ng nagbibintang sa akusasyon?
paano naman ba pasisinungalingan iyon?
lalo't sa susunod na taon na'y mid-term election
paninira ng kredibilidad ba'y nilalayon?

sino bang iuupo sa Senado at Kongreso?
o Mababang Kapulungan, sinong ipapanalo?
pag ahensya'y gumalaw dahil nasuhulan ito
aba'y kawawa naman ang totoong ibinoto!

may patas bang halalan pag may ganyang pag-uulat?
na dapat nating subaybayan baka makulimbat
ang boto ng masa't kandidato nila'y masilat
ah, buong katotohanan sana nga'y mabulatlat

- gregoriovbituinjr.
07.11.2024

* ulat ay headline sa pahayagang Abante, Hulyo 10, 2024
* suhol - pagbibigay ng salapi o anumang bagay sa maykapangyarihan kapalit ang anumang pabor, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1179

Miyerkules, Hulyo 10, 2024

Ulog - Walang taong bayan sa isang lugar

ULOG - WALANG TAONG BAYAN SA ISANG LUGAR

may isang awit noong narinig ko nang bata pa
liriko: "Wala nang tao sa Santa Filomena"
sa krosword, awiting iyon ay aking naalala
Apat Pababa: Walang taong bayan, ano nga ba?

di ko alam ang tamang sagot, diwa ko'y kinapos
animo isip ko'y nilalatigo't inuulos
sinagot ang Pababa't Pahalang hanggang matapos
lumabas na sagot ay ULOG, ako'y nakaraos

tiningnan ang kahulugan sa talahuluganan
kung bakit salitang ULOG ay "walang taong bayan"
naroon: "pag-alis sa pook dahil sa digmaan..."
nilisan ng mga bakwit ang kanilang tahanan

tila istorya ng Santa Filomena ang ulog
tulad sa Marawi, buong bayan ay nabulabog
baka kabahayan at kabuhayan pa'y sinunog
dahil sa digma, pook nila'y talagang nadurog

ah, naalala ko lamang ang nasabing awitin
mga bakwit ba sa lugar nila'y nakauwi rin?
may kapayapaan na ba sa bayan nila't natin?
upang ulog ay di na larawang dapat sapitin?

- gregoriovbituinjr.
07.10.2024

* krosword mula sa Abante Tonite, Hulyo 9, 2024, p.7
* ulog - 3. Sinaunang Tagalog, pag-alis o pagkawala ng mga naninirahan sa isang pook dahil sa digmaan, salot, at katulad, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.1299

O, sinta ko

O, SINTA KO

sa nag-iisa kong mutya
ng pag-ibig, puso't diwa
kitang dalawa'y sumumpa
magsasamang walang hangga

anong aking ihahandog
kung walang yamang niluhog
kundi katapatan, irog
hanggang araw ko'y lumubog

- gregoriovbituinjr.
07.10.2024

Pusang uhaw

PUSANG UHAW

alaga'y pansin kong sinisinok
na tila may kung anong nalunok
marahil ay di nakakainom
matapos na malutas ang gutom

sa lababo'y may tubig sa batya
kaya sumampa na si alaga
doon siya uminom, natighaw
ang dama niyang sinok at uhaw

sadyang mahirap na maramdaman
pusa'y sinisinok, o ako man
tulad ng mga uhaw na dukha
uhaw sa hustisyang di makapa

kailangan talaga ng tubig
upang lalamunan ay madilig
tubig man pag nasumpungang tunay
mahalaga nang pandugtong-buhay

- gregoriovbituinjr.
07.10.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/te0kJX995j/ 

Martes, Hulyo 9, 2024

Amor Fati

AMOR FATI

imbes mainis akong naipit sa trapik
dinadaan ko na lang sa tula ang lintik
imbes mainis sa naririnig kong hibik
dinggin ko na lang baka may kwentong matitik

ayokong umangal kung walang mangyayari
aangal lamang kung mayroong masasabi
kung may problema man ako'y di magbibigti
kundi hahanapin anong tamang diskarte

di mo mababago ang salot na sistema
sa akin ay sabi nitong kapitalista
ayos lang, basta tuloy ang pakikibaka
upang makamit ang panlipunang hustisya

akala yata niya ako'y matitinag
ang prinsipyong yakap ko'y di niya natibag
silang sa pagkamakatao'y lumalabag
kaya daigdig na ito'y di mapanatag

makiayon lang sakaling tayo'y nahulog
sa kanal man o sa puso ng iniirog
mabuting batid mo ang lipad na kaytayog
o kaya'y sa putikan ay biglang nalubog

- gregoriovbituinjr.
07.09.2024

* amor fati - salitang Latin sa "tanggap ang tinadhana (to love one’s fate)"
* memento mori - Latin sa "lahat tayo'y mamamatay"

Sinabawang tahong

SINABAWANG TAHONG

binibilang kaya ng nagtitinda
ilang tahong ang binibigay niya
sa bumili? sa bahay binilang ko
ang nabiling tahong ay labimpito

marahil di niya binilang lahat
kundi dinadaan na lang sa sukat
sa pinaglagyang platitong malukong
ganyan ko nakita ang kanyang dunong

labinglima o labing-anim dati
ngayon ay labimpito na ang dami
tahong na binibili ko pag Lunes
wala kahapon, meron ngayong Martes

isa ito sa paboritong ulam
na sa aking panlasa'y kaylinamnam
sa halaga nitong sisenta pesos
ay nabusog na ako't nakaraos

- gregoriovbituinjr.
07.09.2024

Lunes, Hulyo 8, 2024

Level 6666 sa Word Connect

LEVEL 6666 SA WORD CONNECT

sa paglalaro ng app na Word Connect
sumapit na sa level six-six-six-six
animo ako'y di na naghihilik
upang maabot ang numerong lintik

pambihirang pagkakataon ito
aba'y apat na anim ang numero
ilang buwan ko bang binuno ito
o marahil dalawang taon kamo

aba'y isa na itong katibayan
na Word Connect ay kinagigiliwan
na nilalaro'y talasalitaan
bagamat hindi talahuluganan

ako nama'y hindi mapamahiin
na hinahanap ang ibig sabihin
ng six-six-six-six, ng apat na anim
kundi ito'y laro lamang sa akin

anu-anong salitang makukuha
sa isang salitang nilatag nila
sa garapata nga ay sangkaterba
ga, gara, garapa, at garapata

- gregoriovbituinjr.
07.08.2024

Tulaan sa pahayagang Bulgar

TULAAN SA PAHAYAGANG BULGAR

may tulaan sa Bulgar / ngayon ay nakita ko
santula'y nalathala, / magpasa kaya tayo?
O, kaysarap magbasa / pag may tula na rito
sadyang kagigiliwan, / ano sa palagay mo?

o makatang M.V. ba'y / staff ng pahayagan?
wala kasing anunsyong / magpasa ng hayagan
ano bang mawawala / kung hindi susubukan?
na bukod sa Liwayway, / Bulgar pa'y naririyan

subalit mag-ingat din, / buting magtanong muna
kung malalathala ba / ang tulang ipinasa
ano bang tulang pasok / sa kanilang panlasa
di pala malathala / tayo'y asa ng asa

ako nga'y naghahanap / ng dyaryong susulatan
kung di man maging staff / ay may mapagpasahan
kaya tulaang ito'y / akin kayang subukan
baka abang makata'y / dito dalhing tuluyan

- gregoriovbituinjr.
07.08.2024

* larawan mula sa pahayagang Bulgar, Hulyo 8, 2024, p.5

Linggo, Hulyo 7, 2024

Tipanan

TIPANAN

deyt namin ni misis dahil anib
ng aming kasal, muling nagsanib
ang aming pusong talagang tigib
ng pagmamahal sa isang liblib

na milktea-han sa pusod ng lungsod
sa tambayang wala namang bakod
animo puso ko'y hinahagod
sa deyt na itong nakalulugod

ako ang taya sa Buy 1 Take 1
na milk tea kahit mumurahin man
ang halaga nitong pinagbilhan
kami'y napuno ng kagalakan

ito'y anibersaryong kaysaya
na sentro'y pag-ibig at pag-asa

- gregoriovbituinjr.
07.07.2024

Sa anibersaryo ng kasal at ng Katipunan

SA ANIBERSARYO NG KASAL AT NG KATIPUNAN

Hulyo Pito, anim na taon nang nakararaan
nang ikatlong kasal nami'y ganapin sa simbahan
doon sa Nasugbu, sa Batangas na lalawigan
na isinabay sa pagkatatag ng Katipunan

una naming kasal ay mass wedding sa Tanay, Rizal
kung saan limampu't siyam na pares ang kinasal
habang ikalawa'y sa tribung Igorot na ritwal
sa Nasugbu rin, sa bisperas ng ikatlong kasal

isa pang kasal na balak ay kasal sa Kartilya
ng Katipunan, na sa kasalan ang plano pala
ay mass wedding ng nagsasabuhay na ng Kartilya
ito'y pangarap na dapat paghandaan talaga

nawa'y magpatuloy ang pagsasama't pagniniig
nitong dalawang pusong pinatibay ng pag-ibig
sa ngalan ng Kartilya ng Katipunan, titindig
kaming maging malaya't sa dayo'y di palulupig

- gregoriovbituinjr.
07.07.2024

* litrato mula sa mass wedding sa Tanay, Rizal, 02.14.2018