Biyernes, Marso 10, 2023

Sa pag-ugit ng kinabukasan

SA PAG-UGIT NG KINABUKASAN

mula sa pangangarap ng landas
ay inuugit natin ang bukas

kung nais kong maging manananggol
sa edukasyon ay gumugugol

kung nais ko namang maging doktor
pagsisikap ko ang siyang motor

kung nais kong medalya'y mabingwit
ay sadyang pagbubutihing pilit

kahit na nagtitimon ng bangka
anak man ako ng mangingisda

uugitin ang kinabukasan
tungong pinapangarap sa bayan

tutulungan ng mahal na nanay
at ni tatay na aking patnubay

ako ang uugit nitong buhay
at bukas ko hanggang magtagumpay

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Bunga

BUNGA

sadyang binabato ang punong namumunga
bakasakaling malaglag ito't makuha
upang may maipansalubong sa pamilya
lalo na't sila'y kakain ng sama-sama

binabato rin yaong mga mahuhusay
na sa bayan ay nakakatulong na tunay
pilit binabagsak, pababang tinatangay
subalit nagpapatuloy, di bumibigay

buti't namunga ang tinanim nang kaytagal
at nagbunga rin ang kanilang pagpapagal
ngunit pag nakita ito ng mga hangal
ay tiyak kukuhanin upang ikalakal

barya-barya ang bayad sa mga nagtanim,
naglinang, nagpalago, at nag-alaga rin
habang mura lamang sa kanilang bibilhin
ng nagnenegosyong isip ay tutubuin

iyan lang ba ang bunga ng pinagpaguran
ng mga magsasakang kaysisipag naman
nauto ng negosyanteng namumuhunan
sistema'y di makatao, bakit ba ganyan?

basta sa pera'y walang nagpapakatao
upang makapanlamang sa pagnenegosyo
dudurugin ng tuso ang karibal nito
nang sila'y manguna't makopo ang merkado

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Dahongpalay

DAHONGPALAY

"Saanmang gubat ay may ahas." ~ salawikaing Pilipino

"Kung ang isalubong sa iyong pagdating.
Ay masayang mukha’t may pakitang giliw,
Lalong pag-ingata’t kaaway na lihim,
Siyang isaisip na kakabakahin."
~ Taludtod 246 ng Florante at Laura

ngiti man yaong isalubong ni Konde Adolfo
kay Florante'y dapat siyang mag-ingat na totoo
silang magkaeskwela, na animo'y magkatoto
na kaeskwela rin ng magiting na si Menandro

may kasabihan ngang "saanmang gubat ay may ahas"
kaya dapat alisto sa tinatahak na landas
kahit sa magkatoto, minsan ay may naghuhudas
kaytagal mong kasama, ikaw pala'y idarahas

sa mga pananim gumagapang ang dahongpalay
di agad mapansin pagkat luntian din ang kulay
akala mo'y pananim ding naroroon sa uhay
nadama mong natuklaw ka pag ikaw na'y umaray

kung pinagpalit ka sa tatlumpung pirasong pilak
di siya katoto pagkat ikaw ay pinahamak
anong klaseng ninong iyan ng iyong mga anak
kung matagal na katoto'y sa likod nananaksak

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Kalikasan

KALIKASAN

huwag sirain ang kalikasan
huwag dumhan ang kapaligiran
nang bata pa't kabilin-bilinan
at tinuro pa sa paaralan

mauunawaan naman ito
dahil nasa sariling wika mo
ngunit kung wala sa puso't ulo
wala ring pakialam sa mundo

tapon na dito, tapon pa roon
basura dito, basura roon
sa ganito tao'y nagugumon
para bang sila'y mga patapon

mabuti pang maging magsasaka
na nag-aararo sa tuwina
upang may makakain ang masa
pag nag-ani ng palay at bunga

halina't damhin mo ang daigdig
ramdam mo rin ba ang kanyang pintig
sinumang manira't manligalig
sa kanya'y mausig at malupig

- gregoriovbituinjr.
03.10.2023

Huwebes, Marso 9, 2023

Dahil di sumuko si misis

DAHIL DI SUMUKO SA MISIS

salamat kay misis sa lahat ng kanyang nagawa
kung wala siya'y wala sa aking mag-aaruga
noong ako'y nagkasakit, talagang putlang-putla
noong kaytindi ng covid at maraming nawala

dalawa kong pinsan at tiya'y namatay sa covid
sambuwan lang ang pagitan, luha'y muling nangilid
nang biyenan ko't hipag ay nawala rin sa covid
ngunit si misis, inasikaso ako sa silid

di siya sumuko sa kabila ng nangyayari
pati na pagkain namin, siya ang umintindi
samantalang ako'y may covid, parang walang silbi
nasa silid, walang labasan, doon nakapirmi

makalipas ang isang buwan, ako'y nagpahangin
di lumalayo, sa labas lang ng tahanan namin
habang si misis ang nag-aasikaso sa amin
pati na sa nagkasakit ding dalawang pamangkin

maraming salamat kay misis, di siya sumuko
at unti-unting lumakas, di kami iginupo
ng covid na yaong kayrami nang taong sinundo
salamat kay misis at buhay nami'y di naglaho

- gregoriovbituinjr.
03.09.2023

Pagpapatuloy

PAGPAPATULOY

patuloy akong magsusulat ng mula sa puso
tulad ng panghaharana sa diwata't kasuyo
upang maisatitik, malimbag, nang di maglaho
animo'y di napapagod, pagkatha'y walang hinto

patuloy akong kakatha nang may ngiti sa labi
habang pinupuna ang gawa ng imbi't tiwali
bakasakaling makatulong sa bayan kong sawi
dahil sa kawalang hustisya't tusong naghahari

patuloy kong tutulain ang mga kabaliwan
ng sistemang mapagsamantala sa mamamayan
sa mga taludtod at saknong ay ilalarawan
ang kalagayan, ang kasawian, ang karukhaan

halina't tumuloy sa daigdig ko't guniguni
at makinig sa marami kong kwento't sinasabi
anang awit, totoy, ingat ka't huwag magpagabi
baka wala nang masakyang dyip, taksi, o L.R.T.

kahit tumanda na'y patuloy akong magsusulat
ng tula, kwento't sanaysay upang makapagmulat
nais kong akdain ang nobelang nadadalumat
na sana'y magawa habang araw pa'y sumisikat

- gregoriovbituinjr.
03.09.2023

Miyerkules, Marso 8, 2023

Pagpupugay sa kababaihan

PAGPUPUGAY SA KABABAIHAN

ano nga bang ugat ng inyong kaapihan
gayong di kayo dapat api sa lipunan
pagkat kalahati kayo ng daigdigan
at kami'y mula sa inyong sinapupunan

api ba dahil sa sistemang patriyarkal?
dahil ba nanalasa'y sistemang kapital?
ah, bakit, gayong mundo'y inyong iniluwal
kayo ang aming ina, inang mapagmahal

ilaw ng tahanan ay di dapat mapundi
dahil lalaban din kayo pag naaapi
kayo ang nag-alaga sa aming paglaki
dahil sa inyo, lagay namin ay bumuti

ating itayo ang lipunang makatao
na walang mahirap at mayaman sa mundo
kung saan ang bawat isa'y nirerespeto
at walang pagsasamantala sa kapwa mo

katawang biyolohikal ma'y magkaiba
ay di rason upang kayo'y masamantala
baguhin na natin ang bulok na sistema
nang makamit din ang panlipunang hustisya

- gregoriovbituinjr.
03.08.2023

Martes, Marso 7, 2023

Alasuwas

ALASUWAS

nararamdaman na natin ang alasuwas
pagkat panahon ay di na maaliwalas
pabago-bago ang klima, di na parehas
ng dati, ramdam mo talagang nababanas

pinapawisan nga tayo sa sobrang init
ngunit grabe ang pawis, tayo'y nanlalagkit
tapos ay biglang uulan ng anong lupit
baha na sa lansangan ay biglang iinit

di ka makatulog pagkat klima na'y grabe
lalo't nadama ang alasuwas kagabi
sa nagbabagong klima'y ating masasabi
dapat manawagan ng climate emergency

pagkat di na karaniwan ang ganyang klima
biglang iinit, biglang uulan, ano na?
tayong naririto'y may magagawa pa ba?
klima'y nangangailangan din ng hustisya

coal at fossil fuel ang sanhing lumilitaw
kaya climate emergency na'y lumilinaw
di sapat ang sumigaw ng "Climate Justice Now!"
dapat na tayong magkaisa't magsigalaw

- gregoriovbituinjr.
03.07.2023

alasuwas - (1) napakainit na panahon; (2) bagay na maalinsangan, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 30

Paano binibilang ang araw sa nakatakdang petsa?

PAANO BINIBILANG ANG ARAW SA NAKATAKDANG PETSA?
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Siyam na araw ang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam, mula Pebrero 15-23, 2023. Iyan ang nakasulat sa mga press release at tarpouline.

Sumama ako sa mahabang lakad na iyon mula General Nakar hanggang Malacañang, hanggang mag-uwian mula sa tinuluyan sa Paco noong Pebrero 24. Nang nasa tinuluyang covered court na kami sa Antipolo, nakita kong may inilabas ang ilang support group na tarpouline hinggil sa nasabing alay-lakad na ang petsa ay Pebrero 15-24, 2023. Marahil, tulad ko, ay may magtatanong, bakit iba ang petsa nila?

May ilang sumagi sa aking isipan. Baka dahil siyam na araw ang lakad na nagsimula ng Pebrero 15, idinagdag nila sa petsa 15 ang numero nuwebe, kaya 15 + 9 = 24. Kaya akala nila at pinagawa sa tarp ay Pebrero 15-24, 2023. Lumalabas na sampung araw ang lakaran.

Marahil naisip nilang di pa naman tapos sa Pebrero 23 ang Alay-Lakad dahil tumuloy pa kami sa Paco Catholic School hanggang Pebrero 24, na petsa naman na kami'y nag-uwian. Kaya nga may Welcome na nakasulat. Gayunman, maraming salamat sa kanilang pagsuporta sa laban ng mga katutubo.

Gayunman, pag binilang talaga natin, hindi nila isinama ang petsa 15 sa bilang kung siyam na araw talaga. Datapwat kung isinama nila ang petsa 15 sa siyam na araw, na ang 15 ang unang araw, papatak na 23 ang ikasiyam na araw. Subukan mo, bilangin mo sa daliri. (1) Feb 15; (2) Feb 16; (3) Feb 17; (4) Feb 18; (5) Feb 19; (6) Feb 20; (7) Feb 21; (8) Feb 22; (9) Feb 23; at pangsampung araw ang Feb 24.

Hindi ko isinulat ang sanaysay na ito upang manlibak o mamuna ng pagkakamali, kundi makagawa ng pormula sa matematika pag nakasalubong muli natin ang ganitong pangyayari.

Napaisip ako. Anong pormula sa matematika upang sa bilang ay naisasama nila ang unang araw, at hindi basta mina-maynus lang o ina-add lang ang bilang ng araw sa petsa? Tulad ng petsa 15 plus siyam na araw kaya naging 24. Na pag binilang mo sa daliri, mali. Dahil sa pormulang iyon ay hindi nila isinama ang unang araw. Paano kung mahabang lakaran na tulad ng sinamahan ko noong Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban mula Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014? Ilang araw talaga iyon?

Balikan natin ang ating paksa:
Petsa 15 + 9 na araw = Petsa 24
Petsa 24 - 9 na araw = Petsa 15.

Sa pagtingin ko, pag nagbibilang ng araw sa isang nakatakdang bilang ng petsa, dapat ay ganito ang pormula:

Given:
A = petsa ng unang araw
B = bilang kung ilang araw 
C = petsa ng huling araw

Formula 1:
A + (B - 1) = C

Feb 15 + (9 - 1) = C
Feb 15 + 8 = C
Feb 15 + 8 = Feb 23

Iyung minus 1 ay upang maisama ang unang araw. Kaya maaaring ganito rin ang formula.

Formula 2:
(A - 1) + B = C

(Feb 15 - 1) + 9 = C
Feb 14 + 9 = C
Feb 14 + 9 = Feb 23

Subukan naman natin ang pormulang ito sa siyam na araw na Lakad Laban sa Laiban Dam noong Nobyembre 4-12, 2009 na nilahukan ko rin noon.

Given:
A = petsa ng unang araw
B = bilang kung ilang araw 
C = petsa ng huling araw

Formula 1:
A + (B - 1) = C

Nov 4 + (9 - 1) = C
Nov 4 + 8 = C
Nov 4 + 8 = Nov 12

Formula 2:
(A - 1) + B = C

(Nov 4 - 1) + 9 = C
Nov 3 + 9 = C
Nov 3 + 9 = Nov 12

Paano naman pag ginamit ang pormulang iyan sa Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban noong Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014? Una, dahil dalawang magkaibang buwan ang nabanggit, paghiwalayin muna natin.

Formula 3: para sa Oktubre
(C - A) + 1 = B
(Okt 31 - Okt 2) + 1 = B
(31 - 2) + 1 = B
29 + 1 = 30 days

Formula 3: para sa Nobyembre
(C - A) + 1 = B
(Nov 8 - Nov 1) + 1 = B
(8 - 1) + 1 = B
7 + 1 = 8

30 days + 8 days = 38 days

Kaya 38 days ang nilakad naming Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban. Ang Nobyembre 8, 2014 ang unang anibersaryo ng superbagyong Yolanda.

Maraming salamat sa munting pagkakamaling iyon na nabanggit sa unahan ng sanaysay na ito, at nakaisip ako ng pormula na maaari ring pagnilayan ng iba. At nagawan ko pa ito ng tula.

HUWAG KALIMUTAN ANG UNANG ARAW SA BILANG

pagkakamali sa petsa'y napagnilayan
at nakagawa ng pormula sa sipnayan
o matematika kaya puso'y gumaan
at nagamit pa ang mga napag-aralan

mabuti't napuna ko ang pagkakamali
pinagnilayan ito't maiging sinuri
gamit ang sugkisan sa paglilimi-limi
pormula'y nagawa upang di magkamali

ang unang araw ay di dapat malimutan
tandaang laging kasama iyon sa bilang
bilangin man ng daliri'y nagtutugmaan
buti't nagawa'y pormula o panuntunan

nagawang pormula'y ambag na sa pagsulong
ng sipnayan, at nawa ito'y makatulong

sipnayan - matematika
sugkisan - geometry

Nabuo ko rin

NABUO KO RIN

nabuo rin ang palaisipan
na kanina'y aking sinagutan
isa ito sa aking libangan
na talagang kinagigiliwan

nasasanay ka na sa salita
bokabularyo pa'y nahahasa
nababatid pa'y bagong kataga
na magagamit din sa pagtula

at dito pa'y itinataguyod
sariling wikang nakalulugod
nagagamit sa pananaludtod
ng makatang wala namang sahod

masaya talagang makabuo
lalo't may salitang nahahango
ang libangang nakararahuyo
sana'y patuloy at di maglaho

- gregoriovbituinjr.
03.07.2023

Nakatitig sa lupa

NAKATITIG SA LUPA

nakatitig sa lupa
naglalabas ng luha
nagtatanggal ng muta
gumagana ang diwa

patuloy lang sa gawa
kahit na walang-wala
kamoteng inilaga
ang inagahang sadya

may naglalarong pusa
may asong nakawala
may batang gumagala
may nagwawalang siga

natapos na ang digma
sa isip ng makata
at ngayon naghahanda
sa parating na sigwa

- gregoriovbituinjr.
03.07.2023

Lunes, Marso 6, 2023

Salilig

SALILIG

paano kung utol ko ang biktimang si Salilig?
ang poot sa loob ko'y paano isasatinig?
paano kung ako ang kanyang amang naligalig?
na namatay siya sa hazing, sinong mauusig?

di ba't hinggil sa kapatiran iyang fraternity?
namatay o pinatay? nakakapanggalaiti!
pinalo sa inisasyon, likod ng hita'y gulpi?
di na kinaya, namatay, ito ba'y aksidente?

dalawang araw lang ang tanda ko sa frat na iyon
tulad ng mapagpalayang grupong kaedad ngayon
ang kapatiran ay pagiging kapatid mo roon
kaysakit kung utol o anak ko'y namatay doon

tiyak pamilya ni Salilig ay di mapalagay
nang ang biktima'y di umuwi sa kanilang bahay
sana'y magkaroon ng katarungan ang namatay
at makakuha ng saksi't ebidensyang matibay

"Itigil ang karahasan dulot ng fraternity"
na sa editoryal ng isang dyaryo'y sinasabi
may batas na laban sa hazing, ito ba'y may silbi?
bangkay pa'y tinago, buti't may lumutang na saksi

- gregoriovbituinjr.
03.02.2023

* litrato mula sa editoryal ng pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 5, 2023, p. 4

Agab

AGAB

agab pala'y ibang katawagan sa mga swapang,
tuso't mapagsamantalang nais lang magpayaman
na ginagamit ay ilegal na pamamaraan

anong tawag pag legal namang nagsasamantala?
nandyang ayaw iregular ang manggagawa nila!
pagsasamantala'y naging legal na sa pabrika?

mula sa pawis ng iba'y nagpayaman ang agab
kakainin na ng dukha'y kanilang sinusunggab
tila di na mabusog, patuloy lang sa pagngasab

sila kaya'y biktima rin nitong sistemang bulok?
kaya nagsasamantala ang mga trapo't hayok?
nagpapayaman nang sila'y di na maging dayukdok?

sa ganyang mga tao'y anong dapat nating gawin?
mga kontrabida silang dapat nating kalusin!
walang puso't banta pa sa buhay at bukas natin!

- gregoriovbituinjr.
03.06.2023

agab (salitang Ilokano): pagpapayaman sa pamamagitan ng ilegal na pamamaraan,  mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 16

Linggo, Marso 5, 2023

Sa paglalakad


SA PAGLALAKAD

patuloy ang paglalakad ko't paglalakbay
di upang hanapin ang pagyaman sa buhay
sayang ang buhay ko kung iyan lang ang pakay
habang iba'y nagugutom at namamatay

kung sakaling sa lakbayin ay mapatigil
di dahil nagsawa na kayâ napahimpil
may dapat nang gawin laban sa mga sutil
na sa laksang mamamayan ay naniniil

saanmang wala ang panlipunang hustisya
asahan mong nandyan kami't nakikibaka
upang kalabanin ang mga palamara,
kuhila, mapangmata't mapagsamantala

lalo't winawasak nila ang kalikasan
sa ngalan ng tubo, luho, at kaunlaran
kung sinisira ang bundok at kagubatan
ng mga korporasyong tuso at gahaman

wasto lamang bakahin ang mapang-abuso
na pera't tutubuin lang ang nasa ulo
binabalewala ang katutubo't mundo
walang pakiramdam, di nagpapakatao

- gregoriovbituinjr.
03.05.2023

Bukas

BUKAS

kinabukasan ang tinatanim
nang balang araw ay may makain
upang mawala ang paninimdim
upang buhay ay mapaunlad din

isang kaunlarang di wawasak
sa kalikasan, bayan, pinitak
sa ating kapwa'y di nanghahamak
ginagawa'y kung ano ang tumpak

pagpapakatao ang palasak
nakatira man sa abang amak
kahit may sugat na nagnanaknak
nakikipagkapwang buong galak

paghandaan ang bukas ng anak
huwag unahin ang yosi't laklak
magtanim, mag-ipon at mag-imbak
nasa lungsod man, bukid o lambak

pangarap ay sistemang parehas
pagkakapantay ang nilalandas
nabubuhay sa lipunang patas
patungo sa maginhawang bukas

- gregoriovbituinjr.
03.05.2023

Idolo

IDOLO

isa siya sa aking idolo
sa pagsusulat ng tula't kwento
na sa pagkatha'y talagang henyo
sa pagpanday ng akda'y ehemplo

nagpasimula ng horror writing
pasimuno ng detective writing
sikat ang kanyang tulang The Raven
kwentong The Black Cat niya'y kaygaling

sinalin ang ilan niyang akda
upang mabasa ng ating madla
kung anong kanyang nasasadiwa
bilang mahusay na mangangatha

O, Edgar Allan Poe, mabuhay ka
lalo na't akda mo'y kaygaganda
pagsusulat mo'y parang pagpinta
paglalarawan mo'y binabasa

- gregoriovbituinjr.
03.05.2023

Sabado, Marso 4, 2023

Kay-agang lumitaw ng buwan

KAY-AGANG LUMITAW NG BUWAN

maaga pa lamang ay lumitaw na yaong buwan
tila nagsasabing ngayon ay di muna uulan
ikalima't kalahati ng hapon nang makunan
nitong selpon habang iba ang pinagninilayan

wala pang natanaw na bituin sa himpapawid
lalo na't maliwanag pa itong buong paligid
ang aking diwata kaya'y anong mensaheng hatid
habang naritong nakapiit pa sa aking silid

- gregoriovbituinjr.
03.04.2023

Nakalilibang na palaisipang aritmetik

NAKALILIBANG NA PALAISIPANG ARITMETIK
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Maliban sa dalawang Tagalog krosword, sudoku at hanap-salita, isa sa kinagigiliwan ko at unang sinasagutan sa pahayagang Pang-Masa ay ang palaisipang Aritmetik kaya lagi akong bumibili nito. Hindi mo na kailangan ng calculator lalo't unawa mo at sinunod lang ang panuntunan o instruction paano sagutin ito:

1. Isulat ang product sa unang box. 2. Ano ang factors ng product sa itaas ng kahon? Ito rin ay dapat sum o total ng box sa ibaba. 3. Isulat ang sum o total sa huling box.

Nais ko pang i-edit ito sa ganito: Isulat ang dalawang numero sa dalawang gitnang kahon na tutugma bilang product sa itaas na box, at tutugma rin bilang sum o total nito sa ikaapat o nasa ilalim na box.

Sa tatlong magkakaparehong litratong naririto, na una'y wala pang sagot, ang ikalawa'y sinagutan ko muna ang mga madadali, at ikatlo'y buo na ang walong palaisipan.

Ang una, ikatlo, ikaanim at ikawalo ang anyong talagang pag-iisipan mo. Dahil madali lang sagutan ang iba pa, basta nariyan na ang isang numero o integer sa dalawang gitnang kahon. Magdi-divide ka lang, o magsu-subtract ka lang ay kuha mo na ang sagot.

Subalit paano mo sasagutan kung ang given ay ang product at sum. Pag-iisipan mo talaga ang dalawang numero o integer o factor. Diyan ako nagtatagal dahil kailangang magtugma ang integer ng product at sum. At iyan ang mas kinagigiliwan kong sagutan dahil talagang hinahanap mo ang sagot.

Halimbawa, kung ang product ay 20 at ang sum ay 9, tiyak na ang dalawang integer ay 4 at 5. (4 x 5 = 20; 4 + 5 = 9). Paano pag malalaking numero na? Diyan ka talaga hahawak ng bolpen at papel kung di mo makuha sa isip lang.

Tingnan natin ang product na 304 at sum na 46. Marahil 6 ang isang integer kung iisiping i-round-off ang 304 at 46 sa 300 at 50. Kaya random thought. 45 x 6 = 270, 46 x 6 = 276; 45 x 7 = 315. Mukhang mahirap ang ganitong random thought. Matagal.

Buti pa, factoring muna ng 304. 304 / 2 = 152; 152 / 2 = 76; 76 / 2 = 38. Kaya masusuri natin, 38 x 2 x 2 x 2 = 38 x 8 = 304. Kaya ang dalawang integer ay 38 at 8. I-tsek natin. 38 + 8 = 46; 38 x 8 = 304.

Sa product naman na 427 at sum na 68. I-factoring muna natin ang 427. 4 + 2 + 7 = 13, hindi divisible by 3. Subukan natin kung divisible by 7. 427 / 7 = 61. Ayos, nakuha. Next, 61 + 7 = 68. Ayos. Kaya ang dalawang integer sa product na 427 at sum na 68 ay 61 at 7.

Sagutin naman natin ang product na 105 at sum na 22. Kita mo agad na divicible by 5 ang 105. 105 / 5 = 21. Subalit ang 5 + 21 = 26. Kaya hindi 21 at 5 ang sagot. Ang factor pa ng 105 ay 5 x 3 x 7. Kung hindi 5 x (3 x 7) o 5 x 21 ang sagot, subukan natin ang (5 x 3) x 7 o 15 x 7 = 105. Ayos, nasapul muli natin. Dahil angh 15 + 7 ay 22. Kaya ang dalawang integer sa product na 105 at sum na 22 ay 15 at 7.

Ang pangwalong puzzle naman ang sagutan natin, na may product na 231 at sum na 80. Ang 80 x 3 = 240, ilang numero na lang at malapit na sa 231. Kaya nag-random thought muli tayo. Dahil divicible sa 3 ang 231 (2 + 3 + 1 = 6), dinibayd muna natin ang 231 sa 3. 231 / 3 = 77. Ayos na naman. Dahil 77 + 3 = 80. Kaya ang sagot na dalawang integer ay 77 at 3.

Kaya sa ayos na given ang product at sum ay talagang mapapaisip ka. Kumbaga, challenging. Kaysa given ang isang factor, na madali mo nang masasagot. I-divide lang at i-subtract, masasagot mo na.

Hanggang ngayon, bukod sa logic puzzle na gumagamit ng numero na sudoku, na maaari ring palitan ng letra, mas nakakatuwang libangan ang Aritmetik sa pahayagang Pang-Masa. Maraming salamat sa lumilikha ng puzzle na ito. Pinag-iisip ka man ay talagang nakalilibang.

PALAISIPANG ARITMETIK

nakalulugod ang palaisipang Aritmetik
sa pahayagang Pang-Masa, sadyang nakasasabik
sa kasiyahan nitong handog ay namumutiktik
sa ganitong puzzle nalululong at naaadik

nag-B.S. Math kasi ako noon sa kolehiyo
pagkat kinagigiliwan ko ang mga numero
sinasagutan pa ang aklat at app ng sudoku
ngayon pa'y natagpuan ang Aritmetik sa dyaryo

dahil dito'y nagbabalik ang mga karanasan
minsan, tinutula'y matematika o  sipnayan,
o sangay nito katulad ng bilnuran, sugkisan,
palatangkasan, palautatan, at tatsihaan

salamat sa ganitong palaisipan o tikmo
may pinaglilibangang sadyang nakararahuyo
inaaral muli ang sipnayan ng buong puso
baka balang araw, paksang ito'y maituturo

* Kahulugan ng ilang salita:
sipnayan - mathematics
bilnuran – arithmetic
sukgisan – geometry
palatangkasan – set algebra
palautatan – statistics
tatsihaan – trigonometry

Bayas

BAYAS

bukambibig sa midya ang "walang kinikilingan"
walang pinoprotektahan, serbisyong totoo lang
ibig nilang sabihin, "bias" sa katotohanan
datapwat walang "bias" at walang pinapanigan

iba naman ang "bayas" na salitang Cordillera
sa Igorot ay alak na basi at kasalan pa
sa Bontok, ito'y dawak o sa kasalan ay pista
ang "bias" ng Ingles ay sintunog nito't karima

nasa Tagaytay ako'y nakita ang kalye Bayas
nang ang Daila Farm hanggang Olivares ay nilandas
ngalan ng kalye'y nilitratuhan ko't mababakas
sa aking mukha ang kasiyahang maaliwalas

bakit kaya "Bayas" ang ngalan ng nasabing kalye
hapon iyon, walang mapagtanungan, di na bale
nagsaliksik ako, at ang tangi kong masasabi
baka may kasalan lagi doon, alak ay basi

ngunit ito'y di sa Cordillera, nasa Tagaytay
baka di salitang Tagalog, sinong magsasaysay?
baka may mga Igorot pa ngang dito nabuhay
madalas ditong may kasal, basi ang tinatagay

- gregoriovbituinjr.
03.04.2023

bayas (Igorot) - 1. basi, 2. kasalan, 3. (Bontok) dawak, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino (UPDF), p. 156
* dawak (Bontok) - pista ng kasal, p. 269
* litratong kuha ng makatang gala sa Lungsod ng Tagaytay

Biyernes, Marso 3, 2023

Pagbati para sa Marso Otso

PAGBATI PARA SA MARSO OTSO

mabuhay kayo, O, mga kababaihan
kayong kalahati ng ating daigdigan
na pinagmulan ay inyong sinapupunan
taospusong pagpupugay sa inyong tanan

sa pandaigdigang araw ninyong daratal
kinikilala'y ang kamay ninyong nagpagal
at umugit ng bukas at dapat itanghal
ang Marso Otso'y araw na sadyang espesyal

muli, sa inyo'y taaskamaong pagbati
kayong pinanggalingan ng buhay na iwi
nawa'y makamit ninyo ang lipunang mithi
na walang nagsasamantala't naghahari

- gregoriovbituinjr.
03.03.2023