Martes, Disyembre 13, 2022

Kinayod

KINAYOD

sinangag sa kawali'y kinayod
kamay man ay nangalay, napagod
ngunit sa agahan ay malugod
para bang hinahaplos ang likod

iyon ang ulam ko sa agahan
kaning bahaw ay pinainitan
isinangag, anong sarap naman
ng agahang may pagmamahalan

malamig na bahaw man ang kanin
bilin ni misis, huwag sayangin
ito nama'y makabubusog din
upang tiyan ay di hinahangin

kinayod ko ang natirang tutong
sa puso'y saya ang ibinulong

- gregoriovbituinjr.
12.13.2022

Lunes, Disyembre 12, 2022

Habambuhay na mithi

HABAMBUHAY NA MITHI

di magmamaliw ang habambuhay na mithi
upang mapawi ang pribadong pag-aari
na pang-aapi't pagsasamantala'y sanhi
kahit karapatang pantao'y napalungi

dapat bawiin ang dignidad ng paggawa
sa kapitalismo'y huwag nang magparaya
dapat walang pribadong pag-aari, wala
nang walang ganid sa salapi, dusa't luha

dapat walang pag-aari, walang gahaman
at nang-aapi dahil sa kanilang yaman
dapat igalang ang pantaong karapatan
ng lahat, kahit dukha, di ng iilan lang

dapat ay walang nagmamay-ari ng lupa,
o gamit sa produksyon sa anumang bansa
dapat lang pamahalaan ito ng tama
upang walang nagsasamantalang kuhila

ah, darating din ang panahong mapapawi
iyang lahat ng pribadong pagmamay-ari
kung obrero'y magkakaisa bilang uri
upang itayo ang lipunang minimithi

- gregoriovbituinjr.
12.12.2022

Sa estatwa ni Balagtas

SA ESTATWA NI BALAGTAS

sa estatwa ng makatang Kiko
Balagtas ay minsang napadako
saya'y naramdaman ko sa puso
laksa man yaring dusa't siphayo

anong layo ng pinanggalingan
mabuti't doon ay napadaan
pagkakataon na'y di sinayang
kaya kami'y agad nagkodakan

may-akda ng Florante at Laura,
walang kamatayang niyang obra
awtor ng Orozman at Zafira,
La India Elegante't iba pa

pagkakataong di pinalampas
nang magawi sa bayang Balagtas
tila rebulto niya'y nagbasbas
nang luha sa pisngi ko'y naglandas

- gregoriovbituinjr.
12.12.2022

Sabado, Disyembre 10, 2022

Prinsipyo

PRINSIPYO

tangan ko sa puso'y adhika
niring hukbong mapagpalaya
silang kamay na pinagpala
silang nagpaunlad ng bansa
sila ang uring manggagawa

matagal na silang siphayo
magkaisa na silang lalo
nang kapitalismo'y masugpo
sistemang bulok ay igupo
nang lipunan nila'y itayo

makamanggagawang lipunan
may paggalang sa karapatan
sistemang wala nang gahaman
at kamtin ng api ang asam
nilang hustisyang panlipunan

tangan sa puso ang prinsipyo
na makadalita't obrero
na pinapangakong totoo
mula dibdib, tiyan, at ulo
ito'y tangan ko hanggang dulo

- gregoriovbituinjr.
12.10.2022

Nais na regalo

NAIS NA REGALO

kung nag-iisip ka ng regalo sa akin
isang aklat lang ang ibigay mo sa Pasko
ang Voice from the Underworld ni Maningning Miclat
ang On Writing ng horror writer Stephen King
pati Bagong Diksiyonaryong Filipino

ang aklat ng mga kaibigang makata
ang libro nina Glen Sales, Jason Chancoco,
Joel Costa Malabanan, Danilo Diaz
at iba pang makatang may sariling libro
suportahan ang aklat ng kapwa makata

aklat ng kasaysayan ng Kamalaysayan
aklat ng sanaysay ng awtor na batikan
daghang salamat, sapat na sa akin iyan
wala nang ibang regalo kundi aklat lang
iyan ang sa akin na'y puspos kasiyahan

- gregoriovbituinjr.
12.10.2022

Biyernes, Disyembre 9, 2022

Ang piyon sa ahedres

ANG PIYON SA AHEDRES

piyon daw ang pinakamahina
ngunit pinakamaraming sadya
mahina man, mahalagang pawa
sa labanan, talagang kasangga

matindi ang tungkulin ng piyon
sa hanay, ang depensahan niyon
ang King, Queen, Bishop, Horse, at Rook doon
yaong kanyang natatanging misyon

kung makakarating pa sa dulo
kahit maraming balakid ito
maaaring tumaas ang ranggo
maging Queen, Bishop, Horse, o Rook ito

tulad din sa buhay ang ahedres
sa hirap man laging nagtitiis
uunlad din, di ka na tatangis
bulsa mo'y di lalaging manipis

- gregoriovbituinjr.
12.09.2022

Huwebes, Disyembre 8, 2022

Libag

LIBAG

alahas mo man ay libag
dahil obrerong kaysipag
kung magtrabaho'y matatag
maghapon man o magdamag

naglilipak na ang kamay
sa bawat trabahong taglay
sa sahod mang ibinigay
ay sadyang di mapalagay

sa pawis ay natuyuan
at pag-uwi ng tahanan
nanlalagkit na katawan
ay kanyang paliliguan

upang libag ay maalis
at katawan ay luminis
ang libag pag kinilatis
ay nahubad na't umimpis

- gregoriovbituinjr.
12.08.2022

Repleksyon

REPLEKSYON

alam mong di siya  nakalutang sa hangin
tubig lang sa sahig ay nagtila salamin
repleksyon lang iyon, pag iyong susuriin
aba'y walang multo, tiyak mong sasabihin

pagmasdan mo, nakatingkayad lang ang tao
nakatungtong sa sahig matapos ang bagyo
marahil isa iyong matinding delubyo
na sa isang probinsya o lungsod lumumpo

- gregoriovbituinjr.
12.08.2022

* litrato mula sa google

Walis at pansuro

WALIS AT PANSURO

dapat may walis ka at pansuro
sa inyong tahanan nakatago
pag may agiw, dumi o siphayo
ay walisin mo ng buong pagsuyo

mga naglipanang karumihan
sa isip o sa kapaligiran
ilagay sa pansuro o dustpan
nang kalooban din ay gumaan

kapag may nabasag na salamin
o may gabok na dala ng hangin
kalat sa sahig ay wawalisin
dumi'y sa pansuro titipunin

sa tahanan nga'y tungkulin ko na
at gawain din sa opisina
maging pagwawalis sa kalsada
dahil may walis at pansuro ka

sa layak ay di masasalabid
mga paa mo'y di mapapatid
pagkat anong linis ng paligid
kapayapaan sa puso'y hatid

- gregoriovbituinjr.
12.08.2022

Binabasa ko ang maikling kwentong "Mga Tinig sa Dilim" ni Rosario De Guzman-Lingat sa kanyang aklat na "Si Juan: Beterano at iba pang kwento", pahina 85-99, nang mapuna ko ang isang salita, na sa tingin ko'y lumang Tagalog sa dustpan. 

Karaniwan kasi nating alam sa dustpan ay pandakot, subalit may iba pa pala. Ang pandakot kasi ay hindi lang dustpan kundi maaaring pala na pandakot ng buhangin. Mukhang eksakto ang pansurò para sa dustpan upang hindi maipagkamali sa pala.

Basahin natin ang dalawang talata na binabanggit ang pansurò sa pahina 86 ng nasabing aklat:

(1) May dala nang walis at pansurò ang babae nang magbalik. Maingat na tinipon ang durog na salamin, winalis sa pansurò. "Kumusta nga pala ang pinsan ninyo, Itay? Dumalaw kayo kangina, di ba?"

(2) Nailagay na ng babae ang lahat ng salaming basag sa pansurò. May kunot ng pag-aalala sa kanyang noo nang humarap sa kausap. "Bakit hindi pa ipasok sa pagamutan ng mga baliw? Higit siyang matutulungan doon."

Sining

SINING

nakapinta sa upuang bato
ay tigreng may mukhang anong amo
katabi nito'y lawin at loro
kulay ng paligid pa'y seryoso

may mensahe pang payo sa masa:
itatatag nating sama-sama
ang luntiang lungsod na kayganda
kahit na tayo'y magkakaiba

tila nasa daigdig ng aliw
kasama ang pusong gumigiliw
sa pagsasama'y huwag bibitiw
upang pag-ibig ay di magmaliw

tingni't gumagalaw yaong sining
habang yaring diwa'y nahihimbing
ang tigreng iyon pag sumingasing
ay tandang dapat ka nang gumising

- gregoriovbituinjr.
12.08.2022

Miyerkules, Disyembre 7, 2022

Dapithapon

DAPITHAPON

talagang sumasapit ang dapithapon ng buhay
tulad ng sinaad sa mitolohiyang Griyego
mga talinghagang pag nilirip, sadyang kahusay
umaga'y apat, tanghali'y dalawa, gabi'y tatlo

mabuti't nadaanan mo ang umaga't tanghali
di gaya ng ibang tinokhang lang ng basta-basta
naabot man natin ang dapithapon kung sakali
tayo ba'y may ambag sa mundo't nagawa talaga?

kayraming bayaning namatay noong kabataan
di man lang nabuhay ng edad higit apatnapu
ngunit buong buhay na'y inambag para sa bayan
tayo ba'y may nagawa't aabot pa ng walumpu?

bukangliwayway, tanghaling tapat, at dapithapon
madaling araw, tirik ang araw, at takipsilim
ngayon ay masigla pa't patuloy sa mga hamon
hanggang sa pumikit na upang yakapin ang dilim

- gregoriovbituinjr.
12.07.2022

Butas

BUTAS

may butas sa bangketa
ang kanilang nakita
nilagyan ng basura
ah, ginawa'y tama ba?

basta butas ay lagyan?
at gawing basurahan?
kawawang kalikasan?
budhi nila'y nasaan?

may butas, parang kanal
basura ang pantapal?
ang ganito bang asal
ay anong tawag, hangal?

basta ba butas, pasak?
di ka ba naiiyak?
kalikasa'y nanganak
ng laksa-laksang layak!

- gregoriovbituinjr.
12.07.2022

Ang tingin

ANG TINGIN

ano raw alam ko sa pagiging
lider ng masa kung ako't naging
makatang wala sa toreng garing
butas ang bulsa't wala ni kusing

laging tagabitbit ng bandila
at plakard sa pagkilos ng dukha
na yaong tungkulin pa't adhika'y
mamigay ng polyeto sa madla

pag ako kasi'y kanilang tingnan
parang kolokoy na walang alam
mga suot ay pinaglumaan
at sikmura'y laging kumakalam

laging nagpapainit sa rali
nasa gitna't di man lang tumabi
na parang laging di mapakali
di naman sigang di mo makanti

nabubuhay sa sistemang pangit
na tila di makita ang langit
basahin mo ang plakard na bitbit
galit na ngunit di pa magalit

- gregoriovbituinjr.
12.07.2022

Martes, Disyembre 6, 2022

Wi-fi

WI-FI

madalas, nag-iipon akong tunay
upang may pambayad lamang sa wi-fi
di bale nang magtipid sa pagkain
mabayaran lang, di man makakain

sanlibong piso kada isang buwan
kalahating buwan ay limandaan
saan kukunin lagi'y nasa isip
upang magka-wi-fi at di mainip

ah, pangangailangan na nga ito
gayong dati'y wala pa ang ganito
ito'y kasiyahang kapara'y langit
sa tulad kong kumakathang malimit

pag walang wi-fi, di na makagawa
upang inakda'y maabot ng madla
iyan na'y buhay ng mga tulad ko
na pag nawala iyan, patay ako

- gregoriovbituinjr.
12.06.2022

Talumpati

TALUMPATI

madalas tayong makinig sa talumpati
ng ating magigiting na lider ng masa
binabanggit bakit dukha'y namimighati
bakit may nang-aapi't nagsasamantala
ipinaliliwanag pati isyu't mithi
bakit babaguhin ang bulok na sistema
salamat sa kanilang ibinabahagi
upang masa'y magkaisa't maorganisa

- gregoriovbituinjr.
12.06.2022

Lunes, Disyembre 5, 2022

Pasakit

PASAKIT

huwag ka sanang maging sakitin
baka tulad ko'y di na pansinin
tila iba na sa iyo'y tingin
makiramdam kang parang sa akin

namayat? bakit pa kumikilos?
bagamat nagkasakit ngang lubos
tila buhay ko'y kalunos-lunos
lalo na't nadarama'y hikahos

ngunit pagkilos pa ri'y matindi
laban sa kuhila't mang-aapi
animo'y parang walang nangyari
parang di nagkasakit ang pobre

patuloy ang pagmamalasakit
sa kapwa dalita't maliliit
balewala anumang pasakit
basta't masagot ang mga bakit

kaya lagi ka ring mag-iingat
nang sakit ay di dapuang sukat
pagalingin ang anumang sugat
huwag lang balantukan ang pilat

- gregoriovbituinjr.
12.05.2022

Linggo, Disyembre 4, 2022

50-50

50-50

hati tayo sa sangdaang piso
kaya tara, fifty-fifty tayo
pamasahe pauwi sa Tondo
pagod na't pahinga muna ako

fifty-fifty ay isang daan na
na pag usaping buhay na'y iba
ibig sabihin, patawirin ka
kailangan na ng ambulansya

magbakasakaling sa ospital
ay magamot ang sakit at pantal
naistrok kaya pautal-utal
sana yaring buhay pa'y magtagal

minsan, buhay ay nag-fifty-fifty 
sa di naiwasang pangyayari
may sa motor ay naaksidente
may sa di sinadyang insidente

kaya, ingat, lagi nang mag-ingat
at sa disgrasya'y huwag malingat
kayhirap na ako'y buhat-buhat
fifty-fifty'y di ko madalumat

- gregoriovbituinjr.
12.04.2022

Sabado, Disyembre 3, 2022

Top fan badge

 

TOP FAN BADGE

wow! may top fan badge pala sa sikat na babasahin
tagahanga ka ng Liwayway ang ibig sabihin
dahil sa ugnayan ninyong lagi'y kikilalanin
patunay na tagapagtaguyod ka ng magasin

taospuso pong nagpapasasalamat sa Liwayway
lalo't sagisag na iyan ng paghanga't patunay
sa mga akdang nalathala'y laging nakatunghay
nobela, komiks, libangan, kwento, tula't sanaysay

ang bawat akda'y tagos sa puso't diwang totoo
inilalarawan pa ang lipunang Pilipino
at prinsipyo ng hustisya't karapatang pantao
nagpupugay akong taasnoo't taaskamao

O, Liwayway, kung malathala sa iyong pahina
ang aking kwento o ang isa ko man lang na tula
ay tatanawin kong utang na loob sa kabila
na ako'y isang maralita, kapos, walang-wala

dahil natupad na rin ang malaon nang pangarap
kaya sa pagkatha'y patuloy akong magsisikap
kahit ito man lamang ay ikatuwa nang ganap
magasing aking inspirasyon sa ginhawa't hirap

- gregoriovbituinjr.
12.03.2022

Pagtindig sa hamon


PAGTINDIG SA HAMON

di ko sukat akalain, ako'y itanghal doon
ginawarang Ambassador Against Disinformation
at tinanggap ang gawad na tunay ngang inspirasyon
upang ituloy ang laban para sa bayan ngayon

mula sa Human Rights Online ang award na natanggap
igalang ang human rights saanman yaong pangarap
respetuhin ang karapatan sa bayang malingap
na kahit dukha'y may dignidad, di aandap-andap

sa HR Online nagpapasalamat kaming taos
simula pa lang ito ng patuloy na pagkilos
upang karapatang pantao'y ipaglabang lubos
at pagyurak sa human rights ay ganap na matapos

mag-Ambassador ay malaking responsibilidad
panghahawakan ito sa abot ng abilidad
nang patuloy na ipagtanggol ang kapwa't matupad
ang pangarap na mundong may paggalang sa dignidad

sa harap ng baku-bakong landas na tatahakin
paglaban sa halibyong o fake news na'y adhikain
mga disimpormasyon nga'y talagang babakahin
at ang katotohanan ay ipagtatanggol natin

- gregoriovbituinjr.
12.03.2022

* ang award ay natanggap sa ginanap na 12th Human Rights Pinduteros Awards, 12.02.2022

Huwebes, Disyembre 1, 2022

Kataga

KATAGA

pag may salitang biglang sumagi sa isip
o may mga katagang agad nalilirip
natitigilan sa anumang halukipkip
na gawaing animo'y walang kahulilip

minsan nga'y titigil sa pagmomotorsiklo
o kung sa dyip titigil sa pagmamaneho
upang isulat lamang sa isang kwaderno
ang sa diwa'y bumulagang sigwa't delubyo

ah, mahirap nang mabangga kung di titigil
lalo't dumaloy sa isip ay di mapigil
animo ang mga kataga'y nanggigigil
kaya sa diwa'y talagang umuukilkil

mahalaga'y maisulat bago mawala
ang mga dalisdis, kuliglig, sipa't dagta
ng nanalasang katagang di pa humupa
na tila bagyong nagsisayawan sa diwa

- gregoriovbituinjr.
12.01.2022