Miyerkules, Nobyembre 9, 2022

Tosilog

TOSILOG

nang magka-COVID ako noon, ang payo ni Ninang:
tigilan muna ang pamumuhay kong vegetarian
magkarne, dapat mayroong protina sa katawan
magkarne't magpalakas, magkalaman ang kalamnan

anong sakit man sa loob, sinunod ko ang payo
para sa kabutihan ko rin yaring tinutungo
pagiging vegetarian ay di pa rin maglalaho
lalo't prinsipyong makakalikasa'y sinapuso

kaya nang minsang magutom, umorder ng tosilog
na kombinasyon ng tosino, sinangag at itlog
o kaya naman ay tosino, sinaing at itlog
maganda raw ito sa tulad kong di naman kalog

bagamat minsan lamang magkarne, natutulala
ang madalas ay gulay at isda, nakakatula
bigas na kinanda o red rice, puspos talinghaga
lalo't kasama sa hapag ay magandang diwata

paminsan-minsan lang magkarne, vegetarian pa rin
lalo't mahal ang kilo nito, nag-budgetarian din
okra, talong, kamatis at galunggong ang bibilhin
talbos ng petsay, sili't kintsay, isapaw sa kanin

- gregoriovbituinjr.
11.09.2022

Martes, Nobyembre 8, 2022

Pulang buwan

PULANG BUWAN

Nobyembre Syete, laban sa Red Tagging ay may presscon
at anibersaryo rin ng October Revolution
Nobyembre Otso, gabi nama'y lumitaw ang Red Moon
napuna ko, pula pala ang suot kong short ngayon

mataman kong pinagmasdan ang buong kalangitan
payapa, unos ay di nagbabanta, kainaman
anong kahulugan ng Red Moon sa kinabukasan
tulad ng aking pisngi ay namumula ang buwan

di ko pa maarok ang dala niyang talinghaga
habang siya'y pinagmamasdan kong nakatingala
ah, baka dapat tayong maging listo't laging handa
sa banta ng redtagging sa nakikibakang dukha

mapulang buwan, kasabay ng eklipse o laho
kulay ng dugo, kulay na madugo, nagdurugo
ang tunay na demokrasya'y huwag sanang gumuho
at karapatan ay igalang nang buong pagsuyo

- gregoriovbituinjr.
11.08.2022    

Ang pagtutol nang walang pagkilos ay pagsang-ayon

ANG PAGTUTOL NANG WALANG PAGKILOS AY PAGSANG-AYON

"Dissent without action is consent" anang kasabihan
ah, ito'y matalim at malalim na kaisipan
batayang pangangailangan na'y nagmamahalan
tulad ng bigas, tubig, kuryenteng dapat bayaran

tutol ka sa ganito pagkat masakit sa bulsa
apektado na ang badyet mo para sa pamilya
ngunit magagawa mo bang tumutol nang mag-isa?
sa mga hirap at daing mo kaya'y pakinggan ka?

kaya may kilos-protesta na pagkilos ng tao
sa sama-samang pagkilos, may maipapanalo
kung tutol ka ngunit ayaw lumahok sa ganito
paano maisasatinig ang hinaing ninyo

tama namang magpetisyon, sama-samang isulat
sa kinauukulan ang daing ng masang lahat
di ba't sa sama-samang pagkilos kakamting sukat
upang mapababa ang presyong sa bulsa'y kaybigat

ang pagtutol nang walang pagkilos ay pagsang-ayon!
sabi ng matatanda noon magpahanggang ngayon
tutol ang kalooban, sa hirap na'y binabaon
ngunit sa sama-samang pagkilos ay di kaayon?

tumututol ngunit takot sagupain ang mali?
tila paghihirap nila'y nais mapanatili?
bakit di kumilos, kalampagin ang naghahari
sa sama-samang pagkilos makakamit ang mithi

- gregoriovbituinjr.
11.08.2022

Bungo

BUNGO

William Shakespeare at Edgar Allan Poe
dalawang makatang aking idolo
dalawang magaling sa pagkukwento
ilang tula nga nila'y sinalin ko

subalit bakit bungo ang pabalat
ng aklat nitong dalawang alamat
dahil ba sila'y nawala nang sukat
ah, anong ganda ng kanilang aklat

yaong sa libro nila'y nawiwili
mauunawa marahil ang siste
si Poe ay writer ng horror story
minsan, mambabasa'y di mapakali

si Shakespeare ay may multo sa kinatha
sa Macbeth, Hamlet, at iba pang akda
Julius Caesar, Richard III't Henry VI nga
kaya sila'y ating nauunawa

bungo ay sagisag ng kamatayan
o marahil multo ng kaapihan
na sa mga akda'y inilarawan
na noon ay binasa't naramdaman

- gregoriovbituinjr.
11.08.2022

Lunes, Nobyembre 7, 2022

Layon ng makatang tibak

LAYON NG MAKATANG TIBAK

kathang tula'y upang / bigkasin sa madla
iyan ang layon ko / pag nagmamakata
isyung panlipunan / ay ipaunawa
sa uring obrero't / kapwa maralita

ano ba ang tula / para sa kanila?
na kapag may sukat/  at tugma'y sapat na?
mensaheng hatid ba'y / unawa ng masa?
prinsipyo't ideya / niya'y malinaw ba?

magmulat ang layon / ng makatang tibak
katulad kong ayaw / gumapang sa lusak
layon kong itanim / sa lupa't pinitak:
binhi ng pag-asa / sa mga hinamak

itula ang buhay / ng dukha't obrero
pag minuni-muni'y / kayrami ng kwento
ng pakikibaka't / kanilang prinsipyo
nasa'y karapata't / hustisya sa tao

patibayin nila / ang prinsipyong tangan
umaasang kamtin / yaong katarungan
igalang ninuman / bawat karapatan
ang armas ko'y tula, / kayo'y ano naman?

- gregoriovbituinjr.
11.07.2022

Linggo, Nobyembre 6, 2022

Liwayway

LIWAYWAY

koleksyon ko ng mga huling sipi ng Liwayway
dati'y malaki, subalit pinaliit nang tunay
gayunman kaygaganda pa rin ng sinasalaysay
sarap basahing kwento, nobela, tula, sanaysay

dati, pabalat ay larawan ng mga artista
ngayon, napalitan ito ng mga ipininta
dati, animnapung pahina, ngayon, sandaan na
dati, lathala lang, ngayon, may bersyong internet pa

pinagmamalaki kong laki ako sa Liwayway
bata pa'y lagi nang bumibili nito si Tatay
bukod sa lansangan ay dito kami tumatambay
binabasa ang mga akdang napakahuhusay

ngayon ang ikasandaan nitong anibersaryo
nilathalang panitikan at kultura'y narito
sa agos ng kasaysayan ay naging saksi ito
kaytagal nang babasahin sa wikang Filipino

magasing pampamilya mula noon hanggang ngayon
nawa'y manatili kayong babasahin ng nasyon
magpatuloy pa sa ikadalawang daang taon
o ikalawang sentenaryo ay abutin iyon

nawa'y patuloy na sumikat ang bukang liwayway
na laging kasangga sa pagitan ng tuwa't lumbay
sa lahat ditong nagsusulat, mabuhay! mabuhay!
tanging alay sa inyo'y taospusong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
11.06.2022

Sabado, Nobyembre 5, 2022

Pusang itim

PUSANG ITIM

kasalanan ba ng pusa kung kulay niya'y itim?
na dala niya'y kamalasan at pawang panimdim?
kabaligtaran ng liwanag, kaya siya'y dilim?
na para sa mapamahiin, dulot niya'y lagim!

sa mga liblib na pook, siya'y kinatakutan
sa panahong nangingibabaw ang kababalaghan
sa mga akda, ang kulay niya'y pinupulutan
ramdam nila ang lagim, sila'y pinupuluputan

Kanong si Edgar Allan Poe ay may kwentong "The Black Cat"
si Theodor Geisel ay may kwentong "The Cat in the Hat"
sa Pet Sematary ni Stephen King magugulat
may grupo sa Harry Potter, alaga'y pawang black cat

sa lumang panahon, ganyang paniwala'y palasak
walang sala ang pusa kung ganyan ipinanganak
kaya di siya dahilan kung iba'y napahamak
ang maglakbay sa putikan, sa kumunoy ang bagsak

pag nakita'y pusang itim, huwag ka nang magtungo
sa balak puntahan, baka malasin ka't maglaho
"black is beautiful", ika nga sa kabilang dako
ng ating mundo, kulay itim ay kasuyo-suyo

ayon sa agham, nanggaling ang balahibong itim
sa ama't ina nito, nagmula sa kanilang gene
kung saan nabuo ang sinasabing eumelanin
kung isang gene ay may itim, may itim din na kuting

- gregoriovbituinjr.
11.05.2022

Biyernes, Nobyembre 4, 2022

Aklat ni Gary

AKLAT NI GARY

"Makibaka, Magdiwang, Magmahal", kaygandang libro
ng manganganta't makatang sa marami'y idolo
aklat ni Gary Granada, maigi't nabili ko
buti't may pera sa bulsa nang matsambahan ito

sikat niyang kanta'y nalathala dito na tula
tulad ng Bahay, Dam, Holdap, Puhunan, Manggagawa
Kung alam mo lang Violy, Rehas, Kung ika'y wala
Makibaka, Huwag Matakot!, kaygagandang akda

di lang collector's item kundi mahalagang aklat
hinggil sa hustisyang asam, karapatan ng lahat
tulang inawit, dinggin mo't may isinisiwalat
sa mga tulawit ni Gary, maraming salamat

Makibaka at kamtin ang panlipunang hustisya
pawiin ang pang-aapi at pagsasamantala
Magdiwang na bagamat dukha, tayo'y narito pa
ramdam man ay dusa't luha, patnubay ay pag-asa

Magmahal, ngunit di ng mga presyo ng bilhin
kundi punuin ng pag-ibig itong mundo natin
pakikipagkapwa tao'y layon nati't gagawin
halina't kumilos nang lipunang patas ay kamtin

- gregoriovbituinjr.
11.04.2022

Huwebes, Nobyembre 3, 2022

Anyubog

ANYUBOG

mananatili ang pag-ibig
kung may ilalaman sa bibig

mabuti pang bilhin mo'y bigas
kaysa laging kumpol ng rosas

isipin mong pag nasa dilim
liwanag ay makakamtan din

huwag mawalan ng pag-asa
lalo'y iyon lang ang meron ka

sa tingin ako'y makuha man
ay dahil ikaw ang namasdan

mga anyo'y nagkakahubog
lalo na't araw na'y lumubog

sa liwanag ay may anino
iba't ibang hugis man ito

at kung anino na'y nawala
dilim ba'y lumukob nang sadya

- gregoriovbituinjr.
11.03.2022

Miyerkules, Nobyembre 2, 2022

Maging tinig ng api

MAGING TINIG NG API

anong magagawa mo sa kanilang walang tinig
habang panaghoy at hinaing nila'y naririnig
magsawalang kibo ba't kunwa'y walang naulinig
hindi, kundi sa kanila'y makipagkabitbisig

kung di nila masabi ang kanilang dinaranas
kung di rin nila maisatinig ang pandarahas
tayo na'y magsilbing tinig nila upang malutas
ang kanilang hinaing, lipunan man ay di patas

kung magagawa para sa kanila'y magsalita
ay ihiyaw natin ng buong pagpapakumbaba
ang kanilang mga hibik at sanhi ng pagluha
ang karapatan nila'y ipaglaban nating kusa

sabi sa Kartilya, ipagtanggol ang inaapi
kasunod pa nito'y kabakahin ang umaapi
kung magiging tinig ng api, huwag maging pipi
maging boses ng maliliit, sa masa magsilbi

- gregoriovbituinjr.
11.02.2022

Martes, Nobyembre 1, 2022

Berdeng kandila

BERDENG KANDILA

berdeng kandila para sa mga namatay
nang bagyong si Paeng ay manalasang tunay
higit sandaan na raw ang nawalang buhay
kinuha ni Paeng nang ito'y manalakay

berdeng kandila sa kanila'y alay namin
bilang simbolo ng kapaligiran natin
na sa kapabayaan ay nagngingitngit din
kaya pag-usapan na ang laksang usapin

fossil fuel, natural gas, coal plants, iba pa
ay mga enerhiyang dapat itigil na
upang di na lumala pang lalo ang klima
sa renewable energy tayo'y mag-shift na

aming iniaalay ang berdeng kandila
sa alaala ng buhay na nangawala
epekto ng climate change sana'y maunawa
at palitan na ang sistemang mapanira

- gregoriovbituinjr.
11.01.2022

Pinaghalawan ng datos:
https://www.rappler.com/nation/severe-tropical-storm-paeng-death-toll-injuries-damage-missing-persons-november-1-2022/

Nobela

NOBELA

nais kong kathain ang una kong nobela
hinggil sa maraming isyu't pakikibaka
ng uring manggagawa't karaniwang masa
gagawin kong mag-isa't kaiga-igaya

ang bawat kabanata'y pakaiinitin
tulad ng tinapay na naroon sa oben 
bawat kabanata'y susulating taimtim
paksa'y pag-ibig, saya, libog, luha, lagim

pinagpapraktisan ko'y maiikling kwento
wakasan muna sa Taliba naming dyaryo
sunod, dalawang kabanata na o tatlo
at susubukang kabanata'y gawing walo

makaisang nobela lang sa buong buhay
ay may kasiyahan nang sa puso ko'y taglay
tulad ni Harper Lee, nobela'y isang tunay
sa "To Kill a Mockingbird" siya'y nagtagumpay

- gregoriovbituinjr.
11.01.2022

* litrato mula sa larong Calming Crossword na app sa socmed 

Kandila

kandila para sa mga yumaong
mahal na sa piling nati'y nawala
ngayong Undas lalo na't nagbabagyong
dulot sa nasalanta'y baha't luha

kandila para rin sa walang puntod
desaparesidong di matagpuan
kung makita sila'y ikalulugod
nawa'y kamtin nila ang katarungan

- gregoriovbituinjr.
11.01.2022

Lunes, Oktubre 31, 2022

Tanaga sa kandila

natumba ang kandilâ
at mesita'y nangitim
nangalabit nga kayâ
ang mga nasa dilim

umihip lang ang hangin
sa apoy na sumayaw
tila ba isang pain
sa gamugamong ligaw

- gbj.10.31.2022

Pagpupugay sa manggagawa

PAGPUPUGAY SA MANGGAGAWA

O, manggagawa, kayo ang dapat na pagpugayan
kayo ang lumikha ng tulay, gusali't lansangan
Kongreso, Senado, Malakanyang, at paaralan
nilikha'y lungsod, bansa, ekonomya't kaunlaran

kung walang manggagawa, tiyak walang mga lungsod
mula sa mapagpala ninyong kamay ay hinagod
ang bawat pilas ng daigdig na kinalulugod
ngunit sa sistema ng lipunan, kayo'y binukod

pagkat kayo pa ang patuloy na naghihikahos
sweldo'y di na sapat, kontraktwal pa't binubusabos
nilikha ninyo ang yaman ng mayayamang lubos
ah, kailan ba paghihirap ninyo'y matatapos

baka walang katapusan ang inyong pagpapagal
pagkat misyon ninyong mga manggagawa'y imortal:
ANG BUHAYIN ANG DAIGDIG! kaya di ang magkamal
ng salapi na nagpabundat sa mangangalakal

sa inyo, manggagawa, ang taasnoong papuri
inyong organisahin ang sarili bilang uri
upang maging malakas pang pwersa ng bawat lahi
kayo'y tunay na bayani sa bawat bansa't lipi

- gregoriovbituinjr.
10.31.2022

Linggo, Oktubre 30, 2022

Habambuhay na tungkulin

HABAMBUHAY NA TUNGKULIN

ito ang aking kinagiliwan
bisyo mula aking kabataan
magsulat para sa taumbayan
sa karapatan, sa katarungan

tumula para sa manggagawa
magsulat para sa mga bata
mag-ulat para sa maralita
magmulat para sa kapwa't dukha

mula hilig, ito'y naging layon
ang pag-akda'y niyakap nang misyon
hanggang maging tungkulin na ngayon
upang kapwa dukha'y maiahon

paglilingkod na ang pagsusulat
naging tungkulin na ang magmulat
lipuna'y dapat araling sukat
inuunawa't dinadalumat

pangyayari'y inilalarawan
sa kwento, sanaysay, panulaan,
talakayan, pagbabalitaan
almusal, tanghalian, hapunan

sa banig ng sakit man maratay
sa harap man ng punglo o hukay
ito'y tungkulin na habambuhay
oo, tungkulin hanggang mamatay

- gregoriovbituinjr.
10.30.2022

Sabado, Oktubre 29, 2022

Pilipisan

PILIPISAN

akala mo'y nirambol ang titik ng Pilipinas
para bang larong scrabble ng utak-matatalas
ngunit totoo, pilipisan ay salitang wagas
na sa ating lumang wika'y talagang mawawatas

pilipisan yaong magkabilang gilid ng noo
sa pagitan ng kilay at patilya ng buhok mo
nabanggit sa isang kwento ni Liwayway Arceo
na dakilang manunulat ng maiikling kwento

sinabing may gumuhit na ugat sa pilipisan
nang mapangiti ang ama sa anak sa usapan
salitang bihirang gamitin sa kasalukuyan
kaya bago sa pandinig at kaysarap pakinggan

sa Espanyol ay sentido, pilipisan sa atin
temple sa Ingles, sa Hiligaynon ay agigising
sa Sebwano'y agising at sa Waray ay sapiring
kimut-kimutan, malingmingan, at dungan-dungan din

dagdag na kaalaman habang nagbabasa-basa
lalo't bumabagyong sanhi ng baha sa kalsada
bahagi ng mukha'y di lamang noo, mata, tenga,
kilay, bibig, buhok, anit, baba, pilipisan pa

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022

* mula sa kwentong "Maganda ang Ninang Ko" ni Liwayway A. Arceo sa kanyang aklat na "Mga Piling Katha", pahina 41
* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 971

Magbasa ng kwento habang bumabagyo

MAGBASA NG KWENTO HABANG BUMABAGYO

kaylakas ng hangin, kaytindi ng bagyo
na ngalan ay Paeng, umaalboroto
habang giniginaw, kinuha ang libro
tinunghayan yaong maiikling kwento

samutsaring tinig na di madalumat
kung di maunawa't babasahing sukat
may kababalaghang tila nagdumilat
may totoong kwentong sa buhay ay lapat

pawang mga awtor nito'y kayhuhusay
na pawang kwentistang inidolong tunay
mga kwento'y batay sa aktwal na buhay
may katatakutang di ka mapalagay

pangalan ng isa'y si Washington Irving
Rosario De Guzman-Lingat, anong galing
kay Rabindranath Tagore, kwento'y gising
kay Liwayway Arceo'y di na humimbing

apat itong librong nasa aking tabi
habang bumabagyo't hangi'y humuhuni
sa pag-iisa man, sa lumbay sakbibi
aklat ay naritong tangi kong kakampi

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022

* nasa larawan ang mga aklat na
Mga Piling Katha - ni Liwayway A. Arceo
Si Juan Beterano at Iba Pang Kwento - ni Rosario De Guzman-Lingat
The Legend of Sleepy Hollow and Other Short Stories - ni Washington Irving
Selected Short Stories - ni Rabindranath Tagore

Anibersaryo bente nuwebe

ANIBERSARYO BENTE NUWEBE

kaming naririto'y nagpupugay ng taasnoo
sa ikadalawampu't siyam na anibersaryo
ng grupong Sanlakas na nakikibakang totoo
upang kamtin ng bayan ang lipunang makatao

dalawampu't siyam na taon ng pagkikibaka
para sa karapatan at panlipunang hustisya
para sa kalayaan ng bayan at demokrasya
para mabago't palitan ang bulok na sistema

salamat, naririyan kayo, mabuhay! Mabuhay!
kasamang nangangarap ng isang lipunang pantay
nakibaka upang kalagayan ay mapahusay
kumikilos upang tuparin ang adhika't pakay

anibersaryo bente nuwebe, napakatalas
maraming salamat, nagkatagpo ang ating landas
kapitbisig upang kamtin ang sistemang parehas
walang pagsasamantala, isang lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
10.29.2022

Biyernes, Oktubre 28, 2022

Sagipin ang kalikasan

SAGIPIN ANG KALIKASAN

may awit nga noon, "magtanim ay di biro"
mahalaga pa rin ito't di naglalaho
halina't magtanim pa rin tayo ng puno
pagkat may dala itong pag-asa't pangako

ang aking mamay nga'y may kabilin-bilinan
noong nabubuhay pa't kami'y kabataan
protektahan natin ang ating kalikasan
huwag hayaang gawin itong basurahan

huwag malito na parang bola ng pingpong
na pabalik-balik lang, parito't paroon
sa bawat hakbang, dapat tiyak ang pagsulong
at sadyang tuparin ang niyakap na layon

tulad ng kalikasang dapat maprotekta
ang mga naninira'y dapat iprotesta
tulad ng fossil fuel, coal na nanalasa
lalo na iyang kapitalistang sistema

ang buting ambag sa kalikasan ay gawin
mga iba't ibang bansa'y magpulong na rin
ang isyu ng klima't basura'y talakayin
ang buhay ng tao't ng planeta'y sagipin

- gregoriovbituinjr.
10.28.2022