Biyernes, Oktubre 7, 2022

Sibuyas

SIBUYAS

nakakaluha ang pagtatalop
pati paggagayat ng sibuyas
tila sa balikat mo'y sumubsob
ang mukha kong di maaliwalas

pinagmasdan ko ang iyong labi
at mga mata mong mapupungay
kayganda ng iyong angking ngiti
na sa puso ko'y nakabubuhay

iyang sibuyas daw ay maganda
sa katawan lalo't kalusugan
sa pagkain nati'y pampalasa
at gamot din daw sa karamdaman

huwag lang balat-sibuyas tayo
sa pakitungo natin sa madla
o maging maramdaming totoo
pag isyu'y di kaya, namumutla

ah, sibuyas, sarap mong kainin
kasama ng kamatis at bawang
sibuyas lang, ulam na sa akin
sa suliranin ko'y pumaparam

- gregoriovbituinjr.
10.07.2022

Huwebes, Oktubre 6, 2022

Bakit?

BAKIT?

bakit pinagpipitagan ang mga masalapi?
dahil ba mayaman, ugali ma'y kamuhi-muhi?
bakit ginagalang ang may maraming pag-aari?
lupa'y inagaw man sa magsasaka't aping lahi?

bakit yaong may mga salapi'y nirerespeto?
ginto't pilak na ba ang batayan ng pagkatao?
balewala magsamantala man ang donya't donyo?
ginagalang ang mapera kahit asal-demonyo?

ah, nasaan na ang pakikipagkapwa kung ganyan?
na kaya ka lang nirerespeto'y dahil sa yaman?
habang dangal ng obrero't dukha'y niyuyurakan
ang mga walang-wala'y tinuturing na basahan!

maraming nagsisipag ngunit iba'y mauutak
upang yumaman, makamit ang respeto't palakpak
kahit ang kapwa'y hayaan lang gumapang sa lusak
basta makuha lang ang tatlumpung pirasong pilak

ayoko ng ganyang lipunang mapagsamantala!
na pulos kaplastikan ang umiiral talaga
nais kong matayo'y mapagkapwa-taong sistema
lipunang makataong may panlipunang hustisya!

mabigat ang kahilingan ngunit dapat kumilos
upang mawakasan ang sistemang mapambusabos
sinasapantaha kong darating ang pagtutuos
upang pagsasamantala'y tuluyan nang matapos

- gregoriovbituinjr.
10.06.2022    

Almusal

ALMUSAL

tara, kain tayo, may sibuyas,
kamatis, at sanlatang sardinas
payak na ulam, galing sa patas
kahit madalas na bulsa'y butas

kailangang maagang gumising
dahil mahirap nang tanghaliin
at kaylayo pa ng lalandasin
upang magampanan ang tungkulin

ipagluto muna ang pamilya
mahirap magutom, kain muna
upang may lakas tayo tuwina
ang katawan, puso't isip, paa

tara, kaibigan, kain tayo
nang may lakas sa pagtatrabaho
araw-gabi'y gawaing totoo
mababa man o kulang ang sweldo

- gregoriovbituinjr.
10.06.2022

Miyerkules, Oktubre 5, 2022

Ngiti

NGITI

ay, napakaginaw ngayong gabi
wala pa siya sa aking tabi
ngayon lang nagkahiwalay kami
ng banig, anong nangyari kasi?

tumagay muna ng isang bote
ganyan ba talaga ang babae
isip ko'y anong tamang diskarte
sa pagpaparating ng mensahe

heto, hanap ko ang kanyang ngiti
kailan ko makikita muli
sana bukas ng gabi'y magawi
siya sa bartolina kong sawi

nais kong hagkan siya sa labi
sa tagay, ako na'y naglupagi
paano ba ang daan pauwi
kung ako'y lango na't humihikbi

- gregoriovbituinjr.
10.05.2022

Lumiit na ang magasing LIWAYWAY

LUMIIT NA ANG MAGASING LIWAYWAY
Munting sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ngayong 2022 ang sentenaryo o ikasandaang anibersaryo ng magasing Liwayway. May kasabihan nga ang ilang manunulat na naringgan ko, "Pag hindi ka pa nalathala sa Liwayway, hindi ka pa magaling na manunulat." May nagsabi sa aking nabasa raw nila ako sa Liwayway ngunit hindi ko iyon alam, dahil minsan lang o mga tatlong beses lang ako nagpasa, at kung nalathala man ay hindi ko nakita.

Bata pa ako'y kilala ko na ang Liwayway. Dahil laging bumibili niyon ang aking ama. Nakahiligan ko rin magbasa ng komiks na inaarkila sa kanto. Nang magbinata na ako'y ako na ang bumibili ng Liwayway. Nakadaupang palad kong minsan ang editor nitong si Reynaldo Duque, bandang 2001, nang magkaroon ng aktibidad pampanitikan ang LIRA (Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo) sa German Library sa Aurora Blvd.

Nang magka-pandemya, halos hindi na ako nakabili ng Liwayway. Hindi na rin kasi nakakalabas ng bahay. At nalaman ko na lang na nawala na ito sa pamilihan, tulad ng news stand na binibilhan ko sa tapat ng simbahan ng Quiapo, at sa National Book Store.

Kahapon, Oktubre 4, bumili muna ako ng gamot at magasing Enrich sa Mercury Drug. Matapos iyon ay nagtungo na ako sa National Book Store sa Ali Mall. Nakita ko ang dati kong kaklase sa paralegal na nagtatrabaho roon. Tinanong ko kung may Liwayway na. Wala raw dumating sa kanila, kaya pinapunta niya ako sa National Book Store sa tapat ng Gateway na may ilang palapag ang taas. Noon ay nakakaabot pa ako ng ikaapat na palapag niyon, ngunit ngayon ay hanggang ikalawang palapag na lang.

Buti at natsambahan ko ang Liwayway magasin doon, na natatakpan ng ibang magasin. Dalawang isyu ang aking nabili. Ang isa'y isyu ng Marso 16-31, 2020, dalawa't kalahating taon na ang nakararaan. Habang ang isa'y ang sariwang isyu ng Setyembre 2022, na kung hindi ka maghahalungkat ay hindi mo makikita. 

Nang makita ko ang bagong Liwayway ay lumiit na ang sukat nito. Wala akong ruler upang makita ang eksaktong sukat, kundi nilitratuhan ko na lang upang inyong makita. Ang sukat ng Liwayway ngayon ay halos malaki lang ng kaunti sa pinagsusulatan kong Taliba ng Maralita, ang opisyal na pahayagan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). May sukat ang Taliba na kalahating short bond paper o 5.5 x 8.5 inches.

Lumiit ang sukat subalit maraming laman pa rin. Kaysarap muling magbasa ng Liwayway. Subalit kung dati ay P40 lang ang malaking Liwayway, ngayong lumiit na ito'y mabibili na sa halagang isandaang piso (P100).

Lumiit man ang Liwayway ay nakakatuwang ito'y nagpapatuloy. Lalo na ngayong taon na sentenaryo nito. Pagpupugay sa lahat ng bumubuo ng Liwayway, pati na ang lahat ng mga naging manunulat, makata, at nobelistang nalathala rito. Pagpupugay rin sa aking mga kaibigan at kakilalang nalathala sa magasing Liwayway! Mabuhay kayo, mga kapatid sa panulat!

Pagpupugay sa ikasandaang taon ng magasing Liwayway!

Aklatan

AKLATAN

nabubuhay ako sa aklatan
ang daigdig kong kinamulatan
na punong-puno ng kasaysayan
panitikan yaring kinagisnan

butihing ina'y una kong guro
na marami sa aking tinuro
at nilakbay ko'y maraming dako
pati lungsod ng digma at guho

binasa'y sanaysay, kwento't tula
pati sulatin ng matatanda
binasa'y magagaling na akda
ng maraming awtor na dakila

salamat sa aklatang ang alay
ay dunong na aking nadidighay
may mga diyalektikong taglay
sa pagkatao'y nagpapahusay

- gregoriovbituinjr.
10.05.2022 
(World Teachers Day)

Martes, Oktubre 4, 2022

Paalala

PAALALA

huwag mong iwan ang iyong gamit
kung saan-saan, baka mawaglit
baka madampot ng nang-uumit

ang araw mo'y tiyak anong lupit
at sisisihin mo pati langit
sa munting mali mo't isang saglit

halimbawa, ikaw ay ginitgit
aba'y isipin mo na kung bakit
baka sitwasyo'y ikagagalit

paano kung sinta ang nawalan
ah, kahiya-hiyang kalagayan
pagkat di listo sa kaganapan

bigyang halaga ang kasamahan
huwag palupig sa kasamaan
at tugisin ang may kasalanan

ah, tandaang kayhirap mawalan
ng gamit nating pinaghirapan
kaya maging listo lagi, bayan

- gregoriovbituinjr.
10.04.2022

Linggo, Oktubre 2, 2022

Hapag

HAPAG

munting hapag ang bigay ni misis sa kaarawan
kaygandang alay na pumuno ng kaligayahan
malaking tulong sa mga gawain sa samahan
pati pagsulat ng isyu, historya't panitikan

mesita sa Espanyol, hapag sa sariling wika
munti kong kasangga sa pagsulat ng dusa't luha
katuwang sa mga isyu ng manggagawa't dukha
nagsasalaysay, kumakatha, at nagmamakata

pasalamat ko'y taospuso, yakap ko'y mahigpit
nang guminhawa sa pagkatha ng langit at pait
sa pamamagitan ng kwento, tanaga at dalit
dalawang puso mang magkalayo'y nagkakalapit

- gregoriovbituinjr.
10.02.2022

Sabado, Oktubre 1, 2022

Unang araw ng Oktubre

UNANG ARAW NG OKTUBRE

sa pamangkin kong si Sten, maligayang kaarawan
nawa'y lagi kang malusog at malakas ang katawan
habang ako nama'y iba ang nais na patunguhan
daang bihirang tahakin ang aking nilalakaran

unang araw ng Oktubre ay may bagong lalandasin
habang yaring mga sugat ay akin nang lalanggasin
mga salita't kataga sa laot ay lalambatin
halimaw ay iiwasan baka ako'y lalapain

ang timbangan o kiluhan ang tatak ng isang Libra
na ang dagsin o grabidad sa bagay ay humihila
pababa, ano ang bigat, gaano ang gaan niya
ano kaya ang katumbas ng lakas nito o pwersa

unang araw ng Oktubre, madaling araw na'y gising
makata na'y naglulubid, wala man sa toreng gawing
mga bituin sa langit ay patuloy sa pagningning
habang yaong pamayanan ay patuloy sa paghimbing

- gregoriovbituinjr.
10.01.2022

Miyerkules, Setyembre 28, 2022

Lumbera


LUMBERA
(Abril 11, 1932 - Setyembre 28, 2021)

payak ang puntod ng Pambansang Alagad ng Sining
umalis siyang puso'y nag-aalab ng magiting
sa masang pinaglingkuran niyang buong taimtim
may apat akong aklat niyang sa akin nanggising

sapagkat siya't tunay na makata't makabayan
ang kanyang mga akda nga'y aking pinag-ipunan
ang una kong libro niya'y tungkol sa panulaan
tuwa ko nang siya'y nakadaupang palad minsan

minsan lamang, isang beses, di na iyon naulit
subalit akda niya'y binabasa kong malimit
hinggil sa pelikula, tula, masang nagigipit
ang hustisyang panlipunang di dapat ipagkait

pagpupugay sa maestro, kay Sir Bien Lumbera
simpleng ngiti, mapagkumbaba, lahad ay pag-asa
sa ating panitikan, poetika, politika
payak man ang puntod, sa bansa'y maraming pamana

- gregoriovbituinjr.
09.28.2022

* Ang litrato ng puntod ay mula sa fb page ng Sentro Lumbera
* Ang una kong aklat niya'y ang Tagalog Poetry 1570-1898, ang tatlo pa'y ang Suri: Pag-arok sa Lipunang Panitik, Poetika/Pulitika: Tiniping mga Tula, at ang Isang Sanaysay Tungkol sa Pelikulang Pilipino.    

Pagpupugay sa 5 namatay na rescuer



PAGPUPUGAY SA LIMANG NAMATAY NA RESCUER

kasagsagan ng bagyong Karding nang sila'y mawala
buhay nila'y pinugto ng bagyong rumaragasa
bigla raw nag-flash flood ng life boat ay inihahanda
gumuho ang isang pader, ayon pa sa balita,
doon sa limang rescuer ay umanod na bigla

sila'y nagsagawa ng isang rescue operation
sa lalawigan ng Bulacan ginawa ang misyon
sa bayan ng San Miguel, iligtas ang naroroon
ginampanan ang tungkulin sa atas ng panahon
ngunit matinding baha ang sa kanila'y lumamon

tagapagligtas natin silang limang nangamatay
tungkuling sa kalamidad ay magligtas ng buhay
ng kanilang kapwa, ang buhay nila'y inialay
upang mailigtas ang iba, mabuhay, mabuhay!
sila'y mga bayani! taospusong pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.
09.28.2022

* mga litrato mula sa google

Martes, Setyembre 27, 2022

Paggawa ng buod ng Orosman at Zafira ni Balagtas

PAGGAWA NG BUOD NG OROSMAN AT ZAFIRA NI BALAGTAS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr. 

Isang dahilan na naman upang magpahaba ng buhay. Isang proyekto na naman na dapat kong pagtuunan ng pansin.

Labis akong natuwa nang makita ko sa Solidaridad Bookshop ang nag-iisang sipi ng aklat na Orosman at Zafira na komedya ni Francisco Balagtas, ang may-akda ng Florante at Laura. Si Virgilio S. Almario ang editor niyon. Hindi ko na pinakawalan ang aklat na iyon at agad kong binili. Nagkataon lang na galing ako sa isang pulong sa isang lider na taga-San Andres sa Maynila, nang maisipan kong dumaan sa Solidaridad Bookshop na isang sakay lamang mula sa kanila, habang malayo naman ang aking inuuwian ng mga panahong iyon, sa aming tanggapan sa Lungsod ng Pasig. 

Nabili ko ang aklat na iyon sa halagang apatnaraang piso noong Hunyo 3, 2021. Isang collector's item sa tulad kong mahilig sa panitikan.

Pambihira ang aklat na iyon, dahil ang karaniwang alam lang natin ay ang Florante at Laura lang ang mahabang tula ni Balagtas na nalathala dahil ang iba'y nangawala na, at marahil ay nadamay sa sunog sa Udyong Bataan noong siya'y nabubuhay pa. Meron pa pala siyang ibang mahabang akda na natagpuan at nailathala sa ating panahon.

Nang mabili ko ang aklat na Orosman ay inisip kong huwag lang itong maging pansarili ko lang, na ilalagay ko lang sa munti kong aklatan, collector's item, babasa-basahin, tapos na. Ang nais ko'y gawan ng buod ang aklat na ito para sa mga susunod na henerasyon.

Nais ko itong simulan, lalo na't mas mahaba ng ilang ulit ang Orosman at Zafira kaysa Florante at Laura. 

Ang Kay Celia ay may 22 saknong o 88 taludtod. Ang Sa Babasa Nito ay may 6 na saknong o 24 taludtod. At ang buong akdang Florante at Laura ay may 399 saknong o 1596 taludtod. Sa kabuuan ay may 1708 taludtod ang Florante at Laura.

Ang Orosman at Zafira naman ay may 9034 taludtod. Bagamat kagaya ng Florante ang estilo ng pagtula sa Orosman, labingdalawang pantig sa bawat taludtod, sa saknong na may tigaapat na taludtod, may ilang saknong na isa lang o dalawa ang taludtod. Dahil ang anyo nito'y tulad ng dula, na hindi kasama sa bilang ng taludtod ang mga pangalan ng nagsasalita, kundi ang mga sinabi nilang patula.

Ang pagbasa at paggawa ng buod ng Orosman at Zafira ang nais kong simulan bilang habambuhay na proyekto, na maaari kong matapos sa loob ng apat o limang taon, dahil sa dami rin ng iba pang ginagawa, na sana'y aking magawa habang kaya pa.

Marahil ay sadyang para sa akin talaga ang sipi ng librong Orosman at Zafira na aking nabili, at ang naibigay nitong pagkakataon na mapasaakin ay hindi dapat masayang. Maraming salamat, Balagtas, sa isa mo pang akda.

Ondoy at Karding

ONDOY AT KARDING

dalawang bagyong nanalasa 
halos magkaparehong petsa
Setyembre dalawampu't lima
at hanggang kinabukasan pa

nang mag-Setyembre Bente-Sais
anim-na-oras lang, kaybilis
ng Ondoy nang ang Metropolis
ay nilubog, baha'y hagibis

Karding din ay napakatulin
typhoon signal four na tinuring
mga ulat ay ating dinggin
sa Quezon namuro si Karding

handa ba tayo sa ganito?
sa tumitinding klima't bagyo?
pag nanalanta na'y paano?
kay Ondoy ba tayo'y natuto?

panawagang Climate Justice Now
ay narinig bang inihiyaw?
ang aral ba nito'y malinaw?
na sa puso't diwa'y lumitaw?

- gregoriovbituinjr.
09.27.2022

Katha

KATHA

wala mang magbasa niring tula
akda ko'y di man gusto ng madla
patuloy pa rin akong kakatha
ng kung anong nasa puso't diwa

paksa ma'y pagdarahop ng madla
bahay man ng dukha'y ginigiba
pakikibaka ng manggagawa
kamaong kuyom ng maralita

maging trapo ma'y binubutata
may sumbat ng budhi sa kuhila
sa rali'y hampas man ng batuta
o sa tokhang man ay nabulagta

nilalamay ang wastong salita
hinahanap anong tamang wika
tumititig sa bawat kataga
kinikinis ang sukat at tugma

maraming paksang walang kawala
kaya kwaderno't pluma ko'y handa
upang kathain ang luha't tuwa
wala mang magbasa niring tula

- gregoriovbituinjr.
09.27.2022

Linggo, Setyembre 25, 2022

Ang tinuran ng guro


ANG TINURAN NG GURO

"The ultimate aim of the art of karate lies not in victory and defeat, but in the perfection of the character of its participants."
~ Master Gichin Funakoshi

sakali mang di mapakali
ay unawain ang sinabi 
ni Guro Gichin Funakoshi
hinggil sa sining ng karate

sadyang ikaw ay magninilay
sa ibinilin niyang gabay
karate'y di nakasalalay
sa pagkatalo o tagumpay

kundi sa pagiging perpekto
ng karakter o pagkatao
ng mga lumalahok dito
tinurang sa diwa tumimo

kung ito'y ating maunawa
kahuluga'y magpakumbaba
karate'y pagiging payapa't
makipagkapwa ang adhika

- gregoriovbituinjr.
09.25.2022

Ang daan patungong Quiapo

ANG DAAN PATUNGONG QUIAPO

matapos ang dalawang dekada'y muling bumili
ng librong Trip to Quiapo na akda ni Ricky Lee
ang naunang libro niya'y nasa hiraman kasi
di na naibalik, gayong kaylaki nitong silbi
buti na lang at may pera nang mapuntang C.C.P.

hayskul pa ako'y nilalakad ko na ang Quiapo
nang magkolehiyo'y sa Quiapo pa rin ang tungo
kaya kabisado ko ang bituka nito't luho
dito nagkaisip, kalokoha'y dito nahango
kayrami ring naging katoto't suki sa Quiapo

mula Sampaloc, ako'y nagtutungong paaralan
sa Intramuros, sa Quiapo lagi dumaraan
at sasakay ng Balic-Balic pauwing tahanan
O, Quiapo, bahagi ka ng aking kabataan
anuman ang Trip to Quiapo'y alam ko ang daan

muling binili ang Trip to Quiapo ni Ricky Lee
upang pagsulat ng katha'y paghusaying maigi
iskrip rayting manwal na sa akin makabubuti
salamat, muling natagpuan ang aklat na ire
at mahal man ang presyo'y tiyak di ka magsisisi

- gregoriovbituinjr.
09.25.2022

* ang aklat na Trip to Quiapo ni Ricky Lee ay nabili ng makata sa halagang P350, nang kanyang dinaluhan ang Philippine PEN Congress 2022 sa CCP nitong 09.20.2022
* taospusong pagpupugay kay Ricky Lee nang siya'y gawaran bilang National Artist ng Pilipinas ngayong 2022

Sabado, Setyembre 24, 2022

Kaymahal

KAYMAHAL

kaymahal ng kuryente,
tubig at pamasahe;
tuwa ng negosyante
na tubo'y balde-balde

masa na'y sinasagpang
ng tuso't mapanlamang;
kayrami na ring utang
ang di pa sinisilang

pahirap ng pahirap
ang buhay ng mahirap;
kailan malalasap
ang ginhawang pangarap

sweldo ng manggagawa
ay talagang kaybaba;
negosyanteng kuhila
sa tubo tiba-tiba

masa’y umaatungal
sa bayaring kaymahal;
magmura’y mauusal
kahit isa kang banal

di sapat ang panggugol
ng masang tumututol;
sistemang di na ukol
ay dapat nang maputol

- gregoriovbituinjr.
09.24.2022

Biyernes, Setyembre 23, 2022

Pagdalo sa Pagtitipon ng Philippine PEN sa CCP

PAGDALO SA PAGTITIPON NG PHILIPPINE PEN SA CCP
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Naimbitahan ako ng ANI Journal ng Cultural Center of the Philippines (CCP) na dumalo sa Truth in the Telling: Power and the Pen, Philippine PEN Congress 2022, sa ika-20 ng Setyembre 2022, ganap na ikalawa ng hapon. Ang ibig sabihin ng PEN ay Poets, Essayists and Novelists. Isa itong pambihirang pagkakataon kaya ito'y aking dinaluhan.

Sino nga ba ako para maimbitahan? Simpleng manunulat lang ako na namamatnugot ng isang dyaryong pangmaralita - ang Taliba ng Maralita ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Hindi kilala, manunulat lang ng mga maralita. Marahil, kaya ako naimbitahan ay dahil isa ang aking akda sa mga nakasamang nalathala sa ANI 41, na taunang aklat pampanitikan ng CCP.

Sayang nga lang at late na nang mabasa ko ang panawagan sa ANI 42. Setyembre na nang malaman ko, na Agosto 31, 2022 pala ang deadline. Sana'y nakapagpasa muli ng akda. Gayunpaman, may next time pa naman.

Nakarating ako ng CCP ng kalahating oras bago ang 2pm. Ang venue daw ay sa Main Lobby kaya umakyat ako ng ikalawang palapag. Binati ako ng dalawang kaibigan nang makita ako - si Nini Oñate ng grupong Dakila, at ang manunulat na si Bebang Siy na nagtatrabaho sa CCP.

Nag-ikot muna ako sa loob, dahil may booth ng mga nakalatag na libro. Una ko agad binili ang Trip to Quiapo, Scriptwriting Manual ni national artist Ricky Lee. Nang matapos ang programa bandang ikaanim ng gabi ay saka ko nabili sa booth ng CCP books ang walo pang aklat. Ang ANI 26 (2000), ANI 27 (2001) at ANI 29 (2003) ay nabili ko ng P30 lang ang isa, habang ang limang aklat pa, na nagkakahalaga ng P20 bawat isa ay ang Dulaan ni Doreen G. Fernandez, Panitikan ni Resil B. Mojares, Musika ni national artist for music Ramon P. Santos, Pelikula ni national artist for literature Bienvenido Lumbera, at sining Biswal ni Alice G. Guillermo.

Ayon sa emcee na si Glenn Sevilla Mas ng Philippine Center of International PEN, iyon ang unang hybrid congress matapos ang pandemya, at iyon din ang unang Philippine PEN Congress matapos mamatay si national artist F. Sionil Jose, na siya ring tagapagtatag ng Philippine PEN. Sa mga bigating manunulat na ito ay malaking bagay na sa akin ang maimbitahan sa ganitong pagtitipon.

Nagbigay rin ng pananalita ang dating Miss Universe at ngayon ay CCP Chairman Ms. Margarita Moran-Floirendo.

Ipinakilala naman ni Ginoong Charlson Ong, na kasalukuyang chairman ng Philippine PEN ang pangunahing tagapagsalita na si national artist for literature (2022) Gemino Abad. Ayon kay Ong, si Abad ay admirer ng Jesuit priest poet Gerald Manley Hopkins kaya siya rin ay naging seminarista. Nang mabasa naman ni Abad ang American poet na si Robert Frost, na nagsabing to write poetry is to be a farmer, ay nagnais din siyang maging magsasaka. Si Abad din ang tagapagtatag ng Philippine Literary Arts Council.

Narito ang ilang naitala ko sa talumpati ni Gemino Abad. 
- "Mind and imaginatin are one." 
- "Look for etymology of words." 
- "Homo sapiens, sapiens in Latin is wise."
- "Conscience and consciousness has the same etymology, from Latin shere, to know." 
- "Translation means to carry, to ferry." 
- "Sanaysay, saysay, significance, weave of meaning."
- "Diwa, spirit or soul, intuition, insight."
- "Paksa, subject, theme, luminousence of thought."
- "If you are moved, you understood something."
- "A man of honor is a man of his word."
- "Education is the most important in any country."
- "I am because we are. Ubandu by Nelson Mandela." 
- "Know yourself is the beginning of wisdom, not knowledge." 
- "Without language, no critical thinking."

Naging co-emcee ni Mr. Mas si Miss Holgado (di ko nakuha ang unang pangalan) para sa Free the Word. Doon ay tinawag niya isa-isa ang mga performer na bumigkas ng kani-kanilang piyesa.

Unang bumigkas ay si Guerlan Luarca, na nasa zoom. Ang huli niyang linyang binigkas ay "matagal nang sinumpa ang Maynila."

Sunod ay si Vierra Tagbitille ng PEN Finland. Sunod ay sina Jenny Ortuostre at Che Sarigumba, na pawang lumikha ng proyektong Mothers Write in the Time of Covid.

Si Malena Ferdous ng PEN Bangladesh ay bumigkas din ng kanyang piyesa.

Makabagbag damdamin naman ang mahabang tulang binigkas ni Nanding Josef hinggil kay Jibin Arula, na tanging nakaligtas sa Jabidah massacre.

Nag-spoken poetry din sina Juan Ekis, Alyza Taguilaso, Adjemi Arumpac, Arielle Magno, at P. Sanchez. Pati na rin si Mitra Bandhu Poudel ng PEN Nepal.

Matapos ang mga performance ay ipinakilala ni Bebang Siy ang mga dumalong bookshop, tulad ng sumusunod:
- CCP Bookshop
- Aklat Alamid
- Milflores Publishing
- Ricky Lee productions
- UST Publishing House
- The Good Intentions Publishing

Ipinakilala rin ang literary journal na LUNA, na sinulat ng mga baguhang manunulat. Hindi ko na ito nabili dahil P450. Nasa P540 na rin kasi ang nabili kong aklat na nabanggit ko sa itaas.

Umuwi ako galing sa CCP ng bandang ikaanim na ng gabi. Kung ang pagpunta ko roon ay namasahe ako ng P89 galing Cubao, pagbalik ko ng Cubao ay P12 na lang. Hindi na ako nag-tricycle (P50), nag-LRT (P15) at MRT (P24), kundi naglakad mula CCP hanggang Taft-Vito Cruz, nag-dyip patungong EDSA (P12), at sumakay ng bus carousel na libreng sakay hanggang Disyembre.

Maraming salamat sa imbitasyon. Isang memorableng karanasan ito sa akin, at sana, sa mga susunod pang pagtitipon ng PEN ay muli akong maging bahagi. Mabuhay ang Philippine PEN!

Miyerkules, Setyembre 21, 2022

Sa ikalimampung anibersaryo ng batas militar




Kuha sa Bantayog ng mga Bayani kung saan ipinalabas ang 2-oras na dokumentaryong 11,103 na nagsimula ng 6pm. Bago iyon ay nakiisa tayo sa pagkilos mula umaga bilang paggunita sa ikalimampung anibersaryo ng deklarasyon ng batas militar. Narito ang nagawa kong tula:

SA IKALIMAMPUNG ANIBERSARYO NG BATAS MILITAR

kaytinding bangungot yaong pinagdaanan
ng labing-isang libo, sandaan at tatlo
di na mabubura sa ating kasaysayan
bilang iyon ng biktima noong marsyalo

batang-bata ako nang marsyalo'y binaba
walang muwang sa nagaganap sa lipunan
iyon pala, mga kabuktuta'y bumaha
kayraming tinortyur, iwinala, pinaslang

anong klase kayang kahayukan sa dugo
ang nasa pangil at puso ng diktadura
ano kayang klaseng kahayukan sa tubo
ang naisip ng diktador at cronies niya

naunawaan ko lang ang mga nangyari
sa mura kong diwa'y pinilit intindihin
nang tinanggal ang Voltes V at Mazinger Z
na noon talaga'y kinagiliwan namin

nang lumaki na'y mas aking naunawaan 
ang nangyayari sa kinagisnang paligid,
sa kalunsuran, kanayunan, daigdigan
upang gutom ng kapwa't dukha'y maitawid

at ngayong ikalimampung anibersaryo
ng batas militar, ang muli naming sigaw
ay "Never Forget, Never Again to martial law!"
sana'y magandang bukas ang ating matanaw

- gregoriovbituinjr.
09.21.2022

Mantika at dishwashing liquid

MANTIKA AT DISHWASHING LIQUID

halos magkamukha, subalit huwag magkamali
na mantika ang gamitin sa paghugas ng pinggan
o dishwashing liquid kung magpiprito sa kawali

lalo na't magkatabi lang ang kalan at lababo
ay, pag nagkamali ka'y anong laking katangahan
na bawat pagkakamaling ito'y sadyang perwisyo

di sinasadya, pareho pang Spring yaong tatak
magkaiba ng pinagbilhan, di ko rin napansin

pagkabili galing palengke, ihiwalay sadya
lagyan ng "Di ito mantika" ang dishwashing liquid
ang mantika naman ay lagyang "ito'y bumubula"

ay, huwag kang magkakamali, aking kaibigan
at talagang sarili mo'y iyo nang sisisihin
tingnan mo muna bago gamitin, ang bilin ko lang

- gregoriovbituinjr.
09.21.2022