Linggo, Hulyo 31, 2022

Upos sa paso

UPOS SA PASO

sa palengke'y nagtungo ni misis
nabili'y isang tumpok na isda
okra, itlog, sangkilong kamatis
nang may makitang ikinabigla

ang paso'y ginawang basurahan!
halamanang nilagyan ng upos
matapos magyosi'y gayon lamang
matapos sa hitit nakaraos

tanong ko lang, upos ba'y pataba?
o di mabulok tulad ng plastik?
gawain itong kahiya-hiya
na upos sa paso pinipitik

basura'y saan wastong ilagak?
ay, di mapalagay yaring isip
tila ba sugat ko'y nag-aantak
kalikasa'y paano masagip?

- gregoriovbituinjr.
07.31.2022

Biyernes, Hulyo 29, 2022

Hatid

HATID

wala ka raw doon noong panahon ng marsyalo
anang matanda't makagintong panahon sa iyo
wala rin tayo noong panahon ni Bonifacio
panahon ni Julius Caesar ay nabasa lang ito

marsyalo, wala ka pa nang karapata'y siniil
maganda raw ang gintong panahon, anang matabil
ay, wala rin tayo nang si Bonifacio'y kinitil
noong Romano sa kapangyariha'y nanggigigil

inihahatid ka sa nais burahing gunita
na sa katotohanan ay wala kang mapapala
payag ka bang kasaysayan ay sinasalaula?
upang krimen nila sa baya'y mapawi't mawala?

dapat lang nating ipaglaban ang dangal ng bayan
ang gunita ng dinahas, iwinala't pinaslang
di dapat halibyong ang umiral sa kasaysayan
katotohanan ay huwag ihatid sa kawalan

- gregoriovbituinjr.
07.29.2022

halibyong - fake news, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.426

Miyerkules, Hulyo 27, 2022

Talubata


TALUBATA 
10 pantig bawat taludtod

ang milenyal pala'y talubata
kahulugan sa sariling wika
mga kabataang papatanda
na sa buhay dapat maging handa

mula bentsingko 'gang trenta'y singko
ang sabi'y edad ng mga ito
ng mga unang pagtatrabaho,
ng pagpapamilya't pagpaplano

- gregoriovbituinjr.
07.27.2022

Martes, Hulyo 26, 2022

Kepler 186f


KEPLER 186F

may nakitang planetang kapara raw ng daigdig
anang mga astronomo sa kanilang saliksik
natagpuan ang planetang Kepler, mayroong tubig
na marahil may nabubuhay ding ating kawangis

"There is no planet B!" sigaw ng mga aktibista
walang makapapalit sa mundong nilakhan nila
kayâ kung may natagpuang mundong sa atin gaya 
dapat pang suriin kung may nabubuhay talaga

bakit mundo'y sinisira't naghahanap ng bago
pinabilis ang pagbabago ng klima ng mundo
pulos coal plant, pagmimina, bundok ay kinakalbo
kalsada't dagat ay pinagtatapunang totoo

ngayong may panibagong planeta silang nahanap
bubuo ba tayo roon ng lipunang pangarap?
o kaya'y sistemang walang mayaman at mahirap?
o alagaan ang tanging mundo't tahanang ganap?

- gregoriovbituinjr.
07.26.2022

Pagsulong

PAGSULONG
10 pantig bawat taludtod

kumakalat na ang alimuom
at tumitindi ang halibyong
kaharap man natin ay linggatong
maging positibo sa pagsulong

- gregoriovbituinjr.
07.26.2022

talasalitaan
alimuom - tsismis, ayon kay national artist poet Rio Alma
halibyong - fake news, ayon sa UP Diksiyonaryong Filipino
linggatong - ligalig, nabanggit sa Florante at Laura ni Balagtas

Huwebes, Hulyo 21, 2022

Ngiti

NGITI
tulang TAGAIKU (TAnaGA at haIKU)

i

nakangiti ang pusong
pinaglagyan ng napkin
habang tila naglaho
ang tulang sasambitin

tuloy ang tagay
kasabay ng pagnilay
sa ngiti't lumbay

ii

pag ikaw'y nasa rurok
niyang sistemang bulok
ah, nakasusulasok
lalo't di mo malunok

nasa tuktok man
ay di malilimutan
ang nakaraan

iii

baso'y iindak-insak
bote'y humahalakhak
sa puso nakaimbak
ang laksang luha't galak

aking nilaro
ang tanikalang gintong
dapat mapugto

- gregoriovbituinjr.
07.21.2022

Martes, Hulyo 19, 2022

Robot

ALAM ko kaagad ang sagot nang di nakikita ang karugtong. Para bagang ang google ay nagtanong. Fill in the blanks. Sagot ko: Robot. Nabasa ko na kasi ito noon sa libro ni Isaac Asimov, isa sa tatlong master ng science fiction genre. Tama ang sagot.

Napagawa akong bigla ng munting tula hinggil dito.

ROBOT

iyon ay salitang mula sa Czech
mula panulat ni Karel Capek
"compulsory labor" pala iyon
o sapilitang paggawa, gan'on

nasa aklat din na "Caves of Steel"
ni Isaac Asimov, napaskil
sa utak ko ang mga binasa
lalo't sci-fi, ukol sa siyensya

si Karel Capek unang gumamit
sa kanyang mga kwentong marikit
kwento niya'y sinalin sa atin
akda niyang kaysarap basahin

robot ng Star Wars at Star Trek
mula panulat ni Karel Capek,
pagpupugay ang aking paabot 
sa imbentor ng salitang "robot"

- gregoriovbituinjr.
07.19.2022

Ipipinta ko

IPIPINTA KO

kung tutularan ko si Da Vinci
aking gagawing kawili-wili
ang mga tula kong hinahabi
upang ihandog sa kinakasi

kung tutulara'y si Van Gogh naman
ilalarawan ko ang lipunan
ng laksang dukha't mayamang ilan
patungo sa pagbabagong asam

ako'y ipinanganak ni Inay
nang si Marcel Duchamp ay namatay
pintor siyang kaygaling ng kamay
Oktubre Dos, kami'y nagkasabay
siya'y nawala, ako'y nabuhay

aking ipipinta sa salita
ang asam ng uring manggagawa
aking ipipinta sa kataga
ang kalikasan, gubat at sigwa

ipipinta'y adhika't pangarap
pawis at amoy na nalalanghap
ipipinta sa kapwa mahirap
ang ginhawang dapat nalalasap

- gregoriovbituinjr.
07.19.2022

Lunes, Hulyo 18, 2022

Upos

UPOS

parang kandila pag sinindihan
upang hititin ng nagninilay
mamaya'y liliit ng tuluyan
ang yosing may kasiyahang bigay

ang natirang ipit ng daliri'y
sa kung saan na lang ipinitik
sa daan, pasilyo, di mawari't
ginawa ng buong pagkasabik

ah, matapos sunugin ang baga't
paliparin ang usok sa hangin
at itaktak ang titis sa lupa
ginhawa'y panandalian man din

ikinalat na upos sa daan
ay salamin ng ating lipunan

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022

Tsismis ay alimuom

TSISMIS AY ALIMUOM

tsismis ay alimuom, anang Rio Alma
sa isang sanaysay niyang aking nabasa
na iniulat naman ni Ambeth Ocampo
na sa ngayon ay binabanatan nang todo

mas matindi pa raw sa pakpak ng balita
yaong alimuom, sabi pa ng makata
singaw galing sa lupa matapos ang ambon
o ulan, tsismis ay lumitaw ding ganoon

historya'y tsismis daw, anang isang Ella Cruz
tila ba turo sa paaralan ay kapos
dapat sa historya'y may fact check at batayan
di basta narinig, iyon na'y kasaysayan

ah, dalawang iyon ay dapat pag-ibahin
di tsismis ang kasaysayan ng bayan natin
maraming dapat gawin kung ganyan ang batid
ng henerasyon ngayon, kilos na, kapatid

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022

Talasalitaan:
alimuom - singaw na galing sa lupa pagkatapos ng ulan o ambon, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 34
tsismis - mula sa Espanyol na chismes, kaswal na usapan o balita hinggil sa ibang tao, karaniwang kaugnay ng mga detalyeng hindi kumpirmadong totoo, UPDF, p. 1279

Kwentong lango

KWENTONG LANGO
tulang TAGAIKU (TAnaGA at haIKU)

i

"tagay pa, cheers, amigo!
magpakalango tayo!"
sabi ng lasenggero
sa katotong lasenggo

isip ay tikom
balewala ang gutom
basta may inom

ii

habang serbesa'y lasap
di siya kumukurap
na nilunod sa iglap
ang problemang kaharap

sugat ma'y antak
simot ang huling patak
ng nilalaklak

- gregoriovbituinjr.
07.18.2022

Linggo, Hulyo 17, 2022

Tagaiku

TAGAIKU

nais kong kathain ay TAGAIKU
animo'y kalahating soneto
ah, kaygandang kumbinasyon nito
pinagsama ang TAnaGA't haIKU

tanaga'y tigpipito ng pantig
sa saknong ay magkakapitbisig
haiku'y lima-pito-limang pantig

puntirya ko'y bulok na sistema
tinitira'y tuso't palamara
paksa't pangarap para sa masa'y
kamtin ang panlipunang hustisya

halina't subukang mag-TAGAIKU
at ilatag ang angking prinsipyo
habang tayo pa'y nasa huwisyo

- gregoriovbituinjr.
07.17.2022

Hustisya

HUSTISYA

"For me, justice is the first condition of humanity." - Literature laureate Wole Soyinka 

bakit nga ba ang katarungan
ay dapat nating ipaglaban ?
ayon nga kay Wole Soyinka
hustisya ang unang kondisyon
ng sangkatauhan, O, bayan

makahulugan, anong talim
ipaglaban nating taimtim
makasugat man ng damdamin
ay kaygandang salawikain

kaya kami nakikibaka
tibak akong nakikibaka
upang masa, hustisya'y kamtin
upang pang-aapi'y mawala 
at mapanagot ang maysala

- gregoriovbituinjr.
07.17.2022

Lanta

LANTA

kung ako'y dahon nang nalalanta
matatanggal na ako sa sanga
katandaan ay narating ko na
matatapos na yaring pagbaka

sinubukan noon ng amihang
ako'y tanggalin sa kinalagyan
kaytibay ko sa pinagkapitang
sanga't talaga ngang nanindigan 

kay Inang Kalikasan ay dahong
nakipagtagalan sa panahon 
ako'y dahong nakibaka noon
na pagkalanta'y inabot ngayon

hintay na lang matanggal sa tangkay
upang sa lupa na'y humingalay
pagkalanta ko'y 'wag ikalumbay
at may uusbong ding bagong buhay

- gregoriovbituinjr.
07.17.2022

Sabado, Hulyo 16, 2022

Mamon

MAMON

bakit ayokong kumain ng mamon?
mas nais ko pa'y pandecoco, monay,
ensaymada, pandesal, anong tugon?
ngunit mamon? ako'y di mapalagay...

dahil ba sa lasa'y tinatanggihan
ang mamon upang meryendahing tunay?
dahil ba malagkit sa lalamunan?
di ba masaya't malasang tinapay?

ako'y aktibistang babad sa rali
makatang sa bayan ay nagsisilbi
minsan sa isang pagkilos nahuli
sinubo sa aki'y mamon, malaki

pinasok sa bibig kong sapilitan
nang kamao'y bumaon pa sa tiyan
habang bibig ko'y kanilang tinakpan
santimbang tubig ang sumunod naman

namilipit ako, di kaya iyon
kaya di nagmamamon mula noon
nagbabalik ang matinding kahapon
pandecoco na lang, huwag lang iyon

- gregoriovbituinjr.
07.16.2022

Walang tinta

WALANG TINTA

ubos muli ang tinta 
niring bolpen ko, mahal
dapat makabili na
kahit walang almusal

upang masagutan ko
yaong palaisipan
pati na ang sudokung
sadyang kinahiligan

at isulat ding pawa
ang mga tulang handog
sa nag-iisang mutya
at tanging iniirog

maitala ang tinig
ng dalita't obrero
upang magkapitbisig
tungo sa pagbabago

ubos muli ang tinta
nitong bughaw kong bolpen
ibili ako, sinta
kahit na bolpeng itim

at kita'y bubusugin
ng tula ko't panaghoy
mithi ko sana'y dinggin
nang ako'y di maluoy

- gregoriovbituinjr.
07.16.2022

Biyernes, Hulyo 15, 2022

Eman Lacaba

EMAN LACABA

I

isinilang noong Araw ng Karapatang Pantao
pinaslang sa anibersaryo ng Jabidah Massacre
siya si Eman Lacaba, manunulat, prinsipyado
naging mandirigma noong diktador pa'y nasa poder

manunulat na maraming nakamit na gantimpala
guro, artista sa entablado, organisador din
pag wala raw papel, siya'y nagsusulat sa palara
palaisip na tibak, mangangatha rin ng awitin

natanggal sa pagkaguro nang sumama sa aklasan
ng manggagawa, at siya'y nagpasiya nang mamundok
upang maging mandirigma't tagapagtanggol ng bayan
patuloy pa ring nagsulat, may baril mang nakasuksok

natagpuan ng kaaway, agad silang pinutukan
mga kasama'y napatay, dalawa silang natira
walang ititirang buhay, ayon sa mga kalaban
unang binaril ay buntis, sumunod ay siya naman

II

ang mandirigmang maraming tula sa Philippines Free Press
sa bahay ng biyenan ko'y nahalungkat ko't tinipon
ang makatang tinulad kay Rimbaud na makatang Pranses
taospusong pagpupugay sa halimbawa mo't layon

ang Cultural Center of the Philippines nama'y lumikha
ng Gawad Eman Lacaba na para sa manunulat
na kabataan, mga mananalaysay, at makata
natatanging gawad sa paglilingkod at pagmumulat

- gregoriovbituinjr.
07.15.2022

* Halaw ang mga datos sa Bantayog ng mga Bayani
* Emmanuel Lacaba (Disyembre 10, 1949 - Marso 18, 1976)

Ikaw

IKAW
Tula ni Vladimir Mayakovsky, 1922
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.

Dumating ka -
determinado,
sapagkat malaki ako,
sapagkat ako’y umuungol,
ngunit sa malapitang inspeksyon
nakikita mo’y isang batang lalaki.
Kinuha mo
at inagaw ang puso ko
at sinimulan
itong paglaruan -
parang babaeng may bolang tumatalbog.
At bago ang himalang ito
bawat babae
ay maaaring babaeng nagtataka
o kaya’y dalagang nagtatanong:
"Ibigin ang taong ganyan?
Bakit, susuntukin ka niyan!
Dapat niyang mapaamo ang leyon,
isang babae mula sa palahayupan!"
Ngunit nagtagumpay ako.
DI ko iyon naramdaman -
ang pamatok!
Nalilito sa tuwa,
ako'y tumalon 
at napalundag, sa namumulang balat ng masayang katipan,
Nakaramdam ako ng sobrang tuwa
at gaan ng loob.

* Isinalin: Hulyo 14, 2022
* Hinalaw sa Vladimir Mayakovsky Internet Archive
* Litrato mula sa google

YOU
Poem by Vladimir Mayakovsky, 1922

Source: The Bedbug and selected poetry, translated by Max Hayward and George Reavey. Meridian Books, New York, 1960;
Transcribed: by Mitchell Abidor.

You came –
determined,
because I was large,
because I was roaring,
but on close inspection
you saw a mere boy.
You seized
and snatched away my heart
and began
to play with it –
like a girl with a bouncing ball.
And before this miracle
every woman
was either a lady astounded
or a maiden inquiring:
“Love such a fellow?
Why, he'll pounce on you!
She must be a lion tamer,
a girl from the zoo!”
But I was triumphant.
I didn’t feel it –
the yoke!
Oblivious with joy,
I jumped
and leapt about, a bride-happy redskin,
I felt so elated
and light.

Huwebes, Hulyo 14, 2022

Pagbangon

PAGBANGON

madaling araw, ako'y nagising
naghilamos, nagmumog, umiling
agad kong inilaga ang saging
potasyum sa katawan, kaygaling

ang mutya kasi'y nakatulugan
sa kanyang pag-awit ng kundiman
ang mutya'y aking nakatuluyan
nang hinarana't naging katipan

nagising akong presyo ng langis
ay binalitang agad sumirit
kilo man ng bigas at kamatis
presyo'y tila abot hanggang langit

gagawin ko ang lahat, aniko
sa kanya, nang magkasama tayo
at lilibutin natin ang mundo
kung di man ay luwasan at hulo

- gregoriovbituinjr.
07.14.2022

Kadastro

KADASTRO

ilang beses kong narinig sa usaping palupa
ang salitang KADASTRO sa isyu ng maralita
na sa pananaliksik pala'y salitang Kastila

ang sukat ng lupa sa lungsod at sa lalawigan
ay nasusulat sa kadastro na isang talaan
na iniingatan sa nakatalagang tanggapan

kaya sa isyung pabahay ng kapwa mahihirap
ang usaping ito'y dapat mabatid naming ganap
lalo't ipinaglalaban ang tahanang pangarap

magkaroon ng bahay ay karapatang pantao
ngunit bawat metro kwadrado ng lupa'y magkano
mura sa malayo, mahal na pag may market value

aaminin ko, na di pa ako nakakakita
ng kadastro sa pampamahalaang opisina
na sa aking haraya, ito ba'y matriks o mapa?

nakita ko dati ay mapa ng lugar, may sulat
nakadrowing ang lupa, marahil may mga sukat
iyon ba'y kadastro, kung hindi pa, daghang salamat

- gregoriovbituinjr.
07.14.2022

* litrato mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 539