Huwebes, Hunyo 30, 2022

Sa Daang Matuwid

SA DAANG MULAWIN

ako si Agilus at siya naman si Alwina
sa mundo ng mga Mulawin ay magkapareha
sa daigdig ng mga taong ibon sumisinta
ngunit handang magtanggol laban sa mga Ravena

minsan ay napapunta ako sa Daang Mulawin
sa isang lalawigang doon nagnilay-nilay din
ng samutsaring nangyari't paksa sa mundo natin
na nagpatibay sa aking prinsipyo't adhikain

payak lamang ang hinahangad ko sa iwing buhay
na aking Alwina'y makasama sa tuwa't lumbay
na karapatang pantao't hustisya'y kamting tunay
na uring manggagawa sa layon ay magtagumpay

narito man sa Daang Mulawin, may nalilirip
punong mulawin ay alagaan nati't masagip
laban sa kapitalismong tubo ang sinisipsip
pagdurog sa sistemang bulok na'y di panaginip

- gregoriovbituinjr.
06.30.2022

Organisado

ORGANISADO

epektibong tugon daw sa organisadong ganid
ay organisadong unyon, sa t-shirt ng kapatid
na manggagawa nakatatak, nang ating mabatid
naalala ko si Neri sa kanyang "moderate greed"

organisadong kasakiman ng tusong kuhila
at ng burgesya't uring mapagsamantalang lubha
sa bunga ng paggawa'y bundat at nagpakasasa
organisadong unyon ang tugon ng manggagawa

O, manggagawa, magkaisa't magtayo ng unyon
makabubuti ang pagkakapitbisig n'yo ngayon
pangalagaan ang karapatan ang inyong tugon
sa mga mapagsamantalang bwitre kung lumamon

lampas sa pagiging unyon ay maging makauri
upang mapang-aping sistema'y baguhin, magapi
lipunan ng manggagawa'y itayo, ipagwagi
organisahin ninyo ang sarili bilang uri

- gregoriovbituinjr.
06.30.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa isang pulong ng mga manggagawa 

Miyerkules, Hunyo 29, 2022

Paskil

PASKIL

nadaanan kong muli ang paskil
kaya naroong napapatigil
baligtad ba'y ginawa ng sutll?
basura'y lipana't di matigil

paalala nga'y "Bawal magkalat"
habang pader ay tadtad ng sulat
na tila may isinisiwalat
na kung titiga'y di madalumat

O, kalikasan, kapaligiran!
magtatanghal pa ba sa lansangan?
baka, kung di maalibadbaran
sa paligid na panonooran

huwag magkalat, dapat mabatid
pagnilayan ang mensaheng hatid
madaling maunawa, kapatid
na maraming bagay ay di lingid

upang di tayo mapariwara'y
dinggin naman yaong paunawa
upang kung dumaan man ang sigwa'y
di malunod sa basura't baha

- gregoriovbituinjr.
06.29.2022

Habambuhay

HABAMBUHAY

patuloy ang paghagod ng pluma't 
tinta sa papel, upang isulat
ang dighay, lumbay, danas ng masa
mula puso'y isinisiwalat

ang maraming isyu't panunuyo
ng lalamunang walang masambit
nilalahad din ang panunuyo
sa diwatang sadyang anong rikit

tungkulin na iyong habambuhay
na niyakap ng abang makata
na patuloy yaong pagninilay
kaharap man ay matinding sigwa

sinasatitik ang dusa't danas
ng maralita't uring obrero
hinahangad ay sistemang patas
patungong lipunang makatao

habambuhay na ang adhikaing
niyakap ng may buong paghamon
pagsasaliksik ay sinisinsin
adhika'y kaaya-ayang panahon

- gregoriovbituinjr.
06.29.2022

Martes, Hunyo 28, 2022

Tugâ

TUGÂ

tugâ - pagbugbog sa isang tao para umamin
anang U.P. Diksiyonaryong Filipino natin
paaminin sa anumang sala o pakantahin
na nabatid kong salita sa pelikula na rin

akala ko nga'y islang o pabalbal na salita
ngunit mula palang Bikol at Tagalog ang TUGÂ
kahulugan ay tortyur, pagmamalupit ngang sadya
nahuli'y pinatutuga nang dumulas ang dila

kung tortyur ay tugâ, ayon sa talahuluganan,
pag ating inisip ay magkaiba pa rin naman
tortyur ay pagmamalupit, katawa'y sinasaktan
tuga'y pagpapaamin sa anumang nalalaman

ngunit magkahulugan dahil iisa ng layon
pinatutuga upang pakantahin na paglaon;
gayunman, may Anti-Torture Law nang batas sa nasyon
kaya dapat itigil na ang panonortyur ngayon

- gregoriovbituinjr.
06.28.2022

tugâ - torture, mula sa UPDF, pahina 1282

Lunes, Hunyo 27, 2022

Tortyur

TORTYUR
tulang alay sa International Day in Support of Victims of Torture tuwing Hunyo 26

matitindi ang pananakit
o pagtortyur ng malulupit
sa nahuhuling maliliit
na karapata'y pinagkait

bakit ba tinotortyur sila?
upang alam nila'y ikanta?
upang di alam ay ibuga?
sinaktan, patugain sila?

anong tingin natin sa tortyur?
ah, que barbaridad, que horror!
ito'y di makataong hatol
sa ganito'y dapat tumutol

di makatao, kalupitan
panlipunang hustisya'y nahan?
respetuhin ang karapatan
ang wastong proseso'y igalang

- gregoriovbituinjr.
06.27.2022

* litratong kuha sa Bulwagang Diokno sa CHR matapos ang isang aktibidad

Banyaga ngunit hindi dayuhan

BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN
Munting pagninilay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Paano mo sasabihing dayuhan ang isang indibidwal kung hindi naman siya dumayo o nakadayo dito sa bansa? Di ba't tinatawag nating mga dayuhan ang mga tagaibang bansa o yaong hindi natin kalahi? Ito'y dahil dumayo sila sa ating bayan.

Sikat nga ang panawagang "Palayasin ang mga dayuhan!" lalo na noong panahon ng mananakop na Kastila, Amerikano at Hapones, na naging dahilan ng digmaan, kabayanihan at pagkamatay ng ating mga ninunong nakipaglaban para sa kalayaan. Ibig sabihin pa, mga mananakop ang mga dayuhang iyon.

Paano pag sa ilang pananaliksik ay tinuring na "foreign authors" o "foreign poets" ang ilang manunulat at makata? Maisasalin ba silang dayuhang manunulat o dayuhang makata, gayong hindi sila dumayo sa ating bansa? Na ang iba'y hindi naman nandayuhan o lumabas sa kanilang bansa.

Ang pagninilay na ito'y bunsod ng ginagawa kong pagsasalin ng ilang mga tula ng mga kilalang makatang Ingles, Ruso, Turko, Amerikano, Aleman, Pranses, Hapones, at Intsik. Tulad ng pagsasalin ko ng mga tula nina William Shakespeare, Vladimir Mayakovsky, Nazim Hikmet, Edgar Allan Poe, Karl Marx, Eugene Pottier, Matsuo Basho, at Sappho. Tanging sina Hikmet at Marx lamang ang alam kong umalis sa kanilang bansa o nangibang bayan, di lang basta umalis kundi napilitang umalis dahil sila'y na-exile dahil sa kanilang mga pulitikal na gawain. Habang ang ibang makata'y nanatili sa sariling bansa hanggang sa kamatayan.

Isinasalin ko sina Shakespeare at Poe mula sa wikang Ingles, habang ikalawang pagsasalin ang ginagawa ko sa mga tula nina Mayakovsky, Hikmet, Marx, Pottier, Basho at Sappho, na nauna nang isinalin sa wikang Ingles, na siyang pinagbabatayan ko naman ng aking isinasalin.

Matatawag ko ba silang dayuhan dahil tagaibang bansa sila gayong hindi naman sila dumayo sa ating bansa? Hindi ba't kaya tinawag na dayuhan ang isang tao o kaya'y pulutong ng mga tao ay dahil sila'y dumayo sa ibang lupain? Paano silang tatawaging dayuhan kung hindi naman sila dumayo ng ibang bansa? Ang buong buhay nila'y nasa kanilang bayan lamang sila.

Kaya hindi ko matatawag na makatang dayuhan sina Shakespeare, Mayakovsky, Hikmet, Poe, Marx, Pottier, Basho, at Sappho. Kaya ano ang tamang tawag sa kanila? Tama bang tawagin ko silang makatang banyaga?

Tiningnan ko ang kahulugan ng mga kinakailangan kong salita sa UP Diksiyonaryong Filipino:

dayúhan - dáyo
dáyo - 1. dayúhan, tao na tagaibang pook o bansa o kaya'y hindi kilala sa pook na kaniyang pinuntahan; 2. pagdáyo, pagtungo sa ibang pook nang may tanging layunin; 3. tanod sa libingan ng panginoon
banyága - 1. [Waray] masamâng tao; 2. [Sinaunang Tagalog] tao na nagpupunta sa mga bayan-bayan, lulan ng kanyang bangka, at nagtitinda ng maliliit na bagay; 3. [ST] bahay na maliit at walang kilo
banyagà - [Kapampangan, Tagalog] 1. tao na isinilang o mula sa ibang bansa na iba sa kapuwa niya: alien, foreign, foreigner 2. hindi mamamayan ng bansa: alien, foreign, foreigner

Ang dayuhan o dayo ay tiyak na pumunta talaga sa ibang lugar, kaya hindi ito ang marahil tumpak na dapat itawag sa mga tagaibag bansang hindi naman dumayo sa ibang bansa, o sa ating bansa. Kaya hindi ko matatawag na dayuhan, bagamat mula sa ibang bansa, ang mga makatang Shakespeare, Mayakovsky, Hikmet, Poe, Marx, Pottier, Basho, at Sappho.

Mapapansing dalawa ang banyaga, subalit ang una ay walang impit at may diin sa ikalawang pantig, habang ang ikalawa ay may impit at mabagal ang bigkas. Mas tumpak sa tingin ko ang ikalawang pakahulugan: "tao na isinilang o mula sa ibang bansa na iba sa kapuwa niya" bilang pagtukoy sa mga makatang nabanggit ko sa itaas, na hindi dumayo sa ibang lugar o hindi lumabas sa kanilang bansa, at iyon din ang mas tamang paglalarawan na aking hinahanap.

Mahalaga sa akin ang ganitong paghahanap ng tamang salin sapagkat tiyak na balang araw ay isusulat ko ang kanilang talambuhay, lalo na't isinasalin ko ang kanilang mga akda. Madalas gamiting animo'y sinonimo o pareho sila ng kahulugan. Subalit sa maikling sabi, ganito ang munting kaibahan ng dalawa: Banyaga sila dahil tagaibang bansa sila. Dayuhan sila dahil tagaibang bansa sila na narito sa ating bansa.

Ang pananaliksik na ito'y bunsod na rin sa aking proyektong pagsasalin na sinimulan ko ilang taon na ang nakararaan na ang layunin ko'y ipabasa sa ating mga kababayan sa ating wika ang mga tula ng mga nabanggit na makatang banyaga. Iniipon ko ito't inilalagay sa aking blog. Nawa'y wasto ang aking mga napili sa paghahanap ko ng mga tamang salita.

Ginawan ko ng munting tula ang aking nasaliksik:

BANYAGA NGUNIT HINDI DAYUHAN

ang salin ng foreign poet ba'y dayuhang makata
gayong di naman sila dumayo sa ating bansa
sa pagsalin ay hinanap ko ang wastong salita
hanggang masaliksik ang kahulugan ng banyaga

akala ko, salitang "banyaga'y" wikang Espanyol
ngunit nang sa talahuluganan ay tingnan iyon
sariling salita pala nating nakapatungkol
mula sa Waray, Tagalog, Kapampangan din yaon

salamat sa UP Diksiyonaryong Filipino
sa mga tulong sa anumang isinasalin ko
naging aking kakampi noon at ngayon, totoo
sangguniang tila kakabit na ng pagkatao

banyaga ngunit hindi dayuhan ang gagamitin
kung foreign author o poet ay aking isasalin
mga wastong salita't salin ay nahahanap din
basta't maging mahinahon lagi't titiyagain

06.27.2022

Streak 160

STREAK 160

tatlong mali ka lang, wala ka na!
tiyak na balik ka sa umpisa
ramdam mong naupos ka talaga
sayang kung Streak One Sixty ka na

kaya paglalaro'y ingatan mo
lalo't nilalaro mo'y Sudoku
bagamat ito'y pulos numero
nilalaro'y lohikang totoo

sa walumpu't isang parisukat
siyam na numero'y ilaladlad
bawat linya'y walang magkatulad
pag may pareho'y mali ka agad

pababa, pahalang, o pahilis
numero'y ilagay ng malinis
orasan gaano ka kabilis
Sudoku'y lutasing walang mintis

- gregoriovbituinjr.
06.27.2022

Linggo, Hunyo 26, 2022

Dagok

DAGOK

paano ba natin ginagalang ang mambabasa
kung kathang tula sa kanila'y nakakaumay na
may isyu't mensahe kang nais mong mabatid nila
subalit tula mo'y may talinghaga't kariktan ba?

may adhikain ang makatang isinasabuhay
sa ilalim ng tanglaw ng musa napagninilay
na bago pa siya hiranging kalaban at bangkay
mensahe'y ipaalam, masa'y pakilusing tunay

kalikasan, kapaligiran, kariktan, katwiran 
talinghaga, manggagawa, nagdaralita, bayan
lansangan, karapatan, katarungang panlipunan
sinuman, anuman, saanman, paano, kailan

bihirang may mag-like sa mga tula ko sa pesbuk
tanda bang ako'y dapat tumigil, di ko maarok
patuloy lang ako sa pagkatha, ito ma'y dagok
baka may mamulat sa sistemang di ko malunok

- gregoriovbituinjr.
06.26.2022

Nauupos

NAUUPOS

naupos ako't kayraming upos
na sa paligid ay di maubos
kalikasa'y nakawawang lubos
tila ba tayo na'y kinakalos

upos na tila ba anong lupit
sa laot ng linggatong ay dapit
na di maawat ang makukulit
tapon ay upos na humahaplit

kailan ba ito magwawakas?
upang kalikasa'y mailigtas
tila mundo'y nagkalugas-lugas
na di batid paano malutas

buti't ginagawan ng paraan
na pansamantalang kalutasan
tulad ng paglikha ng titisan
o ashtray na upos ay tapunan

tayo kaya'y bakit urong-sulong?
sa isyung ito'y di makatulong?
yaring problema'y saan hahantong?
kung di malutas ng marurunong

- gregoriovbituinjr.
06.26.2022

Sabado, Hunyo 25, 2022

Sipat

SIPAT

sinisipat ko sa gunita
yaring niyakap na adhika
noon, nang ako'y magbinata
hanggang ngayong ako'y tumanda

tinatalupan ko ang mangga
nang tikman ang sarap ng lasa
ibigay sa magiging ina
lalo naglilihi pa siya

tayog ay di ko na maarok
marating pa kaya ang tuktok
kaylalim ng mga himutok
ng masa sa sistemang bulok

sa adhika'y di humihindi
maaari mang ikasawi 
ito'y pagbabakasakali
upang laban ay ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
06.25.2022

Sa PRS 15

SA PRS 15

taospusong pasalamat
sa Palihang Rogelio Sicat
upang itong aming panulat
ay umunlad, makapagmulat
di nakapikit, kundi dilat

para sa karaniwang tao
para sa kung anong totoo
at sa karapatang pantao
maging sa iba't ibang isyu
sa PRS, kami'y saludo

- gregoriovbituinjr.
06.25.2022

munting tulang binigkas ng makata sa inihandang palatuntunan bago sila magtapos sa ika-15 PRS (Palihang Rogelio Sicat)

Biyernes, Hunyo 24, 2022

Pangangarap

PANGANGARAP

nakatapak pa rin ako sa lupa
na sa pagtatrabaho'y kandakuba
pilit inaabot ang mga tala
na ikukwintas sa mutyang diwata

ako man ay Bituing walang ningning
na sa langit ay walang makasiping
aking mga mata'y di nakapiring
dama't dinig ang masang dumaraing

maputik ang daan kong nilalandas
upang makamit ang lipunang patas
upang kawalang hustisya'y magwakas
at madama ang pag-ibig na wagas

di pa rin tumitigil sa pagkilos
organisahin ang naghihikahos
upang sistemang bulok na'y matapos
upang labanan ang pambubusabos

patuloy din ako sa pangangarap
na malansag na iyang pangongorap
upang mga dukha'y di na maghirap
kundi asam na ginhawa'y malasap

- gregoriovbituinjr.
06.24.2022

Huwebes, Hunyo 23, 2022

Alagata

ALAGATA

pumatak na naman ang ulan habang nakikinig
ng talakayan sa zoom na halos di na marinig
ang tagapagsalita sa tinuran niyang tindig
hinggil sa ilang isyung pambayan at pandaigdig

may bagyo ba? anong pangalan? hanggang pinasok ko
ang mga damit na nakasampay sa labas, dito
ko naalagata paano tutugon ng wasto
hinggil sa papainit na klima sa ating mundo

isinuot ko ang naitagong pantalong kupas
na alaala ng kabinataan kong lumipas
habang pang-itaas ay kamisetang walang manggas
nasa diwa yaong pagtahak sa putikang landas

gabi, naririto't di pa rin dalawin ng antok
ang pusa'y nag-aabang sa labas, may inaarok
ako, mailalagay kaya ang dukha sa tuktok?
marahil, kung mapapalitan ang sistemang bulok

- gregoriovbituinjr.
06.23.2022

Halibyong

HALIBYONG

mga balita'y pinapaganda
iniba ang totoong istorya
ginawa itong kaaya-aya
puro paganda ang propaganda 

gintong panahon ng palamara
at mga gawa-gawang pantasya
ay agad kinapitan ng masa;
may nakita ba ritong pag-asa?

katotohana'y nayurakan na
ng halibyong na masa'y puntirya
na tila pulido ang sistema
at maayos nilang nakamada

nagbabalik ba ang diktadura?
ang madla kaya'y nakalimot na?
sa nakaraan nilang historya't
kawalan ng asam na hustisya?

- gregoriovbituinjr.
06.23.2022

halibyong - fake news, pagkukuwento ng isang pangyayari subalit taliwas sa tunay na nangyari, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 426

* ang litrato'y selfie ng makatang gala sa painting gallery ng isang mall

Miyerkules, Hunyo 22, 2022

Digmaan

DIGMAAN
Tula ni Eugene Pottier
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr. 10 pantig bawat taludtod 

Para kay Eugene Baillet

Kahahayag pa lang ng digmaan 
Anang mga buwitre, "Sunggaban!"
Ngunit wala halos kaibahan:
Di ba't araw-araw na'y digmaan?

Gayunman, balatkayo'y tinanggal,
Animo'y baliw sa paghalakhak;
Helmet ay sinuot ng kalansay,
Kabayong kalansay na'y daratal

Hintay nila'y pawang kasamaan,
Sa bawat uri 't lahat ng antas;
Dito'y may bayarang pananambang,
Doon, tangan ng pamilya'y tabak.

Di mapalawak, mga bandido'y
Pinatapon sa kolonyang penal;
Hinayaan lang ang pandarambong
Sa anyo ng buwis, mga istak

Pinawi nila ang madugong uhaw,
Pati makahayop na silakbo,
Ginambala pa si Lacenaire,
At pinalungkot pa si Castaing.

Pagpaslang ng bata'y kinondena,
Anak nami'y dalawampu, ngayon
Ang lupon ng berdugo'y nagpasya
Aling mabuti ang sa bitayan.

Ang impantisidyo'y tinuligsa,
Anak namin ngayo'y dalawampu,
Ngayong gabi, Lupon ng Berdugo'y
Pinasya ang angkop sa bitayan.

May balahibo, may tatu, kaming
Pulangkutis, mula ibang angkan.
Mga tae'y ikalat sa lupa:
"Mundo'y lilikha ng bagong tao."

Hinamak, Ebanghelyo'y lumikas,
Alagad ay lumisan, naligaw.
O amang bayan, mayroong tigre
Sa mabuting puso'y umatungal.

Naglalagablab ang iyong poot,
Ang madla'y walang pagkakaisa,
Na nagdurusa sa bilangguan
Ng rehimen ng nasyunalidad

Gabi'y pinutol ng bolang kanyon,
Ang lungsod ay nilamon ng apoy,
Dugong pumatak, tara't inumin,
Ikaw, tawag ay sangkatauhan.

Katumpakan ng lakas at bilang
Niyurakan ay sugatang gapi;
Glorya't kumalat sa malakabag
Na pakpak ng karimlang pusikit.

Digma, digma, anong hinihintay
Upang laman at buto'y madurog?
Hinihintay nito'y bagong dahon,
Ang buwan ng bulaklak at ibon.

Paris 1857

* sina Lacenaire at Castaing ay dalawang kilabot na mamamatay-taong Pranses noong ika -19 na siglo

* isinalin mula sa Ingles sa petsang ika-22 ng Hunyo, 2022

Kailangan ka

KAILANGAN KA

bayani ay kailangan
ng ating kapaligiran
at daigdig na tahanan;
ikaw ba'y isa na riyan?

daigdig ay gawing lunti
basura'y di maging gawi
baluktot ay mapapawi
kung iwawasto ang mali

sinong magtutulong-tulong
kundi tayo-tayo ngayon
buti ng mundo'y isulong
tungkuling napapanahon

kung gawin ang sinasabi
upang sa mundo'y mangyari
ang dito'y makabubuti 
Igan, isa kang bayani

- gregoriovbituinjr.
06.22.2022

Martes, Hunyo 21, 2022

Pagtipa

PAGTIPA

nagtatayp ako sa Filipino
biglang iibahin nitong selpon
ang anumang isinusulat ko
kaya madalas ihagis iyon

dahil sa inis, nakakainis
sinulat ko'y biglang iibahin
ang Tagalog ko'y gagawing Ingles
nitong tinamaan ng magaling 

kinokorek ako't minamali
dugo ko'y nagtataasang kagyat;
mag-edit at huwag magmadali
ito ang naging gabay ko't sukat

si misis ang di napapakali
sino na naman ang inaaway;
buti't nandiyan siya sa tabi
baka selpon ay basag nang tunay

habaan ang pisi, kanyang payo
magpasensya sa bawat larangan
di ako dapat nasisiphayo
pagkat kaunting bagay lang iyan

- gregoriovbituinjr.
06.21.2022

Alapaap

ALAPAAP

madalas ay napapatingala
upang titigan ang alapaap
na ang hubog ay kaygandang sadya
nais tuloy marating ang ulap

baka naroroon ang diwata
magandang musang nasa hinagap
inaawitan ang mga tala
habang pipit ay sisiyap-siyap

sa toreng garing, makata'y wala
nasa putikang sisinghap-singhap
kasama ang dukha't manggagawa
lipunang makatao ang hanap

may tungkuling gagawin sa bansa
paano lalabanan ang korap
paano durugin ang kuhila
at pagkaisahin ang mahirap

narito akong nakatingala
habang kandila'y aandap-andap
gamugamo'y biglang nangawala
nasunog ang pakpak sa sang-iglap

- gregoriovbituinjr.
06.21.2022

Puna

PUNA

sementado na nga, papatungan pa ng aspalto
dahil ba katapusang buwan na nitong pangulo?
kaya kailangang gamitin ang natirang pondo
dahil pondong di ginamit, isasauli ito

kaya kahit sementado na ang nasabing daan
upang magamit ang pondo'y mag-aaspalto naman
imbes ibigay bilang ayuda sa mamamayan
gumawa ng proyektong di pa naman kailangan

anong epekto sa mamamayan ng ganyang gawa?
pag umulan, bumagyo o nanalanta ang sigwa
tataas ang kalsada't sa bahay na magbabaha!
di ba nila naisip ang kanilang malilikha?

sementado na, aaspaltaduhin pa, ay, astig!
aba, iyan ang pagtingin ko, ha, di nang-uusig
ay, huwag ka sanang masaktan sa iyong narinig
pondo ng bayan, gamiting tama, huwag manglupig!

- gregoriovbituinjr.
06.21.2022