Lunes, Hunyo 13, 2022

Hangad

HANGAD

Tanong: "Ano ang hangad mo sa bansang Pilipinas?"
Agad kong tugon: Malayang bayan. Magandang bukas.
Matinong pamahalaan, lahat pumaparehas.
Walang mapagsamantala, isang lipunang patas.

Iyon ang mga hangaring pangarap ko sa bayan
Lalo't kayraming mapagsamantala sa lipunan
Hangga't bulok na sistema'y di pa napapalitan
Mga hangad iyong patuloy na ipaglalaban.

- gregoriovbituinjr.
06.13.2022

* litratong kuha ni misis noong Independence Day, 06.12.2022

Malaya nga ba?

MALAYA NGA BA?

malaya nga ba ang bayan sa bulok na sistema?
ngunit api pa rin ang manggagawa't magsasaka?
naririyan pa rin ang tuso't mapagsamantala
nananatili pa ring nasa tuktok ang burgesya
habang kayrami pa ring naghahanap ng hustisya!

laganap pa rin ang salot na kontraktwalisasyon
na di magawang regular ang manggagawa roon
silang nagpaunlad ng ekonomya'y bakit gayon?
di mabayarang tama ang lakas-paggawa niyon
ganyan ba ang malayang bansa? ang malayang nasyon?

magsasaka'y lumilikha ng pagkain ng bayan
silang babad sa lupa'y bakit naghihirap naman
sila ang nagtatanim ng palay sa kabukiran
kaymura ng kilo ng palay, hindi makatwiran
at kaymahal ng kilo ng bigas sa pamilihan

malaya nga ba ang bayan pag ganyan ang sistema?
lupang ninuno'y puntirya, hari'y kapitalista
gobyerno'y walang kontrol sa presyo, hirap ang masa
laya ba'y ano? pag dayuhan ay napalayas na?
laya ba'y ano? pag wala nang mapagsamantala?

- gregoriovbituinjr.
06.13.2022

* litratong kuha ng makatang gala sa Bantayog ng mga Bayani, 06.12.2022

Linggo, Hunyo 12, 2022

Liberty

LIBERTY

Liberty, Freedom, Kalayaan,
Kasarinlan ng ating bayan
araw itong ipinaglaban
dumatal man ang kamatayan

Liberty, pangalan ng mutya
ng iniirog kong mutya
ng asawang kasamang sadya
sa lahat ng hirap at tuwa

Freedom ay dapat nating kamtin
Independence Day, gunitain
Liberty'y karapatang angkin
huwag hayaang busabusin

isipin ang mga nahimlay
kayraming nagbuwis ng buhay
bayaning tinanghal na bangkay
upang lumaya tayong tunay

- gregoriovbituinjr.
06.12.2022

Pita

PITA

dinggin mo ang tinig
ng ating daigdig;
kung pulos ligalig,
wala bang pag-ibig?

tingni ang alindog
ng dagat at ilog;
sa basura'y lubog
ang mundo kong irog.

halina't magtanim
ng punong malilim,
ng adhikang atim,
ng pagsintang lihim.

ating alagaan
ang kapaligiran
at ang kalikasang
dapat mapagyaman.

haynaku, haynaku!
di po ito hayku..
ang panawagan ko
sana'y dinggin ninyo

ang hanap ng ibon
ay saan hahapon
sa sangang mayabong
o kawad lang doon?

- gregoriovbituinjr.
06.12.2022

Sabado, Hunyo 11, 2022

Pumokus

PUMOKUS

makaisang mali ka lang, deads ka
kaya pagsagot ay ingatan mo
babalik ka kasi sa umpisa
Streak One ka muli sa Sudoku

kaya magkonsentra ka, pumokus
na animo'y chess ang nilalaro
o algebra yaong tinutuos
nagsusuri ka ng buong buo

huwag mong hayaang magkamali
lalo't higit sandaan ang Streak
pumokus ka sa bawat sandali
nang sa Streak One ay di bumalik

iyan ang tangi kong mabibilin
sa mga Sudoku mahihilig
upang Streak, tuloy-tuloy pa rin
pumokus nang di basta madaig

- gregoriovbituinjr.
06.11.2022

Pluma

PLUMA

patuloy akong magsusulat
ng mga paksang mapagmulat
laban man sa mangungulimbat
o halibyong ang kinakalat

yaring pluma'y di umuurong
sa harap ng kutya't linggatong
maging sigwa man o daluyong
magsulat saanman humantong

anuman ang kulay ng tinta
bughaw, itim, lunti, o pula
magsusulat para sa masa
ng akdang sa diwa'y lipana

lipunang makatao'y asam
ang buti sa kapwa'y manamnam
kahit tiyan pa'y kumakalam
at puno pa ng agam-agam

aking sinasalin ang tula
ng mga makatang dakila
sinasalin sa ating wika
upang maunawa ng madla

iyan ang payak kong layunin
sa buhay at laging gawain
magsulat at magmulat man din
sa masa'y yakap kong tungkulin

- gregoriovbituinjr.
06.11.2022

halibyong - fake news

Biyernes, Hunyo 10, 2022

Ang aklat

ANG AKLAT

sa Pandayan Bookshop ay mapalad kong natagpuan
ang mga tula ni Robert Frost noong kabataan
kanyang dalawang tomong tula'y pinagsama naman
sa iisang aklat, talaga kong kinagiliwan

nilathala ng Signet Classics, Centennial Edition
sapat lang ang laman ng bulsa'y binili na iyon
dahil bihira lang ang magandang pagkakataon
kundi'y pag binalikan ko'y baka wala na roon

kilala ko na siya dahil sa The Road Not Taken
sikat niyang tulang minsan ko na ring naisalin
sa wikang Filipino, kaysarap nitong namnamin
hinggil sa pagpapasya sa landas mong tatahakin

datapwat tulang yao'y wala sa nasabing aklat
dahil kabataan pa niya't di pa naisulat
nang mabili ko yaong aklat, agad kong binuklat
habang inuusal, taospusong pasasalamat

- gregoriovbituinjr.
06.10.2022

Gabi

GABI

kaygandang gabi
nang makatabi
ang kinakasi
kong binibini

bakasakali
aking lunggati
na sintang mithi
ay ipagwagi

tanging diwata
ko't minumutya
pag siya'y wala
ay solong sadya

pagsinta'y ganyan
walang iwanan
saanmang laban
di mang-iiwan

- gregoriovbituinjr.
06.10.2022

Mapangwasak na pwersa ang tula

MAPANGWASAK NA PWERSA ANG TULA
ni Wallace Stevensmakatang Amerikano
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
9 pantig bawat taludtod

Ganyan nga ang pagdaralita,
Walang anupaman sa puso,
Ito'y magkaroon o wala.

Bagay iyong dapat mayroon,
Leyon, bakang kapon sa dibdib,
Nang damhing humihinga iyon.

Si Corazon, asong matabâ
Isang bulô, sakang na oso,
Nilasaha'y dugo, di dura.

Para s'yang tao, sa katawan,
Ng halimaw na anong lupit
Kalamnan n'ya'y kanyang-kanya lang...

Leyon ay natulog sa Araw.
Nasa ilong ang kanyang paa.
Na makapapaslang ng tao.

Talasalitaan:
bulô - batang baka

* Isinalin ng 06.10.2022

POETRY IS A DESTRUCTIVE FORCE

That's what misery is,
Nothing to have at heart,
It is to have or nothing.

It is a thing to have,
A lion, an ox in his breast,
To feel it breathing there.

Corazon, stout dog,
Young ox, bowlegged bear,
He tastes its blood, not spit.

He is like a man
In the body of a violent beast.
Its muscles are his own...

The lion sleeps in the sun.
Its nose is on its paws.
It can kill a man.

* From the book The Mentor Book of Major American Poets, pages 292-293

Huwebes, Hunyo 9, 2022

Si Juan Bobo sa Puerto Rico, si Juan Tamad sa Pilipinas

SI JUAN BOBO SA PUERTO RICO, SI JUAN TAMAD SA PILIPINAS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kung may Juan Tamad tayo sa Pilipinas, aba'y may Juan Bobo naman ang Puerto Rico. Aba'y oo. Nakita ko ito sa litrato ng pabalat ng kwentong Juan Bobo Goes to Work sa librong Children's Literature, 10th Edition, pahina 262. Habang ang pagbanggit tungkol dito ay tinipon lang sa iisang talata, na nasa pahina 259 at 261 ng nasabing aklat.

Nabili ko noong Abril 12, 2022 sa halagang P330.00 sa BookSale ng SM Megamall ang nasabing aklat na pinatnugutan ni Barbara K. Ziefer ng Ohio State University. At pag may panahon ay akin itong binabasa-basa, hanggang sa makita ko nga ang kwento ni Juan Bobo.

Narito at aking sinipi ang buong isang talata hinggil kay Juan Bobo sa nabanggit na aklat:

"Maria Montes's Juan Bobo is a favorite folk hero in Puerto Rico and is typical of the many noodlehead characters found around the world. In Juan Bobo Goes to Work, Juan sets out to get a job from a farmer. The first time he is paid he forgets what his mother, Doña Juana, told him and puts the coins in his holey pocket rather than holding them in his hand. The next time he sets out, Doña Juana tells him to put his pay in the burlap bag she gives him. This does not go well when he is paid in milk. The third day Juan goes to the grocer for work. Doña Juana instructs him to carry the pail of milk in his head. When he is paid with cheese instead of milk he puts it under his hat. Of course, the cheese melts as he walks home in the hot sun. The next week Doña Juana gives Juan Bobo a piece of string and tells him to tie up whatever the grocer gives him. He obeys, and drags a ham behind him on the string. The village dogs and cats proceed to have a feast. All is not lost because, as he walks by the window of a rich man, the man's sick daughter sees him. The daughter laughs out loud and is cured. In gratitude the rich man sends Juan and his mother a ham every Sunday."

Ang salitang "bobo" sa Puerto Rico ay kaparis ng kahulugan ng bobo sa ating wika. Ibig sabihin ay mangmang, tanga, tonto. Kaya nagsaliksik pa tayo.

Nakita natin na halos may pagkakapareho ang kwento ni Juan Bobo ng Puerto Rico sa kwento ni Juan Tamad, lalo na sa usaping katatawanan. Isinapelikula pa nga ang Juan Tamad Goes to Congress sa direksyon ni Manuel Conde. 

"Juan Tamad Goes to Congress" is the first political satire of Philippine cinema. Based on an original story by Congressman Pedro A. Venida of Camarines Norte (Nacionalista), who made a name for himself as a wit through his "Nothing" and "Something" speeches in Congress, the film is set in pre-Hispanic times. https://pelikulaatbp.blogspot.com/2017/05/juan-tamad-goes-to-congress-satire-on-html

Ito pa ang ilang kwento kay Juan Tamad, ayon naman sa Wikipedia:

Juan Tamad comes upon a guava tree bearing ripe fruit. Being too slothful to climb the tree and take the fruits, he instead decides to lie beneath the tree and let gravity do its work. There he remained, waiting for the fruit to fall into his gaping mouth.

Juan Tamad is instructed by his mother to purchase mud crabs at the market. Being too lazy to carry them home, he sets them free in a ditch and tells them to go home, as he would be along later.

Juan Tamad's mother makes some rice cakes and instructs him to sell these at the market. Passing by a pond, he sees frogs swimming to and fro. Being lazy to sell the cakes, he instead thrown them at the frogs, who eat the cakes. Upon reaching home, he tells his mother that all the cakes had been sold on credit; the buyers would pay for them the next week.

Juan Tamad's mother instructs him to go to the village market and buy a rice pot. A flea infestation in the village soon has Juan Tamad jumping and scratching for all he's worth; he lets go of the pot and it breaks into pieces. Thinking quickly, he picks up the pieces, grinds them into fine powder and wraps the powder in banana leaves, which he markets as "flea-killer."

Ang pangalang Juan ay sagisag ng karaniwang tao sa bansang Puerto Rico at Pilipinas, o sa iba pang bansang nasakop din ng bansang Espanya. Kaya minsan, mapapaisip ka kung bakit may kwentong Juan Bobo at Juan Tamad na animo'y pinagtiyap ang kapalaran. Kaya ginawan ko ng munting komento sa paraang patula ang dalawang magkatukayo.

SI JUAN BOBO AT SI JUAN TAMAD

ginawa bang katatawanan ng mga Kastila
ang mga katutubo sa sinakop nilang bansa
upang palabasing ang Kastila'y kahanga-hanga
at ang mga sinakop na Indyo'y kaawa-awa

tingni ang kwento ni Juan Bobo ng Puerto Rico
tingni ang kwento ni Juan Tamad sa Pilipino
parang pinagtiyap, animo'y iisa ang kwento
ang isa'y tamad, habang ang isa naman ay bobo

tila mga Kastila'y kumatha ng kwentong bayan
upang mga sakop ay balingan, mapagtawanan
dahil bobo't tamad, di yayaman o uunlad man
kaya karapatan ng Indyo'y madaling yurakan

aba'y ganitong kwento'y mabuting palitan natin
magandang katangian ng masa'y ating kathain
gawing kontrabida ang mga nanakop sa atin
at itanghal ang mga bayani nating magiting

06.09.2022

Soneto 146

SONETO 146
ni William Shakespeare
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
20 pantig bawat taludtod (tugmaang abab-cdcd-efef-gg)

Aba kong kaluluwa, ang sentro / ng daigdig kong makasalanan,
[Makasalanan kong mundo] yaong / lakas na maghimagsik ay tanghal,
Bakit ka nagdurusa sa loob / at naghihirap sa kasalatan,
Pinintahan ba'y labas ng iyong / dingding na napuno ng halakhak?
Bakit kaylaki ng ginugugol / gayong maiksi lang yaong upa,
Mga iyan ba'y ginagawa mo / sa iyong nilulumot na mansyon?
Ang mga uod bang naririyan / sa labis-labis mo'y magmamana't
Siyang uubos sa ginugol mo? / Wakas na ba ng katawang yaon?
Kaya, kaluluwa, mabuhay ka / sa iyong namimighating lingkod,
At hayaan mong sa pagdurusa'y / tumindi anumang tinatago;
Bilhin yaong itinakdang banal, / ibenta sa panahong pilantod;
Ang loob ay tiyaking mabusog, / sa labas, yaman mo'y maglalaho.
Kaya pakanin si Kamatayan, / na tao ang madalas sagpangin,
At, pag patay na si Kamatayan, / pagkamatay, mawawala na rin.

* Isinalin: ika-9 ng Hunyo, 2022

Tugmaang batay sa aralin sa katutubong pagtula:
abab - katinig na mahina a; katinig na malakas a;
cdcd - patinig na walang impit a; katinig na mahina o;
efef - katinig na malakas o; patinig na walang impit o;
gg - katinig na mahina i

SONNET 146
from the book The Sonnets, by William Shakespeare, Collins Classic

Poor soul, the center of my sinful earth,
[My sinful earth] these rebel pow'ers that these array,
Why dost thou pine within and suffer dearth,
Painting thy outward walls so costly gay?
Why so large cost, having so short a lease,
Dost thou upon thy fading mansion spend?
Shall worms, inheritors of this excess,
Eat up thy charge? Is this thy body's end?
Then, soul, live thou upon thy servant's loss,
And let that pine to aggravate thy store;
Buy terms divine in selling hours of dross;
Within be fed, without be rich no more.
So shalt thou feed on Death, that feeds on men,
And, Death once dead, there's no more dying then.

Miyerkules, Hunyo 8, 2022

No parking

NO PARKING

Hoy, huwag  pumarada kung saan
lalo na't may karatula riyan
ah, dapat ka munang magpaalam
nang di abutin ng siyam-siyam

anumang iyong minamaneho
iyan man ay trak, bus, taksi't awto
o ginagamit mong motorsiklo
o kahit bisikleta lang ito

magpaalam kung paparada ka
pag may "no parking" na karatula
ay huwag ka nang magpumilit pa
bantay ay magagalit talaga

di basta kung saan magpaparking
isa na iyang alituntunin
saanman, buti pa'y iyong sundin
kaysa tiketan ka't pagmultahin

- gregoriovbituinjr.
06.08.2022

Paglilingkod

PAGLILINGKOD

handa kaming magsilbi
sa bayang inaapi
tulungan ang marami
at di lang ang sarili

nakahandang maglingkod
di basta tatalikod
o basta lang tatanghod
sa isyung di malugod

upang sistemang bulok
at pulitikong bugok
ay palitan, iluklok
nama'y dukha sa tuktok

nang ating mapigilang
mapagsamantalahan
ang dukhang mamamayan
aba'y awtomatik 'yan

oo, kami'y kikilos
nang di na mabusabos
ang mayoryang hikahos
at sa buhay ay kapos

marangal na layunin
dakilang adhikain
kung sakaling patayin
palad ko'y tatanggapin

- gregoriovbituinjr.
06.08.2022

Tagulaylay sa buhay

TAGULAYLAY SA BUHAY
ni Nâzım Hikmet (kinatha noong 1937)
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
(pantigang anim, labindalawa’t labingwaluhin)

Nalalaglag na buhok sa iyong noo’y

      biglang iniangat.

Biglang may kung anong gumalaw sa lupa.

Nagbulung-bulungan yaong mga puno

      doon sa karimlan.

Ang mga bisig mo’y magiging malamig.

Sa may kalayuan

kung saan ay hindi tayo makakita,

  ang buwan marahil ay papasikat na.

At hindi pa tayo nararating nito,

dumudulas yaon sa maraming dahon

  upang pagaanin ang iyong balikat.

Datapwat batid ko

  iihip ang hangin kasabay ng buwan.

Nagbulung-bulungan yaong mga puno.

Ang mga bisig mo’y magiging malamig.

Mula sa itaas,

at mula sa sangang nawala sa dilim,

    may kung anong nahulog sa talampakan mo.

Ikaw ay umipod palapit sa akin.

Sa iwi kong palad yaong iyong laman
     ay tila malabong balat niyong prutas.

Ni awit ng puso o "sentido komon"-

bago yaong puno, ibon, at kulisap,

kamay ko sa laman ng aking asawa 

    wari’y nag-iisip.

Ngayong gabi naman ang kamay kong iwi

    ay di makabasa o makapagsulat.

Ni yaong umibig o di umiibig…

Iyon yaong dila ng tigre sa bukal,

        ang dahon ng ubas,

        ang paa ng lobo.

Gumalaw, huminga, kumain, uminom.

Para bagang binhi ang kamay kong iwi

    sa kailaliman ay naghati-hati .

Ni awit ng puso o "sentido komon,”

Ni yaong umibig o di umiibig…

Inisip ng kamay kong ang laman niring

      asawa ko’y kamay niyong unang tao.

Kapara ng ugat na hanap ay tubig sa kailaliman,

Aniya sa akin:

"Kumain, uminom, malamig, mainit, laban, amoy, kulay-

hindi ang mabuhay para lang mamatay

kundi ang mamatay nang upang mabuhay..."

Sa kasalukuyan

pag humampas yaong pulang buhok ng babae sa mukha ko,

habang may kung anong gumalaw sa lupa,

habang mga puno’y bulungan sa dilim,

at habang ang buwan sa malayo’y nikat

        kung saan ay hindi natin nakikita,

ang kamay ko sa laman ng asawa ko

bago yaong puno, ibon, at kulisap,

Ibig ko’y yaong karapatan sa buhay,

ng tigre sa bukal, ng binhing nahati-

      Nais ko’y karapatan ng unang tao.

* Isinalin: ika-8 ng Hunyo, 2022
* Tula mula sa: https://www.marxists.org/subject/art/literature/nazim/hymntolife.html

Hymn to Life
by Nâzım Hikmet

The hair falling on your forehead

      suddenly lifted.

Suddenly something stirred on the ground.

The trees are whispering

      in the dark.

Your bare arms will be cold.

Far off

where we can't see,

  the moon must be rising.

It hasn't reached us yet,

slipping through the leaves

  to light up your shoulder.

But I know

  a wind comes up with the moon.

The trees are whispering.

Your bare arms will be cold.

From above,

from the branches lost in the dark,

    something dropped at your feet.

You moved closer to me.

Under my hand your bare flesh is like the fuzzy skin of a fruit.

Neither a song of the heart nor "common sense"-

before the trees, birds, and insects,

my hand on my wife's flesh

    is thinking.

Tonight my hand

    can't read or write.

Neither loving nor unloving...

It's the tongue of a leopard at a spring,

        a grape leaf,

        a wolf's paw.

To move, breathe, eat, drink.

My hand is like a seed

    splitting open underground.

Neither a song of the heart nor "common sense,"

neither loving nor unloving.

My hand thinking on my wife's flesh

      is the hand of the first man.

Like a root that finds water underground,

it says to me:

"To eat, drink, cold, hot, struggle, smell, color-

not to live in order to die

but to die to live..."

And now

as red female hair blows across my face,

as something stirs on the ground,

as the trees whisper in the dark,

and as the moon rises far off

    where we can't see,

my hand on my wife's flesh

before the trees, birds, and insects,

I want the right of life,

of the leopard at the spring, of the seed splitting open-

      I want the right of the first man.

Ang aming martsa

ANG AMING MARTSA
ni Vladimir Mayakovsky
Hinalaw sa salin sa Ingles ni Dorian Rottenberg. Progress Publishers, Moscow, 1972;
Isinalin sa wikang Filipino ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ikumpas ang mga parisukat sa padyak ng mga rebelde!
Pataasin pa, mga tanod ng palalong ulo!
Huhugasan natin ang mundo ng pangalawang delubyo,
Ngayon na ang panahon ng pagdating ng kinatatakutan.
Masyadong mabagal, ang kariton ng mga taon,
Ang mga bakang kapon ng tag-araw – masyadong malungkot.
Ang aming diyos ang diyos ng bilis,
Ang aming puso — ang aming tambol ng pakikibaka.
Mayroon bang bulawang mas banal pa kaysa amin?
Anong putakti ng punglo ang maaaring makapanduro sa amin?
Awit ang aming armas, ang kapangyarihan ng mga kapangyarihan,
Ang aming bulawan — ang aming tinig — pakinggan lamang kaming umawit!
Kaparangan, humiga kang luntian sa lupa!
Sa seda hahanay ang aming araw-araw!
Bahaghari, magbigay ng kulay at kabilugan
Sa talampakang-plota ng kabayo ng panahon.
Namumuhi sa amin ang langit na may mabituing alindog.
Ay! Kung wala iyon ay maaaring mabuhay ang mga awit namin.
Hoy, Dawong-dawungan, hilingin mong
Dalhin kami ng buháy sa langit!
Magsiawit, sa tuwa’y lumagok ng lumagok,
Patuyuin ang tagsibol sa pamamagitan ng tasa, hindi ng didal.
Patindihin ang pagtibok ng iyong puso!
Nang dibdib nami’y maging pompiyang na tanso.

Talasalitaan
oxen - bakang kinapon, uri ng kinapon na lalaking baka, UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 860
gold – bulawan, ibid. p. 203
Ursus Major - Big Dipper, dawong-dawungan, ibid., p. 1309
steed - kabayo, mula sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English, p. 428
cymbal - pompiyang, ibid., p. 222
fleet - plota, hukbong-dagat, mula sa Diksyunaryong Ingles-Filipino, ni Felicidad T. E. Sagalongos, p. 190

06.08.2022

* ang litrato'y mula sa google

OUR MARCH
by Vladimir Mayakovsky
Source: Poems, Translated by Dorian Rottenberg. Progress Publishers, Moscow, 1972;
Transcribed: by Mitch Abidor

Beat the squares with the tramp of rebels!
Higher, rangers of haughty heads!
We'll wash the world with a second deluge,
Now’s the hour whose coming it dreads.
Too slow, the wagon of years,
The oxen of days — too glum.
Our god is the god of speed,
Our heart — our battle drum.
Is there a gold diviner than ours/
What wasp of a bullet us can sting?
Songs are our weapons, our power of powers,
Our gold — our voices — just hear us sing!
Meadow, lie green on the earth!
With silk our days for us line!
Rainbow, give color and girth
To the fleet-foot steeds of time.
The heavens grudge us their starry glamour.
Bah! Without it our songs can thrive.
Hey there, Ursus Major, clamour
For us to be taken to heaven alive!
Sing, of delight drink deep,
Drain spring by cups, not by thimbles.
Heart step up your beat!
Our breasts be the brass of cymbals.

Martes, Hunyo 7, 2022

Talahuluganan

TALAHULUGANAN

malaking tulong talaga sa pagsasalin
itong mga diksiyonaryong nasa akin
na pinag-ipunan kong sadya upang bilhin
upang magawa ang tungkulin kong magsalin

datapwat dapat maunawaan mong sadya
ang lengguwahe ng isasalin mong akda
lalo na kung iyong isasalin ay tula
isasalin sa paraang sukat at tugma

mga salita'y piling-pili kung dapat man
naaangkop at wasto sa pakahulugan
kung sinalin mo mula sa wikang dayuhan
pag iningles ang salin mo'y iyon din naman

gamitin ang talatinigan o glosaryo
ang talasalitaan o bokabularyo
ang talahuluganan o diksiyonaryo
upang pagsasalin mo'y matiyak mong wasto

subalit dapat mo munang maunawaan
di lamang yaong literal na kahulugan
lalo kung ideyoma ang salitang iyan
upang pagsasalin ay wastong magampanan

- gregoriovbituinjr.
06.07.2022

Streak 120

STREAK 120

naka-syento beynte na rin ako
high na high na ako sa Sudoku
Streak One Hundred Twenty na Ito
aba, haynaku, nakupo, naku

Sudoku'y munting kasiyahan lang
upang minsan ay makapaglibang
upang sa apoy ay di madarang
upang sa poste'y di nagbibilang

ayos na, naka-syento beynte na
ito ba'y malalagpasan ko pa?
sana, kaya pa, kaya pa sana
basta pumokus lang, magkonsentra

basta matapos lang ang trabaho
o maghapong gawain ko rito
aba'y ayos na ang buto-buto
at muling makakapag-Sudoku

- gregoriovbituinjr.
06.07.2022

Selfie

KUNG PAANO MAG-SELFIE

noon, upang malitratuhan ang sarili
pakikiusapan ang iba sa diskarte
kamag-anak, kakilala, best friend, kumpare
sila ang pipitik sa kamera, ang siste

ngayon, may makabago nang teknolohiya
ang mga selpon ay mayroon nang kamera
iayos ang kamerang sarili'y puntirya
habang tangan mo ang selpon, pitikin mo na

noon, bibili ka pa ng film, thirty six shot
kaya bawat pitik ay mahalagang sukat
ngayon, mapipitik na kahit sanlibong shot
basta memory'y di puno, kuha mo'y sapat

kayang mag-selfie kahit nagsosolo ka lang
may litrato ka mag-isa mang nagdiriwang

- gregoriovbituinjr.
06.07.2022

Tulos

TULOS

magtutulos ako ng kandila
para sa mga biktimang sadya
ng martial law, sila'y ginunita
sa Bantayog, bayani ng madla

nasaan na nga ba ang hustisya
para sa kanilang nakibaka
para sa lipunang nais nila
lipunang malaya, makamasa

asam ay lipunang makatao
patas yaong batas at gobyerno
karapatan ay nirerespeto
panlipunang hustisya'y totoo

ang kandilang aking itutulos
ay tandang hustisya'y niyayapos
malayang bayan, walang hikahos
wala ring api't binubusabos

- gregoriovbituinjr.
06.07.2022

Lunes, Hunyo 6, 2022

Pagkamulat

PAGKAMULAT
tula ni Karl Marx
malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
hinango sa Early Works of Karl Marx: Book of Verse (tula bago mag-1938) sa marxists.org

I
Pag nasira’y mata mong maningning
Na namangha at nanginginig,
Tila naligaw na musikang bagting
Na nagninilay, na nakaidlip,
Patungo sa lira,
Hanggang sa tabing
Ng pinakabanal na gabi,
Pagkatapos mula sa itaas ay kumikinang
Ang mga walang kamatayang bituin
Na sa loob ay nagmamahal.

II
Nanginginig, lumubog ka
Nang may pag-angat ng dibdib,
Nakikita mo ang walang katapusang
Mga daigdig na walang hanggan
Sa ibabaw mo, sa ilalim mo,
Hindi maabot, walang katapusan,
Lumulutang sa treng nagsasayaw
Nang hindi mapakaling kawalang-hanggan;
Isang atomo, nahulog ka
Doon sa Santinakpan.

III
Ang iyong pagkamulat
Ay walang katapusang pagsikat,
Ang iyong pagsikat
Ay walang katapusang pagbagsak.

IV
Pag ang nagsasayawang apoy
Ng iyong diwa’y sumalakay
Sa sarili nitong kalaliman,
Pabalik sa dibdib nito,
May lilitaw na walang hangganan,
Pinasigla ng mga espiritu,
Na dala ng matamis na pamamaga
Ng mahihiwagang himig,
Ang lihim ng kaluluwang
Bumangon muia sa bangin
Ng kasamaan ng kaluluwa.

V
Ang iyo namang paglubog
Ay walang katapusang pagsikat,
Ang iyong walang katapusang pagbangon
Ay may nanginginig na labi-
Na pinapula ng Aether,
Nagniningas, walang hanggang
Hinahagkan ng Punong Bathala

* isinalin: 6 Hunyo, 2022

The Awakening
poem by Karl Marx

I
When your beaming eye breaks
Enraptured and trembling,
Like straying string music
That brooded, that slumbered,
Bound to the lyre,
Up through the veil
Of holiest night,
Then from above glitter
Eternal stars
Lovingly inwards.

II
Trembling, you sink
With heaving breast,
You see unending
Eternal worlds
Above you, below you,
Unattainable, endless,
Floating in dance-trains
Of restless eternity;
An atom, you fall
Through the Universe.

III
Your awakening
Is an endless rising,
Your rising
An endless falling.

IV
When the rippling flame
Of your soul strikes
In its own depths,
Back into the breast,
There emerges unbounded,
Uplifted by spirits,
Borne by sweet-swelling
Magical tones,
The secret of soul
Rising out of the soul's
Daemonic abyss.

V
Your sinking down
Is an endless rising,
Your endless rising
Is with trembling lips-
The Aether-reddened,
Flaming, eternal
Lovekiss of the Godhead.