Biyernes, Nobyembre 12, 2021

Kalma lang

KALMA LANG

kalmado pa rin ba ang dagat
kahit na basura'y nagkalat
kahit maraming nabibinat
kahit covid na'y sumambulat

kalmado pa rin ba ang loob
kung ako'y di nakapagsuob
kung sa layon ay di marubdob
kung sa dibdib ay pulos kutob

kalmado pa rin ba ang puso
kung nawala na ang pagsuyo
kung pag-ibig na ay naglaho
kung dumatal na ang siphayo

kalma lang, ang payo sa akin
problema'y huwag didibdibin
anupaman ang suliranin
iyan ay may kalutasan din

- gregoriovbituinjr.
11.12.2021

Habilin

HABILIN

pag ako na'y binurol, may tatlong gabing tulaan
unang gabi'y para sa grupong makakalikasan
ikalawa'y sa kapwa makata, pampanitikan
ikatlo'y luksang parangal, tulaan sa kilusan
habang libing o kaya'y kremasyon kinabukasan

wala na akong ibang hihilingin pa sa burol
pagkat sa panahong iyon ay di na makatutol
bahala na ang bayan kung anong kanilang hatol
sana, sa huling sandali, pagtula'y di maputol
datapwat may isang hiling pang nais kong ihabol

sa lapida'y may ukit na maso na siyang tanda
na ako'y tapat na lingkod ng uring manggagawa
sa ilalim ng pangalan, nasusulat sa baba:
"Makatang lingkod ng proletaryo, bayan at madla
Mga tula'y pinagsilbi sa manggagawa't dukha"

pinagmamalaki kong ako'y nagsilbi ng tapat
bilang aktibistang mulat at kapwa'y minumulat
tungo sa lipunang makatao't lahat ay sapat
makata akong taospusong nagpapasalamat
sa kapwa tibak, sa kamakata, sa inyong lahat

- gregoriovbituinjr.
11.12.2021

Huwebes, Nobyembre 11, 2021

Haplos

HAPLOS

ramdam ko ang paghaplos ni misis
bago siya kanina umalis

haplos na tanda ng paglalambing
kahit di man muna magkapiling

may trabaho siya sa Maynila
ako'y naiwang di makahuma

walang kibo o di makaimik
nasa isip ay isinatitik

gayunman, nanatili ang haplos
na ngayong gabi'y yakap kong lubos

nawa'y magawa lahat ng bilin
di man makatulog ng mahimbing

at inumin ang mga tableta
batay sa nasulat sa reseta

sana'y gumaling na akong lubos
sana'y madama muli ang haplos

- gregoriovbituinjr.
11.11.2021

Punyagi

PUNYAGI

di ako nakasamang lumuwas
ni misis tungo sa kalunsuran;
sa check up ay babalik pa bukas
upang magpatuloy ang gamutan

kayraming dagdag alalahanin:
ang pulmonary tuberculosis
nang doktor ay kanya pang sabihin
na T.B.'y dahil may diabetes

tila isang kanyon ang pumutok
na mukha'y akin ngang nilamukos
mga plema'y dapat kong matutok
kailan ba ito matatapos

ah, nais ko nang lumuwas sana
ngunit sakit ayokong lumalâ
mga plano man ay napurnada
katawan muna'y gawing masiglâ

subalit ako'y magpupunyagi
upang di na magsisi sa huli
bukas muli'y magbakasakali
payo ng doktor, dingging maigi

- gregoriovbituinjr.
11.11.2021

X-ray

X-RAY

natamaan nga ang baga ko, komento ni misis
nang mabasa ang resulta ng x-ray, nang ma-release
ako pala ay may pulmonary tuberculosis
baka epekto ng covid na sa akin dumaplis

dapat magsaliksik upang di na ito lumubha
dapat kong aralin ano ito't dapat magawa
noong nagka-covid, ang oksiheno ko'y bumaba
naagapan naman iyon, buti't di na lumala

di man colored, nakababahala ring magka-T.B.
ingatan ang katawan, umuwi agad sa gabi
bagamat patuloy pa ring sa bayan nagsisilbi
kung makaramdam ng anuman ay agad magsabi

bawat nangyayari'y agad namang itinutulâ
pagkat ito ang kasanayan ng abang makatâ
kwento ng sakit at paggaling ay nasasaakdâ
animo'y paalalang mag-ingat at maging handâ

- gregoriovbituinjr.
11.11.2021

Bago lumuwas

BAGO LUMUWAS

bago lumuwas ng Maynila, nagpa-check up muna
nang malaman kung sa katawan ko'y may nasira ba
nagpa-antigen, buti't negatibo ang resulta
xray, testing ng dugo, general check up talaga

mula sa lalawigan kung saan ako na-covid
pa-Maynila na kami ni misis, walang balakid
anumang resulta ng check up ay dapat mabatid
upang kung mayroon mang sakit ay di na malingid

sa pagbalik ng Maynila'y makikipag-face-to-face
sa mga kasama sa planong aming kinikinis
sabagay, sa tungkulin ko'y ayokong nagmimintis
na ginagampanan kong tapat dugo ma'y itigis

paluwas na kami ni misis, magpapa-Maynila
siya'y may bagong trabaho, ako'y dati, siyanga
magsaliksik, magsalin, magsulat, katha ng katha
bilang secgen ng org, may trabahong dapat magawa

kaya dapat talagang magpalakas ng katawan
sakit ay labanan at ang sarili'y pag-ingatan
palusugin ang bawat kalamnan, puso't isipan
upang tungkuling atang ay talagang magampanan

- gregoriovbituinjr.
11.11.2021

Miyerkules, Nobyembre 10, 2021

Pagbabasa ang aking kanlungan

PAGBABASA ANG AKING KANLUNGAN

pagbabasa ang aking kanlungan
sa panahong yaring diwa'y lutang
kapag buraot ang pakiramdam
kapag panlasa'y walang linamnam
kapag buryong ay di napaparam

sa pagbabasa'y may nararating
lalo't puso't diwa'y nagigising
kunwa'y patungo sa toreng garing
na tambayan daw ng magagaling
na makata't awtor na maningning

pagbabasa ng maraming paksâ
ay malimit ko nang nagagawâ
tulad ng balita, kwento't tulâ
upang diwa'y mapagyamang sadyâ
lalo't akda'y nagbibigay-siglâ

taospusong nagpapasalamat
ang inyong lingkod sa dyaryo, aklat,
magasin, isyung nahahalungkat
pagbabasa'y kanlungan kong sapat
upang maging dilat at mamulat

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Bawal bata

BAWAL BATA

bawal ang bata sa upuan sa harapan ng dyip
di nakaligtas sa akin ang paskil na nahagip
agad nilitratuhan pagkat aking nalilirip
na wasto ang nakasulat, at ako'y napaisip

na kaligtasan agad ng bata ang kahulugan
halimbawa'y isang sanggol na ina ang may tangan
o bata mang di pa pumapasok sa paaralan
na pag biglang nagpreno ang dyip, di sila masaktan

ang kaligtasan ng mga bata'y malaking hamon
lalo't magulang, patunay ang paskil na ganoon
kaya magaling talaga ang nakaisip niyon
kung batas na ito'y saludo sa nagpasa noon

bawal ang bata ipwesto sa madaling disgrasya
sa loob man ng dyip, malayo sa pintuan sila
na sa biglaang preno'y tumilapon, mahirap na
sa naglagay ng paskil, salamat at mabuhay ka!

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Sa Fab

SA FAB

nandito akong muli sa paboritong FabCaffe
datapwat di kape, iniinom ko'y tsokolate
mainit na Dark Choco habang nagmumuni-muni
tangan ang pluma, tikim-tikim, anong sarap kasi

isa ito sa mga malimit kong pagtambayan
kung nais mo akong mahanap ay dito puntahan
at bakasakaling ako'y dito mo matyempuhan
inom lang ng inom habang may pinagninilayan

mamaya, isusulat na kung anong nalilirip
pagkat sa pagmumuni'y marami akong nahagip
tinula ko'y basahin mo't di ka na maiinip
at mababatid mo na rin ang nasa aking isip

kaya sa FabCaffe, taospusong pasasalamat
pagkat dito'y nakaka-relax na't nakasusulat
at kung may suliranin man o ang puso'y may sugat
umorder lang at tumambay sa FabCaffe na'y sapat

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

makatawag-pansin yaong paskil sa nasakyang dyip
matapos magpa-antigen, buti't di na positive
piniktyuran ko ang paskil na kayganda ng hirit
mangingiti ka sa "Bawal ang Kabit, Este Sabit"

dyip sa Baguio iyon, marahil pagsunod sa batas
kung may batas ngang ganito'y di ko pa nawawatas
sa Maynila ko unang nakita't tila paglutas
laban sa sumasabit at nang-aagaw ng kwintas

kaya seguridad iyon para sa pasahero
upang walang basta sumabit sa mga estribo
lalo't may mga isnatser na mabilis tumakbo
kinawawa ang biktimang papasok sa trabaho

bawal na ang kabit, bawal pa ang sabit, kayganda
palabiro man sa paskil, sadyang matutuwa ka
sa pasahero'y seguridad na, paalala pa
salamat sa nakaisip ng paskil, mabuhay ka!

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Sa aklatan

SA AKLATAN

kung sakaling makabisitang muli sa aklatan
nais kong maghapon doon, kahit walang kainan
magbabasa, magsasaliksik, magsusulat lamang
pagbabasa sa aklatan ay gawaing kay-inam

subalit sa pampublikong aklatan ay may oras
na pagdating ng alas-singko'y dapat nang kumalas;
ngunit kung may sariling aklatan, di na lalabas
makakapagbasa ka kahit na papungas-pungas

bumili ka ng aklat, mag-ipon ng babasahin
at sa mga libre mong oras, saka mo basahin
magbasa ka kahit abutin pa ng takipsilim
baka marami kang matuklasan at tutuklasin

dahil ang bawat aklat ay para na ring kapatid
pagkat kayraming kaalamang doon mababatid
mga mensahe ng awtor sa diwa hinahatid
kaya maraming sikretong sa iyo'y di na lingid

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Martes, Nobyembre 9, 2021

Sagipin ang ating planeta

SAGIPIN ANG ATING PLANETA

kwaderno'y binili dahil sa magandang pamagat
kwadernong tinataguyod ang daigdig ng lahat
na mundong tahanan ay alagaan nang maingat
upang di mapariwara ng ating gawa't kalat

sulatan ng mga katha't ng samutsaring paksa
tungkol sa nangyayari sa kalikasan at madla
tungkol sa nagbabagong klimang ano't lumalala
ang basurang plastik at upos, nakakatulala

"Save Our Planet," ang planeta natin ay sagipin
panawagang ito'y magandang layon at mithiin
sino pa bang magtutulong-tulong kundi tayo rin
na nananahan sa nag-iisang daigdig natin

tara, pag-usapan natin paano isasalba
ang tangi nating daigdig, ang tahanang planeta
pagtibayin ang dapat na plataporma't programa
para sa planeta'y magkapitbisig, magkaisa

- gregoriovbituinjr.
11.09.2021

Lunes, Nobyembre 8, 2021

Makatang nars

MAKATANG NARS

taasnoong pagpupugay sa Pinay, nars, makata
na nagwagi sa British poetry, kahanga-hanga
pangalan niya'y Romalyn Ante, anang balita
sa Jerwood Compton Poetry Fellows napabilang nga

doon sa Britanya, isa siyang tala sa gabi
sadyang nagniningning ang pangalang Romalyn Ante
na co-founding editor pa ng Harana Poetry
na online magazine na sa Ingles kinakandili

di lang makata, tranlator, editor pa't essayist
nars din siyang dalubhasa sa psychotherapeutic
treatment, at marami pa siyang award na nakamit
tunay siyang makatang dangal ng bansa ay bitbit

sa makatang nars, ipagpatuloy mo ang pagkatha
bagamat Pinay kang naririyan sa ibang bansa
mga nakamtan at nagawa mo'y kahanga-hanga
sana maisaaklat na ang iyong mga tula

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato mula sa ulat sa tabloid na Abante, isyu ng Nobyembre 8, 2021, pahina 9

Climate Justice Now!

CLIMATE JUSTICE NOW!

sa pangwalong anibersaryo ng bagyong Yolanda
sa panawagang Climate Justice ay nakikiisa
lalo't COP26 sa Glasgow ay nagaganap pa
kayraming delegadong tinatalakay ang klima

bakit nakiisa ako sa gayong panawagan
isa ako sa nakapunta noon sa Tacloban
nang sumamang magbigay ng relief goods ang samahan
sa mga nasalanta ng Yolanda't namatayan

at isang taon matapos iyon, ako'y nagpasya
sa mahabang lakaran, ang Climate Walk, ay sumama
tutungo kami sa Tacloban mula sa Luneta
naglakad mula Oktubre Dos, at lakad talaga

ilang lalawigan at bayan-bayan ang tinawid
upang mensaheng Climate Justice ay aming ihatid
bakit klima'y nagkaganyan, anong dapat mabatid
anong magagawa ng mga gobyerno't kapatid

nakapaang nilakad ang tulay ng San Juanico
at nakarating sa mismong unang anibersaryo
ng bagyong Yolanda sa Tacloban, Nobyembre Otso
kita'y barko sa lupa't puntod ng mga yumao

makalipas ang isang taon ay naglakad naman
sa ibang bansa, kasama'y naglakad sa Tacloban
ang Pransya'y narating at naglakad sa kalamigan
at pagpasa ng Paris Agreement ay nasaksihan

sa mga nakasama, taospusong pasalamat
sa bawat paglalakbay na tunay na mapagmulat
kaya sa isyu ng klima'y sinusulat ang dapat
tuloy sa hangaring Climate Justice para sa lahat

kaya kumikilos pa ako sa usaping klima
bilang isang manunulat, makatâ, aktibista
panawagang "Climate Justice Now!" ay sinisigaw pa
nang dinggin at kumilos ang mga gobyerno't masa

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato kuha sa Luneta, Oktubre 2, 2014, tangan ng makatâ ang pulang banner

Delta

DELTA

paano ba patutungo sa lungsod na katabi
na mula sa amin ay halos pitong kilometro
ayon sa ulat, delta variant doon ay kaytindi
pagkat nang bilangin, higit sandaan ang may kaso

ang ganoong ulat ba'y ipagwawalang bahala
nais man doong pumunta't may aasikasuhin
ay di mo agad magawa pagkat nababahala
kailangang papeles man ay dapat atupagin

magkagayunpaman, dapat pa rin tayong mag-ingat
lalo ngayong may delta variant na nananalasa
ito'y uri ng coronavirus, ayon sa ulat,
na mas matindi pa raw kaysa covid na nauna

bukod sa delta, may beta variant pang binabanggit
na ayon sa balita'y may limampu't limang kaso
nagka-covid na ako't ayaw muling magkasakit
kaya kalusugan ay pag-ingatan ngang totoo

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato mula sa tabloid na Pilipino Star Ngayon, Nobyembre 8, 2021, pahina 9

Linggo, Nobyembre 7, 2021

Kartilya

KARTILYA

dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan,
ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan
doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan
sa isang seremonyang talaga namang dibdiban

tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre
na dinaraos kahit nasa malayo man kami
sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre 
ikasandaang apat na anibersaryo nire

maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan
ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan

ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao
pawang inaaral bago maging Katipunero
sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao
nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto

higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay
ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay
nakikibaka, maralita't obrero'y karamay
halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Wika ng bayani

WIKA NG BAYANI

ang hindi magmahal / sa sariling wikà
ay higit sa hayop / at malansang isdâ
wika ng bayaning / tanyag at dakilà
pamana sa bayan, / sa puso tumudlâ

ang magsamantala / sa obrero't dukhâ
ay kapara na rin / ng kuhila't lintâ
ang sistemang bulok / na kasumpa-sumpâ
ay dapat baguhin / at palitang sadyâ

taludtod at saknong / ng abang makatâ
ay mula sa danas / bilang maglulupâ
na pag sinaliksik / ang mga salitâ
mauunawaan / ang kanyang tinulâ

hinggil sa obrero't / mga maralitâ
yaong karaniwan / niyang mga paksâ
pinag-uukulan / ng panahong sadyâ
upang nasa loob / ay kanyang makathâ

payo ng bayaning / tayo'y maging handâ
sa anumang oras / dumaan ang sigwâ
upang mailigtas / ang mga binahâ
at upang masagip / ang mga nabasâ

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

litrato mula sa google

Sahod

SAHOD

isinusulat kong pataludtod
ang nakakaawa nilang sahod
parang hinihintay sa alulod
patak ng kanilang paglilingkod

pag paksa'y ganyang nakakaluhâ
pagtula'y di na nakakatuwâ
ngunit may tungkulin ang makatâ
na masa'y ipagtanggol sa tulâ

kahit makata'y di mapalagay
bawat isyu'y unawaing tunay
kalutasang dapat matalakay
sahod at lakas-paggawa'y pantay

paano ang dapat nilang gawin
upang mga ito'y pagpantayin
pagkat iyon ang dapat tanggapin
nilang mga sahurang alipin

dapat ay makatarungang sahod
para sa obrerong naglilingkod
makatarungan, pantay na sahod
upang di na sila manikluhod

sa produktong kanilang nalikha
may kapantay na lakas-paggawa
subalit di mabayarang tama
bigay lang ay sahod na kaybaba

negosyo raw kasi ay babagsak
kahit sila'y tumubo ng limpak
obrero'y gumapang man sa lusak
di ibibigay ang sweldong tumpak

anang isang namimilosopo
subukan mo kayang magnegosyo
upang ang ganito'y malaman mo
bakit dapat baratin ang sweldo

at di dapat bayaran ng tama
iyang kanilang lakas-paggawa
baka malaking kita'y mawala
kung ibibigay sa manggagawa

ganyan pag nabisto ang mahika
nitong sistemang kapitalista
kaya manggagawa, magkaisa
baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021
(Kinatha kasabay ng ika-104 anibersaryo ng Dakilang Rebolusyong Oktubre)

Aanhin pa

AANHIN PA

kasabihang tulad nito
ay pamana sa bayan ko:
aanhin pa ba ang damo
kung patay na ang kabayo

aanhin pa ba ang kumpay
kung wala na ang kalabaw
kanino ka na aakbay
kung katoto mo'y pumanaw

aanhin mo pa ang utang
kung umutang na'y namatay
wala na ngang kasulatan
nakalista pa sa laway

aanhin mo ang pag-ibig
kung may iba kang kaniig
pakakainin mong bibig
sa gutom na'y nanginginig

aanhin mo pa ang kindat
ng bininibing kayrikit
nariyang nakamulagat
ang misis mong anong higpit

aanhin mo ang patuka
kung manok mo'y nawawala
baka kinain ng daga
na hinabol nitong pusa

aanhin mo ang pangulo
kung di nagpapakatao
at wala namang respeto
sa karapatang pantao

aanhin mo pa ang pera
sa palad mo o pitaka
kung may GCash ka na pala
kwarta'y nasa internet na

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Tunggalian

TUNGGALIAN

boksingero kang mahusay
ang madla'y di magkamayaw
nang mapalaban kang tunay
sa katunggaling bakulaw

nakamtan mo ang tagumpay
umuwing pasayaw-sayaw
pulos gastos, pulos tagay
naaksaya'y angaw-angaw

hanggang di ka napalagay
sa pangyayaring lumitaw
lumabas ka lang ng bahay
nang likod mo ay hinataw

namumula na ang latay
gumanti ka't di umayaw
nasaktan na'y di umaray
tuloy pa rin sa paggalaw

sumugod ba'y anong pakay?
inggit ba o pagnanakaw?
bakit ka sinaktang tunay?
ah, ramdam mo'y natutunaw

nang sa banig naparatay
pamilya'y napapalahaw
ramdam mo na'y nasa hukay
tila mundo mo'y nagunaw

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021