Biyernes, Agosto 20, 2021

Simpleng bagay

SIMPLENG BAGAY

kayrami nang paksa sa simpleng bagay, alam mo ba
na pag sinuri mo ang bagay, mapapahanga ka
tulad na lang ng bigote mong dapat ahitan na
may masabi ka kaya sa pang-ahit o labaha

sa face shield at face mask ay may paksang mahahalukay
hanger man o pentel pen ay iyong matatalakay
subukan mo lang suriin ang mga bagay-bagay
matapos mo mang kumain ay bigla kang madighay

di lang pulos teorya o mabibigat na paksa
ang maaaring talakayin ng mga makata
di lang pagbaka laban sa karahasan sa madla
kundi simpleng bagay sa paligid mo'y maitula

suriin mo lamang ang pinta ni Salvador Dali
pinipinta'y simpleng bagay, di ka ba mapakali?
suriin mo ang bigay mong rosas sa binibini
siya ba'y napasagot mo, o di ka napakali

kahit nga nadarama ko'y sakit ng kalooban
nilalabas ko ang niloloob sa bayabasan
paksa'y di lang problema ng bayan, simpleng bagay lang
tulad ng bigote't balbas kong inahit ko naman 

- gregoriovbituinjr.
08.20.2021

Alkohol

ALKOHOL

mag-alkohol ka, laging bilin ni misis sa akin
pagdating sa bahay, mag-alkohol agad-agad din
bago pumasok, damit at sapatos ay hubarin
at kung kailangan, maghilamos, mukha'y sabunin

iyan ang kalakaran sa bahay lalo't pandemya
kalusuga'y huwag balewalain, bilin niya
mahirap nang magkasakit sinuman sa pamilya
sa bahay, ang bilin ni misis ay batas talaga

kanyang paalala'y huwag ipagwalang bahala
alagaan ang kalusugan nang di mabahala
at magbaon ng alkokol sa bulsa o bag kaya
upang kahit papaano'y maprotektahang sadya

personal hygiene, isopropyl at ethyl alcohol
huwag lang gin at serbesang ibang klaseng alkohol
di nagbibiro si misis, baka siya'y magmaktol
at baka di ako makahalik, siya'y tututol

- gregoriovbituinjr.
08.20.2021

Bolpen

BOLPEN

pag nawalan ng bolpen at papel, natataranta
madali lang hanapin ang papel sa bag at bulsa
subalit ang bolpen, ang bolpen, nahan na, nahan na
kayhirap nitong may bolpen ka'y di naman makita

biglang lumitaw sa diwa'y kaygandang pangungusap
dahil di nasulat, nawala lang sa isang iglap 
nang bolpen na'y makita, pilit na hinahagilap
ang talata, parirala't kataga sa hinagap

kung saan-saan kasi nailalagay ang bolpen
napapatong kung saan kaya laging hahanapin
nasasadiwa'y baka mawala't hipan ng hangin
ah, dapat may reserbang bolpeng mabilis bunutin

diwa't bolpen ay susulpot nang di inaasahan
kaygandang pagkakataong dapat pinaghandaan
laki kong pasasalamat pagkat nagbalik naman
ang nawalang bolpen at pangungusap sa isipan

upang maisulat na ang magagandang kataga
upang ayusin ang naghambalang na parirala
upang kamadahin ang nagrarambulang salita
upang maihilerang tama ang talata't tula

- gregoriovbituinjr.
08.20.2021

Suliranin

SULIRANIN

kayrami kong suliraning dinadaan ko na lang
sa pagtula habang hinahanap ang kalutasan
ayoko itong pagtuunang pansin kadalasan
at masisira ang daigdig kong pampanitikan

dahil manunula, problema'y nakikitang paksa
kaya marahil di natataranta't napapatda
nakikita ang solusyon sa pagkatha ng tula
nakakapagsuri na sa proseso ng pagkatha

ngingiti'y tila walang problema ngunit mayroon
mistulang ipinagwawalangbahala lang iyon
habang nagsusuri'y may bumubungad na solusyon
sa laksa kong suliraning animo'y walang tugon

di lang pagtula, mahalaga ring may makausap
baka may katugunan sila't mungkahi, paglingap
suliranin ay parang manggang hilaw pag nalasap
ilang araw lang ay manibalang na't anong sarap

- gregoriovbituinjr.
08.20.2021

Ginisang siling lara't santol

GINISANG SILING LARA'T SANTOL

kagabi, niluto ko'y ginisang siling lara't santol
iyon ang mayroon ako't diwa'y di na tumutol
nang makita ko agad ay walang kagatol-gatol
na hiniwang maninipis, tiyan na'y nagmamaktol

halos di kayanin ang anghang nang aking maluto
gayunman ay sarap pa rin ang aking nakatagpo
tama si misis, magluto ng may buong pagsuyo
kaya nabusog pa rin sa aking lutong pangako

pinaghalo ang siling larang kulay lunti't pula
green at red bell pepper ay maanghang man pag ginisa
sa kalaunan ay sumasarap din sa panlasa
lalo na't nagmamaktol ang bulate sa sikmura

maraming salamat dito't nabusog din kagabi
ngunit agad nagpuntang banyo, sinong masisisi

- gregoriovbituinjr.
08.20.21

Bukrebyu: Ang Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos

BUKREBYU: ANG BALARILA NG WIKANG PAMBANSA NI LOPE K. SANTOS
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Tuwang-tuwa akong nabili ang aklat na Balarila ng Wikang Pambansa ni Lope K. Santos. Bihira lang ang magkaroon ng mahalagang aklat na ito, na sa madalas kong paglilibot sa mga book store ay wala nang makikitang ganito. 

Buti na lamang at muli itong inilathala ng Komisyon sa Wikang Filipino (KWF) sa pakikipagtulungan sa Pambansang Komisyon para sa Kultura at mga Sining (NCCA) noong 2019 bilang isang proyekto sa Aklat ng Bayan. Ang Aklat ng Bayan, ayon sa aklat, "ay isang pangmatagalang proyekto ng KWF na layuning isulong ang "Aklatan ng Karunungan" (Library of Knowledge) na magtatampok sa Filipino bilang wika ng pagkatha at saliksik."

Nabili ko ang aklat na ito mula sa katas ng isa kong artikulong inilathala ng Cultural Center of the Philippines (CCP) sa kanilang publikasyong Ani, kaya sa pagdalaw ko sa makasaysayang Solidaridad Bookshop sa Ermita, Maynila ay hindi ko na pinakawalan pa ang aklat na ito. Dahil naisip kong bihira lang ang nagkakaroon ng ganitong aklat. Nabili ko ang aklat noong Hunyo 3, 2021 sa halagang animnaraang piso (P600.00).

Ang sukat ng nasabing aklat ay 7" x 10" at ang kapal nito ay 1 at 1/4". Naglalaman ito ng mga pahinang Roman numeral na 42 at Hindu Arabic numeral na 496, na sa kabuuan ay 538 pahina.

Pinasimulan ang aklat sa mahabang talakay ni Galileo S. Zafra, na pinamagatang "Si Lope K. Santos at ang kanyang Palatuntunang Pangwika" mula pahina XI hanggang XLI. Dito'y tinalakay rin niya ang talambuhay ni LKS hanggang sa isulat nito ang Balarila ng Wikang Pambansa.

Ang Unang Bahagi ng aklat ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
I. Balarila ng Wikang Pambansa, p.8
II. Ang Palatitikan, p.12
III. Ang mga Pantig, p.23
Iv. Palabuuan ng mga Salita, p.28
V. Mga Sangkap ng Pananalita, p.35
VI. Ang Palagitlingan, p. 40
VII. Ang Palatuldikan, p. 66
VIII. Ang Baybaying Pilipino, p. 95
IX. Ang mga Pang-angkop, p. 105

Ang Ikalawang Bahagi naman ay binubuo ng mga sumusunod na kabanata:
Ang Palasurian (Analogy), p. 111
X. Ang mga Pantukoy, p. 112
XI. Ang Pangngalanp. 120
XII. Ang Pang-uri, p. 167
XIII. Ang mga Panghalip, p. 234
XIV. Ang Pandiwa, p. 253
XV. Ang Pandiwari, p. 397
XVI. Ang Pang-abay, p. 402
XVII. Pang-ukol, p. 444
XVIII. Ang Pangatnig, p. 451
XIX. Ang Pandamdam, p. 470

Sa dulo ng aklat, mula p. 476 ay may kabanatang Mga Dagdag na Panutuhan, kung saan kasunod niyon ang Appendix A, B, at C.

Mapapansing mahahabang pahina ang inukol sa pagtalakay sa Kabanata XII na may 67 pahina at sa Kabanata XIV na may 144 pahina, patunay ng pinag-ukulan ng panahon at pananaliksik ang mayabong na pagtalakay hinggil sa Pang-uri at Pandiwa. Bagamat ang ibang maiikling kabanata ay kasinghalaga rin naman ng mga nabanggit.

Sa mga pagtalakay ay nagbibigay ng halimbawa si LKS upang mas magagap pa ng mambabasa o mag-aaral ng wika kung paano ba ito ginagamit.

Isa sa mga nagustuhan ko ang pagtalakay sa Titik m ng Kabanata VI hinggil sa Palagitlingan, na tumutukoy sa paggamit ng gitling sa panlaping ika (na madalas ay mali ang pagkakagamit ng ilan nating kababayan sa kasalukuyan, tulad ng ika-5 ay nilalagyan ng gitling kapag ginawang salita, ika-lima, na mali).

(m) Kung gamit sa pagbilang ng mga nagkakasunud-sunod sa hanay, at ang bilang ay di mga salita kundi mga titik-bilang o tambilang (numero-figure). Gaya ng: 

ika-8 ng umaga; ika-10 n.t.; ika-11 n.g.
ika-28 ng Pebrero; ika-13 ng Agosto; ika-25 ng Disyembre
tuntuning ika-4, kabanatang ika-12; ika-20 pangkat

Kung ang mga bilang ay salita, pinagkakabit na nang walang gitling. Gaya ng:

ikawalóng oras; ikasampú't kalahati; ikalabing-isá
ikadalawampú't walo ng Pebrero; ikalabintatló ng Agosto
tuntuning ikaapat; kabanatang ikalabindalawá

Mapapansing ginamitan pa niya ng tuldik ang mga halimbawa. Sadyang pinag-ukulan ng pansin ang paggamit ng gitling na binubuo ng dalawampú't siyam na pahina.

Sa kabuuan, ang aklat na ito ay isang kayamanang maituturing ng tulad kong makata't manunulat upang lalo pang mapahusay ang pagsusulat ng mga kwento, sanaysay at tula

Ibahagi natin ang mga kaalamang ito. Inirerekomenda ko ito sa mga mag-aaral, mga manunulat, kwentista, mandudula, kompositor, makata't mananalaysay, mga mananaliksik sa wika, at sa kapwa palaaral sa wikang pambansa. At ang munting pagtalakay na ito'y isa nang ambag at magandang pambungad ngayong Agosto bilang Buwan ng Wika.

08.20.2021

Huwebes, Agosto 19, 2021

Si Miss Gina Lopez, Environmentalist

SI MISS GINA LOPEZ, ENVIRONMENTALIST

dalawang beses ko lang siyang nakita ng personal
una'y sa loob ng bulwagan ng D.E.N.R.
kung saan niralihan namin ang kanyang tanggapan
pinapasok kami't mga isyu'y pinag-usapan

ikalawa'y sa labas ng D.E.N.R., nang dumamay
sa mga taga-Greenpeace na iginapos ang kamay
nang si Miss Gina Lopez ay di na pinasang tunay
ng Commission of Apointments sa pwesto niyang taglay

at ngayong araw, siya'y naalala ko't ng tao
sapagkat ngayon ang ikalawang anibersaryo
ng kanyang pagkamatay, isang dakilang totoo
siyang naglingkod ng mahusay bilang sekretaryo

taospuso akong nagpupugay, Miss Gina Lopez
kaygaling mong pinuno ngunit nawalang kaybilis
inspirasyon sa henerasyong parating, paalis
maraming salamat sa paglilingkod sa bayang hapis

- gregoriovbituinjr.
08.19.2021

* litrato mula sa Greenpeace

Ang estado

ANG ESTADO

napaka-teyoretikal ng mga pag-usisa
ano ba ang estado o yaong pamamahala
ng isang teritoryo, rehiyon, o kaya'y bansa
o pangkat ng mga taong nabuhay ng malaya

anong kasaysayan ng Atlantis, ayon kay Plato
bakit nga ba ito ang ideyal niyang estado
si Engels naman, sinuri'y pag-aaring pribado
pati na pinagmulan ng pamilya't ng estado

ang isa pa'y ang Estado't Rebolusyon ni Lenin
hinggil sa estadong dapat pag-aralang taimtim
anong kakapal ang mga librong dapat basahin
nakakatuwa kung buod nito'y malaman natin

anong mga nangyari sa primitibo komunal
bakit nawala't lipunang alipin ang umiral
bakit panginoong maylupa'y naghari sa pyudal
paanong lipuna'y binago ng mangangalakal

bakit ang aring pribado'y ugat ng kahirapan
bakit laksa'y mahihirap, mayaman ay iilan
bakit may inaapi't pinagsasamantalahan
paano itatayo ang makataong lipunan

paano sumulpot ang mga uri sa estado
bakit may watawat, pulis, teritoryo't husgado
paano sumulpot ang diktadura't ang gobyerno
anong halaga ng pakikibaka ng obrero

mga inaral na ito'y ibahagi sa masa
lalo't inaasam nila'y karapata't hustisya
paano kamtin ang lipunang para sa kanila
kung saan pantay, parehas at patas bawat isa

- gregoriovbituinjr.
08.19.2021

Sa muling paghahanap ng salita

SA MULING PAGHAHANAP SA SALITA

buwan ng Agosto'y tinuring na Buwan ng Wika
at napakahalagang buwan sa aming makata
lalo na't binibigyang pansin ang wikang pambansa
na anuman ang programa'y inaabangang sadya

nais naming manood at makinig ng anuman
tungkol sa pagpapahalaga sa wika ng bayan
iyon man ay tungkol sa mga isyung panlipunan
dili kaya'y sa pagpaunlad ng panitikan

ngayong Buwan ng Wika, muli akong tumataya
bilang mahilig sa panitikan ay mag-usisa
at makapag-ambag sa pagpapaunlad ng wika
patuloy akong naghahanap ng mga salita

katutubong salitang kaiba sa wikang dayo
na magagamit sa aming pagtula't pagkukwento
di lang mula Tagalog kundi Bisaya't Iloko
at di rin Tagalog-Maynila kundi Batanggenyo

magamit ang ilang salita mula Hiligaynon
Kinaray-a, Kapampangan, Ivatan, Higaonon
Ilongot, Igorot, Ifugao, Apayaw, Aklanon
Bikol, Samarnon, Jama-Mapun, Ayta-Magbubukun

nang may paggalang pa rin sa paggamit ng salita
di maging tsapsuy o mestisong halu-halong sadya
kundi unti-unting ipinaaalam sa madla
na wikang dayo'y may katumbas sa ating salita

siklat pala'y toothpick, ang kapisanan nama'y gunglo
kapilya'y tuklong, ang fake news pala'y halibyong dito
mayroong inimbento, email ay sulatroniko 
charger ay pantablay, website ay pook-sapot dito

at muli, ako'y tumataya sa salita natin
sa sariling paraan, mag-aambag, pauunlarin
sa pamamagitan ng tula't pagkuwento na rin
ang wika'y payabungin, at katutubo'y gamitin

- gregoriovbituinjr.
08.19.2021

Timba't tubig

TIMBA'T TUBIG

dapat mag-ipon, nawawalan ng tubig sa gabi
upang may maipambuhos sakaling mapatae
at may maibanlaw sa sinabunang kilikili
ma-ipon din ng tubig sakaling nais magkape

may ilang timba naman tayong mapapag-ipunan
kaya sa araw pa lang, punuin na ang lalagyan
at pag nagutom sa gabi'y magluluto sa kalan
dapat may tubig sa pagluluto't paghuhugasan

anupa't tubig ay buhay na kailangan natin
sa araw-araw nating pamumuhay at gawain
maliligo, maglalaba, magluluto, kakain
kaya gamitin ng husay at huwag aksayahin

mumunting timbang sana'y di butas, ating kasama
upang maging maalwan ang buhay, di man sagana
maraming salamat sa tubig, ang buhay ng masa
ang mawalan ka ng tubig ay tunay na disgrasya

- gregoriovbituinjr.
08.19.2021

Kapanatagan

KAPANATAGAN

kapanatagan sa puso't diwa'y ramdam mong sukat
di sa pananahimik kundi sa pagiging mulat
panlipunang hustisya'y nakamit na ng kabalat
karapatang pantao'y pinaglalaban ng lahat

kaya naririto akong nagpapatuloy pa rin
sa niyakap na prinsipyo, mithiin, adhikain
pagtatayo ng lipunang makatao'y layunin
at sa puso't diwa ang kapanatagan ay kamtin

di ako tumatambay sa probinsya't nakatanghod
wala roon ang laban kundi narito sa lungsod
ayokong sayangin ang panahon kong nanonood
kung may isyung dapat ipaglaban ako'y susugod

di rin tatambay sa bakasyunan sa lalawigan
kung wala namang mga sakit na nararamdaman
di rin naman nagreretiro sa anumang laban
dapat lang ituloy ang nasimulan, mamatay man

bagkus sa pakikibaka'y walang pagreretiro
hangga't di maitayo ang lipunang makatao
wala pa ngayon ang kapanatagang pangarap ko
hangga't di maitayo ang lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
08.18.2021

Miyerkules, Agosto 18, 2021

Gawain ng panitikero sa kasaysayan

GAWAIN NG PANITIKERO SA KASAYSAYAN

pulos mga kathang isip lang ba ang binabasa
ng ating panitikero, makata't nobelista
di ba't bilang manunulat, alam din ang historya
ng bayan, magsulat man ng tula, nobela't drama

kasaysayan ng bansa't ng mundo'y dapat mabatid
sa bawat panitikerong di dapat nalilingid
paanong pang-aalipin ay tuluyang napatid
paanong mga bansa'y lumaya sa tuso't ganid

paano nasuri ang nakitang sistemang bulok
bakit sa diktadura, mga bayan ay nalugmok
bakit nahalal ang pinunong palamura't ugok
ang Boxer's Rebellion ba sa Tsina'y panay ba suntok

panitikero'y may gawain din sa kasaysayan
dapat inaral din ang Kartilya ng Katipunan
ang Liwanag at Dilim ni Jacinto'y natunghayan
pati kwento ng mga hari't sistemang gahaman

nakitang mali sa kasaysayan ay tinatama
sa paraang batid nila, nobela man o tula
kasaysaya'y sinapelikula o sinadula
o sa mga sanaysay man na kanilang inakda

kaya ako bilang makata at panitikero
pagbabasa ng historya'y ginagawang totoo
nakatagong lihim ay maipabatid sa tao
itula ang kasaysayan sa paraang alam ko

- gregoriovbituinjr.
08.18.2021

ATM - Automatic To Misis

ATM - Automatic To Misis

may A.T.M. na rin ako, Automatic To Misis
ibigay kay misis ang kinita ng walang mintis
ang mga kaperahang walang kulang, walang labis
daraan lang sa palad, mawawalang anong bilis

kaya pasasalamat sa pinasok na kampanya
ng aming samahang may kakulangan sa pinansya
ngayon dapat kumilos sa tinanggap na programa
at paghusaying epektibo ang kampanyang masa 

ganyan naman ang buhay-mag-asawa, may bigayan
lalo't marapat lang na si misis ang ingat-yaman
dahil kung ako lang, sa libro'y ubos agad iyan
na nasa isip lagi'y saliksik sa panitikan

pag may pera'y di ginagastos sa anumang bisyo
anong bait naman, aba'y di naninigarilyo
bihira ring mag-inom, pulos bili lang ng libro
tanging bisyo'y kumatha lang ng tula isa singko

kaya A.T.M. ko'y parang tibuyô o alkansya
doon ilagak ang anumang matanggap na kwarta
na ibig sabihin, kay misis agad iintrega
kaysa pera sa kamay ko'y parang bula't wala na

- gregoriovbituinjr.
08.18.2021

Tulang salin: Ang landas na di tinahak

ANG LANDAS NA DI TINAHAK
Klasikong tula ni Robert Frost, makatang Amerikano
Malayang salin ni Gregorio V. Bituin Jr.
16 pantig bawat taludtod

Dalawang lansangan ang lumihis sa dilaw na kahoy,
At paumanhin kung  di ko ito kapwa matatahak 
At maging isang manlalakbay, kaytagal kong tumayo
At tumingin nang pababa hanggang sa makakaya ko
Kung saan ito yumuko sa mga halamang ligaw

Ipinasya kong tahakin ang daang tingin ko’y patas,
At dahil na rin marahil sa mas mahusay na pasya,
Lalo na't madamo roon at kaysarap na suutin
Bagamat tinitingnang ang pagtahak sa dakong iyon
Ay nakakapagod din bagamat sila’y pareho lang

At kapwa sa umagang iyon, pantay na nakalatag
Yaong mga dahong walang hakbang na naiitiman.
Ay, akin muna itong ilalaan sa ibang araw!
Batid man kung paanong daan ay gigiya sa landas
Ay nagdududa ako kung ako’y makababalik pa.

Masasabi ko lamang ito nang may buntong hininga
Saanman maging noong una hanggang panahon ngayon
Dalawang lansangan ang lumihis sa kahoy, at ako’y—
Tinahak ko ang landasing di gaanong nalalakbay
At ito lang ay nagpakita na ng pagkakaiba.

- Salin ng tulang The Road Not Taken, na nakasulat sa Ingles, na nasaliksik ng tagasalin sa aklat na The Mentor Book of Major American Poets, pahina 250. Ang nasabing aklat ay nabili ng makatang gala sa Book Sale sa Farmers Plaza, sa Cubao, QC, sa halagang P125.00 noong Nobyembre 20, 2020.
- Natapos isalin ngayong 08.18.2021

Sa bawat butil

SA BAWAT BUTIL

ang butil ay di dapat maaksaya't maging mumo
na baka sa bawat hapag-kainan ay magtampo
bahala na ba ang mga langgam sa mumong ito
na sa kanila'y alay mo na sa labas ng plato

mula palay tungong bigas hanggang sa maging kanin
ang nilalandas ng munting butil na kinakain
gintong butil na inaalagaan nang magaling
kung iluto'y in-inin nang maganda ang sinaing

mula sa butil ng pawis ng mga magsasaka
na madaling araw pa lamang ay nasa bukid na
kaya makikita mo kung gaano kahalaga
ang bawat butil na bumubuhay nga sa pamilya

kahit bahaw ay kainin, sa umaga'y isangag
huwag hayaang mapanis sakaling maglagalag
kasangga ang butil upang prinsipyo'y di matinag
at buhay ng ating buhay upang maging matatag

- gregoriovbituinjr.
08.18.2021

Ang papepi

ANG PAPEPI

wala nang toyo kaya nagtungong tindahan
nang madapa kaya ngayong nag-aalangan
pumuntang banyo't sugat muna'y hinugasan
paika-ika't sinisisi'y katangahan

pinanonood kasi'y langgam na nagbuno
gayong tuliro sa gutom na di maglaho
ah, dapat nang labhan ang medyas na mabaho
saka na atupagin ang dinidibuho

tingin na sa sarili'y papepi o lampa
na kamay ay laging nasa loob ng bulsa
katawang payat, mahina't namumutla pa
di kasi kumakain sa oras tuwina

kanyang hinimas-himas ang duguang tuhod
kung di agad tumayo'y baka napilantod
aral sa kanya: huwag laging nakatanghod
o lumilipad ang isip na parang tuod

- gregoriovbituinjr.
08.18.2021

Martes, Agosto 17, 2021

Munting piging sa ika-27

MUNTING PIGING SA IKA-27

tulad ng pagbaka sa naglilipanang halimaw 
silang sa dugo ng mga tao'y uhaw na uhaw
paslang dito, tokhang doon, pulos bala't balaraw
ang pinantugis sa masa't inosenteng pumanaw

at ako'y nakiisa sa mga inang lumuha
pagkat di pa handang mga anak nila'y mawala
gayundin naman, may mangangalakal na kuhila
na pinagsamantalahan ang dukha't manggagawa

nakiisa ako sa naghahanap ng hustisya
sumama ako sa bawat nilang pakikibaka
hanggang sa ako'y sumumpang aking idadambana
ang karapatang pantao't kagalingan ng masa

balang araw, itayo ang lipunang makatao
habang yakap-yakap ang mapagpalayang prinsipyo
"Iisa ang pagkatao ng lahat!" ni Jacinto
tangan ang pakikipagkapwa't pagpapakatao

tanda ko ang petsang iyon, kaya pinagdiriwang
munting piging, tagay, pulutan, kahit mag-isa lang 
ang maging kasama sa pagbabaka'y karangalan
isang tagay para sa akin, ah, isang tagay lang

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

minsang sumakay ako sa dyip ay may paalala
sa gitna ng mga pasahero'y nakasulat na
hinggil sa social distancing na dapat mong mabasa
pulos tagubilin dahil panahon ng pandemya

tsuper o may-ari ng dyip, maganda ang naisip
kaya sa paglalakbay, ingat-ingat ang kalakip
yugto sa buhay na huwag kainisan, sa halip
social distancing pa rin sakaling sasakay ng dyip 

upang mga pasahero'y iwas magkahawaan
upang irespeto natin ang bawat karapatan
sa kalusugan at kapakanan ng mamamayan
kaya senaryo sa dyip ay aking nilitratuhan

upang magpasalamat at magbigay pagpupugay
sa mga nakaisip niyon, anong gandang pakay
may paki sa kapwa, busilak na puso ang taglay
salamat sa tsuper at may-ari ng dyip, mabuhay

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* litratong kuha ng makatang gala nang minsang sumakay ng dyip puntang Quiapo

Magboluntaryo para sa Ilog Pasig

MAGBOLUNTARYO PARA SA ILOG PASIG

kaytagal ko nang nais gawin ang isang mithiin
upang makatulong sa kalikasang nabibikig
sa dami ng basura, nawa'y ito'y magawa rin
magboluntaryo sa paglilinis ng Ilog Pasig

kahit na kalahating araw lang sa isang linggo
ay magboluntaryo sa organisasyon o grupo
halimbawa'y apat na oras lang tuwing Sabado

upang hindi lang sa teorya ako may magawa
kundi hands-on na aktwal na pagkilos ang malikha
na sa paglilinis ng ilog ay kasamang sadya

ang Ilog Pasig ang commitment ko sa World River Run
upang linisin ang ilog na ito't alagaan
salita'y sumpa, anang Kartilya ng Katipunan
kaya sinalita ko'y dapat bigyang katuparan

sertipiko'y aking natanggap sa partisipasyon
sa World River Run na nakapagbigay inspirasyon
upang magboluntaryo sa isang hamon at misyon

hindi ba't pagboboluntaryong ito'y anong ganda
na para sa kalikasan ay may magagawa ka
sa paglilinis ng ilog ay magiging kasama

kailangan ko ngayong gawin ay sila'y hanapin
at sabihin sa kanila ang aking adhikain
hindi man pultaym ay maging bahagi ng gawain
sa misyong ito sana ako'y kanilang tanggapin

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* Ang World River Run ay isang pandaigdigang Virtual Running Event na naganap mula Hunyo 3-5, 2021. Natanggap naman ng makata ang kanyang sertipiko sa email noong Hunyo 9, 2021.

Pagdalo sa rali

PAGDALO SA RALI

ang pagdalo sa rali'y dahil sa paninindigan
na aking niyakap sapul nang nasa paaralan
noong maging staffwriter pa lang ng pahayagan
magtatatlong dekada na rin ang nakararaan

sa rali'y umaasam ng lipunang makatao
inilalabas ang saloobin sa mga isyu
hindi lang pulos batikos doon, batikos dito
ang rali'y pakikibaka ng mga prinsipyado

ang kongkretong sitwasyon ay kongkretong sinusuri
naniniwalang walang burgesyang dapat maghari
ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
ng mga gamit sa produksyon, dapat walang uri

pagsama ko sa rali'y kusang loob at tanggap ko
ito'y ekspresyon din ng dignidad at pagkatao
pakikiisa rin sa laban ng dukha't obrero
at sa mga pinagsasamantalahang totoo

hindi libangan ang rali, ito'y pakikibaka
hindi pasyalan ang rali, ito'y pakikiisa
rali'y pananawagan ng panlipunang hustisya
rali'y pagsasatinig ng mga isyu ng masa

- gregoriovbituinjr.
08.17.2021

* litrato'y selfie ng makatang gala noong SONA 2021