Linggo, Mayo 23, 2021

Pusong lutang

PUSONG LUTANG

may pusong mamon
may pusong bato
at ngayon naman
may pusong lutang

kamangha-mangha
para sa madla
makatang gala
ba'y isinumpa

lutang ang puso
tila siphayo
lamig bumanto
sa kumukulo

may pusong bato
di na nagmahal
puso'y tuliro
kapara'y hangal

may pusong halang
gawa'y manokhang
utos ng bu-ang
daming pinaslang

may pusong ligaw
na di makita
hanap na pugad
nawala na ba

ang pusong lutang
pala'y halaman
aking nalaman
ngayon-ngayon lang

halamang tubig
bilog ang hugis
kaibig-ibig
puso'y kawangis

- gregoriovbituinjr.

* mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 1024

Sabado, Mayo 22, 2021

Sa pagtawid ng tulay

SA PAGTAWID NG TULAY

maging mahinahon lang, huwag laging magmadali
at magtatagumpay din sa pagbabakasakali
alamin ang puno't dulo, ano ba yaong sanhi
kaya mainam kung tayo'y palaging nagsusuri

maagang umuuwi upang di basta mabulid
sa dilim sa kahihinatnang di na nalilingid
lalo't kilala ang sariling madalas maumid
dungo, kimi, subalit panganib ay nababatid

kailangang tumawid, sumakabila ng tulay
upang makita ang naglalaguang mga uhay
aanihin na ng magsasaka ang gintong palay
upang kanilang pamilya'y may makakaing tunay

habang patuloy sa lakad na kilo-kilometro
ginagampanan ang adhikain, nag-uusyoso
bakit ba ganyan, bakit ganoon, bakit ganito
ah, tinitiyak laging may pagsusuring kongkreto

at narating din ang tulay patungo sa kabila
nagisnan ang kalunos-lunos na buhay ng dukha
matamang nakinig sa adhika ng manggagawa
at kumbinsido akong mayroon pang magagawa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa lalawigang kanyang napuntahan

Ang mga kagila-gilalas

ANG MGA KAGILA-GILALAS

noon nga'y Pilipino't Amerikanong digmaan
"bandoleros" ay nagpakita ng kabayanihan
sila'y sina Luciano San Miguel, Julian Montalan,
Macario sakay, Katipunerong tunay, palaban

datapwat kayrami pang bayani sa ating bansa
ang lumaban upang makamit ang sintang paglaya
sa paniniwalang katutubo'y marami din nga
yaong ating mga bayani, diwata, bathala

dinggin ang kwento nina Humadapnon, Labaw Donggon,
Agyu, Sinangkating Bulawan, Malubay Hanginon,
Walain Pirimbingan, Matabagka, Aliguyon, 
Kudaman, Taake, Lam-ang, Taguwasi, at Laon

nariyan ang mga diwatang sina Idyanale,
Bangan, Lalahon, Ibu, Gaygayona, Ikapati,
Alunsina, Aran, Darago, Ipepemehandi,
Bugan, Anagolay, Daungen, Lang-an, Bait Pandi

marami tayong Bathala tulad nina Balangaw,
Manama, Ogassi, Amansinaya, Burolakaw,
Tungkung Langit, Makabosog, Gugurang, Manawbanaw,
Angalo, Malyari, Mandarangan, at Talagbusaw

ang iba pang Bathala'y huwag nating kalimutan
pagkat nariyan sina Lumawig at Kabunyian
ngalang Aponitolau, Kadaklan, Libtakan, Kaptan
na mga patnubay ng katutubong mamamayan

marami pang ibang pangalang tunay na dakila
sa ating mga katutubong may paniniwala
magbasa-basa upang matuklasan nating pawa
ang ating kulturang dapat batid at isadiwa

- gregoriovbituinjr.

* mga pangalan ay hango sa mga aklat na Bandoleros at Mga Nilalang na Kagila-gilalas

Ang solong halaman sa kanal

ANG SOLONG HALAMAN SA KANAL

kahit dukha mang nakatira sa tabi ng kanal
kung nagpapakatao't nabubuhay ng marangal
siya'y yayabong din sa gitna man ng mga hangal
at ang dukhang iyon ay baka ituring pang banal

saan mo dadalhin ang kayamanang inaari
kung sa iyong kapwa'y di naman ibinabahagi
di naman sila nagsikap, ang iyong pagsusuri
kasalanan naman nila kung sila'y mapalungi

kayang mabuhay ng halaman sa kanal na iyon
sapagkat nagpunyagi ang binhing napadpad doon
tubig, hangin, kalikasan ang sa kanya'y tumulong
sarili'y di pinabayaan, nagsikap, umusbong

marahil, siya'y tulad kong mag-isa sa pagkatha
o ako'y tulad niyang mag-isang sumasalunga
sa agos ng lipunang kayraming nagdaralita
subalit naaalpasan ang hirap, dusa't luha

ah, solo man akong halamang umusbong sa lungsod
ngunit di ako mananatiling tagapanood
may pakialam sa isyu ng lipunan, di tuod
na kasangga ng magsasaka't manggagawang pagod

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa kanyang nadaanan

Sa bundok na iyon

SA BUNDOK NA IYON

kaytalim ng pangungusap na naroong narinig
na sa buong katauhan ko'y nakapanginginig
kumbaga sa pagkain ay sadyang nakabibikig
sa puso'y tumusok ang sinabing nakatutulig

nararanasan din natin sa buhay ang karimlan
subalit dapat magpakatatag at manindigan
sa kapwa'y gawin ang tama't talagang kabutihan
daratal din ang umagang buong kaliwanagan

kung isa lamang akong lawin, nais kong lumipad
upang iba't ibang panig ng bansa'y magalugad
upang makipag-usap sa kapareho ng hangad
upang pagbabagong asam sa masa'y mailahad

kung isa lamang akong nilalang na naging bundok
tulad ng nasa alamat o kwentong bayang arok
hahayaang masisipag ay marating ang tuktok
habang naghahangad palitan ang sistemang bulok

kung isa akong bagani sa mga kwento't tula
pinamumunuan ay mga bunying mandirigma
itatayo ko'y lipunang malaya't maginhawa
kung saan walang inggitan, alitan, dusa't luha

kung sa isang liblib na pook, ako'y pulitiko
mamamayan ko'y di basahan at ako'y di trapo
ang serbisyo'y serbisyo, di dapat gawing negosyo
tunay na pamamahala'y pagsisilbi sa tao

nasa kabundukan man, hangad ay kapayapaan
payapang puso't diwa, di lamang katahimikan
na madarama sa isang makataong lipunan
oo, sadyang pagpapakatao'y kahalagahan

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google

Biyernes, Mayo 21, 2021

Halina't magtanim

HALINA'T MAGTANIM

halina't magtanim, maging magsasaka sa lungsod
urban farming ay sama-sama nating itaguyod

paghandaan na natin kung ano man ang mangyari
na may mapipitas na pagkain sa tabi-tabi

walang malaking lupa, di tulad sa lalawigan
ngunit may mga pasong maaari mong pagtamnan

lalo na't may pandemya, aralin ang pagtatanim
upang di magutom, maiwasan ang paninimdim

tipunin ang walang lamang delata't boteng plastik
lagyan ito ng lupa at mga binhi'y ihasik

magtanim ng gulay, ibaon ang binhi ng okra, 
sili, munggo, sanga ng alugbati, kalabasa

magtanim tayo ng talbos ng mustasa't sayote
at walang masamang magtanim tayo ng kamote

di dahil walang ayuda'y sa gutom magtitiis
kumilos ka't magtanim ng gulay mong ninanais

alagaang mabuti ang anumang itinanim
laging diligan, balang araw ay mamumunga rin

upang pamilya'y di magutom, may maaasahan
may mapipitas na gulay kung kinakailangan

- gregoriovbituinjr.

Mag-ingay laban sa karahasan

MAG-INGAY LABAN SA KARAHASAN

mag-ingay laban
sa karahasan
at ipaglaban
ang karapatan

walang due process
naghihinagpis
ang ina't misis
na nagtitiis

krimen ang tokhang
na pamamaslang
na karaniwang
dukha'y timbuwang

dapat managot
yaong may-utos
at mga hayop
na nagsisunod

mahal sa buhay
yaong pinatay
hustisya'y sigaw
ng mga nanay

- gregoriovbituinjr.

* kuha sa pagkilos sa Black Friday laban sa EJK

Pagpupugay kay Miss Myanmar 2020

PAGPUPUGAY KAY MISS MYANMAR 2020

napanood ng madla si Miss Myanmar Thuzar Wint Lwin
sa nakaraang Miss Universe, sadyang matapang din
tangan ang plakard na "Pray for Myanmar," nakita natin
panawagan sa bansa kung saan siya nanggaling

pulitikal na mensahe sa buong mundo'y dala
ang Miss Universe ang ginawa niyang plataporma
plakard na hawak ay nananawagan ng hustisya
para sa piniit at pinaslang sa bansa nila

nagkudeta ang militar Pebrero nitong taon
at maraming nagprotesta ang nangamatay doon
mga halal na lider ng Myanmar ay ikinulong
tindig sa isyu'y sa Miss Universe niya sinulong

ang kanyang Miss Universe National Custome ay simple
subalit napagwagian ito ng binibini
sigaw din niya'y palayain si Daw Aung San Suu Kyi
at ngayon sa kanyang bansa'y nais siyang mahuli

ayon sa balita'y may arrest warrant pala siya
at nais ikulong ng Myanmar military junta
sa kanyang bansa'y naging tinig na ng demokrasya
buting huwag munang umuwi't ikukulong siya

pagpupugay kay Miss Myanmar sa kanyang katapangan
tandaan, Miss Myanmar Thuzar Wint Lwin ang kanyang ngalan
ginawa niya'y kapuri-puri't kabayanihan
bunying babaeng marapat lang nating saluduhan

- gregoriovbituinjr.

Kamatis at talong sa pananghalian

KAMATIS AT TALONG SA PANANGHALIAN

bata pa lang, hilig ko na ang kamatis at talong
sakaling wala ang paboritong pritong galunggong
na sinasawsaw ko sa kalamunding at bagoong

ubos na ang okra't talbos, may talong at kamatis
ulam sa pananghalian, pampakinis ng kutis
animo suliranin ay ramdam mong mapapalis

simpleng pamumuhay, masalimuot man ang buhay
trabaho nang trabaho at nagsisipag ngang tunay
pagdatal ng dilim ay patuloy sa pagninilay

salamat sa kamatis at talong, nakabubusog
tila matamis na pag-ibig ang inihahandog
lalo't tama lang ang pagkaluto't di naman lamog

tila baga ang pagluluto'y pagkatha ng akda
kamatis at talong ay ginagayat munang kusa
sa kawali'y adobohin o kaya'y ilalaga

hanggang maamoy mo na't malasahan yaong sarap
na animo'y natutupad ang aba mong pangarap
mga pinagsamang salita'y naging tulang ganap

- gregoriovbituinjr.

Ang batang magalang at ang guro

ANG BATANG MAGALANG AT ANG GURO

salamat sa mga batang magalang
masunurin sa kanilang magulang
sa matatanda'y nagmamano naman
di nagdadabog kapag inutusan

sa paaralan sila natututo
dahil sa gurong dakilang totoo
nangangaral paano rumespeto
lalo na sa karapatang pantao

sa mga guro, maraming salamat
dahil sa inyo, bata'y namumulat
sa paligid ay huwag magkakalat
tinuruan ding magbasa't sumulat

sadyang dakila kayong mga guro
bata'y natuto sa inyong panuto
tiyak aral ninyo'y di maglalaho
pagkat naukit na sa diwa't puso

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa loob ng ZOTO Learning Center nang minsan siyang dumalaw doon

Community pantry'y nagsara nang dinagsa ng tao

COMMUNITY PANTRY'Y NAGSARA NANG DINAGSA NG TAO

mapapaisip ka kung di nakinig ng balita
lalo't community pantry na layon ay dakila
ay bigla nga raw nagsara nang dumugin ng madla
aba'y bakit? dapat lang natin itong mausisa

bawat community pantry'y talagang dadagsain
lalo't walang ayuda galing sa gobyerno natin
upang sa pamilya'y may maiuwing makakain
malayo man ang pinanggalingan ay pipila rin

kaygandang layon, magbigay ayon sa kakayahan
gayundin, kumuha ayon sa pangangailangan
bawat community pantry'y talagang pipilahan
na pagbabakasakali laban sa kagutuman

lalo't nawalan ng trabaho ang maraming ama
mga pabrika'y nagsarahan dahil sa pandemya
subalit nasabing pantry'y bakit kaya nagsara
dahil daw di sumunod sa health protocol ang masa

kung maayos lamang ang gabay ng pamahalaan
pila'y naayos sana't sumunod ang mamamayan
naroon sana'y nakakuha kahit minsan lamang
nang pamilyang nagugutom ay makakain naman

- gregoriovbituinjr.

Ang makatang di nagsasalita

ANG MAKATANG DI NAGSASALITA

lagi na lang daw akong nakamulagat, tulala
isasama sa grupo nila'y di nagsasalita
sabi ng isang may katungkulang tinitingala
ganito ba ang tulad kong masipag na makata

di nga ba nagsasalita ang tulad kong madaldal
na sa katabilan ko, tingin sa akin ay hangal
madada, nagpapatawa kahit di naman bungal
kung di masalita, wala na sa aking tatagal

di nagsasalita ngunit di naman isang pipi
di nagsasalita ngunit kayraming sinasabi
laging itinutula ang laman ng guniguni
madaldal sa bawat katha, sinasabi'y kayrami

naging sekretaryo heneral ng ilang samahan
tagapagpadaloy ng pulong madalas at minsan
makatang nilalakad ay milya-milyang lansangan
upang makarating lamang sa abang pupuntahan

kung ayaw sa akin ng tinitingalang pinuno
di naman ako namimilit, gusto kong lumayo
ayoko rin sa kanila, nais ko nang maglaho
buti pa sa panitikan, madaldal at di dungo

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Mayo 20, 2021

Paglalakad ng malayo

PAGLALAKAD NG MALAYO

oo, aking nilalakad ay kilo-kilometro
baka makasalubong ang paksa saanmang kanto
minsan ay di malaman kung sino ang kaengkwentro
kahit batid ang mga siga-siga sa may kanto

paglalakad ng malayo'y isa ring paghahanda
sa binalak na nobelang pilit kong kinakatha
kahit na may panganib o delubyong nagbabadya
pabago-bago na ang panahong di matingkala

minsan, sa kainitan ng araw pa'y naglalakad
buti't mahaba ang manggas, kutis ay di nabilad
habang sa trapik, mga sasakyan ay di umusad
habang nagtitinda sa bangketa'y kinakaladkad

bakit huhulihin ang nais lang maghanapbuhay
ng marangal, bakit inosente'y biglang binistay
ng bala sa ngalan daw ng tokhang na pumapatay
ah, hustisya'y sigaw ng mga lumuluhang nanay

may mga amang kayraming pinapakaing bibig
nawalan ng trabaho't walang pambayad sa tubig,
kuryente't upa sa bahay, sadyang nakatutulig 
habang sa kalangitan ay naroong nakatitig

nais kong maitayo ang lipunang hinahangad
habang gubat sa kalunsuran ay ginagalugad
sa unang hakbang nagsimula ang malayong lakad
habang planong nobela'y kung saan-saan napadpad

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa paglalakad kung saan-saan    

Tulang alay sa desaparesidos

TULANG ALAY SA DESAPARESIDOS
(International Week of the Disappeared)

tuwing huling linggo ng Mayo ay inaalala
yaong mga nangawalang di pa rin nakikita
na hanggang ngayon, hinahanap ng mga pamilya
na sa tagal ng panahon ay malamang patay na

o kung sakaling sila'y buhay pa'y di makatakas
sa mga dumukot na talaga ngang mararahas
na walang pakialam sa alituntuning patas
di nagpapakatao't sa laban ay di parehas

anong hirap sa loob ng kanilang pagkawala
lumuluha nakangiti man sa harap ng madla
sugat ay balantukan, sa loob ay humihiwa
mga may kagagawan ay malalaman pa kaya

sana, hustisya'y kamtin pa ng desaparesido
sila sana'y matagpuan pa sa buhay na ito
anak na'y nagsilaki't nagtapos ng kolehiyo
nag-asawa't nagkaanak, wala pa rin si lolo

hanggang ngayon, ang hanap ng pamilya'y katarungan
na kahit sana bangkay ay kanilang matagpuan
upang marangal na libing, mga ito'y mabigyan
upang makapag-alay ng bulaklak sa libingan

- gregoriovbituinjr.

Nobela't piniritong talong

NOBELA'T PINIRITONG TALONG

madaling araw, ang mga aso'y umaalulong
di na nakatulog, umaasang may nakatulong
sa mga kasamang ang suliranin ay linggatong
umaga, bumangon na ako't nagprito ng talong

ang dalawang talong ay aking ginayat sa tatlo
hinati sa gitna, gumilit sa bawat piraso
ano kaya, lagyan ko ng toyo para adobo
may mantika naman, kaya ipinasyang iprito

ito ang aking agahang nakabubusog sadya
habang muli na namang magsusulat maya-maya
ang una kong nobela'y sinusubukang makatha
kahit nakikita nilang ako'y mukhang tulala

sa nobela ko'y walang iisang tao ang bida 
may kwento bawat tao na dapat kinikilala
kolektibong aksyon ng bayan ang pinakikita
bida ko'y ang nagsasama-samang kumilos na masa

ito yata'y epekto ng masasarap kong luto
tulad ng talong na pinrito kong buong pagsuyo
tulad ng patuloy na pagsintang di maglalaho
nobela ma'y hinggil sa kwentong may bahid ng dugo

- gregoriovbituinjr.

Ang karapatang magpahayag at magprotesta

ANG KARAPATANG MAGPAHAYAG AT MAGPROTESTA

makabagbag-damdamin ang tinugon ni Miss India
ah, talaga namang ako'y napahanga talaga
ipinaliwanag ang karapatang magprotesta
at kalayaang magpahayag ay mahahalaga

siyang tunay, sapagkat bukas ang kanyang isipan
na ipagtanggol ang katarungan at karapatan
lalo't pantay na karapatan sa kababaihan
upang isatinig ang kawalan ng katarungan

karapatang pasiya ng nagkakaisang tinig
na kapwa'y sa panlipunang hustisya kinakabig
upang ang mapagsamantala'y talagang malupig
upang maliliit at inaapi ang mang-usig

karapatan ng bawat tao ang pagpoprotesta
sa kung ano ang nakakaapekto sa buhay nila
protesta'y makapangyarihang sandata ng masa
lalo na't namamayani sa bansa'y inhustisya

pipikit na lang ba sa mga patayang naganap
na walang due process, sa tokhang iyan ang nalasap
ng maraming inang sa anak nila'y may pangarap
na sa atas ng bu-ang, buhay ay nawalang iglap

katarungan sa mga walang prosesong pinaslang 
at iprotesta ang kawalanghiyaan ng bu-ang
salamat, Miss India, sa maganda mong kasagutan
upang karapatan bilang tao'y maunawaan

- gregoriovbituinjr.

* litrato at sinabi ni Miss India, mula sa google

Miyerkules, Mayo 19, 2021

Paa'y nakatindig pa rin sa lupa

PAA'Y NAKATINDIG PA RIN SA LUPA

ayokong magmalaking marami-raming nagawa
dahil baka sa bayan, mga ito pala'y wala
kaya sa esensya, wala pa rin akong nagawa
dahil pinaghirapan ay walang silbi sa madla

kaya mga paa'y sa lupa laging nakatindig
mahinahon, mapagkumbaba, katulad ng tubig
kahit na nagsisikap sa mga gawaing bisig
ay sa putikan pa rin ang puso ko'y pumipintig

kayraming nakausap, nakapanayam na nanay
na ang mga anak ay bigla na lamang pinatay
walang due process, bala ang sa anak nga'y bumistay
hanggang ngayon, walang hustisya kundi dusa't lumbay

pinagmamasdan ko ang buwan paglitaw sa gabi
at kung walang buwan ay nakatitig sa kisame
sa Kartilya, kabakahin ang mga mang-aapi
ipagtanggol ang bayan laban sa mga salbahe

pinili kong maging kasangga ng mga maliit
kaya narito pa ring manggagawa'y sanggang dikit
paa'y laging nasa lupa, putik man ang pumagkit
at nakikibaka upang hustisya'y maigiit

- gregoriovbituinjr.

* litatong kuha ng makatang gala sa isang pasilyo niyang nilakaran

Ang tindig ko'y sa matuwid

ANG TINDIG KO'Y SA MATUWID

nakakatindig ako ng tuwid at taas-noo
dahil sa paninindigan at tangan kong prinsipyo
aktibistang layunin ay lipunang makatao
at itinataguyod ay karapatang pantao

naninindigan sa prinsipyo't paraang matuwid
pinaglalaban ang karapatan kahit mabulid
sa karimlam sa pagsagupa sa sistemang ganid
panlipunang hustisya sa masa'y dapat ihatid

panigan lagi ang katuwiran at katarungan
isabuhay ang paggalang sa bawat karapatan
pantay, patas at parehas sa kapwa mamamayan
taas-noo nating mahaharap ang sambayanan

kaya narito ako, prinsipyadong nakatindig
at mga api sa lipunan ay kakapitbisig
tulad sa Kartilya, sa matuwid ako sumandig
upang kahit mamatay ay masayang malulupig

mawawala ako sa mundong walang bahid dungis
pagkat patuloy akong nagpapatulo ng pawis
pagkat nakibaka sa kabila ng dusa't hapis
pagkat aktibista akong ang konsensya'y malinis

- gregoriovbituinjr.

Kung bakit dapat walang nyutral

KUNG BAKIT DAPAT WALANG NYUTRAL

"If you are neutral in situations of injustice, you have chosen the side of the oppressor." ~ Desmond Tutu, born 7 October 1931, is a South African Anglican cleric and theologian, known for his work as an anti-apartheid and human rights activist. Winner of the 1984 Nobel Peace Prize.

katulad ko'y Libra rin ang aktibistang kleriko
taga-South Africa na Anglikanong teologo
wala raw dapat nyutral o tatahimik na tao
pag inhustisya na'y gumagambala sa kapwa mo

mabuhay ka, Desmund Tutu, kayganda ng tinuran
hinggil sa karapatan at hustisyang panlipunan
kinilala sa kanyang nagawa para sa bayan
may premyong Nobel pa sa usaping kapayapaan

pag nyutral ka sa mga inhustisya'y pumapanig
sa mga gawang kalupitan, krimen, panlulupig
pagsasamantala't pang-aaping dapat mausig
sa paglaban sa masama'y dapat tayong tumindig

pag nagtakip ka ng mata sa kawalang hustisya
pag nagtakip ka ng taynga sa hinaing ng masa
pag sa kawalang hustisya'y ayaw mong makibaka
pinili mo nang pumanig sa mapagsamantala

may karahasang nangyayari, tatahimik ka lang
takot kang madamay kaya wala kang pakialam
iniisip lang ay makasariling kaligtasan
tila nagtanggol sa karapatan ay inuuyam

kaya ako, di ako nyutral sa mga nangyari
lalo't sa kawalang hustisya, ako'y isang saksi
kahit patula, ipaaabot ko ang mensahe
dapat nating labanan ang anumang pang-aapi

- gregoriovbituinjr.

Sino ba si Pablo Ocampo, na may rebulto sa dating Vito Cruz St.




SINO BA SI PABLO OCAMPO, NA MAY REBULTO SA DATING VITO CRUZ ST.

Napadaan ako sa rebulto ni Pablo Ocampo, matapos kong makapanggaling sa Cultural Center of the Philippines (CCP) matapos kunin ang tseke para sa isa kong artikulong ipinasa. Pagkalabas ko roon ay dumaan muli ako sa dating Vito Cruz, na ngayon ay Pablo Ocampo na, upang sumakay muli ng LRT patungo sa aking pupuntahan.

Napahinto ako sa rebulto ni Pablo Ocampo, at nag-selfie doon. Ang rebulto, kung mula sa CCP ay bago mag-Rizal Memorial Coliseum. Ngunit kung galing sa LRT ay pagkalampas lang ng mga apat o limang metro sa kanto ng Rizal Memorial Coliseum, at nasa gitna ng kalsada, na 'yun ang babaan o dinadaanan ng biyaheng Dakota Harrison.

Huminto ako at minasdan ang rebulto. Nais kong malaman kung sino ba si Pablo Ocampo at bakit siya ang ipinalit na pangalan sa dating Vito Cruz. Gayundin naman, sino ba si Vito Cruz at bakit pinalitan ang pangalan ng kalsadang dating nakapangalan sa kanya. At maibahagi ito sa ating mga kababayan.

Hanggang ngayon nga, nakapangalan pa rin sa LRT station ay Vito Cruz, imbes na Pablo Ocampo. Isa pang pananaliksik kung sino ba si Vito Cruz. Ngunit tutukan muna natin kung sino si Pablo Ocampo. Palagay ko'y sapat na ang pagpapakilala sa kanya sa nakaukit na tala sa lapida o marker na nasa ibaba ng kanyang rebulto o bantayog, na ang nakasulat ay ang mga sumusunod:

"PABLO OCAMPO (1853-1925), Abogado, editor, estadista at makabayan. Isinilang, Enero 25, 1853, Sta. Cruz, Maynila. Hinirang na Relator, Audencia ng Maynila, 1888; Promotor Fiskal, Hukumang Unang Dulugan ng Tondo, 1889; Defensor de Oficio at Kalihim, Colegio de Abogado, 1890; Kagawad at isa sa kalihim ng Kongreso ng Malolos at kagawad ng komiteng bumalangkas sa Konstitusyon ng Malolos, Editor ng La Patria, kung saan nalathala ang mahahalagang suliranin at mga isyung pambayan. Kasama ang kanyang mga kuro-kurong makabayan. Ipinatapon sa Guam kasama ng ibang makabayang Filipino, 1901. Bumalik sa Pilipinas pagkaraang makapanumpa ng katapatan sa Estados Unidos, 1902. Nahalal na naninirahang komisyonado sa E.U. 1907 at kasama ng delegasyong Amerikano sa Interparliamentary Union Conference sa Berlin, Alemanya, 1909. Nahalal na kinatawan ng Maynila sa Ikalawang Lehislatura ng Pilipinas, 1919. Namatay, Pebrero 5, 1925.

Ang marker ay inilagay ng National Historical Institute (NHI) noong 1991. Ang NHI ay ipinangalan noong 1972 na pinalitan ang dating National Historical Commission (NHC). Noong 2010 ay pinangalanan na itong National Historical Commission of the Philippines (NHCP). 

Mabuhay ka, Ka Pablo Ocampo, at ang iyong mga inambag sa ating bansa!

- gregoriovbituinjr.05.19.2021