Martes, Marso 9, 2021

Puksain ang virus

Puksain ang virus

nakapagngangalit ang ginagawang kataksilan
ng lintik na namumuno sa dignidad ng bayan
lalo't terorismo ang kanyang naging patakaran
at pinauso ang kawalang proseso't pagpaslang

sa kanyang rehimen, ang masa'y kaytagal nagtiis
lalo't pangulo'y walang pakialam sa due process
sabihing nanlaban, katarungan ay tinitikis
atas pa'y kung walang baril, lagyan ng mga pulis

dahil namumuno'y bu-ang, dapat siyang turukan
baka sa atas na pagpaslang ay mahimasmasan
baka dati na siyang nagtuturok kaya bu-ang
kaya paggaling niya'y huwag na nating aasahan

sige, kababaihan, pangunahan ang pagkilos
nang mawala ang virus at ang pangulong may virus
ng katopakan sa ulong naglilitawang lubos
katibayan na ang kanyang mga salita't utos

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Tinig ng Bagong Silang

Tinig ng Bagong Silang

di mo man marinig ang kanilang sinasalita
ay dama mo ang ngitngit sa kanilang puso't mukha
tila walang problema subalit natutulala
ngingiti pag kaharap ngunit puso'y lumuluha

at sa pagkilos nga sa Araw ng Kababaihan
ay nagsalita na rin sila tangan ang islogan:
"Karahasan at pang-aabuso sa kababaihan,
Wakasan!" ito ang sigaw ng ZOTO-Bagong Silang

nag-uumalpas sa plakard at tarpolin ang tinig
na kaytagal napipi, at ngayon ay nang-uusig
dinggin natin ang panawagan nila't pahiwatig
at sa kababaihan ay makipagkapitbisig

hangad nating aktibista'y lipunang makatao
silang api'y samahan natin tungong pagbabago

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021

Ang nadaanang pinta sa pader

Ang nadaanang pinta sa pader

may pinta sa pader na nalitratuhan ko lamang
na nakakaasar para sa may kapangyarihan
ngunit kumikiliti sa diwa ng sambayanan
"wala nang baboy sa palengke, nasa Malacañang"

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.2021

Lunes, Marso 8, 2021

Tula sa Marso 8

Tula sa Marso 8

anang kapitbahay, wala sana siyang problema
kung nag-asawa't sa damit niya'y may maglalaba
naisip ko bigla, hanap niya'y katulong pala
at di asawang katuwang, kalakbay, kapareha

sa Bibliya, babae'y pailalim sa lalaki
maging kanyang katuwang at humayo't magparami
karapatan nila'y pantay, sa U.D.H.R. sabi
ayon din sa sosyalista't peministang narini

sa Araw ng Kababaihan, kami'y nagpupugay
sa maraming Gabriela't Oriang sa kanilang hanay
pagpupugay din sa ating mga mahal na nanay, 
patnubay ng bawat pamilya. Mabuhay! Mabuhay!

sa hanap ay asawang katulong pala ang gusto
karapatan ng kababaihan ay irespeto
kapantay mo rin sila ng karapatan sa mundo
babae't lalaki'y pantay ng karapatan dito

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala noong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan, 03.08.21

Linggo, Marso 7, 2021

Nagsorbetes ang magsing-irog

Nagsorbetes ang magsing-irog

nagsorbetes ang magsing-irog
animo'y nagpapakabusog
sa ayskriman doong kanugnog
habang kapwa nagiging kalog

at pagkauwi'y nagpahinga
sabay na humiga sa kama
nagdaop ang katawan nila
sa matinding pakikibaka

ang buhay mag-asawa'y ganyan
tuloy lang sa pagmamahalan
magkaiba man ng isipan
puso'y nagkakasundo naman

noon, tititig lang sa langit
tanaw ko'y nimpang anong rikit
ngayon, didilat at pipikit
may asawa nang anong bait

- gregoriovbituinjr.

Naggupit ng kuko si misis

Naggupit ng kuko si misis

aba'y di nakatiis
ginupit na ni misis
ang kuko kong matulis
kaya ito'y luminis

ganyan ang mapagmahal
sadyang ikararangal
pag ganito'y dumatal
relasyon ay tatagal

ang paggupit ng kuko'y
pagsuyo ngang totoo
lalo't gagawa nito'y
tinatangi't sinta mo

kukong dating mahaba
ay luminis ngang sadya
kaya nagmamakata
ang tulad kong tulala

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Marso 6, 2021

Halaga ng karatula

HALAGA NG KARATULA

magmenor sa pagpapatakbo't
may paaralan pala rito
mag-ingat sa pagmamaneho't
may mga paroo't parito

salamat po't may paunawa
at may karatulang ginawa
iwasan ang pabigla-bigla
magmaneho'y huwag tulala

upang sakuna'y maiwasan
upang magmanehong marahan
upang estudyante'y ingatan
upang bata'y pangalagaan

mga bata, lumingon muna
bago tumawid sa kalsada
isang beses lang na disgrasya
habang buhay na pagdurusa

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Biyernes, Marso 5, 2021

Kyut ang babaeng nakamaong na dyaket

sadyang iba ang dating ng babaeng nakamaong
na dyaket, astig, nakakakilig ang pormang iyon
para bang si Gabriela Silang na naglilimayon
o si Oriang na kabiyak ni Andres ang naroon

bakit kayganda ng babaeng nakamaong na dyaket
bakit kaytindi ng dating niya't napakarikit
ako'y ba'y ginayuma na't titig ko'y nakapagkit
sa kanyang ngiti't mga mata, ako'y nasa langit

ang tulad nila'y pokpok daw o kaya'y japayuki
di ako basta maniwala sa ganyang sinabi
nakikita ko sila pag sumakay ng M.R.T.
kaakit-akit, anong ganda, nakabibighani

hanggang paghanga lamang naman ako sa kanila
kung masyota ang isa sa kanila'y kakaiba

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Marso 4, 2021

Samutsaring katawagan

pag inis sa akin, tinatawag akong Gregorio
buong pangalan talaga, iyon ang pangalan ko
pag kakilala, para sa kanila'y Greg lang ako
ako naman si Gorio sa mga kaedaran ko

Junior o Dayunyor para sa mga kapamilya
sa aking kapuso naman: simpleng Mahal o Sinta
sa mga kapatid: Kuya Junjun o simpleng Kuya
sa mga kumpare't kaibigan ay Greg talaga

mayroong nom de pluma sa gawaing pagsusulat
mayroong nom de guerra sa gawaing pagmumulat
kung inis sa akin, buong pangalan ko na'y sapat
sa tawag pa lang, makikilala  na kitang sukat

pwede akong tawagin sa inisyal kong G.B.J.
na kasintunog din ng idolo kong si F.P.J.

- gregoriovbituinjr.

Bawat tula ko'y para sa iyo

ayokong maisip na wala akong kaibigan
kung pag-like sa upload sa facebook ang pagbabatayan
kayrami kong friend sa facebook, higit dalawang daan
o network lang, contact lang, di talaga kaibigan

e, ano naman kung walang mag-like sa aking upload
aba'y di ko balak na sila'y maging tagasunod
basta ako'y tutula lang ng walang pagkapagod
basta i-upload bawat isyung itinataguyod

pag namatay ba ako'y may "kaibigang" lulutang?
susubukang i-like ang mga tula kong linalang
o ako lang sa ngayon ay mistulang tupang hibang
kung anu-anong nasasaisip sa lupang tigang

salamat sa lahat ng nag-like sa anumang post ko
turing ko sa inyo'y talagang friend, mabuhay kayo!
sa mga di ko talaga friend, okay lang po ako
tutula ang tulala, para sa masa't sa iyo

di kahinaan ang di nila pag-like, tingin ko po
basta ako'y kumakatha ng paksang nasa puso
susunod na henerasyon na ang dito'y tatanto
ang sabi nga kay Ibarra ni  Pilosopong Tasyo

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Marso 3, 2021

Paninda nila'y yosi

paninda nila'y yosi
"Smoking kills" ang sabi
salungat ang ganiri
pag iyong inintindi

- tula't litrato ni gregoriovbituinjr.

Martes, Marso 2, 2021

Bayanihan sa Dyip

BAYANIHAN SA DYIP

sa dyip din naman
may bayanihan
pag-aabutan
ng taumbayan

ng sukli't bayad
ay ilalahad
kanilang palad
ay ilalantad

aabutin mo
ang ilang piso
sa pasahero
at tsuper nito

na namasada
upang kumita
yaong papara
ay bababa na

salamat naman
sa bayanihan
nagtutulungan
ang taumbayan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang sakay ng dyip

Lunes, Marso 1, 2021

Ang hiling ng manggagawa

ANG HILING NG MANGGAGAWA

ramdam mo ba ang sigaw nitong mga manggagawa
na para sa atin ay makatarungan ngang sadya
subalit sa mga kapitalista'y isang sigwa
sa negosyo't sa tubo'y kaylaki ng mawawala

hiling nila'y "trabahong regular, hindi kontraktwal"
hangad nila'y "obrerong kontraktwal, gawing regular"
manggagawa'y kapwa tao, tinuring na kalakal
ng sistemang kapitalismong di dapat magtagal

"no to flexible work arrangement", ang sabi pa nila
na kung saan gustong itapon ng kapitalista
ay sundin na lang, kahit pagsasamantala'y dama
basta huwag umangal, maski kayod kalabaw pa

living wage, isabatas ang sweldong nakabubuhay!
ang minimum wage ngayon, sa living wage na'y ipantay!
kahilingan ng obrerong sa puso'y pinagtibay
pinagtibay din ng pagkakaisa nilang tunay

sila'y ating samahan sa kanilang mga tindig
tinig nila'y paalingawngawin nang maulinig
sa bawat sulok ng bansa, sila'y magkapitbisig
at sa kapitalismo'y huwag silang palulupig

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Ipaglaban ang dyip, pamilya't kultura

IPAGLABAN ANG DYIP, PAMILYA'T KULTURA

"No to phaseout" ng mga dyip, tinig nila'y pakinggan
mga tradisyunal na dyip ay ireporma lamang
ito ang tindig ng Ugnayang JODA at Simbahan
na dapat maiparating doon sa Malakanyang

modernong dyip daw kasi ang nais ditong ipalit
ngunit minibus pala kung susuriin mong pilit
ang dyip na Pinoy ay disenyong dapat lang igiit
pagkat tatak na ng kultura't di dapat iwaglit

kung pagbubuhat ng bahay ay isang bayanihan
ugnayan sa loob ng dyip ay sadyang bayanihan
di magkakakilala, subalit nagtutulungan
sa pag-aabot ng sukli't bayad, may tiwalaan

kultura na ng bayan ang tradisyunal nating dyip
makasaysayan na, tatak Pinoy pa, pag nalirip
"Filipino ingenuity" itong dapat masagip
at dapat ipaglaban kahit sino pang mahagip

mga tsuper at opereytor, dapat magkaisa
ipaglaban ninyo ang kabuhayan ng pamilya
huwag padaig sa dayuhan at kapitalista
pinaglalaban ninyo'y pamilya'y ating kultura

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Linggo, Pebrero 28, 2021

Sa pakikipagkita sa sinta

Sa pakikipagkita sa sinta

baka mautal lang ako pag kita'y muling magkita
tulad ng dati noong una tayong nagkakilala

- gregoriovbituinjr.

Minsan, sa palengke

Minsan, sa palengke

sa mga tinda mo ba'y pwede ba akong tumawad
kahit wala akong kasalanan, ang aking bungad
bibilhin lang ay kaunti, ito ang aking bayad
muli, tanong ko'y maaari ba akong tumawad

tugon niya: "Piso na nga lang ang tutubuin ko
hihingi ka pa ng tawad, anong kasalanan mo?
bilhin mo lang anong gusto mo nang batay sa presyo
at di na ako gaanong lugi, mura na ito."

kinuha ko'y kamatis, bawang, sibuyas at sili 
kumuha ng okra, talbos ng kangkong at kamote
at binayaran ko nang buo ang aking binili
walang tawad, isang karanasan ko sa palengke

natawa sa sarili, ako pala'y patawa rin
yaong nagtitinda'y di man lang ako patawarin

- gregoriovbituinjr.

Ang pagiging vegetarian at budgetarian

Ang pagiging vegetarian at budgetarian

panibagong tatak sa tshirt ang aking nagawan
pagkat nasusulat ay tunay ngang makabuluhan
kakaibang prinsipyo para sa pangangatawan
sabi'y "I am a vegetarian and a budgetarian."

ayoko nga sa tokhang, ayoko rin sa pagpaslang
di lang ng tao kundi ng hayop sa daigdigan
kung ayaw mong kapwa'y parang hayop na tumimbuwang
bakit pinaslang na hayop ay kinain mo naman

kinakatay nilang manok, baboy, o baka man din
na ang pakinabang sa tao't mundo'y ang kainin
ngunit dinggin mo ang atungal nila pag katayin
umiiyak pag kinulong, ano pa't papatayin

iba ang tingin ko't pagpapahalaga sa buhay
hayop para sa tubo't pagkain ay kinakatay
ngayon, pinili kong kumain ng prutas at gulay
ngunit iba pa kung paano ko isasabuhay

- gregoriovbituinjr.

Muni sa gakgakan

Muni sa gakgakan

sayang lamang ang buhay mo kung wala kang layunin
sa buhay kundi magtrabaho, matulog, kumain
sayang lang ang buhay mo kung wala kang adhikain
kundi magpasarap, lumaklak, lumamon, wala rin

sabagay, ano nga bang pakialam ko sa iyo
kung iyan na ang landas na piniling tahakin mo
subalit huwag mong punahin kung anong pinili ko
lalo't minsan lang tayong mabuhay sa mundong ito

tinahak ko'y aktibismo, may layuning marangal
para sa bayan, masa, manggagawang nagpapagal
sinapuso't sinaisip, prinsipyo'y ikinintal
ipaglaban ang karapatan, katarungan, dangal

iba ako, iba ka, ako'y isang aktibista
huwag mong hanapin sa akin ang di mo makita
huwag mo akong itulad sa iyo, manalig ka
mamamatay akong sa kapwa'y di nanamantala

- gregoriovbituinjr.

* gakgakan - daldalan ng dalawang tao, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 380

* Litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan.

Makiisa sa laban ng manggagawang pangkalusugan

Makiisa sa laban ng manggagawang pangkalusugan

manggagawang pangkalusugan ay taas-kamao
sama-samang kumilos sa adhikang pagbabago
hangarin nila'y proteksyon bilang mga obrero
sa kabuhayan nila't karapatang demokratiko

pagkat may banta ng tanggalan sa kanilang hanay
papalitan ng kontraktwal sa kanila ba'y pakay
ng mga may-ari ng ospital na nabubuhay
sa pagod ng manggagawang nagpapagal na tunay

ngayong may pandemya, saka pa ito nagaganap
silang mga frontliner na sa bayan lumilingap
subalit tatanggalin sila? aba'y anong saklap
di dapat masayang lang ang kanilang pagsisikap

samahan natin ang manggagawang pangkalusugan
taas-kamaong makiisa sa kanilang laban
tulad din nating hangad ay hustisyang panlipunan
samahan sila sa laban hanggang pagtagumpayan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21

Ipanawagan natin ang Labor Power!

Ipanawagan natin ang Labor Power!

Labor Power! yaong panawagan nila't adhika
laban sa krisis at panunupil sa masa't dukha
Labor Power! itayo'y sistemang pangmasang sadya
para sa gobyerno ng manggagawa't maralita

halina't panawagang ito'y ating itaguyod
na kasama ang manggagawa't maralitang lungsod
halina't kumilos dahil ang bansa'y nalulunod
sa bulok na sistema't tayo'y di dapat maanod

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa pagkilos sa ika-35 anibersaryo ng People Power, 02.25.21