Sabado, Nobyembre 30, 2019

Sa Araw ng Dakilang Gat Andres Bonifacio

Muli kami ngayong nagrali bilang pagpupugay
kay Supremong Andres Bonifacio, dakilang tunay
manggagawang nakapula'y kapitbisig sa lakbay
upang ipakita ang pagkakaisa! Mabuhay!

Nakibaka na ang mga Katipunero noon
upang itayo ang bansa, sila'y nagrebolusyon
uring manggagawa'y nakikibaka hanggang ngayon
upang wakasan ang salot na kontraktwalisasyon

upang makalaya sa kuko ng kapitalismo
na dahilan ng pagsasamantala sa obrero
upang magkaisa laban sa burgesya't pasismo
upang itayo ang isang lipunang makatao

Taun-taon, nagmamartsa ang uring manggagawa
sa araw ni Bonifacio, ang bayaning dakila,
bayaning inspirasyon upang ang uri'y lumaya
at matayo ang lipunang pantay-pantay ang madla

- gregbituinjr.
* nilikha ang tula bilang pagninilay sa ika-156 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio, habang kasama sa rali ng mga manggagawang bumubuo sa grupong PAGGAWA, Nobyembre 30, 2019, mula Old Senate hanggang Mendiola sa Maynila.






Biyernes, Nobyembre 29, 2019

Salagimsim sa Global Climate Strike

taas-noong pagpupugay sa lahat ng narito
at upang makatugon sa klimang pabagu-bago
lalo't kayrami na nating nararanasang bagyo
dagdag pa ang bulok na sistemang dahilan nito:
winawasak ng kapitalismo ang ating mundo

sa pagtitipong ito ng raliyista't artista
na climate change ang isyung tinatalakay ng masa
na dahilan upang mag-usap at magsama-sama
na paano tayo makakatugon sa problema
na paano mababago ang bulok na sistema 

sa nagbabagong klima'y apektado na ang madla
ito rin ang isyu't problema ng maraming bansa
mga nag-uusap na bansa ba'y may magagawa
o dapat kumilos na rin ang uring manggagawa
upang baguhin ang sistemang dahilan ng sigwa

dapat nang kumilos ang manggagawa't sambayanan
suriin ang problema't lipunan ay pag-aralan
bakit nagka-krisis sa klima't ano ang dahilan
kumilos tayo't putulin ang pinag-uugatan
sistema man ito o lipunan nitong gahaman

itayo natin ang isang mundong walang pasakit
walang pribadong pag-aari't walang naiinggit
nangangalaga sa tao, kalikasan, may bait
habang buhay pa'y itayo ang lipunang marikit
na tao'y pantay na lipunan ang danas at sambit

- gregbituinjr. 
* sinulat sa pagkilos na tinawag na "Global Climate Strike" na ginanap sa Bantayog ni Lapulapu sa Luneta, Maynila, Nobyembre 29, 2019. Ang nasabing Global Climate Strike ay kasabay ng mga nagaganap ding ganuon sa iba pang panig ng daigdig.








Huwebes, Nobyembre 28, 2019

Pagninilay sa pagkabata

ang batang makulit ay napapalo raw sa puwit
ay, paano ba naman, kapwa bata'y nilalait
magdudulot lang ng away, sila'y magkakagalit
aba'y pagsabihan lang sila't huwag magmalupit
baka balang araw, batang makulit ay babait

ang batang matalino ay nag-aaral ng husto
asignaturang bigay ng guro'y gagawin nito
magbubuklat lagi't babasahin ang kanyang libro
kinabukasa'y nasa isip, pagharap sa mundo
kaya siya'y matiyaga't nagsisikap matuto

ang batang masikap ay tiyak na di maghihirap
matiyagang mag-aral, punung-puno ng pangarap
tinutulungan din ang ama't inang mapaglingap
upang sa kinabukasan ay di niya malasap
ang pinagdaanang buhay ng pamilyang mahirap

ang batang naliligo, sa sakit ay nalalayo
magsabon ka't maghilod din ng katawan, maggugo
kili-kili't singit ay hilurin nang taos-puso
alisin ang sangkilong libag nang di masiphayo
magbanlaw ka nang bumango't ang iba'y marahuyo

- gregbituinjr.

Miyerkules, Nobyembre 27, 2019

Di ko alam kung ako ba'y leyong sumisingasing

di ko alam kung ako ba'y leyong sumisingasing
habang malakas ang hilik sa kabila ng dingding
sarili'y hinimay-himay ko habang nahihimbing
at hinahamon sa paligsahan ang magagaling
maaabot kaya ang matayog na toreng garing

di maaaring basta na lang natin mairaos
ang bawat aktibidad kahit tayo'y kinakapos
makakakain ba ng matamis na paradusdos
habang sinasakatuparan ang layuning lubos
paano ba dapat mabalasa ang haring bastos

habang tulad ng isnayper, naroong nakatitig
sa samutsaring isyu't problema'y di matigatig
paano bang bagong tanim na puno'y madidilig
paano bang uring obrero'y magkakapitbisig
paano bang tiwali sa gobyerno'y mauusig

di basta-basta mag-organisa ng mga dukha
paano ba mapapakilos ang mga walang-wala
ang masa pa ba'y daluyan ng aktibista't isda
masang tulad ng dagat, umaalon, bahang-baha
paano bang bulok na sistema'y sinasagupa

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 26, 2019

Hinawakan ko lang sa likod, nagalit na

hinawakan ko lang siya sa likod, nagalit na
nililipat ko raw ang negatibong enerhiya
sa kanya, kaya ako'y agad namang lumayo na
kahit ako'y naglalambing lamang naman sa kanya

kadarating ko lamang noon sa munting tahanan
sa kabila ng pagod ay sabik ko siyang hagkan
hanggang sa aking nahawakan ang kanyang likuran
aba'y nagalit na't ako'y kanyang pinagtabuyan

kaya anong gagawin ko, anong dapat kong gawin
hinawakan ko lang sa likod, ako na'y salarin
tila ba naiiba ang ihip ng kanyang hangin
ako na'y isang berdugong di dapat palapitin

pag-iisip niya'y walang kongkretong pagsusuri
di siyentipiko, kundi pamahiing kadiri
walang batayan, pag-iisip na di mo mawari
o ayaw na niya sa akin kaya namumuhi

negatibong enerhiya ko raw ay kanyang ramdam
ilang ulit nang nangyari iyon, di na naparam
sa aking paglalambing, siya'y agad nasusuklam
mula ngayon, siya'y di ko na dapat inaasam

- gregbituinjr.

Huwag kang tumunganga, makiisa sa kilusang masa

mabuting sa kilusang masa'y may partisipasyon
kaysa naman nakatunganga lang buong maghapon
mahirap laging nakatanghod lang sa telebisyon
at sa kawalang pag-asa na lang nagpapakahon

ano bang nangyari't nakatunganga na lang lagi
sa maghapon at magdamag nagbabakasakali
baka dumating ang pag-asang di naman mawari
at paano madurog ang gahamang naghahari

araw-gabi na lang, sa telebisyon nakatanghod
ngunit pawang drama sa buhay ang pinanonood
balita'y di mapakinggan, sa drama nalulunod
nakatunganga buong araw, di nakalulugod

di maaaring lagi lang tayong nasa pantasya
dapat ay makasama tayo sa kilusang masa
alamin ang iba't ibang isyu'y mga problema
upang tayo'y maging matatag sa pakikibaka

makibaka tayo't huwag laging nakatunganga
pag-aralan itong lipunang di mapagkalinga
halina't maging kaisa ng uring manggagawa
at baguhin ang sistemang naghahari'y kuhila

- gregbituinjr.

Lunes, Nobyembre 25, 2019

Sa Araw Laban sa Karahasan sa Kababaihan

taas-kamaong pagpupugay sa kababaihan
pagkat tao'y nagmula sa inyong sinapupunan
pagkat nanggaling sa inyo'y buong sangkatauhan
kaya marapat kayong saluduhan at igalang

ang kalahati ng buong daigdig ay babae
ngunit kayraming kababaihan ang inaapi
pinagsasamantalahan ng kung sinong buwitre
at inuupasala ang puri ng binibini

paano ba pipigilan ang pagyurak sa dangal
at ipagtatanggol ang puri ng babaeng basal
paano mapipigil ang pagnanasa ng hangal
at igalang ang taong kawangis ng inang mahal

may araw na itinalaga upang mapawi na
ang karahasan sa kababaihan, mawala na
dapat pa bang may isang araw na itatalaga
upang karapatan nila'y ating maalaala

sa kababaihan, taas-kamaong pagpupugay
kalahati kayo ng mundo, mabuhay, mabuhay!
nawa'y lalaging nasa mabuti ang inyong lagay
at wala nang dahas na dumapo sa inyong tunay!

- gregbituinjr.
* nilikha ng makata bilang paggunita sa International Day for the Elimination of Violence Against Women, Nobyembre 25, 2019, matapos ang ginawang pagkilos ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa araw na ito.

Kalatas: Bawal umutot sa loob ng sasakyan

sumakay ako ng traysikel kani-kanina lang
humahangos akong nagtungo sa isang tanggapan
sa kabila ng pagod, ako'y napangiti naman
dahil sa nabasa kong nagbigay ng kasiyahan
sabi ba naman: Bawal umutot, lalo't siksikan

pinangingiti ka kahit hapo ka sa gawain
kaya kalatas sa sasakyan ay basa-basahin
mapapaisip kang talaga pag iyong namnamin
minsan, dapat ding ngumiti kahit may suliranin
upang ang iyong kalooban ay lumuwag man din

- gregbituinjr.,11-25-19

Linggo, Nobyembre 24, 2019

Gawing ekobrik ang upos ng yosi

para raw akong baliw na nag-iipon ng upos
ng yosi, na pawang kalat na di matapos-tapos
tangka kong i-ekobrik ang upos na di maubos
pagkat epekto sa paligid ay kalunos-lunos

kung ako lang mag-isa, makababawas ng konti
ngunit kung marami ang gagawa, bakasakali;
iyang upos ang isa sa basurang naghahari
sa dagat, kinakain ng isda't nakakadiri

sa latang walang laman, mga upos ay tipunin
para sa kalikasan, ito'y isang adhikain
bakasakaling makatulong makabawas man din
sa milyun-milyong upos, libu-libo'y iipunin

mas mainam kung darami pa ang gagawa nito
lalo na't tutulong ang mismong naninigarilyo
isisiksik sa boteng plastik ang upos na ito
at kahit paano'y makatulong tayo sa mundo

ie-ekobrik na upos ay tawaging yosibrik
paraan upang mabawasan ang upos at plastik
mga upos ay i-yosibrik, sa bote'y isiksik
upang mga basura'y di na sa atin magbalik

- gregbituinjr.

Ilang Tanaga sa Pagkilos

dukha'y kawawa nga ba
sapagkat walang pera
o kikilos din sila
kapag naorganisa

di dapat kawawain
ang dukhang kauri rin
pagkat kasama natin
sa adhika't layunin

laban sa mapang-api,
pamahalaang bingi,
lipunang walang silbi,
kaya dapat iwaksi

di dapat kaawaan
ang dukha't lumalaban
silang sigaw din naman:
baguhin ang lipunan

panawagan ng masa:
wakasan ang sistema
lipuna'y palitan na
ng inaaping masa

hukbong mapagpalaya
ang uring manggagawa
na dapat laging handa
sa pagharap sa sigwa

kapitalistang gumon
sa kontraktwalisasyon
sa lupa na'y ibaon
ang susi'y rebolusyon

tara't magkapitbisig
ipakita ang tindig
dapat nating mausig
ang sanhi ng ligalig

* ang TANAGA ay uri ng tulang may tugma't sukat na pitong pantig bawat taludtod at apat na taludtod sa bawat saknong

* Nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2019, p. 20.

Biyernes, Nobyembre 22, 2019

Minsan, mahirap maglakbay sa pagdaan ng sigwa

minsan, mahirap maglakbay sa pagdaan ng sigwa
lalo't matinding bagyo'y iyong makakasagupa
dapat magbiyakis sa pagtawid natin sa baha
itataas itong laylayan upang di mabasa

lalo't dadalo sa pulong, dapat ay presentable
di gusot ang suot dahil sa ulan at biyahe
di maganda kung basang-basa ka na't anong dumi
di ka na makaporma sa magandang binibini

nakakapote ka man sa panahon ng tag-ulan
at tatahakin ay mataas na tubig sa daan
magbiyakis nang di mabasa ang iyong laylayan
mag-ingat hanggang makarating sa paroroonan

minsan, pagtila ng ulan ay magandang hintayin
kaysa lumusong sa baha't baka ka pa sipunin
kaysa basurang aanud-anod ay sagupain
maliban kung may takdang oras palang hahabulin

- gregbituinjr.

* pagbiyakis - itinaas ang pantalon upang di mabasa

Pagtahak sa naiibang mundo

maraming araw-araw na lang nag-iinom sila
at pag tumatagay sila, animo'y ang sasaya
naghahalakhakan pag katagay na ang barkada
tila ba tinahak nilang daigdig ay iisa

ngunit pag natapos ang inuman, mag-isa na lang
tila ba bumalik sa dating mundong kinagisnan
walang trabaho, panay problema, pulos awayan
tila di malaman kung anong pagkakaperahan

iba ang mundo ng tagay, doon sila'y prinsipe
doon ay nabubuo nila ang mundong sarili
walang problema, tawanan, animo'y komedyante
paraan ng pagtakas sa problemang di masabi

tagay ng tagay, di na kinakaya ang mamuhay
pagsayad ng alak sa sikmura'y may ibang buhay
nililikha'y sariling daigdig na walang lumbay
nanghihiram ng saya pansamantala mang tunay

araw-gabi na lang ay nasa pantasyang daigdig
at tumatakas sa problemang di nila madaig
marahil kung di sila lango, kulang sa pag-ibig
kaya kung anu-ano na lang ang nasok sa bibig

- gregbituinjr.

Huwebes, Nobyembre 21, 2019

Mga Tibok ng Diwa

MGA TIBOK NG DIWA

isipin mo ang mundo
at nagbabagong klima
anong pakiramdam mo
sa iyong nakikita

ang lupa'y iyong damhin
sa pintig ng alabok
mundo'y may tagubilin
kung anong tinitibok

payo'y pangalagaan
itong kapaligiran
huwag pababayaan
ang ating kalikasan

ilog ay umaagos
ang ulan ay tikatik
sa puso'y tumatagos
ang kaysarap na halik

lalabhan ko ang damit
ng diwata ng gubat
pawis na nanlalagkit
sa palad ay kaybigat

basurang nabubulok
ay iyong ihiwalay
sa hindi nabubulok
itapong hindi sabay

sahig ay lumangitngit
pagkat kayraming butas
narinig hanggang langit
ang pagaspas ng limbas

mawawala ang puno
pag laging nagpuputol
pag gubat ay naglaho
ang buhay ay sasahol

- gregbituinjr.

* unang nalathala sa munting pahayagang Diwang Lunti, isyu ng Nobyembre 2019, pahina 20

Miyerkules, Nobyembre 20, 2019

Pag sinampilong ka ng mutya

minsan, maalam ding magalit ang mga diwata
lalo na yaong kaygandang dilag mong minumutya
huwag mong hahayaang pumatak ang kanyang luha
dahil nadama niyang niloko mo siyang pawa

gawin mo ang marapat upang mawala ang galit
ng sinisintang ang poot ay tila abot langit
baka nadama niya'y karanasang anong pait
sa piling mo't pagsinta pala niya'y nasa bingit

pag sinampilong ka'y agad iwasang kapagdaka
mag-ingat-ingat din, baka ikaw ay masungaba
at tumama sa kung saan ang maganda mong mukha
sa anumang mangyayari'y dapat lagi kang handa

kung iibigin mo ang diwata'y maging matapat
pagkat tila ibinibigay niya'y lahat-lahat
kung magmamahal ka'y dapat ka ring maging maingat
pagkat puso't damdamin ay nasasaktan ding sukat

- gregbituinjr.

Iwas, salag, bigwas

dapat gawin nati'y pag-iwas, pagsalag, pagbigwas
taktika sa pagdepensa sa masang dinarahas
habang kumikilos tayo't masa'y pinalalakas
at mga prinsipyong tangan nila'y pinatitigas

magpalakas tayo't di lang lakas ng katuwiran
nang mapigilan ang anumang bantang karahasan
tuwina'y ipagtanggol ang pantaong karapatan
kaya dapat nating depensahan ang uri't bayan

iiwasan natin ang mga suntok ng estado
kung makatama man sila'y salagin natin ito
at kung mawala sila sa porma'y bibigwas tayo
ng ala-Pacquiao na sadyang kaytigas ng kamao

matutong umiwas, sumalag, bumigwas, tumabi
makipagkpitbisig tayo sa ating kakampi
matuto rin tayong bumigwas pag tayo'y inapi
ngunit ilagan ang suntok ng mapang-aping imbi

- gregbituinjr.

Hustisya sa hinalay na dilag

grabeng balitang tila ba di ka matutunawan
pag nabasa mo, sarili'y baka di mapigilan
dahil sa galit, nakakapanginig ng katawan
"katorse anyos na dilag ay sex slave ni insan" 

anang ulat, ginagapang siya pag lasing ang suspek
ginagalaw, nilalaspag, binababoy ang pekpek
sa dalagita'y takot at lagim ang inihasik
sa loob ng dalawang taon siya'y kinatalik

madalas, dalawa silang naiiwan sa bahay
subalit ang dalagita'y di na napapalagay
pananahimik niya'y di nakatulong na tunay
dahil nagpapatuloy ang nangyaring panghahalay

hanggang di na iyon matiis pa ng dalagita
kaya sinumbong sa kaanak ang nadamang dusa 
nagresponde ang barangay, suspek ay dinakip na
at kaso ng panghahalay ay agad isinampa

dusa ng dilag ay kaytagal pang paghihilumin
dapat managot ang suspek, siya'y pinsan pa man din
dahil sa seks pinsang dalagita ang inalipin
suspek ay dapat lang makulong sa ginawang krimen

- gregbituinjr.

Martes, Nobyembre 19, 2019

Ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas

lata ng sardinas ay ginawa ko nang titisan
at tipunin doon ang titis at upos na iyan
dapat din nating alagaan ang kapaligiran
na kung di mo malinisan ay huwag mong dumihan

ilagay sa titisan ang abo ng sigarilyo
simpleng bagay lang itong hinihiling ko sa iyo
anong paki ko kung sinusunog mo ang baga mo
basta ilagay mo sa tama ang upos mo't abo

ginagawa kong titisan ay ibinabahagi
sa kakilala kong sunog-bagang di ko mawari
di ko sila mapipigilan sa bisyong masidhi
ang payo ko lang ay ayusin ang kanilang gawi

ginawa ko nang titisan ang lata ng sardinas
nang magamit nyo't titis ay di kumalat sa labas
kaya munting payong ito'y aking pinangangahas
upang magandang kapaligiran ang namamalas

- gregbituinjr.

* titisan - salitang Batangas sa ash tray

Di lang kuto o garapata kundi mga kato

di lang kuto o garapata kundi mga kato
ang mga ganid na kapitalistang manananso
sa likod ng manggagawa'y nanininipsip ng dugo
tila mga buto nito sa tubo'y ginagato

tingin nila sa manggagawa'y sampung perang muta
na dapat lang baratin ang angking lakas-paggawa
na kung susuriin animo'y paurong ang diwa
na sa pagsisikap at buhay ng obrero'y banta

nais ng kapitalistang mamuno sa lipunan
na tila pabrika ang pagpapatakbo sa bayan
na dambuhalang kato'y di naman naninilbihan
na manggagawa'y kumakain na lang sa labangan

sa karapatan ng obrero, ito'y isang dagok
subalit palabang obrero'y di dapat malugmok
manggagawa na ang mamahala't dapat maluklok
kaya obrero'y maghanda sa pag-agaw ng tuktok

- gregbituinjr.

* kato - malaking garapata
labangan - kainan ng mga biik

Sinasabuhay natin ang pakikibakang masa

sinasabuhay natin ang pakikibakang masa
dahil sa niyakap nating prinsipyong sosyalista
layunin nating baguhin ang bulok na sistema
kaya ngayon, patuloy tayong nag-oorganisa

ginagawa natin ay di lang simpleng pamumuhay
dahil nakatuntong na ang isang paa sa hukay
kumikilos na sosyalismo'y gabay at patnubay
bagamat niyakap natin ang simpleng pamumuhay

nakatakdang ang manggagawa ang sepulturero
nitong pandaigdigang sistemang kapitalismo
kaya dapat nating organisahin ang obrero
upang mapang-aping sistema'y tuluyang mabago

dapat nating patalasin ang ating pagsusuri
at palakasing tuluyan ang diwang makauri
upang ating madurog ang pribadong pag-aari
at ibagsak ang bulok na sistemang naghahari

ang imperyalistang atake'y di basta huhupa
dahil narito tayong sosyalismo ang adhika
dapat magkapitbisig na ang uring manggagawa
sila bilang nangungunang hukbong mapagpalaya

- gregbituinjr.

Lunes, Nobyembre 18, 2019

Kataksilan sa bayan

aba'y maituturing nang kataksilan sa bayan
ang gawin pang bayani ang diktador na gahaman
mga aktibista'y dinukot, tinortyur, sinaktan,
pinaslang, gayong ipinaglaban ang karapatan
kayraming winala noong kanyang panunungkulan

at ngayon, diktador pa'y itinuring na bayani
gayong siya sa karapatang pantao'y nameste
siyang kasangga ang mga kapitalistang kroni
siyang nagpayaman sa poder bilang presidente
bilyon-bilyon ang sa kaban ng bayan diniskarte

di bayani ang diktador, libingan ay hukayin
ang puntod ng halimaw ay dapat lang distrungkahin
ang kasaysayan ay pinipilit nilang baguhin
di bayani ang diktador sa kasaysayan natin
kaya ating sigaw: "Hukayin! Hukayin! Hukayin!"

- gregbituinjr.
* pang-apat na tulang nilikha at binasa ng makata sa rali sa paggunita sa ikatlong anibersaryo ng paglilibing sa diktador sa Libingan ng mga Bayani, Nobyembre 18, 2019, kasama ang grupong IDefend, idinaos sa Boy Scout Circle