Martes, Marso 19, 2019

Pagsasalin ng akda

minsan, nakakatamad magsalin ng isang akda
o anupamang sulating wala kang napapala
walang insentibo, ramdam mong mahirap ka na nga
naaabuso pa ang kakayahan mong kumatha

mas nais kong isalin kung may sosyalistang layon
upang matuto ang manggagawang mag-rebolusyon
kahit libre, walang bayad, para sa uri iyon
hayaan akong magsalin kahit walang panglamon

ngunit kung ibang isyung di para sa sosyalismo
napipilitang magsalin, pakikisama ito
kung walang insentibo, ako ba'y naaabuso
mabuti pang isalin ko'y Marxismo-Leninismo

sana'y makaramdam ang nakasalubong kong langgam
siya naman kung pagmamasdam mo animo'y paham
di ko kasi ugali yaong basta makialam
sabihan ang kausap ko na walang pakiramdam

- gregbituinjr.

Biyernes, Marso 1, 2019

An Ode To Liberty

AN ODE TO LIBERTY

Another fight for the future is at stake
Nefarious pogrom in this country feared indeed
One after another, blood was turned into lake
Due to the rise of another Hitlerian breed!
Enduring the actions of this notorious beast
Towards ending these terrible deeds of terror
On the want for freedom, we rise with clenched fist
Liberty against this tragic acts we longed for!
In the midst of darkness and stupidity
Beneath the eyes of struggle and fearfulness
Entering the years of sorrow and tragedy
Revolting is just right to repeal this madness!
To the future and this present generation:
You are the hope for another revolution!
- gregbituinjr.

Martes, Enero 29, 2019

Ang buhay ba'y tulad ng mobius strip?


ANG BUHAY BA'Y TULAD NG MOBIUS STRIP?

ang buhay ba'y tulad ng mobius strip?
hinehele't tila nananaginip
na lagi nang buhay ay sinasagip
habang patuloy na may nililirip
hinggil sa kung anumang halukipkip

tila dinugtong na magkabaligtad
ang mga dulo ng gomang malapad
madaraanan lahat pag naglakad
pabalik-balik ka kahit umigtad
ganito ba ang anyo ng pag-unlad?

paikot-ikot ka lang sa simula
hanggang maramdaman mong matulala
mabuting patuloy na gumagawa
kaysa naman magpahila-hilata
bakasakaling tayo'y may mapala

ang mobius strip ay pakasuriin
sa matematika'y alalahanin
baka may problemang mahagip na rin
masagip ang pinoproblema natin
upang sa baha'y di tayo lunurin

- gregbituinjr.

Lunes, Enero 28, 2019

Napulot man ako sa tae ng kalabaw

NAPULOT MAN AKO SA TAE NG KALABAW

napulot man ako sa tae ng kalabaw
ako'y isang tao rin sa mundong ibabaw
na maagang gumising sa madaling araw
upang agad magtrabaho kahit maginaw

mapalad naman ako't may mga umampon
at itinuring akong anak nilang bugtong
mag-asawang walang anak, sa utang baon
ngunit kaysisipag, sa bukid lumulusong

silang nagisnan ko nga'y mapagkawanggawa
mula pagkabata ko'y mga nag-alaga
binihisan, pinag-aral, lahat ginawa
upang ako nama'y makadamang ginhawa

kaya ako'y labis na nagpapasalamat
sa kanilang naglunas sa pusong may sugat
may ligaya sa diwa kong maraming pilat
pagkat sila'y dakila't tunay na alamat

- gregbituinjr.