Huwebes, Marso 7, 2024

Sanggol, binalibag ng amang adik, patay

SANGGOL, BINALIBAG NG AMANG ADIK, PATAY

"Kalunos-lunos ang sinapit na kamatayan ng 8 buwang sanggol na babae matapos ihambalos sa sementong sahig ng ama nito na umano'y lulong sa alak at droga sa Bansalan, Davao del Sur noong Sabado ng gabi."

"Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, lasing na umuwi ng kanilang tahanan ang suspek sa Brgy. Tagaytay at agad na inaway umano nito ang kanyang misis."

"Narinig pa ng mga kapitbahay ang kalabugan at pagsigaw ng saklolo ng ginang at kasunod nito ay inagaw ng mister sa misis ang 8-buwang sanggol na buhat-buhat nito. Ilang saglit pa ay inihambalos sa sahig na semento ng suspek ang sanggol bunsod upang masawi ang munting anghel sa insidente."

"Nasakote naman ng mga nagrespondeng operatiba ng pulisya ang nasabing ama na bukod sa lasenggero ay kilala umanong drug user sa kanilang lugar." ~ ulat mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 12, 2024, headline sa pahina 1 at ulat sa pahina 9

karumal-dumal ang sinapit ng kawawang sanggol
sa kanyang ama na dapat sana'y tagapagtanggol
inihampas siya sa sahig ng amang naulol
sa kanyang pagkamatay, talaga kang hahagulgol

amang lasenggo, walang trabaho, durugista pa
bakit ganito'y sinapit, kawawa'y anak niya
tangi nating mahihiling ay hustisya! Hustisya!
sa sanggol na babaeng nasawing napakaaga

ah, bakit ba may mga ganitong klase ng tatay
di ako hukom, subalit sa kanya'y nababagay
ang di lang makulong, kundi parusahan ng bitay
ang ganyang pangyayari'y nakagagalit na tunay

masakit man ang balita, kailangang basahin
lalo na't di katanggap-tanggap ang gayong gawain
parusahan ang amang adik sa nagawang krimen
at ang kawawang biktima, sana hustisya'y kamtin

- gregoriovbituinjr.
03.07.2024

Una-una lang

UNA-UNA LANG

namatay ang aktor na si Ronaldo Valdez
at ngayon, Jaclyn Jose, beteranang aktres
may katoto rin akong sa mundo'y umalis
sa makatang nawala, lungkot ko nga'y labis

wala akong sa kanila'y maiaalay
kundi pasasalamat at pakikiramay
sa maraming papel na binigyan ng buhay
dama man natin sa kalooban ay lumbay

nauna na kayo patungo sa bituin
sa langit na kumukutitap kung tanawin
kung ako'y nauna, baka di bigyang pansin
ni aking mga tula'y baka di bigkasin

una-una lang iyan, hindi ba, pare ko
sa mga nauna, pagpupugay sa inyo
habang kami'y nakikibaka pang totoo
upang itayo ang lipunang makatao

- gregoriovbituinjr.
03.07.2024

TAGAS, TAGIS, TAGOS

TAGAS, TAGIS, TAGOS

sa palaisipan ay napatda
sa isasagot ba'y anong tama
sa posibilidad na kataga
na tatlong nakikitang salita

ito ang TAGASTAGIS, at TAGOS
tanong ay alamin munang lubos
iisang titik na lang ang kapos
palaisipan na'y matatapos

sa sarang gripo pag may lumabas
tiyak na isasagot mo'y TAGAS
TAGIS naman sa labanang patas
o kaya'y madugo't mararahas

TAGOS pag niregla ang babae
o kaya punglo'y TAGOS sa tangke
ganitong pag-usisa'y may silbi
nang krosword ay masagutan dini

sa PABABA nama'y KA, KI, at KO
KA ay ikaw, KI ay KAY, KI Pedro
KNOCKOUT naman o AKIN itong KO
at ang krosword na'y makukumpleto

- gregoriovbituinjr.
03.07.2024

* ang krosword ay mula sa pahayagang Abante, Marso 7, 2024, pahina 10

Sa pagkain

SA PAGKAIN

kalahating isda, hahatiin sa apat
isa'y pang-almusal, isa'y pananghalian
isa'y pangmeryenda, at isa'y panghapunan
maraming kanin at talbos, kaunting ulam

ang ganito'y nakabubusog ba talaga?
di naman pulos kanin, pagkat may talbos pa
ng kamote, kangkong, sili, o ampalaya
walang karne, isda't gulay lang ay ayos na

ganyan lang ako kung magtipid sa pagkain
walang manok, baka o karneng mamahalin
walang baboy na umiihi sa pagkain
at inihian ay kakainin niya rin

di ko problema sa isda ang kanyang tinik
pagkat problema sa isda ay microplastic
na kinakain nito't sa tiyan sumiksik
lalo't dagat ay puno ng basurang plastik

magtanim-tanim sa paso ng mga gulay
iyan ang bilin noon sa akin ni nanay
pagkat mahalaga'y ang kalusugang taglay
masasabi ko'y maraming salamat, Inay!

- gregoriovbituinjr.
03.07.2024

Headline: Patay

HEADLINE: PATAY

pulos patay ang mga headline sa dyaryo
dalawang tinedyer, tinortyur, pinatay
mag-asawang senior, namatay sa sunog
dump truck bumaliktad, tatlo ang nautas
sa Japan, mayroon daw iniwang bangkay

wala na yatang balitang maganda
na nahe-headline naman sa tuwina
maliban pag nananalo si Pacquiao
sa kanyang laban ay headline talaga
subalit ngayon, iyon ay wala na

pulos patay ang nasa pahayagan
tila iyon ang kinakailangan
o marahil ay natataon lamang
na mahalagang iulat sa bayan

- gregoriovbituinjr.
03.07.2024

* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Marso 7, 2024

Tungkulin

TUNGKULIN

isusulat ko pa rin ang kalagayan ng dukha
sa ulat, sanaysay, dagli, maikling kwento't tula
bibigkasin ko sa rali ang tulang makakatha
bilang munti kong ambag sa pagmumulat sa madla

hanggang ngayon ay pinag-aaralan ang lipunan
at maraming isyung tumatama sa sambayanan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
upang sa isyu'y mabatid ang wastong kalutasan

oo, simple lang akong manunula, yano, payak
pasya ko'y kumampi sa inaapi't hinahamak
sa winalan ng tinig at gumagapang sa lusak
asam na lipunang makatao ang tinatahak

nawa'y magampanan kong husay ang gintong tungkulin
na tungo sa lipunang asam, ang masa'y mulatin

- gregoriovbituinjr.
03.07.2024

Miyerkules, Marso 6, 2024

Pangarap

PANGARAP

Ano nga ba ang tinatawag na pangarap?
Ang magkaroon ng kotse sa hinaharap?
Ang biglaan kang yumaman sa isang iglap?
Ang guminhawa ang tulad nating mahirap?
Ang mga pulitiko'y di na mapagpanggap?
O ito'y produkto ng ating pagsisikap?

Sa simple, sa pag-aaral ay makatapos
Habang nilalabanan ang pambubusabos
Ng mga dayuhan at kababayang bastos
Sa munting sabi, makaipon ng panggastos
Nang sa hinaharap ay mayroong panustos
At kamtin ng masa'y kaginhawaang lubos

Pangarap ko'y isang lipunang makatao
Na itatayo ng dukha't uring obrero
Pangarap ko'y di pansarili, di pang-ako
Kundi pambayan, pandaigdigan, pangmundo
Ibagsak ang mapang-aping kapitalismo
Tungo sa lipunang walang lamangan dito

- gregoriovbituinjr.
03.06.2024

Paano ka naging mahirap?

PAANO KA NAGING MAHIRAP?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Madalas, natatawa tayo sa katotohanan. Minsan, akala natin ay patawa ang katotohanan. Marahil, dahil masakit mabatid ang katotohanan.

Nang dinaan sa comic strip ang katotohanan, tayo na'y napapangiti. Tila ba binabalewala natin ang katotohanan, at marahil ay ayaw pag-usapan ng malaliman upang mabigyan ito ng kalutasan.

Makikita iyon sa isang comic strip kung saan nag-uusap ang dalawang taong namamalimos.

Tanong ng una: "Paano ka naging mahirap?"

Sagot naman ng ikalawa: "Panay ang boto ko sa kawatan."

Napakapayak lang ng kasagutan. Kaya siya mahirap ay dahil panay ang boto niya sa kawatan. Maiisip tuloy natin ang mga pulitiko sa kasalukuyan na pulos pangako lamang, subalit madalas napapako. Mga trapong namimigay ng ayuda para maiboto sa halalan. Mga mayayamang tumutuntong lang sa iskwater o sa mga mapuputik na lugar ng dukha dahil sa kampanyahan, at matapos manalo ay hindi na nila ito binabalikan.

Boto lang ang habol ng mga pulitiko sa mga dukha. Iyan ang katotohanan. Dahil silang mga maralita ay malaki ang bilang. Sila ang madalas nating marinig na nakakatanggap daw ng limang daang piso kapalit ng boto. Silang ipinagpapalit sa limang daang piso ang tatlong taon na pagdurusa, o marahil anim na taon, mairaos lang ang ilang araw na pangkain ng pamilya, lalo na ng mga anak.

Bakit nga ba sila mahirap? Bumoto daw kasi sa kawatan. Anong dapat gawin? Huwag nang bumoto sa kawatan. Paano mangyayari iyon kung lagi silang binibigyan ng ayuda ng sinasabi nilang kawatan?

May kinatha akong kwento noon na pinamagatang "Ang Ugat ng Kahirapan" na ang pambungad ay ganito: 

"Noong ika-19 dantaon, nag-usap-usap ang mga kilalang tao sa lipunan upang talakayin kung ano ang ugat ng kahirapan. Ito’y dahil na rin sa pagkairita nila sa mga nakikitang pagala-galang pulubi at mga tambay sa lansangan, at ito’y masakit sa kanilang mga mata. Pag nalaman nila ang ugat ng kahirapan ay baka mahanapan nila ito ng lunas."

"Ang sabi ng isang mayamang negosyante, ang kahirapan ay dahil sa katamaran."

"Ayon naman sa isang mataas na pinuno ng isang relihiyon, naghihirap ang mga tao dahil ito ang parusa sa kanila ng Maykapal."

"Ang sabi naman ng isang guro sa isang kilalang pamantasan, kaya naghihirap ang marami ay dahil sa kamangmangan."

"Ayon naman sa hari, iyan na kasi ang kanilang kapalaran."

"Ang sabi naman ng isang mataas na opisyal ng pamahalaan, populasyon ang dahilan ng kahirapan."

"Ngunit lahat sila ay hindi magkasundo kung ano talaga ang ugat ng kahirapan. Kaya nagpasya silang magbuo ng komite para magsaliksik. Nagpunta sila sa iba’t ibang lupain upang hanapin at malaman ang kasagutan. Hanggang may nakapagsabi sa kanila na may isang mabuting taong nakaaalam ng ugat ng kahirapan at ano ang lunas dito. Kaya’t dagli nilang pinuntahan ang naturang tao. Paalis na ang taong iyon upang pumunta sa isang napakahalagang pagpupulong nang kanilang maabutan at abalahin. Agad namang nagpaunlak ang taong nasabi."

Sa kwento, may limang tinukoy na dahilan ng kahirapan - katamaran, parusa ng Maykapal, kamangmangan, kapalaran, at populasyon. At sa ngayon marahil ay maidaragdag natin bilang pang-anim ang pagboto sa kawatan kaya naghihirap ang tao. Mali ang kanilang ibinoto. Hindi nila kauri. Silang mga maralita ay bumoto ng mayayaman, masalapi, at makapangyarihan sa lipunan. Silang mga isda ay bumoto ng mga lawin upang mamuno sa kanila.

Hindi nila ibinoto ang mga kandidato nilang kauri, tulad ng manggagawa, maralita, vendor, driver, at kapwa nila mahihirap. Silang mga isda ay dapat bumoto sa kapwa nila isda upang pamunuan sila, dahil alam ng kapwa nila isda ang kanilang mga suliranin. Hindi tulad ng mga lawin o agila na binoto ng mga isda na walang alam sa pamumuhay at kalagayan ng kapwa nila isda.

PAANO KA NAGING MAHIRAP?

"Paano ka ba naging mahirap?"
ang tanong ng isang kaibigan
na tulad niya, hanap ay lingap
"Panay ang boto ko sa kawatan."

dahil komik istrip lamang iyon
ay natatawa tayo sa sagot
gaano katotoo ang tugon
ngiti nati'y wala na't bantulot

katotohanan ang kanyang sambit
na buto natin ay manginginig
pagkat sa kalooba'y masakit
pagkat dukha'y winalan ng tinig

kung isda ang mga maralita
at mga pulitiko'y agila
isda ba'y binoboto ng isda
o binoto'y di kauri nila

pag-isipan natin ng malalim
ang komiks na iyon ay matalim
pinakita gaano kalagim
ang sistemang karima-rimarim

03.06.2024

Nasaan ang Seria?

NASAAN ANG SERIA?

may bansang Seria ba't ito'y naglaho?
kaytagal hinanap, typo error lang
aba'y walang bansang Seria, wala po
kundi Syria, Syria iyon malamang

nagsanga-sanga sa palaisipan
ang YEMEN at SERIA na dapat SYRIA
sa titik E sila'y nagsangandaan
kung aayusin sa titik Y sana

baligtarin lang ang salitang YEMEN
at SERIA ay gawin agad na SYRIA
Y sa SYRIA ang simula ng YEMEN
kung nakita agad, maaayos pa

baka inaantok ang gumagawa
o kaya ito'y kanyang minadali
habol ang deadline, baka pa nangapa
o may problema't sa pagsinta'y sawi

- gregoriovbituinjr.
03.06.2024

Ulat: Patay sa sunog

ULAT: PATAY SA SUNOG

"Isang mag-asawa na senior citizen at dalawa nilang anak ang nasawi nang masunog ang kanilang bahay sa Brgy. Talon Dos, Las Piñas City, kahapon ng madaling araw."

"Sa ulat ng Las Piñas police, nagsimula ang sunog ng 2:38 ng madaling araw na umakyat lang sa unang alarma at naapula alas-4:36 ng madaling araw. Tinatayang aabot sa P7.5 milyon ang halaga ng napinsala. Inaalam pa ang sanhi ng sunog." ~ mula sa balitang "4 miyembro ng pamilya, patay sa sunog", pahayagang Pang-Masa, Marso 1, 2024, headline sa pahina 1 at ulat sa pahina 2

tinaguriang Fire Prevention Month ang Marso
dahil ba panay sunog sa panahong ito?
tulad na lang ng headline nitong Marso Uno
namatay sa sunog ay apat na miyembro
ng pamilya, nakalulungkot na totoo

ang Marso'y nakagisnang tag-araw, mainit
nagbabago man ang klima paulit-ulit
sa ganitong panahon, sunog ba'y malimit?
Fire Prevention Month ba'y paano makakamit?
upang di danasin ang sunog na kaylupit

pag nasunugan tiyak di mapapalagay
ang diwa't puso'y ligalig, tigib ng lumbay
tanging masasabi sa nasunugang tunay
kami po ay taospusong nakikiramay

- gregoriovbituinjr.
03.06.2024

Pinais na galunggong

PINAIS NA GALUNGGONG

madalas, nais ay pampagana
tulad ng pinais na galunggong
kaunti man ang tangan mong kwarta
ay masarap na kahit sa tutong

pagkat payak lang ang pamumuhay
sa madaling araw na'y gigising
kape ay papainiting tunay
habang sa asawa'y naglalambing

tiyak anong sarap ng agahan
pag mutyang diwata ang kasalo
ganito'y talagang tutulaan
ng pusong tumitibok ng husto

tara, tiyan ko na'y kumakalam
pinais na galunggong ang ulam

- gregoriovbituinjr.
03.06.2024

Martes, Marso 5, 2024

Sa kaarawan ni Cherpin, edad 7

SA KAARAWAN NI CHERPIN, EDAD 7

flash card ng mga bayani at isang aklat
ang regalo sa may kaarawang pamangkin
namin ni misis, pitong taon na ang edad
bata pa subalit may talino nang angkin

sa paaralan baka sa kanya'y itanong
mga bayani ba natin ay sino-sino?
nagkarerahan sina kuneho at pagong
nagwagi si pagong, bakit kuneho't talo?

makabuluhang regalo'y aming inalay
sa pamangking nagdiriwang ng kaarawan
bagamat munti man ang aming nabigay
dito'y marami na siyang matututunan

bagamat edad pa lang niya'y pitong taon
mga bayani'y magandang ipakilala
sa pabula ay mabatid ano ang leksyon
at maging gawi na niya ang pagbabasa

- gregoriovbituinjr.
03.05.2024

Surot

SUROT

"Inatake ng mga surot ang ilang pasahero na nakaupo sa mga silya sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 at 3. Nag-viral sa social media ang dinanas ng mga biktima na nagkaroon ng naglalakihang pantal." ~ mula sa balitang "Surot umatake sa NAIA, nag-viral sa social media", pahayagang Pilipino Star Ngayon, Marso 1, 2024, pahina 8.

i

O, surot, kayrami n'yo muling nabiktima
sa sinehan ko kayo unang nakilala
kaya pagpuntang sinehan ay naghindi na
ngayon, sa paliparan kayo naglipana

sa saliksik, sinlaki lang kayo ng buto
ng mansanas na hilig ay dugo ng tao
sa drakula o aswang ba nagmana kayo?
kaming tao ba'y nang-aabala sa inyo?

dapat may gawin sa inyo ang pamunuan
ng NAIA, linisin ang mga upuan
idisimpekta ang inyong pinamahayan
at tuluyang matukoy ang pinanggalingan

ii

ang ganitong problema'y nakatitigagal
grabe pag may surot sa pinuntahang lugar
mababatid lang pag ikaw ay nagkapantal
baka dalhin mo pag eroplano'y umandar

- gregoriovbituinjr.
03.05.2024

Pagtitig sa kisame

PAGTITIG SA KISAME

minsan, nagninilay pa rin sa hatinggabi
naroroong nakatingala sa kisame
mata'y mulat na sa isip may sinasabi
nakatitig sa kawalan, anong mensahe

marahil ay naghihintay pa rin ng antok
di makatulog, nangangagat pa ang lamok
kanina lamang sa pagkilos ay kalahok
na sigaw ay ibagsak ang sistemang bulok

ano bang meron sa kisame kundi agiw
o marahil hindi, may larawan ng giliw
at naiisip ang pagsintang walang maliw
tulad ng makatang sa mutya'y nababaliw

minsan, kisame ang kasangga sa umaga
doon ibinubulong ang mga problema
doon kinakatha ang mga nakikita
hanggang susing kataga'y ibunyag ng musa

- gregoriovbituinjr.
03.05.2024

Lunes, Marso 4, 2024

Sa Marso Otso ay muling wawagayway ang bandila

SA MARSO OTSO AY MULING WAWAGAYWAY ANG BANDILA

sa Marso Otso ay muling / wawagayway ang bandila
ng mga kababaihang / kalahati nitong bansa
pati ng sandaigdigan, / babaeng sadyang dakila
na pinagmulan ng lahi, / ng sambayanan, ng bata

ang ikawalo ng Marso / ay isang dakilang araw
na dapat alalahanin, / sa pagkilos ay isigaw
karapatan, ipaglaban, / magkaisa't magsigalaw
parangalan ang babae / dito sa mundong ibabaw

babae ang ating lola, / babae ang ating nanay
babae, di babae lang, / mabuhay sila, Mabuhay!
sila ang siyang nagluwal / sa ating mga panganay
sa kapatid hanggang bunso, / taospusong pagpupugay!

sa Marso Otso, Dakilang / Araw ng Kababaihan
sila'y atin ding samahan / sa pagmartsa at paglaban
upang kanilang makamit / ang asam na karapatan
pati ang pinapangarap / na makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.
03.04.2024

* ang bidyo ay kuha ng makatang gala sa pagkilos laban sa ChaCha noong EDSA 38
* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/3553001498296897

Sa buwan ng kababaihan at sa mga inang namatayan ng anak dahil sa EJK

SA BUWAN NG KABABAIHAN AT SA MGA INANG NAMATAYAN NG ANAK DAHIL SA EJK

nais ko ring alalahanin
sa Buwan ng Kababaihan
ang mga inang namatayan
dahil sa walanghiyang tokhang

ilan na ba silang nawalan
ng anak na mahal sa buhay
na walang prosesong pinaslang
ng mga drakula ng tokhang

tinumba sa dugo ang anak
dahil napagkamalang tulak
o adik kaya ibinagsak
ng tingga, sabog ba ang utak?

nasaan ang tamang proseso?
kung may sala, aba'y dakpin mo!
litisin sa hukuman dito!
bakit pinagpapaslang ito?

hustisya sa maraming ina
ng pinaslang na anak nila
pinsalang talagang nadama
nawa hustisya'y makamit pa!

- gregoriovbituinjr.
03.04.2024

* litratong kuha ng makatang gala sa Mendiola noong Marso 8, 2021

Bolpen at kwaderno

BOLPEN AT KWADERNO

si misis ang kaharap ko
nang kinunan ng litrato
itong bolpen at kwaderno
ng mga tula ko't kwento

lagi iyang nasa bulsa
upang agad mailista
ang nasa diwa't panlasa
lalo't kami'y nasa mesa

ganyan lang naman palagi
sa akda'y nagpupunyagi
ang tula'y nananatili
sa tulay ng dusa't ngiti

inaalay pa ri'y tula
sa minumutyang diwata
alay itong puso't diwa
sa dinidiwatang mutya

- gregoriovbituinjr.
03.04.2024

Pagbigkas ng 2 kathang tula sa Sining Luntian

PAGBIGKAS NG 2 KATHANG TULA SA SINING LUNTIAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa nang malaking karangalan ang maanyayahang makasama sa dalawang araw na programa ng "Sining Luntian: Eksibit, Musika at Talakayan" na ginanap mula ika-2 hanggang ika-3 ng Marso, 2024 sa Grand Atrium, Robinsons Las Piñas.

Nakakagaan din sa pakiramdam na mabatid na sa programa ay nakasulat ang pangalan ko, katabi ng magaling na mang-aawit at idolong si Joey Ayala. 
5:15 PM - 5:25 PM: Spoken Poetry: Greg Bituin Jr.
5l30 PM - 6:00 PM: Special Performance: Joey Ayala

Ang aking mga tinula, pakiramdam ko, ang ilan sa aking mga obra maestra, bagamat hindi iyon ang pinakamaganda. Subalit ang paksa ay napapanahon. Ang tulang "Buhay ng Boteng Plastik sa Sahig ng Bus" ay tatlong ulit ko nang na-perform. Una ay nang tinula ko ito sa isang forum ng Green Convergence na dinaluhan naming mag-asawa. Ikalawa ay nang binidyuhan ako ni misis na itinutula iyon sa bahay, at naibahagi sa facebook. At ikatlo nitong Marso 3 sa Sining Luntian.

Ang tula namang "Bakit natin dapat alagaan ang kalikasan?" ay unang beses ko lang binigkas sa harap ng madla. 

Mapapanood ang aking pagtula simula sa 5:09:27 ng kawing na: https://fb.watch/qAWt-Fz9CP/.

Narito ang dalawang tula:

(1) BUHAY NG BOTENG PLASTIK SA SAHIG NG BUS

itinapon siya sa sahig nang siya'y maubos
kaya pagulong-gulong na siya sa loob ng bus
nagtapon ba sa kanya'y wasto ang ugaling lubos
o taong ito sa kabutihang asal ay kapos

sinisipa ng mga pasaherong nakatayo
at nasisipa-sipa rin ng mga nakaupo
pagulong-gulong sa bus na tila ba naglalaro
ngunit napapagod din siya't nais nang maglaho

buhay ng boteng plastik ay tinatapon na lamang
ng kung sinong sa paligid ay walang pakialam
ganyan nga ang buhay na kanilang nararanasan
tinatapon kung saan matapos pakinabangan

naglipana na sa mundo ang milyun-milyong plastik
sa basurahan at dagat sila'y nagsusumiksik
kung may pakialam ka'y huwag magpatumpik-tumpik
ikampanyang tigilan na ang paglikha ng plastik

(2) BAKIT NATIN DAPAT ALAGAAN ANG KALIKASAN?

bakit natin dapat alagaan ang kalikasan
ito'y aking katanungang dapat may katugunan
hinagilap ko ang sagot sa iba't ibang bayan
hanggang nagbabagong klima'y akin nang naramdaman

ilang taon na lang daw, tataas na itong dagat
mga yelo'y matutunaw, di akalaing sukat
dagdag pa'y titindi raw ang mga bagyo't habagat
kung mangyari ito'y may paghahanda ba ang lahat

di lang simpleng mag-alaga ng bulaklak sa hardin
di lang simpleng magtanim ng prutas sa lupa natin
dapat wala nang plastik sa dagat palulutangin
dapat wala nang mga plantang coal ay susunugin

dapat itigil ng Annex I countries ang pagsunog
ng mga fossil fuel na sa mundo'y bumubugbog
pagtindi ng global warming ay nakabubulabog
dapat may gawin tayo bago pa bansa'y lumubog

di lang simpleng mag-drawing ng magandang kagubatan
di lang simpleng ipinta't itula ang kabukiran
dapat kongkreto'y gawin sa kongkretong kalagayan
magtulungan na upang iligtas ang kalikasan

Matapos ang aking pagtula ay tinawag ako ng emcee na si Jeph Ramos at tinanong kung bakit dinadaan ko sa tula ang aking pagtingin sa kalikasan. At sinabi kong ang tula ay maaaring makapagmulat sa mga nakakarinig. Nabanggit ko rin na ako'y nag-aral ng pagtula sa Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo (Setyembre 2001-Marso 2002), at sa Palihang Rogelio Sicat Batch 15. Bago bumaba sa entablado ay binigyan ako ng sertipiko ng emcee, at nagbigay din ng isang makapal na notbuk si David D'Angelo.

Kaming mga nag-perform ay naging tagapagsalita naman sa Panel Discussion: Sining at Kalikasan (Role of Arts and Culture in Climate Action), kung saan nakasama ko ang vocalist mula sa bandang Viplava na si Jess Cayatao, ang Mobsculp artist na Yoj Blanco, at si Joey Ayala. Ang moderator ay si Jeph Ramos ng Green Party of the Philippines.

Muli, maraming maraming salamat sa pagbibigay sa akin ng pambihirang pagkakataong tumula sa aktibidad na iyon, lalo na sa pagbibigay ng halaga sa pagbigkas ng tula bilang sining na mas dapat pa nating payabungin para sa mga susunod pang salinlahi. Mabuhay!

03.04.2024

Linggo, Marso 3, 2024

Inihandang talumpati para sa kalikasan

INIHANDANG TALUMPATI PARA SA KALIKASAN
ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isang malaking karangalan sa akin ang mabigyan muli ng pambihirang pagkakataong tumula sa harap ng mga dadalo sa Sining Luntian: Eksibit, Musika at Talakayan para sa Kalikasan na ginaganap ng dalawang araw, mula Marso 2-3, 2024 sa Grand Atrium, Robinsons, sa Las Piñas. Ito na ang ikalawa kong pagtula sa aktibidad na iyon. Ang una ay ilang taon na ang nakararaan, sa lugar ding iyon, na kasama ko si misis.

Subalit bukod sa pagbigkas ng tula, naanyayahan din akong maging panelist sa talakayang pinamagatang Panel Discussion: Sining at Kalikasan (Role of Arts and Culture in Climate Action). Naka-iskedyul ang nasabing talakayan sa ganap na ikaanim ng hapon ng Marso 3, 2024.

Sa ganitong pagkakataon ay dapat nakahanda at hindi basta pupunta na lang sa pagtitipon nang aanga-anga at bahala na si Batman. Tulad ng Boy Scout, dapat laging handa. Kaya naghanda ako ng aking sasabihin, kung sakali, upang tuloy-tuloy at hindi doon lang ako mag-iisip ng aking sasabihin. 

Narito ang aking inihandang munting panayam o talumpati na bibigkasin ko sa nasabing pagtitipon:

ANG TALUMPATI

Magandang gabi po sa ating lahat.

Isang karangalan po ang maging bahagi ng ganitong pagtitipon ng mga makakalikasan, ekolohista o environmentalist, o yaong may mga pagpapahalaga sa kalikasan. Sabi nga, pag naanyayahan ka tulad nito, agad mo itong paunlakan dahil bihira ang ganitong pagkakataon.

Isang karangalang maging isa sa tagapagsalita sa Panel Discussion na Sining at Kalikasan (Role of Arts and Culture in Climate Action), sa dalawang araw na aktibidad na Sining Luntian: Musika, Eksibit, at Talakayan Para sa Kalikasan dito sa Robinsons Las Piñas, dahil na rin sa imbitasyon ni Ginoong David D'Angelo, na tumakbong senador noong nakaraang halalan. Tatakbo kaya siya sa susunod na eleksyon? Ating siyang suportahan. Kailangan natin ng kampyon para sa kalikasan.

Sa paksang Role of Arts and Culture in Climate Action ay agad akong sumang-ayon upang ibahagi ang mga karanasan sa nilahukan kong dalawang beses na Climate Walk from Manila to Tacloban, at isa sa internasyunal. Una ay noong 2014 mula Oktubre 2 - Nobyembre 8, 2014, sa unang anibersaryo ng Yolanda. At ikalawa, ay noong nakaraang taon, mula Oktubre 8 hanggang Nobyembre 7, 2023, sa bisperas ng ikasampung anibersaryo ng Yolanda. Nakalahok din ako sa French leg ng Climate Pilgrimage from Rome to Paris mula Nobyembre 7 hanggang Disyembre 14, 2015, at nasaksihan ang pagkapasa ng Paris Agreement sa COP21. Doon ay dinala rin natin ang Filipino version ng Laudato Si, na isinalin sa wikang Filipino ng inyong lingkod. Sa tatlong okasyong iyon ay kinatawan ako ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ). Sa ngayon ay isinuot kong muli ang tshirt na ginamit sa Climate Walk 2023.

Ano nga ba ang papel ng makata sa pagtataguyod ng kagalingan ng kalikasan at ng hustisyang pangklima o Climate Justice? Ang papel ng makata ay hindi lamang para siyang nasa toreng garing o ivory tower na tinutula lang ano ang magaganda. Tulad ng alay na bulaklak sa isang dalaga, tulad ng pagpitas ng bituin upang ikwintas sa nililiyag, tulad ng pag-ibig sa sinisinta, kundi maging konsensya ng bayan. Ika nga ng makatang Pranses na si Percy Byshe Shelley, "Poets are the unacknowledged legislators of the world." Sabi naman ni Ho Chi Minh, na lider noon ng Vietnam, “Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." Sa pagkamalikhain naman, ayon sa makatang Carl Sandburg, "Poetry is an echo, asking a shadow to dance" tulad ng pinagsasalita ng makata ang araw, ang buwan, boteng plastik, upos ng yosi, isda at pusit na kumain ng microplastic, batang nangangalakal, mismong kalikasan.

Dapat kasama rin ang makata sa pagkilos, hindi lang pulos sulat at salita, kundi higit sa lahat ay sa gawa, tulad ng pagtula sa rali. Bilang makata, may nakahanda na akong bolpen at papel, o notbuk upang doon ko isulat nang patula ang aking naging karanasan o kaya'y mga naiisip. Bawat tula’y tinitiyak kong may tugma at sukat, at magkakapareho ang bilang ng pantig bawat taludtod.

Noong panahon ng paglalakad ng kilo-kilometro sa Climate Walk, madalas ay sinusulat ko iyon sa araw, pag may nakitang magandang punto na dapat isulat, talakayin o tuligsain, saka na tinatapos sa gabi bago matulog. Habang tinitiyak pa rin ang tugmaan at sukat ng bawat taludtod.

Nakapaglathala ako ng aklat ng tula noong 2014 na pinamagatang "Sa Bawat Hakbang: Ang Climate Walk Bilang Epiko ng Pag-asa't Hustisya" at ang book launchging nito ay ginanap sa Kamayan para sa Kalikasan Forum sa EDSA malapit sa Ortigas noong Disyembre 18, 2014.

Narito ang isang tulang kinatha ng inyong lingkod noong Oktubre 7, 2014 habang nagpapahinga kami sa Our Lady of the Candle sa Candelaria, Quezon.

MGA PAANG NANLILIMAHID

nanlilimahid sa dumi ang mga paa
kilo-kilometrong hakbang ang pinuntirya
tila kilo-kilong libag ang nanalasa
anaki'y nasa paglulupa ang pag-asa

ang mga paang sa dumi nanlilimahid
sa iba't ibang bayan kami'y inihatid
upang hustisyang pangklima'y maipabatid
sa masa upang sa dilim ay di mabulid

ang mga paa'y nanlilimahid sa dumi
mitsa ang Climate Walk na kanilang sinindi
upang tao't gobyerno sa kapwa'y magsilbi
ng taos-puso sa araw man at sa gabi

nanlilimahid man ang mga paa namin
ito'y para sa isang magandang layunin
upang sa climate change itong mundo'y sagipin
at Climate Justice Now! ang sigaw na mariin

Kinatha naman sa banal na nayon ng Taize sa Pransya habang kami'y naroroon noong 14 Nobyembre 2015 ang sumusunod na tula:

MASUKAL ANG LANSANGAN PATUNGONG TAIZE

Masukal ang lansangan patungong Taize
Umagang sabik kaming umalis ng Cluny
Labing-isang kilometro, dumating kami
Bago magpananghali, buti’t di ginabi

Dinaanan namin ay dawag, kabukiran
Akyat-baba, tambak ang dahong naglaglagan
Rantso, kayraming bakang inaalagaan
Hanggang ang tinahak na’y gilid ng lansangan

Sa banal na nayon ng Taize tumigil
At isinuko roon anumang hilahil
Sa aming adhika’y walang makapipigil
Lalo’t hustisyang pangklima ang umukilkil

Di ko malilimot ang nayon ng Taize
Ang pagdatal dito’y ipinagmamalaki
Banal na nayong nagsisilbi sa marami
Sana dito’y makabalik pa muli kami

Sa Climate Walk 2023, ginawan naman ng Greenpeace ng video ang isa sa aking tula, kung saan bawat taludtod ay binigkas ng mga kasama sa Climate Walk. Narito ang tula:

PAGNINILAY SA CLIMATE WALK

O, kaylamig ng amihan sa kinaroroonan
habang nagninilay dito't nagpapahinga naman
tila ba kami'y kawan ng ibon sa himpapawid
na mga bundok at karagatan ang tinatawid

magkakasama sa dakilang misyon na Climate Walk
na climate emergency ang isa sa aming tutok
na climate justice sa bayan ay itinataguyod
mapagod man, naglalakad kami ng buong lugod

pagsama sa Climate Walk ay malaking karangalan
kaunti man ang lumahok sa mahabang lakaran
mahalaga'y maipahayag ang aming layunin
na climate emergency ay harapin na't lutasin

ipabatid ano ang adaptation, mitigation
ano ang climate fund, bakit may climate reparation
paano maghanda ang mga bansang bulnerable
Climate Justice Walk, ang pangalan pa lang ay mensahe

Maraming salamat po!

03.03.2024

Labanan ang dengue

LABANAN ANG DENGUE

basahin natin ang sinasabi
ng mga karatulang narini
"Puksain ang mga kiti-kiti,
bago ito maging kati-kati,"

"Tubig na walang takip
inyong bigyan ng silip."
kung ating malilirip
ang kapwa'y masasagip

dalawang bilin sa atin
na dapat lang nating dinggin
mga bata'y ipagtanggol
laban sa lamok, magkatol

linisin natin ang paligid
upang dengue'y di maihatid
ika nga, let's read and let's get rid
of mosquitoes, health is what we need

- gregoriovbituinjr.
03.03.2024

Asam ng makata

ASAM NG MAKATA

mula kina Edgar Allan Poe
Balagtas, Batute, at Rio
Alma, patuloy pa rin ako
sa buhay ng pagkatha rito

kinatha'y bunga ng pinitak
alay sa dilag na bulaklak
ang paksa'y aba't hinahamak
pati gumagapang sa lusak

ipaglalaban yaong dukha
babae't uring manggagawa
pati pagragasa ng sigwa
ay ilalarawan sa tula

ang pagtula'y mananatili
bilang tulay sa minimithi
lipunang dapat ipagwagi
ay itayo nang unti-unti

- gregoriovbituinjr.
03.03.2024

* ang litrato ay mula sa app game na Word Connect

Sabado, Marso 2, 2024

Anino

ANINO

ako'y talagang nagitla
at di agad nakahuma
ang akala ko'y may daga
o ipis na gumagala

anino pala ng kamay
ang nakitang gumagalaw
sa laptop nagtipang tunay
sa paligid na mapanglaw

palagay na yaring loob
sa gawa man nakasubsob
sinusulat nang marubdob 
ang paksang nakakubakob

mapanglaw man ang paligid
katha'y isyung nababatid
mensahe'y dapat ihatid
sa masa't dukhang kapatid 

- gregoriovbituinjr.
03.02.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/388844057200307

Biyahe't pamasahe mula Cubao hanggang tanggapan ng SM-ZOTO

BIYAHE'T PAMASAHE MULA CUBAO HANGGANG TANGGAPAN NG SM-ZOTO
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Mula sa bahay ng namayapang biyenan sa Cubao, kung saan kami nakatira ni misis ngayon, hanggang patungo sa tanggapan ng Samahan ng Mamamayan - Zone One Tondo Organization (SM-ZOTO) sa Navotas ay paano ba ako makakatipid, sakaling doon ang iskedyul kong pulong. Tulad na lang nang maganap sa SM-ZOTO ang pagdiriwang ng anibersaryo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), kung saan ako ay sekretaryo heneral, nitong Disyembre 2023, at naganap din naman ang National Council of Leaders (NCL) meeting ng KPML nitong Pebrero 2024.

May ilang paraan pala akong nakita kung paano magtungo sa tanggapan ng SM-ZOTO mula Cubao kung iisipin paano ba magmumura ang pamasahe paroon at pabalik. Talakayin muna natin ang papunta.

Una, mula bahay ay sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue station ng bus carousel, P10, dahil hindi mula sa terminal ng tricyle (P30 pag galing sa terminal). Pagsakay ng bus carousel mula Main hanggang Monumento, P25. Dyip mula babaan ng bus carousel sa Monumento hanggang Sangandaan, P13. Dyip mula Sangandaan hanggang Letre, P13. Tricycle mula Letre hanggang Tomana, P40 ang solo. Sumatotal: 10 + 25 + 13 + 13 + 40 = P101.

Ikalawa, mula bahay ay sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue station ng bus carousel, P10. Pagsakay ng bus carousel mula Main hanggang Monumento, P25. Dyip mula babaan ng bus carousel sa Monumento hanggang Sangandaan, P13. Dyip mula Sangandaan hanggang Letre, P13. Tricycle mula Letre hanggang Tomana, P20 kung maghihintay ng matagal para may makasabay. Sumatotal: 10 + 25 + 13 + 13 + 20 = P81.

Ikatlo, mula bahay ay sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue station ng bus carousel, P10. Pagsakay ng bus carousel mula Main hanggang Monumento, P25. Mula babaan ng bus carousel sa Monumento ay maglalakad at tatawid ng footbridge sa kabila, at sumakay ng dyip hanggang Letre, P13. Tricycle mula Letre hanggang Tomana, P40 ang solo. Sumatotal: 10 + 25 + 13 + 40 = P88.

Ikaapat, mula bahay ay sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue station ng bus carousel, P10. Pagsakay ng bus carousel mula Main hanggang Monumento, P25. Mula babaan ng bus carousel sa Monumento ay maglakad at tumawid ng footbridge sa kabila, at sumakay ng dyip hanggang Letre, P13. Tricycle mula Letre hanggang Tomana, P20, maghintay ng matagal para may makasabay. Sumatotal: 10 + 25 + 13 + 20 = P68.

Ikalima, mula bahay ay sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue station ng bus carousel, P10. Pagsakay ng bus carousel mula Main hanggang Monumento, P25. Mula babaan ng bus carousel sa Monumento ay maglakad at tumawid ng footbridge sa kabila, at sumakay ng dyip hanggang Letre, P13. Mula Letre, pag maaga pa, maglakad patungong Tomana. Sumatotal: 10 + 25 + 13 = P48.

Ikaanim: kung hindi na sasakay ng tricycle hanggang Main Avenue terminal ay nakatipid ng P10.

Ikapito, ibang ruta mula bahay sa Cubao ay maglakad hanggang LRT. Sumakay ng LRT mula Cubao hanggang Recto, P25. Sunod ay sumakay ng dyip mula Recto hanggang Pagamutang Bayan sa Malabon, P23. Maaaring sumakay ng tricyle puntang Tomana, P30, o kaya'y maglakad na lamang ng isang kilometro. Sumatotal: 25 + 23 + 30 = P78, o kung lakad, 25 + 23 = 48.

Kaya may opsyon ako upang makatipid.
Una, 10 + 25 + 13 + 13 + 40 = P101.
Ikalawa, 10 + 25 + 13 + 13 + 20 = P81.
Ikatlo, 10 + 25 + 13 + 40 = P88.
Ikaapat, 10 + 25 + 13 + 20 = P68.
Ikalima, 10 + 25 + 13 = P48.
Ikaanim, minus 10 sa pamasahe ng Una hanggang Ikalima.
Ikapito, ibang ruta, P78 pag nag-tricycle pa, ngunit kung lakad lang dahil maaga pa = P48.

Ang problema sa una, dalawang sakay ng dyip dahil nag-aagawan ng pasahero ang dalawang ruta na dumaraan sa Samson Road. Ang isa ay yaong Sangandaan hanggang MCU, na hanggang sakayan ng bus carousel. Ang ikalawa ay mula SM Hypermart sa Monumento hanggang Navotas o Malabon. Walang nanggagaling ng Navotas o Malabon na hanggang MCU ang ruta upang makasakay ng bus carousel. Kaya kung pupunta ako ng Letre, naglalakad ako at tumatawid ng footbridge hanggang makarating ng sakayan. O sumakay muna ng dyip mula MCU hanggang Sangandaan, saka sumakay muli ng dyip patungong Letre.

Sa pag-uwi naman mula Tomana hanggang Cubao, may paraan din upang makatipid. Pag may kasabay na kapwa-lider ng KPML, nakakalibre minsan sa tricycle hanggang Letre. Subalit kung palaging ganito ay nakakahiya rin, kaya obligadong mag-ambag. P20 kada pasahero pag may kasama. P40 pag solo.

Una, mula Tomana hanggang Letre, P20 sa tricycle. Sunod ay dyip na Letre hanggang Monumento, P13. O kaya'y sumakay pa ng isang dyip na galing Sangandaan hanggang bus carousel, P13. Sunod ay sumakay ng bus carousel mula Monumento hanggang Main Avenue station, P25. Kung sasakay ng tricycle mula paradahan ng tricycle, P30, hanggang bahay. Sumatotal: 20 + 13 + 13 + 25 + 30 = P101.

Ikalawa, mula Tomana hanggang Letre, P20 sa tricycle. Sunod ay dyip na Letre hanggang Monumento, P13. Tapos ay maglakad hanggang bus carousel, at sumakay ng bus carousel mula Monumento hanggang Main Avenue station, P25. Kung sasakay ng tricycle mula paradahan ng tricycle, P30, hanggang bahay. Sumatotal: 20 + 13 + 25 + 30 = P88.

Itatlo, mula Tomana hanggang Letre, P20 sa tricycle. Sunod ay dyip na Letre hanggang Monumento, P13. O kaya'y sumakay pa ng isang dyip na galing Sangandaan hanggang bus carousel, P13. Sunod ay sumakay ng bus carousel mula Monumento hanggang Main Avenue station, P25. Tapos ay maglakad na hanggang bahay, at huwag nang mag-ticycle. Sumatotal: 20 + 13 + 13 + 25 = P71.

Ikaapat, mula Tomana hanggang Letre, P20 sa tricycle. Sunod ay dyip na Letre hanggang Monumento, P13. Tapos ay maglakad hanggang bus carousel, at sumakay ng bus carousel mula Monumento hanggang Main Avenue station, P25. Tapos ay maglakad na hanggang bahay, at huwag nang mag-ticycle. Sumatotal: 20 + 13 + 25 = 58.

Ikalima, maglakad mula Tomana hanggang Letre. Sumakay ng dyip na Letre hanggang Monumento, P13. Tapos ay maglakad hanggang bus carousel, at sumakay ng bus carousel mula Monumento hanggang Main Avenue station, P25. Tapos ay maglakad na hanggang bahay, at huwag nang mag-tricycle. Sumatotal: 13 + 25 = P38.

Ikaanim, mas nais ko nang maglakad puntang sakayan ng dyip na Recto. Pagdating sa Recto ay mag-LRT uli. At maglakad na patungong bahay.

Kaya sa pag-uwi ay may mapagpipiliang diskarte upang makatipid.
Una, 20 + 13 + 13 + 25 + 30 = P101
Ikalawa, 20 + 13 + 25 + 30 = P88
Ikatlo, 20 + 13 + 13 + 25 = P71
Ikaapat, 20 + 13 + 25 = 58
Ikalima, 13 + 25 = P38
Ikaanim, 23 + 25 = P48

Madalas naman kasi akong nagtutungo sa SM-ZOTO opis dahil kadalasang doon inilulunsad ang ilang pulong at aktibidad ng KPML, gaya ng nabanggit sa itaas. Kaya dapat batid mo rin magkano ang pamasahe, at tinitingnan lagi ang bulsa kung butas ba o may tahi upang hindi malaglagan ng barya. At dapat mapagkasya ang anumang nasa bulsa. Subalit kung iyon ay hindi maulan. Sapagkat sa panahong tag-ulan ang mga unang opsyon ang madalas na nagagamit.

Pag sinisipag namang maglakad, naglalakad talaga dahil iyon din ang paraan upang makapagsulat at daluyan ko upang makapagtalakay ng paksa sa isip. Basta't alerto lang lagi sa nakakasalubong (baka may mangholdap) o sa daraanan (baka may manhole).

Matipid ako, at ito ang kinalakihan ko, kaya naiisip ko kahit ang ganitong paksa. Kaya halimbawang may P100 lang ako sa bulsa, ang ikalimang opsyon ay balikan na. Mula Cubao hanggang SM-ZOTO at vice-versa.

TULA SA PAGTITIPID SA PAMASAHE

dapat alam mo magkano ang pamasahe
nang makatipid at maisip ang diskarte
lalo kung may dalang mabigat na bagahe
sa paglalakbay ba'y para kang hinehele

bilangin ang salapi, magkano ang bayad
sa pagbunot ng barya'y di dapat makupad
ingat din, kung may sanlibo'y huwag ilantad
baryang pamasahe'y ihanda mo na agad

kung walang mabigat at maaga pa naman
huwag nang mag-tricycle, maglakad na lamang
pagtitipid sa pasahe'y kinalakihan
lalo't ako'y naging tibak sa kalaunan

kaya mula sa bahay hanggang S.M.-ZOTO
kaylaki nang dikarteng pagtitipid nito
kung halimbawang matipid mo'y sampung piso
aba'y dagdag-pambili na ng kanin ito

03.02.2024

Inuming sabaw ng talbos

INUMING SABAW NG TALBOS

maganda sa katawan ang sabaw ng sili
narinig ko iyan noon, ganyan ang sabi
sa panahong sa panlalata ay sakbibi
ay tamang-tamang napabili sa palengke

kaya inilaga ko ang nasabing talbos
agad na ininom ang sabaw at inubos
kaiba mang lasa niyon ay nairaos
panlalata'y nawala't di na kinakapos

bagamat di ko man magawa araw-araw
na para bang gamot na sa sakit lulusaw
ay lingguhan namang iinom niring sabaw
ika nga, baka ma-istrok, gumalaw-galaw

payo iyong hanggang ngayon ay aking tanda
na talaga namang sinunod ko nang sadya
kayrami pang gagawin para sa adhika
upang tupdin ang misyon sa obrero't dukha

- gregoriovbituinjr.
03.02.3024

Biyernes, Marso 1, 2024

Manyak, nadale ng kolehiyala

MANYAK, NADALE NG KOLEHIYALA

"Dinakma saka pinisil nang mariin ang ari ng isang 28-anyos na lalaki ng isang 19-anyos na babaeng estudyante na nakasabay nitong nakatayo sa siksiking modern jeep sa Cebu. Naramdaman umano ng dalaga na idinidikit ng suspek ang kanyang maselang bahagi ng katawan sa likuran nito kaya lumayo ito nang bahagya at dumistansya."

"Sinabi ng biktima na ayaw niyang bigyan ng malisya ang pagkakadikit ng bukol ng suspek subalit muli umanong naulit ito kaya hindi na siya nakatiis at dinakma ang ari nito saka pinisil nang mariin." - headline sa pahayagang Bulgar, Marso 1, 2024, na may kabuuang ulat sa pahina 2.

siksikan sa minibus o modern jeep
kapwa sila nakatayo, kaysikip
nang ari nang lalaki'y napadikit
sa babae, kaya ito'y umalis

ngunit naulit muli ang nangyari
kaya agad dinakma ng babae
at pinisil ang ari ng lalaki
kaya nagkagulo roon, ang sabi

agad silang dinala sa himpilan
ng pulis sa Barangay Inayawan
at matapos iyong imbestigahan
nagpasyang manyak ay di na kasuhan

tama lamang ang ginawa ng dilag
sa kabastusang di siya papayag
kaya mariing pinisil ang bayag
ng manyak na tila di makapalag

mabuhay ka, dangal mo'y pinagtanggol
laban sa manyak na tila ba ulol
tama lamang ang iyong naging hatol
pagkat may safe space dapat na ukol

- gregoriovbituinjr.
03.01.2024