Miyerkules, Pebrero 14, 2024

Ang kyut na kuting

ANG KYUT NA KUTING

nabidyuhan muli ang kyut na kuting
na aking nasilayang bagong gising
kanina nga siya'y himbing na himbing
habang ako ay may kinukutinting

kampante, parang di ako nakita
o nais kinukunan ng kamera
para bang ikinatutuwa niya
na ako nama'y di nakagambala

baka siya'y may kung anong naisip
baka natandaan ang panaginip
tila di maunawa ang nalirip
buti't ginising ko't siya'y nasagip

O, alagang kuting, pahinga muna
mamaya na lang, maglalaro kita

- gregoriovbituinjr.
02.14.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/1475237340088784

Martes, Pebrero 13, 2024

Air fare

AIR FARE

nais kong muling mangibang bansa
na eroplano'y sasakyang sadya
maglakbay kasama ang diwata
ng buhay tungo sa ibang lupa

pangarap itong paulit-ulit
na sa diwa ko'y di na mapatid
maghanda, mag-ipon at magtipid
upang makabili rin ng tikat

lululan muli ng eroplano
tulad ng napuntahang totoo
Japan, Thailand, Burma, Tsina, ito
pati Pransya ay babalikan ko

madama ang lamig ng paligid
ang kultura roon ay mabatid
at doon salita'y maglulubid
itutula ang bukas na hatid

puso ko ang siyang nag-aatas
mangibang bansa't damhin ang bukas
baka rin katawan ay lumakas
pag naglakbay na sa ibang landas

- gregoriovbituinjr.
02.13.2024

* litrato mula sa app game na Word Connect

Sa Daang Masikap at Marunong

SA DAANG MASIKAP AT MARUNONG

sa Daang Masikap at Marunong
Pagsisikap ay nakasalubong
magtatagumpay ang Edukasyon
kung patuloy pa rin sa pagsulong

pangarap kong maging inhinyero
kaya sipnaya'y inaaral ko
pangarap ding itayong totoo
asam na lipunang makatao

dapat aralin din nating lubos
ang lipunang kayrami ng kapos
dapat ding magsikap at kumilos
laban sa mga pambubusabos

sa daang Marunong at Masikap
ay tutupdin natin ang pangarap
lipunang asam ay maging ganap
bagamat di mangyari sa iglap

tara sa Masikap at Marunong
at magkapitbisig sa pagsulong
pagsikapang makamtan ang layon
nating lipunan at edukasyon

- gregoriovbituinjr.
02.13.2024

Lunes, Pebrero 12, 2024

Natutunan mo'y di maaagaw ninuman

NATUTUNAN MO'Y DI MAAAGAW NINUMAN

"The beautiful thing about learning is that nobody can take it away from you." ~ B.B.King

sa palaisipan nalamang tunay
ang sipi sa pagsusunog ng kilay
edukasyon mo'y di raw maaagaw
ninuman tulad ng init ng araw

palaisipang abang lagi roon
sa dyaryong Pilipino Star Ngayon
isusulat mo ang titik sa kahon
na siyang numerong katumbas niyon

salamat naman sa siping nabanggit
ng isang kompositor-mang-aawit
dunong ay di maaagaw nang pilit
pagkat sa diwa mo na'y nakaukit

buti't ganyang sipi'y ating nalaman
pagkat isa nang gintong kaisipan
may aral din sa bawat karanasan
na gurong di maaagaw ninuman

- gregoriovbituinjr.
02.12.2024

* sipi - salin ng quotation, ayon sa English-Tagalog Dictionary ni Leo James English, pahina 815
* mula sa PSN, 02.12.2024, p.10

Nagkamali ng bili ng delata

NAGKAMALI NG BILI NG DELATA

nagkamali ako ng bili ng sardinas
di ready-to-open, hanap ko pa'y pambukas

na abrelata, ngunit wala, kutsilyo lang
kung walang matalas, kutsara'y gamit naman

di ko napansin, bili lang kasi ng bili
katangahan? nasa huli ang pagsisisi!

ay, nasanay na kasi sa ready-to-open
at nang magkamali ng bili'y napailing

na lang, kaya kutsilyo'y agad hinagilap
gutom na, buti't delata'y nabuksang ganap

kaya huwag bumili ng gayong delata
kung di mag-ingat ay baka masugatan ka

pag gayong lata'y basta tinapon, kinalat
baka sa basurero pa'y makasusugat

sa imbentor ng ready-to-open, saludo
at madali na naming buksan ang produkto

iwas-sugat, maaaring dalhin sa piknik
kaysa pag nasugat, sa sulok walang imik

- gregoriovbituinjr.
02.12.2024

Bakit may bungo sa 2 aklat kay Shakespeare?

BAKIT MAY BUNGO SA 2 AKLAT KAY SHAKESPEARE?
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

May dalawa akong aklat hinggil kay William Shakespeare, at ang pabalat ng mga ito ay mayroong bungo. Bagamat may dalawang pulang rosas sa tabi ay mas kapansin-pansin ang bungo. Kaya napatanong ako sa aking sarili. Bakit may bungo ang mga iyon gayong magkaibang libro iyon at magkaiba rin ang naglathala? Ano ang kaugnayan ng bungo sa pabalat ng aklat ni/hinggil kay William Shakespeare? Ano ang sinisimbolo ng bungo sa mga nasabing aklat? Kailangan kong magsaliksik.

Ang aklat na The Sonnets ni William Shakespeare, na nilathala ng Collins Classics noong 2016, ay nabili ko noong Mayo 14, 2019 sa Fully Booked sa Gateway, Cubao, sa halagang P99.00. Nilalaman nito ang 154 na soneto ni Shakespeare. At may kabuuang 199 pahina, kasama ang 21 pahinang naka-Roman numeral.

Nakita ko naman kamakailan lang ang aklat na The Little Book of Shakespeare. Nilathala ito ng DK Penguin Random House noong Mayo 2018. Binili ko ito sa Book Sale ng SM Fairview noong Pebrero 9, 2024 sa halagang P195.00. Naglalaman ito ng 208 pahina.

Hinanap ko sa copyright page ng bawat aklat, o sa anumang pahina nito ang paliwanag hinggil sa pabalat, lalo na ang bungo, subalit walang nakasulat hinggil dito. Naghanap na lang ako ng paliwanag sa ibang sources sa internet.

Sa paksang Human Skull Symbolism sa wikipedia, mula sa kawing na https://en.wikipedia.org/wiki/Human_skull_symbolism ay ito ang nakasulat: "One of the best-known examples of skull symbolism occurs in Shakespeare's Hamlet, where the title character recognizes the skull of an old friend: "Alas, poor Yorick! I knew him, Horatio; a fellow of infinite jest..." Hamlet is inspired to utter a bitter soliloquy of despair and rough ironic humor."

Kasunod pang talata nito ay: "Compare Hamlet's words "Here hung those lips that I have kissed I know not how oft" to Talmudic sources: "...Rabi Ishmael [the High Priest]... put [the severed head of a martyr] in his lap... and cried: oh sacred mouth!...who buried you in ashes...!". The skull was a symbol of melancholy for Shakespeare's contemporaries."

Ito naman ang nakasaad sa isa pang artikulo, mula sa kawing na https://www.johncoulthart.com/feuilleton/2006/02/15/history-of-the-skull-as-symbol/

"Think of the scene from Shakespeare’s Hamlet where the prince holds a skull of Yorick, a former servant, bemoaning the pointlessness and temporary nature of worldly matters. Certain themes characteristic of a specific philosophy have been commonly represented during an era, and an iconography has been developed to express them. an example is the still life vanitas vanitatum of the middle ages, a reminder of the transitory quality of earthly pleasure symbolized by a skull."

Ipinaliwanag naman sa the Conversation, na nasa kawing na https://theconversation.com/shakespeare-skulls-and-tombstone-curses-thoughts-on-the-bards-deathday-55984, na ang imahe ng taong may hawak na bungo ay nagpapagunita kay Hamlet, at sa awtor nitong si William Shakespeare: "The image of a man holding a skull while ruminating upon mortality will always call Hamlet, and Shakespeare, to mind. How appropriate then, that four centuries after it was first laid beneath the earth, Shakespeare’s skull may be missing from his tomb. Then again, it may not. A radar survey of the poet’s Stratford grave in March has only deepened the mystery over what lies beneath his slab. As the world prepares to celebrate the sombre yet irresistible anniversary of Shakespeare’s death on April 23, how much do we know how about his own wishes for the fate of his remains?"

Dagdag pa sa nasabing artikulo: "Most memorably, Hamlet watches a gravedigger wrench dry bones from a grave to make room for the body of Ophelia: “That skull had a tongue in it and could sing once. How the knave jowls it to the ground!” The indignities meted out to the bodies of the dead seem to unsettle the Prince of Denmark more than the fact of death itself."

Binabanggit naman sa isang artikulo ang Hamlet Skull Scene, mula sa kawing na https://nosweatshakespeare.com/blog/hamlet-skull-scene/. Ano naman ito? 

"The skull appears in Act 5, Scene 1 of Hamlet. This scene, commonly known as the “gravedigger scene”, was used by Shakespeare to create some comic relief in the tragic Hamlet plot."

"Generally, comic relief is meant to lessen the dramatic tension, and to give some sort of relief to the audience by injecting humorous or ironic elements into the play. But, in the case of Shakespeare’s tragedies, the comic relief is more than first meets the eye."

"Like in Hamlet, the gravedigger scene uses comedy to comment on larger issues regarding life, death, and Christianity. This portion of this scene where Hamlet is conversing with a skull introduces much complexity. Hamlet’s monologue centered on the skull revolves closely around the vanity of life and the existential crisis within a man."

"How is the skull discovered? The famous skull is first introduced to the play by a gravedigger, who is helping to prepare a grave for recently dead Ophelia."

"Suddenly, Hamlet and Horatio enter the scene. They are crossing the graveyard, and, seeing two gravediggers working, they stop to talk with them. During the conversation, one gravedigger shows the skull to Hamlet. Thereafter Hamlet takes the skull from him and starts to brood upon it in the play."

Hinawakan ni Hamlet ang bungo ng isang aliping nagngangalang Yorick, nang matagpuan iyon ng isang sepulturerong naghahanda sa paglilibing sa babaeng nagngangalang Ofelia. At dahil sikat ang Hamlet sa maraming akda ni Shakespeare, ito ang paboritong ilagay sa mga pabalat ng aklat ni Shakespears. Subalit sapantaha ko lang ito. Wala pa akong makitang paliwanag talaga kung bakit may bungo sa mga aklat ni Shakespeare.

May mga akda pang nagtatanong kung nawala nga ba sa puntod ni Shakespeare ang kanyang ulo. Ayon sa The Guardian, masmidya na pag-aari ng British, may artikulong ang pamagat ay ito: "Shakespeare's skull probably stolen by grave robbers, study finds". At sa Scientific Amedican naman, na may petsang Marso 31, 2016, halos kasabay ng ika-400 araw ng kanyang kamatayan, ang pamagat ay ito: "Shakespeare's Skull May Have Been Stolen by Grave Robbers" mula sa kawing na https://www.scientificamerican.com/article/shakespeare-s-skull-may-have-been-stolen-by-grave-robbers/.

Subalit hindi pa rin iyon ang dahilang hinahanap ko kung bakit may larawang bungo sa dalawa kong nabanggit na aklat. Walang eksaktong paliwanag. Gayunpaman, kung nais marahil nating malaman bakit may bungo sa mga pabalat ng aklat ni Shakespeare, ay dapat nating basahin ang akda niyang Hamlet.

Nagkataon naman na ngayong 2024 ay ipagdiriwang natin ang ika-460 kaarawan ni Shakespeare, na sinasabing isinilang noong Abril 23, 1564 at namatay sa gayon ding araw at buwan noong 1616. Kaya marahil napansin ko ang bungo ni Shakespeare sa dalawang magkaibang aklat.

Sa munting pagninilay ay ginawan ko ng tula ang isyung ito:

BAKIT NGA BA MAY BUNGO SA AKLAT NI SHAKEPEARE

umukilkil sa aking diwa'y isang tanong
bakit may bungo sa mga aklat ni Shakespeare?
naghanap ako ng paliwanag o tugon
kaninong bungo iyon, ng isa bang martir?

kanyang soneto'y unti-unti kong isalin
sa wikang Filipino, sa wikang pangmasa
anumang hinggil sa kanya'y nais alamin
upang makasulat pa rin tungkol sa kanya

nabanggit si Hamlet na may tangan ng bungo
ni Yorick na aliping sa kanya'y nagsilbi
may-akdang si Shakepeare din ay mapagtatanto
dalawang paksang sa bungo'y may masasabi

subalit hanap ko pa rin ang paliwanag
kung bakit may bungo sa dalawang pabalat
sa artikulong makakatayong matatag
na sa akin ay sadyang makapagmumulat

02.12.2024

18-days campaign on Women and Social Justice

18-DAYS CAMPAIGN ON WOMEN AND SOCIAL JUSTICE
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nilagdaan ni dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang Proclamation 1172 noong Nobyembre 17, 2006 na pagsasabatas ng isang advocacy campaign na tinawag na 18-Day Campaign to End Violence Againt Women. Ito'y taun-taon na labingwalong araw na kampanya mula Nobyembre 25 - International Day for the Elimination of Violence Against Women hanggang Disyembre 12 - International Day Against Trafficking.

Gayunman, una muna'y 16-Day Campaign Against Violence Women, mula Nobyembre 25 - International Day to Eliminate Violence Against Women hanggang Disyembre 10 - International Human Rights Day. Subalit binago nga ito ng Proklamasyon ni GMA upang isama ang International Day Against Trafficking.

Ngayon naman, naisipan nating magmungkahi na dapat may 18-days na kampanya rin mula Pebrero 20 - World Day of Social Justice hanggang Marso 8 - International Women's Day. Bakit?

Sa global ay may 16 Days of Activism against Gender-Based Violence mula Nobyembre 25 hanggang Disyembre 10, at sa ating bansa ay may 18-Day Campaign to End Violence Againt Women, mapapansin nating parehong inuna ang pandaigdigang araw ng kababaihan laban sa karahasan - Nobyembre 25. Habang sa global ay tinapos naman ito sa International Human Rights Day.

Sa ating Saligang Batas naman, mayroong tayong Artikulo 13 hinggil sa Social Justice and Human Rights. Magkaugnay ang hustisyang panlipunan at karapatang pantao kaya marahil pinagsama ito sa isang Artikulo. Nakasaad nga sa seksyon 1 nito ang pagpapahalaga sa karapatang pantao: "Section 1. The Congress shall give highest priority to the enactment of measures that protect and enhance the right of all the people to human dignity, reduce social, economic, and political inequalities, and remove cultural inequities by equitably diffusing wealth and political power for the common good." habang sa Seksyon 2 naman ay ang pagpapahalaga sa katarungang panlipunan o hustisyang panlipunan: "Section 2. The promotion of social justice shall include the commitment to create economic opportunities based on freedom of initiative and self-reliance."

Magkaugnay din bilang isyu ng kababaihan ang Marso 8 - Pandaigdigang Araw ng Kabbaihan, at Nobyembre 25 - International Day for the Elimination of Violence Against Women.

Kaya ang mungkahi ko, kung may 18-Day Campaign to End Violence Againt Women, dapat ding may 18-Days Campaign on Women and Social Justice, kung leap year tulad ngayong taon, at magiging 17-Days Campaign on Women and Social Justice, kung hindi leap year.

Mahalaga ang social justice sa kababaihan. Mahalagang makamtan ng kababaihan ang hustisyang panlipunan. 

Marahil may magsasabing dagdag lamang ito sa mga kampanya sa kababaihan. Marahil may magsasabing mayroon nang CEDAW o Convention on the Elimination of All Forms of Discrimination Against Women.

Ayon sa praymer na Tagalog hinggil sa CEDAW: "Ayon sa paunang salita ng CEDAW, ang patuloy na diskriminasyon laban sa kababaihan ay patunay lamang na hindi sapat ang mga internasyunal na makinarya sa karapatang pantao na ipagtanggol ang karapatang pantao ng babae. 'Ang diskriminasyon laban sa kababaihan ay malinaw na paglabag sa mga prinsipyo ng pagkakapantay-pantay at paggalang sa karapatang pantao' na siyang kumikitil sa partisipasyon ng babae, kapantay sa lalaki, sa lahat ng larangan ng kaunlaran at kapayapaan."

Doon ay mas pintungkulan ang karapatang pantao, at hindi nabanggit ang hustisyang panlipunan. Marahil ay ating pansinin o pokusan paano naman ang hustisyang panlipunan sa kababaihan? Nariyan ang sinasabing double burden o triple burden sa kababaihan, tulad ng manggagawang kababaihan na pagkagaling sa trabaho ay siya pang magluluto ng hapunan at mag-aasikaso ng mga anak, imbes na magpahinga galing sa trabaho. Tapos ay baka hindi rin pantay ang sahod ng manggagawang kalalakihan sa manggagawang kababaihan, gayong pareho silang walong oras na nagtatrabaho. Halimbawa lang iyan.

Kaya ang mungkahi ko, magkaroon din ng 18-Days Campaign on Women and Social Justice mula Pebrero 20 - World Social Justice Day hanggang Marso 8 - International Women's Day, kung leap year, at kung hindi naman leap year ay 17-Day Campaign on Women and Social Justice. Ginawan ko ng tula ang munting kahilingan o mungkahing ito:

PANLIPUNANG HUSTISYA PARA SA KABABAIHAN

karapatang pantao ng kababaihan
sa buong daigdigan ay dapat igalang
sila ang kalahati ng sangkatauhan
lola, inay, tita, single mom, misis, inang

ngunit dapat din nating pagtuunang pansin
ang katarungang panlipunang dapat kamtin
ng kababaihan, ng lola't nanay natin
ng single mother, ng dalaga't daliginding

bigyan natin ng araw ng pag-aalala
iyang usapin ng panlipunang hustisya
para sa kababaihan ay makibaka
kumilos tungong pagbabago ng sistema

mugkahi'y ikampanya natin, nila, ninyo
mula Pebrero Bente hanggang Marso Otso
ay labingwalong araw na kampanya ito
na kung hindi leap year, araw ay labimpito

02.12.2024

* Pinaghalawan ng datos:
https://www.officialgazette.gov.ph/2006/11/17/proclamation-no-1172-s-2006/
https://chanrobles.com/article13.htm
https://www.dbp.ph/wp-content/uploads/2018/06/CEDAW.pdf
* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 11, 2024, p.2

Kape't monay

KAPE'T MONAY

almusal tayo, kalakbay
mainit na kape't monay
loob mo'y mapapalagay
nakakawala ng lumbay

mamaya pa magkakanin
ngayon pa lang magsasaing
wala pa ring uulamin
bibilhin pa'ng lulutuin

kape ko'y may cream at gatas
naisip kong pampalakas
bago man tayo lumabas
sa gutom ay di manigas

kape't monay sa umaga
palaman ay kwentuhan pa
saanman tayo papunta
tarang mag-almusal muna

- gregoriovbituinjr.
02.12.2024

Linggo, Pebrero 11, 2024

Wisit at Lamo

WISIT AT LAMO

WISIT pala'y MASKOT, LAMO naman ay BALSA
sa krosword ko lang ito nalaman talaga
parehong pahalang ang mga nabanggit na
lumang salitang ngayon ay magagamit pa

buti't natagpuan ang kahulugan nito
dahil sa Tanong Pababa na nasagot ko
NAWAWALA ay LIGAW, dito'y tugong wasto
sa WISIT at LAMO'y nag-ugnay na totoo

ang WISIT ay Tsino, Tagalog, Kapampangan
ito'y hinggil sa tao, hayop o bagay man
na nagbibigay ng mabuting kapalaran
at ito rin pala'y MASKOT ang kahulugan

Kapampangan at Tagalog naman ang LAMO
na marahil sa eskwela'y di naituro
BALSA pala ito, salitang bagong hango
sa krosword na sinagot ng buong pagsuyo

- gregoriovbituinjr.
02.11.2024

* wisit, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p.1337
* lamo, mula sa UPDF, p.669

* litrato mula sa pahayagang Pilipino Star Ngayon, Pebrero 11, 2024, p.10

Pusong malaya, pusang malaya

PUSONG MALAYA, PUSANG MALAYA

naroon, isang kuting at isang pusang malaya
habang dalawa naman ang nakapiit na pusa
ang mga malaya, sa pagkain silang bahala
sadyang kumakayod upang makahuli ng daga

ang mga nakapiit ay bibigyan ng pagkain
upang sa gayon silang dalawa'y di gugutumin
may rasyon kada araw, kapara'y preso sa hardin
napiit ba sila't may kinalmot, ginawang krimen?

subalit di ko alam ang kanilang kasaysayan
sapagkat nakita lang sila sa isang tanggapan
hingi ay pagkain, maaamo, kaysarap masdan
ngunit di kilala upang ilabas sa kulungan

may pagkain nga, ngunit di makahuli ng daga
di magandang nasa hawla lalo't sila'y alaga
puso'y ngumangawa, walang laya, di makagala
tanging nasabi mo'y "kaysarap ng buhay sa laya"

- gregoriovbituinjr.
02.11.2024

* ang bidyo ay mapapanood sa kawing na: https://www.facebook.com/reel/765989871643319

Ang bilin ng boteng plastik

ANG BILIN NG BOTENG PLASTIK

i-resiklo mo ako, anang bote
na sa kanyang katawan ay mensahe
aba'y kayganda ng kanyang sinabi
lalo't ito'y iyong iniintindi

boteng plastik na gustong ma-resiklo
gayong dapat di na bumili nito
subalit pag nauhaw na ang tao
bibilhin ang tubig at boteng ito

dangan nga lamang, tambak ang basura
plastik ay naglipana sa kalsada
o sa ilog ay naglutangan sila
o baka sa laot ay kayrami pa

i-resiklo ang mga boteng plastik
sa pabrikang gumawa ba'y ibalik?
kung hindi, kung saan lang isisiksik
kaya sa plastik, mundo'y tumitirik

- gregoriovbituinjr.
02.10.2024

Sabado, Pebrero 10, 2024

Ang mangga

ANG MANGGA

namutol ng puno yaong taga-Barangay
nadale ang punong mangga ng kapitbahay
ilang bunga nito sa amin ay binigay
di pa manibalang, mangga'y hilaw pang tunay

mga sanga raw ng puno ay tinatakpan
ang mga bahay pati na dinaraanan
kaya pagputol daw ay kinakailangan
di naman kinalbo, may natira pa naman

kitang umaliwalas ang kapaligiran
ngunit kumusta ang ibon sa kalunsuran
tiraha'y nawala nang puno'y mabawasan?
mga ibong ito'y di man lang makalaban

ilang araw pa, manggang hilaw ay hihinog
habang wala nang pugad sa punong matayog
minsan, ang buhay ay ganyan din kung uminog
araw ay sisikat, araw din ay lulubog

- gregoriovbituinjr.
02.10.2024

P20 ang 1/3 kilong bigas

P20 ANG 1/3 KILONG BIGAS

alam mo, bigas na one third kilo
aba'y bente pesos na ang presyo
malayo sa pangako sa tao
bola lang pala ng pulitiko

- gregoriovbituinjr.
02.10.2024

* litrato mula sa google

Biyernes, Pebrero 9, 2024

Nahintakutang kuting

NAHINTAKUTANG KUTING

oy, tingnan mo ang buntot ng kuting
tayung-tayô, nahihintakutan?
anong nakita't tila napraning?
daga ba o ahas ang kalaban?

reaksyon niya'y binidyuhan ko
kinatakuta'y di ko nakita
at siya'y napaatras nang todo
hanggang magtatakbo na talaga

nakita ba niya'y anong tindi?
at kailangan niyang umatras
iniligtas ang kanyang sarili
o baka sa silid ay may ahas?

na matagal nang nanahan doon
subalit di natin matagpuan
kuting lang ba'y nakakita niyon?
na kaagad niyang tinakasan?

- gregoriovbituinjr.
02.09.2024

* mapapanood ang bidyo sa kawing na: https://fb.watch/q5WWAJnuIk/

Pamasahe

PAMASAHE

matapos akong magpamasahe kay misis
ay naghanda na ako't agad na nagbihis
dumukot ng pamasahe bago umalis
ngunit ang aking bulsa'y tila ba numipis

dapat sa bulsa ko'y may pamasaheng sapat
upang sa patutunguhan ay di magsalat
upang mga tsuper ay walang maisumbat
kundi masasabi nila'y pawang salamat

maglalakad muli kung walang pamasahe
mahirap kung laging sa igan dumiskarte
utang dito, utang doon, at utang dine
kahit sabihing pamasahe lang ay kinse

kaya ngayon ay agad napagmuni-muni
tapos na ang panahon ng pagwawantutri
magtino na nang walang pag-aatubili
lalo't sabi mo sa bayan pa'y nagsisilbi

- gregoriovbituinjr.
02.09.2024

Labandero

LABANDERO

madalas, labandero ako sa tahanan
lampin ng bata, damit ng misis, salawal,
pantalon, short, kamiseta, dyaket, basahan,
polo, kobre kama, kurtina, at balabal

hindi naman ako masasabing alipin
kundi amang mapagmahal sa bahay namin
laba, kusot, banlaw, sampay itong gawain
nais ko'y mabango't malinis ang labahin

ako ang haligi ng tahanan, anila
tinitiyak natataguyod ang pamilya
walang magugutom sinuman sa kanila
at mga baro nila akong maglalaba

ah, ganyan ang buhay ng amang labandero
habang Lunes hanggang Biyernes ay obrero
nagsisipag kahit na mababa ang sweldo
para sa pamilya, lahat ay gagawin ko

- gregoriovbituinjr.
02.09.2024

Kape muna

KAPE MUNA

kaibigan, ikaw ba'y pasaan?
ha? sa isang malayong lakbayan?
ay, magkape muna tayo, igan
tila baga maaga pa naman

tara, ako muna'y saluhan mo
at pag-usapan natin ang isyu
ng kalikasan, dukha't obrero
ang bilihing kaytaas ng presyo

o marahil ang buhay pamilya
ang anak mo ba'y nag-aaral na?
mayroon ka na bang bisikleta?
sweldo'y kaybaba na, kontraktwal pa?

ha? paano ang tamang diskarte?
nang sahod ninyo'y lumaki-laki?
daan muna't tumikim ng kape
pag-usapan natin iyan dine

- gregoriovbituinjr.
02.08.2024

Huwebes, Pebrero 8, 2024

Ulo ng tilapya

ULO NG TILAPYA

tuwang-tuwa ang kuting
sa ulo ng tilapya
kita kong gutom na rin
nang kinain ang isda

dapat lang mapakain
ang kuting na alaga
katawa'y palakasin
nang siya'y di manghina

pagngiyaw niya'y dinggin
gutom ma'y di halata
katulad ay ako rin
nagugutom ding pawa

sarap masdan ng kuting
kaysayang kumakain

- gregoriovbituinjr.
02.08.2024

Bilin sa pagkain

BILIN SA PAGKAIN

kailangang busugin ang tiyan
agahan, tanghalian, hapunan
upang lumiwanag ang isipan
at lumakas ang buto't katawan

upang di ka rin basta manlambot
subalit di dapat makalimot
sasabayan ng inom ng gamot
bitamina, mineral, at pulot

kahit kumakain nang mag-isa
pagkain ay kaysarap ng lasa
aba'y mabubusog kang talaga
habang paalala'y binabasa:

huwag raw mag-ilaw sa almusal
pagkat maliwanag ang natural
na ilaw, ang araw, isang aral
yaong sa diwa ko'y magtatagal

- gregoriovbituinjr.
02.08.2024

Manipesto

MANIPESTO

ang manipesto ay pahayag na pambayan
o maaari namang pangsangkatauhan
sapagkat gabay sa maraming mamamayan
na mithi'y maging makatao ang lipunan

mayroong ding makasariling manipesto
tulad ng librong Unabomber's manifesto
ng nakilala ring gurong matematiko
nang sa sistema'y ipilit ang pagbabago

Capitalist Manifesto ay nariyan din
na mga nilalaman ay dapat alamin
baka kakontra sa lipunang asam natin
na makinabang ay elitista't salarin

Communist Manifesto ang para sa bayan
pagsusuri sa kalagayan ng lipunan
na malinaw ang makauring tunggalian
pribadong pag-ari'y ugat ng kahirapan

kayraming manipestong kaya isinulat
upang sa kanilang kapwa'y makapagmulat
hinggil sa adhikaing isinabalikat
na umaasam na matatanggap ng lahat

- gregoriovbituinjr.
02.08.2024

Miyerkules, Pebrero 7, 2024

Tiket

TIKET

sabi nga'y "keep ticket for inspection"
ibulsa mo ang tiket na iyon
di isingit sa likod ng silya
baka malimot pag lumipat ka

pagbaba ng bus saka itapon
sa tamang basurahang naroon
o kaya'y ibulsa lang ang tiket
bagamat di mo na magagamit

maliban kung may reimbursement ka
kung kailangan sa opisina
naipon mong tiket ay bitbitin
sa liquidation ay patunay din

O, tiket, isa kang katunayan
sa pamasahe'y nagbayad naman
ipapakita pag may inspeksyon
kung wala'y bayaran muli iyon

- gregoriovbituinjr.
02.07.2024

Nilay sa lakad

NILAY SA LAKAD

paano lalakarin ang hangganan
ng kabuhayan at ng kamatayan
o ng mga baku-bakong lansangan
o pagitan ng dagat at daungan

ginto ba sa dulo ng bahaghari
ay sadyang kathang isip lang o hindi
iyon nga ba'y tulay ng pagdidili
sa kabilang ibayong di mawari

sa maalinsangang lungsod dumalaw
di kaiba sa gubat na mapanglaw
na maraming ahas ding gumagalaw
walang prinsipyo, isip ay balaraw

tulad din ng kapitalistang tuso
gusto'y gawing kontrakwal ang obrero
gustong sa pulitika'y maging trapo
gusto'y mang-isa, di tapat sa tao

sana'y matagpuan sa paglalakad
yaong makataong sistemang hangad
pag nangyari'y wasto na bang ilahad
na sa mabuti na tayo napadpad

- gregoriovbituinjr.
02.07.2024

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad sa U.P.

Kandila

KANDILA

kagabi, kayrami naming nagsindi ng kandila
sa marker na malapit sa kinatumbahang sadya
sa tinuring na bayani ng uring manggagawa
kasama'y iba't ibang sektor, pawang maralita

humihiyaw ng hustisya ang mga talumpati
dahil wala pang hustisya sa bayani ng uri
"Hustisya kay Ka Popoy Lagman!" sigaw na masidhi
pati kandila'y lumuha, tila nagdalamhati

sinipat ko ang mga naroon, may kabataan
na di naabutang buhay ang pinararangalan
habang ang mga matatanda'y ikinwento naman
ang kanilang pinagsamahan, ang kabayanihan

tinitigan ko ang mga kandila, nauupos
hanggang nagsayawang apoy ay nawala, naubos

- gregoriovbituinjr.
02.07.2024

Martes, Pebrero 6, 2024

Tubig at sky flakes

TUBIG AT SKY FLAKES

pantawid gutom ko'y sky flakes lang at tubig
upang kahit papaano pa'y makatindig
upang tinig ng aping masa'y iparinig
at samahan sila sa pagkakapitbisig

basta may laman ang tiyan, ako'y kikilos
upang madla'y maabot niring pusong taos
na ang sistemang bulok, ang pambubusabos,
ang kaapihan, lahat iyan matatapos

sa sky flakes at tubig ay tiis-tiis lang
baka mamaya'y may masarap na hapunan
na baka bigay ng kasama't kaibigan
upang makakilos pa rin para sa bayan

kahirapan sa sarili'y di maisumbat
kundi inspirasyon sa nagnaknak kong sugat
salamat sa sky flakes at tubig, salamat
pagkat lumakas din ako't nakapagmulat

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024

Konsentrasyon

KONSENTRASYON

nagsusulat ako anumang oras
paligid ma'y maingay o tahimik
mahalaga'y may natitirang lakas
upang nasa diwa ay isatitik

nasa loob man ng dyip o L.R.T.
mahalaga'y mayroong sasabihin
sa isyu't paksang aking namumuni
bago matulog man o pagkagising

di ko mahintay ang katahimikan
upang isulat ang nasasadiwa
basta may sasabihin, isulat lang
ang anumang ingay ay balewala

kung maglaro ng chess ay iyong batid
alam mong tiyak iyang konsentrasyon
gaano man kaingay ang paligid
makasusulat kang kaygaan doon

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024

Napaaga ng dating sa U.P.

NAPAAGA NG DATING SA U.P.

napaaga ng dating sa U.P.
subalit ano pang dapat gawin
ah, marahil ay magmuni-muni
hinggil sa sistemang babaguhin

sa harap ng marker ng bayani
lugar kung saan siya bumagsak
sa manggagawa dapat masabi
sistemang bulok ating ibagsak

trapo't elitistang mapanghamak
ay dapat lang labanan nang ganap
sa kapitalismong mapangyurak
ipalit ay lipunang pangarap

mamaya'y magsisidatingan na
ang mga kasamang matatatag
sa laban, muling nagkita-kita
upang makinig at magpahayag

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024
* kuha ng makatang gala sa gilid ng UP Bahay ng Alumni, sa ika-23 anibersaryo ng pagpaslang sa lider-manggagawang si Ka Popoy Lagman; alas-dos ay nasa venue na, alas-tres pa ang usapang dating ng mga kasama

Salin ng tatlong akdang Lenin

SALIN NG TATLONG AKDANG LENIN

Mamayang hapon sa isang munting pagtitipon, ipamamahagi ko ang tatlong akdang aking isinalin: ang sulatin ni Lenin na 3 sources and 3 component parts of Marxism, ang akda ni Leon Trotsky na Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin, at ang akda ni Ho Chi Minh na Ang Landas na Gumiya sa Akin sa Leninismo.

Magdadala rin ako ng munting lata na ang nakasulat: "Munting ambag sa gawaing translation at dyaryo. Maraming salamat po!" Ito'y upang makapagparami pa ng gawa, at maraming mabahaginan nito. Mahirap din kasi ang pultaym, pulos sariling gastos at walang balik na salapi. Kaya mag-ambag ng munting kakayanan. Pasensya na.

Ito ang munti kong tula hinggil dito:

ANG TATLO KONG SALIN NG AKDANG LENIN

may sulatin si Lenin na isinalin ko:
Ang Tatlong Pinagmulan at Magkakasamang
Bahagi ng Marxismo, kaygandang basahin
na handog sa mga aktibistang tulad ko

ikalawa'y ang sinulat ni Leon Trotsky:
ang Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin;
ikatlo'y Ang Landas na Gumiya sa Akin
sa Leninismo, na sinulat ni Ho Chi Minh

sa pagtitipon mamaya, abangan ninyo
O, kapwa Leninista, kapwa aktibista
munting ambag lang upang maparami ito
ay sapat na para sa pultaym na tulad ko

ngayong taon, sentenaryo ng kamatayan
ni Lenin kaya mga akdang saling ito
sana'y mabasa at mahanguan ng aral
tungong panlipunang pagbabago, salamat

- gregoriovbituinjr.
02.06.2024

Lunes, Pebrero 5, 2024

Pagtunganga

PAGTUNGANGA

napatunganga muli sa kawalan
tila nahipan ng hanging amihan
animo gagawin ay di malaman
habang naglalaro ang nabungaran

paano ba mamatehin ang hari
ng sablay na laging napapangiwi
ang reyna at tore'y di mo mawari
habang piyon ay nagtangkang magwagi

tila nanonood lamang sa wala
di pa lumitaw ang kislap sa diwa
baka dumating ang mutya mamaya
ay biglang matulala, mapatula

para bang naritong nananaginip
sa diwa'y walang anumang mahagip
bagamat sa puso'y may halukipkip
na tila baga walang kahulilip

- gregoriovbituinjr.
02.05.2024

Palathaw pala'y palakol

PALATHAW PALA'Y PALAKOL

akala ko ang tanong ay PALAHAW
sa krosword, iyon pala ay PALATHAW
PaLa, at Wa, na lang ang natatanaw
PALUWAL kaya ang isagot ko raw

tamang sagot ay hinanap kong tunay
na tinawid pa'y bundok, dagat, tulay
nang matagpuan, ako'y napanilay
ito sa akda'y gagamiting tunay

pagkat nakita ko sa diksyunaryo
kung anong wastong kahulugan nito
at nakita rin ang hinahanap ko
ay, PALAKOL, pansibak pala ito

bagong salita, hindi pala, luma
lumang salitang bagay sa pagtula
pati sa dula't kwentong makakatha
salamat, krosword, ito'y sinariwa

- gregoriovbituinjr.
02.05.2024

palathaw - tanong sa 1 Pahalang
palathaw - 1. [Sinaunang Tagalog] manipis na itak; 2. maliit na palakol at may maikling hawakan
- mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, p. 892

Linggo, Pebrero 4, 2024

Pamanhik

PAMANHIK

anibersaryo ng pamamanhikan
ang Fil-Am War, kaysarap pag-isipan
na dalawang puso'y nasa pagitan
ng kawalang digma't kapayapaan

gerang Pilipino-Amerikano
nang mamanhikan, Pebrero a-kwatro
civil wedding nama'y sumunod dito
Pebrero Katorse nang gawin ito

unang kasal sa tribu ang sinundan
ikatlo'y church weddding, makasaysayan
na sadyang aming itinaon naman
sa anibersaryo ng Katipunan

sunod, pangalawang kasal sa tribu
na nataon lang na anibersaryo
ng isang grupong rebolusyonaryo
na di ko na papangalanan dito

anupa't ang petsa ng pamanhikan
at kasal ay pawang makasaysayan
dalawang puso'y nagkaunawaan
na patuloy silang mag-iibigan

isa pang plano'y kasal sa Kartilya
ng Katipunan, kumbaga'y panglima
sa mga dinaanang seremonya
ngunit ito'y plano pa lang, wala pa

- gregoriovbituinjr.
02.04.2024

Kaytagal

KAYTAGAL

kaytagal kong pinatila ang ulan
habang patungo sa dalampasigan
kaytagal kong naglayag sa kawalan
upang ang aking sinta'y masilayan

kaytagal kong inisip bawat paksa
sa kabila ng lumbay ko't pagluha
kaytagal kong hinanap ang salita
na angkop sa bawat kong kinakatha

kaytagal kong tinasahan ang lapis
upang iguhit ang leyong mabangis
kaytagal kong inasam na matiris
ang kutong sa ulo'y bumubungisngis

kaytagal kong ang diwa'y ginigising
habang sa banig ay nakagupiling
kaytagal kong asam ang paglalambing
ng rosas na kaysarap makapiling

ah, kaytagal ko ring naging bubuyog
sa bulaklak na labis kong inirog
kaytagal ding ang araw ay lumubog
upang tula sa sinta'y maihandog

- gregoriovbituinjr.
02.04.2024

Dalawa sa isinalin kong akda

DALAWA SA ISINALIN KONG AKDA
Maikling sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Marami na rin akong akda at tulang isinalin. At kalakip nga sa litratong ito ang dalawa sa mga iyon - ang akda nina Leon Trotsky at Ho Chi Minh. Naisalin ko na ito ilang taon na ang nakararaan. Subalit nais kong bigyang pansin ang mga ito ngayon dahil ngayong 2024 ang sentenaryo ng kamatayan ni V.I. Lenin.

Isinalin ko mula sa wikang Ingles ang "Talambuhay ni Vladimir Ilyich Lenin" na sinulat sa wikang Ruso ni Leon Trotsky, subalit may salin sa Ingles, kaya ating nabatid at nabasa ang kasaysayan ni Lenin. Ang ikalawa'y ang sulatin ng rebolusyonaryong Vietnames na si Ho Chi Minh, na pinamagatang "Ang Landas na Gumiya sa Akin sa Leninismo" na isinalin rin mula sa Ingles. Nang matapos ang salin ay ginawa kong pamphlet na maipapamahagi.

Ang dalawang aklat naman sa itaas ng dalawang salin ay ang "Lenin's Last Struggle" na nabili ko sa aklatan sa Baguio City noong 2019, habang ang "Gabay sa Pag-aaral ng Leninismo" ay aklat na inilathala noong 2007 ng Aklatang Obrero Publishing Collective, na pinamamahalaan ng inyong lingkod. Gayunman, ang nakataas-kamao sa baso ay hindi si Lenin kundi si Ka Eddie Guazon, ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Minsan, masarap ding magkape habang nagsusulat.

Ginawan ko ng munting tula ang dalawang salin:

SALIN NG AKDA HINGGIL KAY LENIN

maraming akdang dapat isalin sa Filipino
sa gawaing ito'y tila ba naipako ako
nang di sadya kaya pinagbutihan nang totoo
heto, tuloy-tuloy na ako sa tungkuling ito

kaya dalawang akda hinggil kay Vladimir Lenin
at sa Leninismo'y pinagtyagaan kong isalin
baka maraming katotohanang dapat alamin
at matutunan ng kauri't kababayan natin

sa atin ba'y sino si Ho Chi Minh? si Leon Trotsky?
sila ba sa bansa nila'y tinuring na bayani?
sila ba sa manggagawa'y dapat ipagmalaki?
silang si Lenin ay kilalang sa uri nagsilbi?

kaya aking isinalin ang kanilang sinulat
upang api't pinagsamantalahan ay mamulat
sa sistemang bulok ay paano lalaya lahat
at isang lipunang patas ay maitayong sukat

02.04.2024

Paskil ng trabaho sa pader

PASKIL NG TRABAHO SA PADER

nakita lang sa pader na nadaanan ko
ang patalastas sa may hanap ng trabaho
full time o part time, extra income na'y narito
naisip ko, ano kaya't mag-part time dito

subalit ang ganito'y walang katiyakan
cell humber lang, walang address na pupuntahan
di gaya ng patalastas sa pahayagan
may opisina, trabaho'y nasa talaan

baka pag kinontak mo'y papupuntahin ka
sa isang makipot, madilim na kalsada
o kaya'y ang trabaho'y di mo kursunada
illegal recruiter o multi-level sila?

walang address ng opis, magdududa ka lang
kung sa iskul, dapat may tatak, pinayagang
ipaskil ang kalatas sa dapat paskilan
ngunit wala, kaligtasan mo'y nakasalang

totoo, dagdag-kita'y kailangan ko rin
upang sa pamilya't gamot, may gagastusin
upang sa hapag-kainan ay may ihain
sa gayong paskil, anong iyong iisipin?

- gregoriovbituinjr.
02.04.2024

Sabado, Pebrero 3, 2024

Ang makatâ

ANG MAKATÂ

"Poets are the unacknowledged legislators of the world." ~ Percy Byshe Shelley 
"A poet must leave traces of his passage, not proof." ~ Rene Char
"At the touch of love, everyone becomes a poet." ~ Plato

mula raw salitang 'makathâ' ang makatâ
aba, ako naman ay talagang namanghâ
pagkat makata'y kathâ ng kathâ ng tulâ
para sa masa, sa bayan, sa sintang mutyâ

kanyang inilalarawan ang kalikasan
at lahat ng makita sa kapaligiran
tingin ng obrero, babae, dukha, tanan
hinggil sa di pagkakapantay sa lipunan

sa dilag ay di pulos tsokolate't rosas
ang inaalay kundi tula'y binibigkas
sa bawat salita'y sinasahod ang katas
tungo sa pangarap na kalagayang patas

kayganda ng paligid, kayputi ng langit
hinatid ng wika ang pagmamalasakit
itinutula'y ginhawa't pagmamalupit
ng sistema sa mga dalita't ginipit

parang mula sa ulap ang abang makatâ
na misyong tumulong sa manggagawa't dukhâ
ibabagsak ang burgesyang kasumpa-sumpâ
obrero'y samahang bagong mundo'y malikhâ

- gregoriovbituinjr.
02.03.2024

Pagsisilbi sa pamilya

PAGSISILBI SA PAMILYA

O, ander de saya na ba ako
kung sa bahay ay naglalampaso
ng sahig, naghuhugas ng plato,
basura'y sa trak nilalagay ko

madalas ako ang nagluluto,
naglalaba rin ng aming baro,
binabanlawan nang di bumaho,
sinasampay ko't pinatutuyo

aba'y di naman ako alila
o alipin dahil walang-wala
kundi tungkulin iyong dakila
na sa pamilya'y kusang ginawa

wala na ba akong pakisama
kung di makitagay sa barkada
masasabi bang ander de saya
pag pinagsilbihan ang pamilya

ako ang haligi ng tahanan
habang asawa ko'y ilaw naman
mga anak ang kaligayahan
sino pa bang dapat magtulungan

- gregoriovbituinjr.
02.03.2024

Biyernes, Pebrero 2, 2024

Liham ng pagsinta

LIHAM NG PAGSINTA

"Love note sent loves!" ang kinalabasan
ng pinagdugtong na salitaan
sa Word Connect, iyon ang iniwan
kaya puso'y napatula naman

minsan, kailangan mong sulatin
ang nilalaman nitong damdamin
ipabatid sa liham ang lihim
siya'y iyong pakamamahalin

maraming lihim ang iyong liham
sa kanya'y iyong ipinaalam
pag nabigo'y huwag ipagdamdam
magalang na sabihing "Paalam..."

pag-ibig ay sadyang mahiwaga
kaya makata'y napapatula
mula sa puso'y kanyang nalikha 
ang tulang alay sa minumutya

- gregoriovbituinjr.
02.02.2024

Reserbadong upuan

RESERBADONG UPUAN

reserbado ang upuan
pang-espesyal o mayaman
marahil may katungkulan
o mukhang kagalang-galang

minsan, ganyan din sa buhay
may silya para kay nanay
o sa amang tumatagay
upang sila'y mapalagay

may upuan sa palasyo
nakalaan sa pangulo
pinag-aagawan ito
ng mga kuhila't tuso

may laang silya din kaya
para sa obrero't dukha
ito'y dapat maihanda
tungong lipunang malaya

- gregoriovbituinjr.
02.02.2024

Huwebes, Pebrero 1, 2024

Be honest, kahit nasa dyip

BE HONEST, KAHIT NASA DYIP

sa nasakyan kong dyip kanina
ay katapatan ang tema:
"kalimutan na ang lahat
huwag lang ang bayad"
"barya lang po sa umaga"
"pakiabot po ang bayad"
"always be honest"
di ba? kaygaganda ng tema

sa isa namang dyip kahapon:
"god knows JUDAS not pay?"
kaya magbayad ng pamasahe
huwag mong subukang mag-1-2-3
alang-alang sa mga tsuper
na may binubuhay ding pamilya
tulad mo, be honest!
salamat, mamang tsuper, sa paalala

- gregoriovbituinjr.
02.01.2024

Entri sa patimpalak

ENTRI SA PATIMPALAK

nagtiis maghapon, mapadala lang
ang entri sa taunang patimpalak
hinggil sa panulaan nitong bayan
pagpasa ng entri ay kinagalak

pinangarap ng makatang magwagi
lalo't laging nagbabakasakali
inampalan sana siya'y mapili
bagamat ang pagsali'y di madali

kahit isang beses sana'y manalo
nang kakayaha'y kilanling totoo
bilang patunay ng tula't sebisyo
sa masa, bayan, sa uring obrero

mahaba-haba pa ang paglalakbay
kaya pinaghandaan itong tunay
pinagsikapan, talagang nagsikhay
nawa'y makamit niya ang tagumpay

- gregoriovbituinjr.
02.01.2024