Biyernes, Pebrero 17, 2023

Lugaw, sambalilo, tsinelas at kapote


LUGAW, SAMBALILO, TSINELAS AT KAPOTE

madaling araw ay nagising at umihi
ang lamig ng semento'y tagos ng masidhi
banig lang ang pagitan, ako'y hinahati
sakaling magkasakit ay di ko mawari

ikaanim ng umaga'y nais magkape
bago magkanin ay naglugaw muna kami
mayroong tsinelas, sambalilo't kapote
binigay nang maprotektahan ang sarili

ehersisyo muna sa Barangay Tignoan
doon sa covered court na aming tinuluyan
kaylakas ng hangin, talagang kabundukan
nilabhan nga nami'y natuyo agad naman

di ko alintana gaano man kahaba
ang kilo-kilometrong lalakaring sadya
mula General Nakar patungong Maynila
para sa isyu, ang pagod ay balewala

- gregoriovbituinjr.
02.17.2023
* kinatha sa umaga ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, ikapito ng umaga ay nag-umpisang muli ang lakaran

Layon ko


LAYON KO

naglakad ako para sa panitikan
isa iyan sa layon ko sa lakaran
sariling kayod para sa panulaan
na larangang aking pinagsisikapan

naglakad ako para sa katutubo
nang buhay at bukas nila'y di maglaho
naglakad din para sa lupang ninuno
dahil kapwa Pilipino at kadugo

tanto kong di ako magaling bumigkas
ng mga taludtod sa anyong madulas
ngunit sa mukha ko'y inyong mababakas
kung paano bang sa pagtula'y matimyas

totoo namang ako'y nagboluntaryo
upang makasama sa lakarang ito 
pagkat dama kong katutubo rin ako
at kaisa ng Dumagat-Remontado

sumama sa Lakad Laban sa Laiban Dam
na ilang taon na ang nakararaan;
sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam
ngayon ay sumama sa kanilang laban

nawa'y magtagumpay ang aming adhika
na Kaliwa Dam ay matutulang sadya
pagkat sa Kaliwa Dam ang mapapala
ay pawang ligalig, kamatayan, sigwa

- gregoriovbituinjr.
02.17.2023
* kinatha ng madaling araw sa aming tinulugang covered court sa Brgy. Tignoan, Real, Quezon
* kasama ang makatang gala sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam

Huwebes, Pebrero 16, 2023

Sa Tignoan

SA TIGNOAN

basketball court muli ang aming tinuluyan
malamig na semento'y muling tinulugan
bagamat may banig din naman sa pagitan
ngunit lamig ay tagos sa buto't kalamnan

kanina, dinaanan ang Departamento
ng Kalikasan ngunit tila walang tao
silang nakausap hinggil sana sa isyu
kaya napaaga sa destinasyong ito

tanong sa sarili'y ilang basketball court pa
sa siyam na araw ang tutulugan pa ba?
ngunit ito ang natanggap sa dami nila
ito ang binigay, sakripisyo talaga

tila kami mga mandirigmang Spartan
lalo't bilang namin ay nasa tatlong daan
siyam na lang para sa two hundred ninety one
na ektaryang masisira sa kabundukan

kung matutuloy ang dambuhalang proyekto
Sierra Madre'y lulubog sa dam na plano
lupang ninuno't katutubo'y apektado
sa kakulangan ng tubig, sagot ba'y ito?

o proyekto bang ito para sa ilan lang?
na pawang elitista ang makikinabang?
habang niluluray naman ang kalikasan
ah, isyung ito'y akin nang nakatulugan

- gregoriovbituinjr.
02.16.2023
* dapithapon kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, kasama siya sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam

15 Km. sa umaga

15 KM. SA UMAGA

umaga pa'y nakalabinlimang kilometro na
alas-sais pa lang, naglakad na kami, kay-aga
madaling araw nang umulan, kami'y nagising na
kaya nang magbukangliwayway ay agad lumarga

ilang beses kaming inulan sa dinaraanan
kaya basang-basa kami pati kagamitan
mabibilis ang lakad, matutulin bawat hakbang
narating ang basketball court ng Barangay Tignoan

may ilaw man ngunit walang saksakan ng kuryente
di maka-charge ng selpon, gayunman, ayos lang kami
di lang makapagpadala kay misis ng mensahe
at sabihing kami't nasa kalagayang mabuti

maagang nagpahinga, maaga kaming dumating
alas-dose pa lang, banig ay inilatag na rin
habang nadarama ang kaytinding hampas ng hangin
anong ginaw ng dapithapon, maging takipsilim

- gregoriovbituinjr.
02.16.2023
- kinatha manapos makapanghalian sa covered court ng Brgy. Tignoan, Real, Quezon, nilakad ay mula Km 129 hanggang Km114

Balikwas

BALIKWAS

alas-dos ng madaling araw ay napabalikwas
sa basketball court, ulan ay bumagsak ng malakas
at agad kaming nagsibangon upang makaiwas
sa ulan at karamdamang maaaring lumabas

mahirap magkasakit, mahaba pa ang lakarin
lalo't may tangan kaming adhikain at layunin
kaunting idlip lang, alas-tres na'y naligo na rin
di na nakatulog, naging abala sa sulatin

nang tumingala'y tila maulap ang kalangitan
gayong may sumilip na bituing nagkikislapan
na tila nagsasabing di matutuloy ang ulan
na magandang senyales sa mahaba pang lakaran

sana nga sa landasin, ulan ay di sumalubong
gayunman, kahit umulan ay di kami uurong

- gregoriovbituinjr.
02.16.2023
* kinatha madaling araw ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Miyerkules, Pebrero 15, 2023

Pagtatasa

PAGTATASA

munting pagtatasa matapos ang hapunan
gamit ang megaphone ay nagkatalakayan
may mga mungkahi't ilang problema naman
mabuti't nagsabi, nabigyang kalutasan

sinabi ang nadama, walang hinanakit
malinaw naman ang adhikain kung bakit
kaya pang lumakad, paa man ay sumakit
dahil may paninindigang dapat igiit

mabubuti naman ang mga payo't puna
ang huwag tumawid sa kabilang kalsada
sakali mang may matapilok, magpahinga
alas-dos ng madaling araw, maligo na

maghanda na ng alaxan at gamot ngayon
mahaba pa ang lakad bukas at maghapon
ihanda rin ang sumbrero pati na payong
na minungkahi sa mga nais tumulong

naroon kaming nagkakaisang tumindig
upang sa madla'y ipakitang kapitbisig
simpatya ng publiko sa isyu'y mahamig
doon kami binigyan ng tigisang banig

may mga tsinelas din daw na ibibigay
huwag ding lumabas sa lubid, nasa hanay
sa mga senyor na pagod, pwedeng sumakay
ikasiyam ng gabi'y natapos itong tunay

- gregoriovbituinjr.
02.15.2023
* kinatha sa gabi ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Sa biglaang pag-ulan

SA BIGLAANG PAG-ULAN

habang naglalakad ay biglang bumuhos ang ulan 
ngunit wala kaming kapote o payong man lamang
basang-basa ang buong martsa't walang masilungan
sa Barangay Kiloloron na kami inabutan

ang mahabang manggas na polo ng aking katabi
ay binalabal sa akin ng matandang babae
marahil, akala'y katribu't sama-sama kami
sa sakripisyo upang maparating ang mensahe

balabal ay binalik ko nang inabot sa akin
ang isang dahon ng saging na ipinayong namin
isang babae'y nagbigay ng plastic bag na itim
upang aking sukbit na bag ay agad kong balutin

upang di mabasa ng ulan, hanggang sa tumila
dalawang katutubong talagang kahanga-hanga
dalawang may magagandang puso, sadyang dakila
salamat po, di ko malilimot ang inyong gawa

- gregoriovbituinjr.
02.15.2023
* kinatha sa gabi ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Simula ng lakad

SIMULA NG LAKAD

mula Sulok sa General Nakar na'y nag-umpisa
ang aming paglalakad, ikapito ng umaga
mga lider-katutubo ang siyang nangunguna
sa simbahan ng Nakar, dumalo muna ng misa

nagpatuloy ang lakad hanggang bayan ng Infanta
sa isang basketball court kami'y nagsitigil muna
umupo at nakinig sa inihandang programa
maiinit na talumpati'y sadyang madarama

matapos iyon, nananghalian na't nagpahinga
bandang alas-dos ng hapon muli kaming lumarga
tangan ang adhikaing magtatagumpay ang masa
na proyektong Kaliwa Dam ay matigil talaga

- gregoriovbituinjr.
02.15.2023
* kinatha sa gabi ng Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam habang nagpapahinga sa covered court ng Brgy. Cawayan, Real, Quezon

Madaling Araw sa Sulok

MADALING ARAW SA SULOK

naalimpungatan / sa madaling araw
doon sa aplaya'y / sadyang anong ginaw
ang papayang buwan / pala'y nakalitaw
tunay siyang gabay / sa amin tumanglaw

tila baga isang / payapang lakaran
ang kakaharapin / kundi man labanan
upang ipagtanggol / yaong kalupaan 
para sa kanila / ring kinabukasan

dinig ang ragasa / ng alon sa dagat
habang may ilan nang / gising at nagmulat
ramdam ang amihan / o baka habagat
tila nagbabadyang / tayo ay mag-ingat

kay-agang natulog / bandang alas-nwebe
alas-tres na'y gising, / kami na'y nagkape

- gregoriovbituinjr.
02.15.2023 3:07am
* kinatha ng makatang gala habang nagpapahinga sa Sitio Sulok

Martes, Pebrero 14, 2023

Pagdatal sa Sulok

PAGDATAL SA SULOK

ikawalo ng gabi nakarating ng Infanta
at agad nagtraysikel sa Sitio Sulok nagpunta
upang doon ay magsimula bukas sa aplaya
kaylayo ng tinakbo at lubak pa ang kalsada

ang Legarda hanggang Infanta'y tatlong daang piso
sa bus, higit isandaan tatlumpung kilometro
Infanta hanggang Sulok, tantyang kilometro'y pito
tatlong daan din sa traysikel, kaymahal din nito

at doon kayraming tao na ang aking dinatnan
sa maraming kubo sa aplaya, naghuhuntahan
may kani-kanilang gamit, kasama sa lakaran
talagang handa na sa lakaran kinabukasan

sa isang mahabang bangko roon ako naidlip
mahangin, maginaw,, habang pag-asa'y halukipkip
matagumpay na lakaran ang sa puso'y lumakip
at ang kalikasan at lupang ninuno'y masagip

- gregoriovbituinjr.
02.14.2023

* kinatha habang nagpapahinga sa  isang bangko
* litratong kuha ng makatang gala habang naghahanda para sa Alay-Lakad 

Sa bus

SA BUS

nakasakay na ako ng bus patungong Infanta
eksaktong ikalawa ng hapon ay umandar na
naglalakbay ako sa panahong kaaya-aya
upang sa isang dakilang layon ay makiisa

mula Legarda, pamasahe'y tatlong daang piso
mabuti't sa bulsa'y may natatagong isang libo
pagbaba'y magta-traysikel, iyon kaya'y magkano
papuntang General Nakar na kaylayong totoo

mula roon ay siyam na araw naming lakaran
na tawag ay Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam.
upang iparating ang mensahe sa sambayanan
na ayaw nila sa Kaliwa Dam, dapat tutulan

dahil ang kalikasan ay mawawasak na sadya
dahil ang kanilang lupang ninuno'y masisira
baka kinabukasan ng katutubo'y mawala
pag proyekto'y natayo, tahanan nila'y mawala

- gregoriovbituinjr.
02.14.2023
* selfie bago sumakay ng bus patungong Infanta, Quezon, sa Legarda, Maynila

Paggayak para sa mahabang lakaran

PAGGAYAK PARA SA MAHABANG LAKARAN

O, kaytagal kong naghintay ng mahabang lakaran
at may magandang pagkakataong dapat alayan
ng prinsipyo upang ipaglaban ang karapatan
sasama sa Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam

matapos sumama mahigit nang isang dekada
sa Lakad Laban sa Laiban Dam muling nakiisa
upang lupang ninuno't katutubo'y madepensa
ngayon, sa isyung Kaliwa Dam naman ay sasama

sa paglalakad ay muling tutula't mag-uulat
mabatid ang kaibuturan at maisiwalat
noon, Lakad Laban sa Laiban Dam ay sinaaklat
ngayon, sa Kaliwa Dam ay muling gagawing sukat

ngayon ay naggagayak na sa mahabang lakaran
tsinelas, twalya, sipilyo, susuutin, kalamnan
makakain, inumin, kwaderno, bolpen, isipan
halina't sa paglalakad, kami'y inyong samahan

- gregoriovbituinjr.
02.14.2023
* ang Alay-Lakad Laban sa Kaliwa Dam ay magsisimula ng Pebrero 15-23, 2023 mula General Nakar sa Quezon Province hanggang sa Malakanyang
* ang litrato ay ang pabalat ng aklat na Lakad Laban sa Laiban Dam na nalathala noong 2009
* subaybayan ang facebook page na Earth Walker para sa ilang balita at tula habang naglalakbay

Sa anibersaryo ng kasal

SA ANIBERSARYO NG KASAL

ikaw ang sa puso'y sinisinta
sapagkat tangi kitang ligaya
nagkaniig, nagkaisa kita
sa hirap man laging magkasama

sa anibersaryo niring kasal
sa isip ko ngayon ay kumintal
na ating pag-ibig ay imortal
sa tuwa't dusa man ay tatagal

at ngayong Araw ng mga Puso
ay patuloy akong nanunuyo
ikaw lamang ang nirarahuyo
lalamunan man ay nanunuyo

anumang danas na kalagayan
dalawang pusong nag-unawaan
ay naging isa sa kalaunan
dahil sa matimyas na ibigan

- gregoriovbituinjr.
02.14.2023
* Pebrero 14, 2018 nang ikinasal kami sa kasalang bayan sa harap ng Mayor ng Tanay, Rizal, kung saan 59 na pares ang ikinasal.

Lunes, Pebrero 13, 2023

Pagpunta sa presscon

PAGPUNTA SA PRESSCON

paglalakad muli laban sa dam
ang paksa ng presscon at nagpasya
sasama ako't ipapaalam
ang isyu sa mayorya ng masa

naglakad na kasi ako noon
yaong Lakad Laban sa Laiban Dam
isang dekada higit na iyon
na pagtutol sa dam ang inasam

tagos sa puso ang unang binhi
at sa pangalawa'y sasama rin
pinakinggan ko ang mga sanhi
maraming bayang palulubugin

narinig ang mga katutubo
sa talumpati nila sa presscon
kalikasan at lupang ninuno
ay sisirain ng dam na iyon

kaya ako'y agad nang nagpasya
na sasama muli sa lakaran
ang marinig ko sila'y sapat na
upang samahan sila sa laban

- gregoriovbituinjr.
02.13.2023
* ang litrato'y kuha ng makatang gala sa nasabing presscon

Linggo, Pebrero 12, 2023

Dalawang Araw ng Puso


DALAWANG ARAW NG PUSO

Pebrero Katorse, Araw ng mga Puso
Setyembre Bente Nwebe, Araw din ng Puso
Una'y hinggil sa ating pagsinta't pagsuyo
Sunod, puso'y alagaan nang di maglaho

Una'y araw ng mga pusong nagniniig
Kung saan nadarama'y pintig ng pag-ibig
Sunod, pusong alaga'y di basta mayanig
Ng cardiac arrest kaya buhay pa'y lalawig

Di lamang pag-ibig kundi pangangatawan
Ang alalahanin nati't pangalagaan
Una'y batid bago pa magkaasawahan
Ikalwa'y pag nagsama na sa katandaan

Buhay pa rin tayo kapag puso'y nasawi
Sa atake sa puso'y dami nang nasawi

- gregoriovbituinjr.
02.12.2023

* February 14 is Valentine's Day
* September 29 is World Heart ❤️ Day
* litrato mula sa google

Sabado, Pebrero 11, 2023

Sipnayan

SIPNAYAN

dapat pa ring di maging bantulot
sa aritmetika pag sumagot
at bakasakaling may mahugot
na iskemang sa diwa sumulpot

may numerong nakatagong sukat
kaya di maisiwa-siwalat
ngunit kung atin lang madalumat
ay parang babasaging may lamat

naririnig ko ang bawat hikbi
ng mga numerong inaglahi
di batid sila ba'y ngumingiti
sa kabila ng nadamang hapdi

ngunit sila ba'y numero lamang
gayong sipnayan ay nililinang
ang bilang nila'y di na mabilang
kapara'y gumagapang na langgam

- gregoriovbituinjr.
02.11.2023
* litrato mula sa pahayagang Pang-Masa, Pebrero 11, 2023, pahina 7

Pagninilay

PAGNINILAY

kaytahimik ng kapaligiran
may punong walang kadahon-dahon
tila nasa malayong silangan
alapaap ay paalon-alon

buti't nababahaw na ang sugat
habang sa kawalan nakatingin
ninais ko nang maisiwalat
ang pangyayaring di pa mapansin

hanging sariwa ang dumadampi
sa pisngi ko't pangang naninigas
tila nawala ang damang hapdi
ng loob kong nais nang mag-aklas

tahimik ngunit di pa payapa
pagkat loob pa'y tigib ng luha

- gregoriovbituinjr.
02.11.2023

Pagkalos

PAGKALOS

di man dalumat ang pangungusap
pagkat klima't sigwa ang kaharap
madadalumat din ang pangarap
kung pag-uusapan nating ganap

bakit patuloy ang pagdurusa
sa ating lipunan ng mayorya
wala bang magawa sa burgesya
at sa mga mapagsamantala

halina't dapat tayong magbuklod
upang pagbabago'y itaguyod
mag-usap, huwag basta susugod
mag-isip kung paano sasakyod

sa sistemang bulok na lumumpo
sa ating karapatang pantao;
maghanda sa pagsuong sa bagyo
at kalusin na ang mga tuso

na nagpapakabundat ngang sadya
sa binarat na lakas-paggawa
na di binabayaran ng tama
bundat silang talagang kuhila

dapat nang tayo'y magkapitbisig
at panawagan ay isatinig
upang ang mga tuso'y mausig
upang mga kuhila'y malupig

- gregoriovbituinjr.
02.11.2023

Biyernes, Pebrero 10, 2023

Liwayway

LIWAYWAY

kaysarap makatunghay
ng nobela, sanaysay
kwento'y mabasang tunay
sa magasing Liwayway

pagkat nananariwa
ang aking pagkabata
nahalina sa tula
at ngayon kumakatha

buti't may babasahin
tulad nitong magasin
na binibigyang-pansin
ang pagkamalikhain

dati ay linggo-linggo
bente pesos ang presyo
kada buwan na ito
at isangdaang piso

kahit na nagmahalan
ay sinusuportahan
pagkat ito'y lagakan
ng ating panitikan

baya'y di nagsasalat
kapag may nag-iingat
ng panitikang mulat
sa haraya'y dalumat

- gregoriovbituinjr.
02.10.2023

Huwebes, Pebrero 9, 2023

Ang isang kilong sibuyas

ang isang kilong sibuyas
ay para na ring alahas
pagkat ang ipinamalas
ay pagmamahal na wagas

- dalít ni gregoriovbituinjr.
02.09.2023

* ang dalít ay katutubong tulang may apat na taludtod at may sukat na walong pantig bawat taludtod

Sinuyo ang diwata

sinuyo ang diwata
sa langit hanggang lupa
alay na puso't diwa'y
tinangay na ng mutya

- tanagà ni gregoriovbituinjr.
02.09.2023

* ang tanagà ay katutubong tulang may apat na taludtod at may sukat na pitong pantig bawat taludtod

Tatlong pritong tilapya

TATLONG PRITONG TILAPYA

kahapon, bumili ako ng tatlong isda
nang sa buong maghapon ay ulam kong sadya
trenta'y singko pesos bawat pritong tilapya
madalas, ganyan ang buhay nitong makata

ang isa'y inulam ko na kinagabihan
isa'y pinagsamang almusal, tanghalian
isa pa'y iuulam mamayang hapunan
madalas, ganyan kaming tibak na Spartan

hahaluan ng sibuyas, bawang, kamatis
upang sa kagutuman ay di na magtiis
ganyan man, di kami pulubi sa dalisdis
kundi tibak, kalaban ng nagmamalabis

tatlong pritong isda sa maghapon, magdamag
basta iwing katawan ay di mangangarag
na sa pagkilos, patuloy na nagsisipag
nang sistemang bulok ay tuluyang malansag

- gregoriovbituinjr.
02.09.2023

Nilay sa usapang FDC sa ZOOM

NILAY SA USAPANG FDC SA ZOOM

proyekto nila'y di lapat sa lupa
at naroon lang sa mga bathala
ang tao'y pinagwawalangbahala
ng uring kapitalista't kuhila

ano bang nararapat nating gawin
nang mga pader na ito'y banggain
ang sama-samang pagkilos ba natin
ay sapat upang sistema'y buwagin

RCEP at iba pa'y pangkanila lang
silang sa daigdig ay mapanlamang
ang globalisasyon ng mga dupang
ay paano nga ba mapapalitan

ilang nilay sa talakayan sa zoom
laban sa sistemang dulot ay gutom
nakikinig habang kamao'y kuyom
at bibig ay di dapat laging tikom

- gregoriovbituinjr.
02.09.2023

Uno

UNO

sa larong sudoku'y matalim ang pagkakatitig
tila idinuduyan sa madilim na daigdig
animo'y dinarama pati malalim na pintig
parang nakaalpas sa malagim na pagkayanig

isang numero na lang at buo na ang sudoku
numero uno ang isulat sa siyam na blangko
linya pababa't linya pahalang ay sagutan mo
dapat sa bawat linya'y walang parehong numero

minsan, pag nakita sa pahayagan, matutuwa
na sa bawat isyu'y isa lang ang nalalathala
mabuti na lang, may app na sudoku na nalikha
kaya nagsusudoku sa selpon pag walang gawa

kayhusay ng nag-imbentong nag-isip nang malalim
anang iba, sa SUnDOt-KUlangot ito nanggaling
sinakluban ng patpat ang binilot na pagkain
makunat, matamis, tingnan mo't ito'y siyaman din

isang larong nakapagbibigay ng kasiyahan
upang sa pagkasiphayo'y makawala rin minsan
habang nagninilay ay hinahasa ang isipan
sa larong itong kapaki-pakinabang din naman

isulat mo na ang uno, huwag nang patagalin
pag nabuo, may susunod pang larong sasagutin
pag gutom ang diwa'y ito ang aking kinakain
pag nadama'y kasiyahan, nakabubusog na rin

- gregoriovbituinjr.
02.09.2023

Sa tinapayan

SA TINAPAYAN

habang madaling araw pa lang
naroon na sa tinapayan

gusto'y mainit na pandesal
at kape para sa almusal

laging maaga kung humimbing
at madaling araw gigising

upang maabutan ngang sadya
ang bagsakan sa talipapa

at bibili roon ng mura
dadalhin sa tindahan nila

na pag ibinenta'y may patong
upang sa kita'y may pandugtong

ganyan ang araw-gabing buhay
sa tinapayan na tatambay

- gregoriovbituinjr.
02.09.2023

Miyerkules, Pebrero 8, 2023

Hapunan

 

HAPUNAN

sa aking lungga'y tigib ng lumbay
pagod sa mahabang paglalakbay
sa kawalan ay may naninilay
habang dito'y nagpapahingalay

at maya-maya'y maghahapunan
upang maibsan ang kagutuman
diwa'y tumatahak sa kawalan
di malaman ang patutunguhan

hanggang isa-isang isusubo
yaong mga ulam na niluto
hanggang unti-unti nang maglaho
yaong gutom at pagkasiphayo

babawiin ang nawalang lakas
tatahakin din ang ibang landas
upang kagutuman ay malutas
at maitayo'y lipunang patas

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Pebrero

PEBRERO

ang buwan ng Pebrero'y pag-ibig
kaya raw nangangamoy pinipig
na si Maganda at si Makisig
ay talaga raw nagkakaniig

katorse'y araw ng mga puso
kaya ang diwata'y sinusuyo
pag-ibig na sana'y di maglaho
mahalagang ito'y laging buo

upang di gumuho ang pangarap
marating ang kabila ng ulap
ang lipunang dapat na malasap
ang ginhawang tila ba kay-ilap

ah, ngayon ay Pebrero na pala
imbes na dapat, kayraming sana
sana'y tuloy pa rin ang pagsinta
sana'y kamtin ang tunay na saya

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Sa paglalakad

SA PAGLALAKAD

palakad-lakad kung saan-saan
baka ang hanap ay matagpuan
nag-uusisa ng kung anuman
baka sa loob ay makagaan

dahil ang hanap ay mahalaga
upang wala nang magsamantala
upang gintong sibuyas at luya
ay magmura't di na mapamura

mahirap mang kamtin ang pangarap
ay patuloy pa ring nagsisikap
mabatid lang ang dapat na sangkap
upang malasap ang tamang sarap

sa paglalakad ko'y nababatid
ang pakitungong di laging umid
kaysarap ng damang inihatid
pag nalampasan yaong balakid

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Pinagkaitan

PINAGKAITAN

muli kong napansin sa isang pagtitipon
kung ano talaga ang pagtingin sa tula
hiniling ko mang bumigkas ng tula roon
ay nakalimutan, may tula mang hinanda

anong sakit niyon, sinarili ko na lang
buti pa ang mga grupo ng mang-aawit
nakapagtanghal, makata'y di napagbigyan
gayong paksa'y lapat, pagtula'y pinagkait

baka sa harap lang ng mahilig tumula
nararapat na aming katha'y iparinig
unawa na lang, kaysa magmukhang kawawa
ilathala na lang ang dapat isatinig

minsan, ganyan ang mapait na karanasan
kaya nang minsang may nag-anyaya sa akin
sa tulaan, iyon na'y aking tinanguan
kahit milya-milya pa ang layo sa amin

pagkat isang pambihirang pagkakataon
upang mabigyang katuturan ang sarili
kaya paghahandaan kong mabuti iyon
baka sa tulad lang nila ako may silbi

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Pamasahe

PAMASAHE

payak lang naman ang panawagan
malimutan mo na ang magselpon
ngunit pamasahe'y huwag naman
haha, natamaan ka ba roon?

kung wala mang paki ang marami
alam ng tsuper sino nang bayad
subalit ang madalas mangyari
may di pala nakabayad agad

magbayad na nang di mapahiya
kahit magselpon, maging alerto
at baka sa agarang pagbaba
sigawan kang "Hoy, pamasahe mo!"

saka mo sasabihing "Sorry po!"
at saka itatago ang selpon
pagkapahiya'y sadyang siphayo
namula ka man ay huminahon

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Almusal

ALMUSAL

tara nang kumain, kaibigan
ako naman ay iyong saluhan
at mainit-init pa sa tiyan

tarang kumain bago umalis
patungo sa papasukang opis
mahirap nang sa gutom magtiis

gaano man kasimple ang ulam
sa gutom nama'y nakakaparam
at sikmura'y di basta kakalam

pagkaing karaniwan at payak
nang di naman gumapang sa lusak
pag nabusog pa'y iindak-indak

huwag magpakagutom - ang payo
nang di makadama ng siphayo

- gregoriovbituinjr.
02.08.2023

Martes, Pebrero 7, 2023

Nadalumat

NADALUMAT

para akong nasusunog sa maapoy na dagat
pag nasagkaan ang aking prinsipyo bilang mulat
tila ba iniihaw ang kabuuan ko't balat
pag nababalewala ang diwa kong nadalumat

ako'y makatang laban sa pribadong pag-aari
sapagkat ugat ng kahirapan, nakamumuhi
ah, ayokong ibibilang sa naghaharing uri
sapagkat binabalewala ko ang minimithi

niyakap ko ang pagdaralita't buhay ng masa
simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka
kaming aktibistang Spartan ay iyan talaga
pag ako'y nagtaksil, noo ko'y lagyan na ng bala

dapat magkaroon ng makauring kamalayan
ang maralita, uring manggagawa, sambayanan
upang di iboto ang may dulot ng kaapihan
at pagsasamantala sa kawawa nating bayan

dapat nang magtulungan ang mga magkakauri
upang durugin ang tusong kanan at naghahari
iyang trapo, elitista, burgesya, hari, pari
na kapitalismo'y sinasamba nilang masidhi

makauring kamalayan ay itaguyod natin
dapat lipunang bulok ay palitan at baguhin
kamalayang makauri'y isabuhay, bigkasin
at lagutin ang tanikala ng pagkaalipin

- gregoriovbituinjr.
02.07.2023

Pagsasatinig

PAGSASATINIG

nais kong bigyan ng tinig ang mga walang tinig
at ang mga matagal nang ninakawan ng tinig
nais kong isiwalat ang kanilang mga tindig
nang sila'y magkaisa't talagang magkapitbisig

kayraming winalan ng tinig pagkat mga dukha
na minamata ng mga matapobre't kuhila
kayraming nilapastangang turing ay hampaslupa
na pinagsasamantalahan dahil walang-wala

kaya ayokong mayroong pribadong pag-aari
na ugat ng kahirapan at ng mapang-aglahi
nais kong karapatan ay igalang ng masidhi
at kamtin ang hustisyang panlipunang minimithi

sinasatinig ko ang isyu ng nahihirapan
kamkam ng iilan ang kanilang pinaghirapan
na uring manggagawa'y pinagsasamantalahan
na dukha'y tinanggalan ng bahay at karapatan

ito ang gawa ng tulad kong abang manunulat:
isatinig ang buhay at danas ng nagsasalat
na may lipunang makataong dapat ipamulat
na may matinong sistemang dapat kamtin ng lahat 

- gregoriovbituinjr.
02.07.2023

Paksa

PAKSA

saglit nakatitig sa kawalan
katulad ng malimit asahan
anong paksa ang napupusuan
na may mahahagod na katwiran

tinitingala pa rin ang langit
mga ibon ay nagsisiawit
anong paksa kayang madadagit
na sa atin ay ipinagkait

maisasalin kaya ang tula
ng mga lumad sa aking lungga
anong katangian ng salita
ang pag nabasa dama'y ginhawa

anong paksa kayang nararapat
nang matuwa pag binasang sukat
may inaalat, may nasasalat
lalo't madalas pinupulikat

may mga paksang mula sa puso
pag sa diwata na'y nanunuyo
may paksang di ka na marahuyo
pag lalamunan na'y nanunuyo

may paksang anong sarap ng lasa
kamatis, sibuyas, bawang, luya
may di mahahawakan - ideya
ugali, karapatan, hustisya

- gregoriovbituinjr.
02.07.2023

Lunes, Pebrero 6, 2023

Ka Popoy

KA POPOY

dalawampu't dalawang taon na ang nakararaan
nang bigla kang nawala dahil ikaw ay pinaslang
ng mga salaring kaaway nitong sambayanan
dahil pinalakas mo ang 'yong pinamumunuan

taas-kamaong pagpupugay, lider at kasama
ang mga aral mo'y aming isinasapraktika
upang tuluyang baguhin ang bulok na sistema
at mawala ang pang-aapi't pagsasamantala

sinabi mong dapat class line, di mass line, ang tunguhin
ng uring manggagawang pagkakaisa'y kakamtin
ang pag-oorganisa ng uri ang adhikain
makauring kamalayan ay sadyang patampukin

sa mga aral at karanasan nga'y napapanday
kasama ng manggagawang sosyalismo ang pakay
tanging masasabi ko'y taospusong pagpupugay!
tinutuloy namin ang laban mo, kasamang tunay!

- gregoriovbituinjr.
02.06.2023

Linggo, Pebrero 5, 2023

Ang buwan

ANG BUWAN

kasabay si misis sa lakaran
nang buwan ay agad na kinunan
naiiba talaga ang buwan
kaysa poste ng ilaw sa daan

nalalambungan ng alapaap
na kapara ng mga pangarap
buti't sa selpon nakunang ganap
ang buwang nagtatago sa ulap

ano kayang kahulugan niyon
o wala, akala lang mayroon
mahalaga, sa paglilimayon
ay may nadidiskubreng kahapon

maya-maya, buwan na'y naglaho
di ko na alam saan patungo
basta huwag maligaw ang puso
at magpatuloy sa panunuyo

- gregoriovbituinjr.
02.05.2023

Kita

KITA

paano makakita ng kita
kung di matanggap ang aktibista
baka obrero'y maorganisa?
sa unyon ay mapagsama-sama?

ang mag-organisa'y karapatan
bakit hindi pahihintulutan?
ayaw magkaroon ng samahan?
baka ba pabrika'y pagwelgahan?

maging matino na kasing sadya
iyang kapitalistang kuhila
lakas-paggawa'y bayarang tama
huwag mang-api ng manggagawa

subalit dupang sila sa tubo
na limpak-limpak kung mapalago
habang obrero nila'y siphayo
upang buhay lang ay maihango

ang kapitalista'y palamunin
ng manggagawang inaalipin
dapat obrero'y makaalpas din
sa kadena ng pagkaalipin

- gregoriovbituinjr.
02.05.2023

Sabado, Pebrero 4, 2023

Tari

TARI

akala ko'y matigas na ang aking tari
sa sitsit lang ni misis ay agad uuwi
kahit nagpapayo pa'y malibog na pari
kahit kalaban pa'y trapong mapagkunwari

kahit maraming sakit na nararamdaman
kunwari'y wala lang, at bato ang kalamnan
sintigas ng bakal ang tingin sa katawan
sa sitsit lang ni misis, uuwing tahanan

sa kalsada'y tahimik, kung umasta'y astig
kahit pa payat ay matipuno ang bisig
may paninindigan at matikas ang tindig
sa sitsit lang ni misis ay naliligalig

ah, Takusa ba iyan o nagmamahal lang
tulad ng sibuyas, laging nagmamahalan
pag kasama si misis, pag-ibig ay ganyan
pag wala si misis, laging nasa bakbakan

- gregoriovbituinjr.
02.04.2023

Tugon

 

TUGON

di ko masusunog yaring pakpak sa himpapawid
o sa mga lansangan sa aking bawat pagtawid
sapagkat sunog na ang kilay sa pagmamatuwid
ayokong masunog pa't nangitim na ang gilagid

ano kayang mensahe yaong nais pang ihatid
upang makaiwas na sa dilim ay mangabulid
sa ilang sagupaan, litid ko'y muntik mapatid
muntik mamate ng kalabang di agad nabatid

ano bang tugon sa suliraning sala-salabid
ay, di solusyon ang isabit ang leeg sa lubid
magtanong, makipagtalakayan, huwag maumid
makukuha rin ang perlas kung sa laot sisisid

sa madalas na pagninilay, biglang masasamid
tila may ibinubulong ang hangin sa paligid:
makipagkapwa lagi tayo't huwag maging ganid
magpakatao't kapwa'y huwag itaboy sa gilid

- greggoriovbituinjr.
02.04.2023

Paghahanap ng kita

PAGHAHANAP NG KITA

ayokong mangutang, ang kailangan ko'y trabaho
ayokong manghingi na lamang kung kani-kanino
kailangan ko ng pampagawa ng mga libro
magkatrabaho kahit tagalagay ng turnilyo

ayoko namang lagi lang nanghihingi kay misis
tangan ko pa ang dignidad ko't ayokong lumabis
aktibistang Spartan na buhay ay binubuwis
upang lipunang makatao'y mabigyan ng hugis

makita kaya ang hanap na trabahong may kita
basta nakakapagpatuloy bilang aktibista
basta di maninikluhod sa bulok na sistema
at basta sa kapwa tao'y di magsasamantala

dapat kumita upang may pampagawa ng aklat
habang nag-oorganisa ng dukha't nagmumulat
habang sa maraming isyu'y may isinisiwalat
habang sa niyakap na prinsipyo'y nanghihikayat

sa aktibistang pultaym na tulad ko'y anong bagay
tiyak mo bang sa ganyang trabaho'y mapapalagay
ang kalooban kong tila sakbibi na ng lumbay
dahil mga gawain ay di matustusang tunay

maaari rin ang trabahong pagsasaling-wika
mula sa wikang Ingles ay Tatagaluging sadya
masipag tumula ngunit walang kita sa tula
na tanging sinasahod lang ay sangkaterbang luha

- gregoriovbituinjr.
02.04.2023

Tiwakal

TIWAKAL

pag niyurakan ninuman ang aking pagkatao 
na sarili'y di ko na maipagtanggol nang todo
mabuti nang magpatiwakal, tulad ng seppuku
sapagkat karangalan na ang nakasalang dito

ako'y makatang laban sa pribadong pag-aari
ako'y aktibistang laban sa mapang-aping uri
ako'y manunulat na laban sa mapang-aglahi
ako'y sepulturero ng sistemang naghahari

huwag mo lang sasagkaan ang aking paniwala
huwag mo lang yuyurakan ang prinsipyong dakila
tanging hinihiling ko lang ay inyong pang-unawa
na tibak ako't makata ng dukha't manggagawa

handa ako sa rali kahit walang pamasahe
propagandistang sa kalaban ay di pahuhuli
ngunit pag dangal ko na'y niyurakan nang matindi
madarama kong tiyak ako baga'y walang silbi

kaya ipagtatanggol ko ang aking iwing dangal
saanma'y dedepensahan, gaano man katagal
ngunit kung di na kaya, buti nang magpatiwakal
tulad ng makatang sa sariling kamay nabuwal

ang makatang Hapones na si Yukio Mishima
si Mayakovsky, sinasalin ko ang tula niya
Sylvia Plath, Ingrid Jonker, Hai Zi, Edward Stachura 
Lucan, Ernest Hemingway, Hart Crane, Misao Fujimura

ako'y nabubuhay, walang pribadong pag-aari
ugat iyan ng kahirapan, di mo ba mawari?
ako'y magpapatiwakal pag nawasak ang puri
sa prinsipyo'y tapat, di kakampi sa naghahari

- gregoriovbituinjr.
02.04.2023

Biyernes, Pebrero 3, 2023

Pagpapatalas

PAGPAPATALAS

magbasa upang tumalas pa
ang kaalaman sa tuwina
lalo na sa literatura
upang mawala ang pangamba

mabuti nang may kaalaman
kaysa wala kang nalalaman
at sa paksa'y di maubusan
paksang nasa kapaligiran

magbasa't ang mata'y igala
titigan ang mga salita
namnamin ang mga kataga
nang di rin mapaso ang dila

parang punyal, pinatatalas
baka salita'y naglalandas
na parang dugong tumatagas
buti kung nagbibigay-lunas

baka sa iyong mga tanong
ay may landas kang sinusuong
sakaling sa aklat magkanlong
baka mahasa pa't dumunong

pagbabasa'y larangang turing
at masusuri rin ang kawing
upang yaring diwa'y magising
mula sa pagkakagupiling

- gregoriovbituinjr.
02.03.2023

Wari sa di mawari

WARI SA DI MAWARI

sa may liblib na pook
may haring nakaluklok
na kung umasta'y hayok
tingin sa masa'y ugok

bakit may naghahari?
panginoon ng uri?
at diyos na pinili?
bakit mapang-aglahi?

dapat nang mawakasan
ang ganyang kalagayan:
paghahari ng ilan
sa kapwa't mamamayan

kahit sa bawat tula,
sanaysay, kwento't dula
sila'y burahing sadya
pagkat mga kuhila

bakit may mayayaman?
laksa'y nahihirapan?
bakit kubkob ang yaman
nitong buong lipunan?

kalabisan na ito!
kailan matututo
na ang sistemang ito'y
kakalusing totoo!

- gregoriovbituinjr.
02.03.2023

Pambihirang pagkakataon

PAMBIHIRANG PAGKAKATAON

bihira ang nabibigyang / pagkakataong bumaka
upang tuluyang palitan / iyang bulok na sistema
mabuti't sa akin noon / ay mayroong nag-anyaya
maging kasapi ng unyon, / hanggang maging unyonista

may plano akong tumakbo/ bilang pangulo ng unyon
subalit aking tiyuhin / ay agad napigil iyon
assistant manager siya / sa kawaksing institusyon
nang matunugan ay agad / ang tindi niyang reaksyon

at bago ko maipasa / ang aking pagkandidato
ay sinundo ng kasamang / doon din nagtatrabaho
pinatatawag daw ako / nitong butihin kong tiyo
kinausap, pinakain, / at pinatagay pa ako

ako'y talagang nilasing / hanggang sa kinabukasan
di na naabot ang deadline / noong papel sa pasahan
ng aking kandidaturang / sa aking buhay ay minsan
lang mangyari kaya ako'y / lubos na nanghihinayang

at tatlong taon matapos / sa pinagtatrabahuhan
sa pabrika't katrabaho'y / talaga nang nagpaalam
may separation pay naman / matapos ang isang buwan
at muli akong nag-aral / ng kurso sa pamantasan

at doon ko naramdaman / ang isang bagong simula
sa panulatang pangkampus / ay nag-aambag ng akda
naging kasapi ng dyaryo't / nagsulat ng kwento't tula
naging features literary / editor, kaysayang sadya

hanggang aking makilala / sa pahayagang pangkampus
ilang mga aktibistang / katulad ko rin ay kapos
pinakilala ang grupo / nila't tinanggap kong lubos
niyakap ang aktibismo, / kolehiyo'y di natapos

umalis sa paaralan / at nakiisa sa dukha
nang maging organisador / ay nakibaka ring lubha
at minsan ding naging staff / ng grupo ng manggagawa
nag-sekretaryo heneral / ng samahang maralita

sumulat at nag-layout din / sa pahayagang Obrero,
Taliba ng Maralita, / Ang Masa't iba pang dyaryo
at naging propagandista / ng tinanganang prinsipyo
upang matayo ang asam / na lipunang makatao

nasubok ang katatagan, / maraming isyu'y inaral
minsan ding nakulong dahil / sa gawaing pulitikal
tatlong dekada nang higit, / dito na ako tumagal
hiling ko lang pag namatay, / alayan din ng parangal

- gregoriovbituinjr.
02.03.2023

Huwebes, Pebrero 2, 2023

Ulam na kamatis at sibuyas

ULAM NA KAMATIS AT SIBUYAS

kamatis at alahas, ay mali, sibuyas pala
ang aking pananghalian, at kaysarap talaga
lalo na't magkarne ay sadyang iniwasan ko na
lalo't manok na kadiri na sa aking panlasa

kamatis, bawang, sibuyas, ang naging pampalakas
talbos ng kamote, sayote, sili, at sibuyas
isinasabuhay na rin ang pagkain ng prutas
mga bungangkahoy na kaysarap na panghimagas

sa ngayon, iwasan ang anumang uri ng karne
sa pangangatawan ko'y tila ba naging mensahe
magkalaman ang kalamnan ang adhika't diskarte
upang tumatag sa lakad, wala mang pamasahe

sa ganito ko niyakap ang simpleng pamumuhay
at puspusang pakikibakang may prinsipyong taglay

- gregoriovbituinjr.
02.02.2023

Taliba

TALIBA

ako'y propagandista nitong maralita
pinagsusulatan ay ang dyaryong Taliba
ng Maralita, na publikasyon ng dukha
dalawang beses sambuwan nalalathala

doon nilalagay ang mga isyu't tindig
hinggil sa mga usaping dapat marinig
binibigyang-buhay ang mga walang tinig
panawagang bawat dukha'y magkapitbisig

di dapat balewalain ang mahihirap
pagkat sila'y kauri, dapat nililingap
bagamat ang buhay nila'y aandap-andap
kaginhawaa'y nais din nilang malasap

bilang propagandista'y aming adhikain
kapwa dukha'y maging kaisa sa mithiin
isang makataong lipunan ay likhain
makataong mundo'y maging tahanan natin

- gregoriovbituinjr.
02.02.2023

* ang Taliba ng Maralita ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML)

Kape muna

KAPE MUNA

tara, igan, kape muna tayo
nang kalamna'y sumiglang totoo
may kaunting tinapay pa rito
at may balita ako sa iyo

ang sikmura'y painitin muna
mula sa mahamog na umaga
mabuti nang may laman, handa ka
sa mga daratal na problema

tiyak tayo'y mapapasagupa
sa nakaamba pang mga digma
ang mahalaga'y gising ang diwa
at katawan, di natutulala

kapag tayo'y magsisipag-sipag
kayrami nating maaatupag
ipakita ring tayo'y matatag
at ang loob ay mapapanatag

- gregoriovbituinjr.
02.02.2023

Miyerkules, Pebrero 1, 2023

Talambuhay

TALAMBUHAY

i

talambuhay ng personaheng tanyag noon
ay naisipan kong basa-basahin ngayon
ano ang sa pagkatao nila'y mayroon?
o pinaggagawa sa kanilang panahon"
ang buhay kaya nila'y isang inspirasyon?

mga katanungang sa diwa'y nadalumat
kaya tinyagang basahin ang mga aklat
bakit talambuhay nila'y dapat mabuklat?
anong bang aral ang dito'y mabubulatlat?
sambayanan kaya sa kanila'y mamulat?

ii

talambuhay ng limang banyaga'y nilibro
sa tindahan ng murang aklat nabili ko
sa BookSale ay nakatipid kahit paano
bakasakali lang may matutunan dito

- gregoriovbituinjr.
02.01.2023

Tulang bakal

TULANG BAKAL

"Poetry should also contain steel and poets should know how to attack." ~ Ho Chi Minh, lider-rebolusyonaryo ng Vietnam

isa iyong magandang payo sa mga makata
dapat may bakal at sintigas ng bakal ang tula
makata'y batid din kung paano ba sumagupa
sa mga kalabang mapagsamantala't kuhila

isa iyong magandang payo sa mga tulad ko
upang tanganan habambuhay ang diwa't prinsipyo
kasangga ang mga maralita't uring obrero
upang itayo ang isang lipunang makatao

magandang payo iyong aakma sa minimithi
laban sa ugat ng kahirapa't mapang-aglahi
laban sa pag-aangkin ng pribadong pag-aari
ng kasangkapan sa produksyon at ng naghahari

magandang payo ng rebolusyonaryong Ho Chi Minh
na sa araw at gabi'y tatanganan at tutupdin
isa sa umuugit sa diwa ko't saloobin
upang ipagtagumpay ang misyon at adhikain

- gregoriovbituinjr.
02.01.2023