Linggo, Nobyembre 14, 2021

Ang maging makatâ

ANG MAGING MAKATÂ

"To be a poet is more than a hobby, more than a profession - its a divine calling." ~ Maria Criselda Santos

ang maging makata'y higit pa sa isang libangan
na nawiwili ka lang gawin at nasisiyahan
ito'y higit pa sa propesyon o hanapbuhay man
pagkat ang maging makata'y tawag ng kabanalan

ito'y kaygandang sambit ni Maria Criselda Santos
sa f.b. page na Quote in the Act ay nakitang lubos
ang maging makata'y banal kahit binubusabos
tila ba ako'y banal na tinawag kahit kapos

kalakip ng kanyang sinabi'y may mga litrato
ng makatang magagaling sa historya ng mundo
naroon sina William Shakespeare at Edgar Allan Poe
pati na sina Balagtas at Emilio Jacinto

anong sarap pakinggan ng kanyang mga tinuran
makata'y nasa toreng garing o langit-langitan
subalit ako'y manunulang sanay sa putikan
at di maisip na ginagawa ko'y kabanalan

lalo't may sinasagasaan ang mga tula ko
na laban sa pagsasamantala't kapitalismo
ako man ay kasama sa aklasan ng obrero
at sumasalungâ sa lungsod na mala-impyerno

at kay Maria Criselda Santos, salamat talaga
banal kaming makatâ bagamat nakikibaka
para sa karapatan at panlipunang hustisya,
para sa uri, para sa bayan, para sa masa

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Kalusugan

KALUSUGAN

napapansin kong maraming nagkasakit at kapos
na ang pandemyang ito ang sa kanila'y umulos
subalit nais kong tumulong sa mga hikahos
nais ko ring magboluntaryo sa Philippine Red Cross

lalo't dinanas kong ma-covid at nagpapagaling
kaya pagboluntaryo'y bahagi ng pagkagising
dapat may kasanayan ako, natapos na training
tulad ng first aid o contact tracing, ngunit di nursing

dapat magpagaling habang tumutulong sa iba
lalo't may diabetes at tuberculosis pala
magbasa hinggil sa kalusugan at medisina
pati halamang gamot bilang gawaing pangmasa

anumang mapag-aralan ay dapat madalumat
bilang makatâ, bilang matiyagang manunulat
marahil sa ganito'y makatulong akong sapat
at ibahagi sa masa anumang naisulat

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Tabletas

TABLETAS

dapat mga gamot ay tuloy-tuloy kong inumin
mula sa reseta ng doktora'y binili namin
dalawang klaseng tableta itong dapat lulunin
may nakasulat sa kahon na mahigpit na sundin

isa'y tatlong beses kada araw, kapag kainan
ibig sabihin, agahan, tanghalian, hapunan
subalit ang isa pa'y dalawang tableta naman
medya ora bago agahan, sa buong sambuwan

nagpa-check up muna bago sa probinsya umalis
dahil nagka-covid, ilang linggo ko ring tiniis
nakitang resulta'y pulmonary tuberculosis
iyon daw ay sanhi dahil ako'y may diabetes

mula Benguet General Hospital ay nagdesisyon
na lilipat kami ng ospital sa Lungsod Quezon
may trabaho na kasi si misis malapit doon
ako'y babalik na rin sa aking trabaho roon

anang doktora'y anim na buwan daw ang gamutan
mahirap namang pabalik-balik sa lalawigan
bawat payo ng doktora'y aming gagawin naman
umaasang gumaling, gumanda ang kalusugan

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Pagkatha

PAGKATHA

di pa rin ako titigil sa paggawa ng akda
kahit namroblema sa isang pesbuk kong nawala
di pa rin ako titigil sa pagkatha ng tula
wala mang mag-like sa pesbuk ng binahaging katha

kung meron mang mag-like, isa, dalawa, o tatlo man
pasasalamat ang tanging masasabi ko na lang
marahil, ayaw ng di nag-like ang kaparaanan
ko ng pagtula, o yaong paksa'y di nila ramdam

nagsimula sa pagiging dyornalistang pangkampus
naging features literary editor kahit kapos
hanggang lumabas ng kolehiyo't nakipagtuos
laban sa sistemang bulok, kakampi ang hikahos

hanggang ngayon, tuloy ang pagdalumat at pagsulat
sa landas ng putik ay patuloy sa pagmumulat
mga prinsipyo't diwang sa proletaryo nagbuhat
kasuhan man, isusulat gaano man kabigat

pagsulat ng sanaysay ang akibat kong tungkulin
pagkatha naman ng tula'y niyakap kong layunin
iyan ang daluyan ng adhika, dusa't panimdim
diyan dumadaloy ang aking liwanag at dilim

anumang paksâ sa paligid ay bibigyang buhay
isyu man ng manggagawa't dukha'y isasalaysay
kasangga ng uri, nagsisikhay at nagninilay
upang malabanan ang pagsasamantalang tunay

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Pesbuk

PESBUK

di ko na mabuksan pa ang pesbuk kong pampamilya
di ko kasi na-update iyon nang magsabi siya
nalimutan nang tinawag ni misis ng "Kain na!"
nalimutan ang deadline o ibinigay na petsa

gamit ko pa naman iyon ng labingtatlong taon
laksang kasaysayan pa naman ang natipon doon
Climate Walk, Yolanda, Paris, litrato'y naroroon
kaklase, kaibigan, alaala ng kahapon

naroon din ang kapuso, kapamilya, kapatid
kayrami pa namang tulang sa masa'y inihatid
pati kaalamang ibinahagi't pinabatid
Nobyembre Trese nang pesbuk kong iyon ay mapatid

di ko lang siya mabuksan subalit di nawala
sana kahit di na mabuksan ay huwag mawala
bago pesbuk, friendster at multiply ko na'y nawala
na kayrami ko ring naipon doong mga akda

tinuturing kong mga akda'y gintong kalipunan
ng pinagdaanan, karanasan ko't kasaysayan
kung nais mo akong makilala, sa pesbuk tingnan
makatâ mang gipit, mga akda'y para sa bayan

Nobyembre Trese, alas-tres ng hapon nang mawalâ
may ibabahagi pa naman akong bagong kathâ
labingtatlong taon kong gamit, ako'y napaluhâ
Trese, alas-tres, labingtatlo, anong ugnay kayâ

kasalanan ko, di ko na-update, nakalimutan
tila di natuto sa nakaraang karanasan
nawala ang isa noong pandemya'y kasagsagan
pinadala ang code sa sim na sa lungsod naiwan

isa itong aral na talagang nakagigitla
kaklase't kamag-anak na naroon ay nawala
sana'y masaliksik pa rin ang dating nalathala
na baka kailanganin para sa bagong akda

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Liway

LIWAY

wala akong talasalitaan nang patunayan
ngayon upang saliksikin ano bang kahulugan
talaga ng LIWAY na sagot sa palaisipan
kundi nakabatay lang sa naroong katanungan

nasa tanggapan sa Pasig ang aking diksyunaryo
sangguniang U.P. Diksiyonaryong Filipino
na di nadala sa probinsya kung nasaan ako
at malaking tulong sana sa pagsusulat dito

sa labing-apat pahalang, kakaiba ang tanong
"Hindi kinakapitan ng sakit," ano ang tugon
tingnan ang pababa't pahalang, ano kaya iyon
LIWAY ang sagot, at may salitâ palang ganoon

kung tao man iyon, aba'y sino kaya ang LIWAY
sila ba'y may agimat sa pagbubukang-liwayway
dito kaya ipinangalan si Kumander Liway
di kinakapitan ng sakit, malusog, matibay

paano maging LIWAY upang di tablan ng sakit
tulad ba ng anting sa saging, ito'y aking hirit
salamat sa palaisipan, sa tulad kong gipit
may salitang LIWAY, pag-asang hahanaping pilit

- gregoriovbituinjr.
11.14.2021

Sabado, Nobyembre 13, 2021

Mapulang hasang

MAPULANG HASANG

namumula ang hasang, kapara'y sariwang isda
na sa anupamang sagupaan ay laging handa
tila bakal ang kaliskis nilang nakahihiwa
habang sugatang makata'y tila di makakatha

dapat magpalakas, muling papulahin ang hasang
bagamat di na pwedeng maging manggang manibalang
di man maging galunggong ay pating na kung sa gulang
may karamdaman man, bumabalik ang dating tapang

di dapat laging putla ang hasang, kundi'y mapula
may sakit man ay titindig ng matikas sa masa
kumbaga'y kaya pa ring tanganan ang manibela
na malalim man ang tubig ay kayang sisirin pa

dapat pula pa rin ang hasang ng tulad kong tibak
upang patuloy na ipagtanggol ang masa't hamak
upang mapalago pa ang tinanim sa pinitak
upang makata'y di naman gumagapang sa lusak

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Tahimik man

TAHIMIK MAN

di ako nananahimik kahit mukhang tahimik
dahil ramdam ng puso't diwa ko ang mga hibik
ng mga pinagsamantalahan at pinipitik,
ng mga tinotokhang, ng binabaon sa putik,
pati nalulunod sa laot ng upos at plastik

malapit na ang Dakilang Araw ni Bonifacio
at Daigdigang Araw ng Karapatang Pantao
tahimik man ay di natatahimik ang pluma ko
buong puso't kaluluwa'y titindig pa rin ako
upang magpahayag at tumula sa entablado

para sa kalikasan at hustisyang panlipunan
nais kong maglakad muli sa landas na putikan
di ako matatahimik pag ako'y wala riyan
pakiramdam ko'y sinikil ang aking karapatan
na para bang nakamtan ko na'y luksang kamatayan

tahimik lang ako, subalit di nananahimik
tahimik man ako ngunit ayokong manahimik
sige, subukan lang nilang ako'y mapatahimik
subalit aking pluma'y tiyak na di tatahimik
tanging sa kamatayan lang ako mananahimik

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Bitamina D

BITAMINA D

bakit ang manok ay nag-iisang nagpapainit
nakasalampak lang sa yerong tiyak nang mainit
nais magpalakas, sa sarili'y may malasakit
di man samahan ng mga manok na makukulit

nagsa-sunbathing kahit wala sa dalampasigan
natanaw ko lang siya't agad na nilitratuhan
anumang kwento niya'y wala akong kabatiran
bakit siya nagpapainit ay tulad ko rin lang

kapara ng Mulawin na sa araw nagmumula
ang lakas upang mga katawan nila'y sumigla
tulad ko ring nagpapaaraw sa umaga pa nga
upang Bitamina D ay makamtan nating sadya

wala man tayong ugatpak tulad nilang Mulawin
pagpapainit sa araw ay magandang mithiin
pagpapalakas ng katawan ang ating layunin
upang anumang sakit ay mapaglaban natin

magpaaraw at palakasin ang buto't kalamnan
upang Bitamina D ay taglayin ng katawan
ngunit di sa tanghaling tapat, kundi umaga lang
sapat na init lang upang sakit ay maiwasan

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Aliwan

ALIWAN

aliwan ko na ang pagsagot sa palaisipan
na sa libreng oras ay sadyang kinagigiliwan
pinakapahinga ko na ang nasabing aliwan
sagot lang ng sagot at matututo ka rin naman

aba'y kayrami ko na palang nabiling ganito
natapos ko ang iba't minsan binabalikan ko
ang mga salitang sinasama sa tula't kwento
sadyang kapaki-pakinabang ang libangang ito

may nakakalito rin minsan sa mga katagâ
kaya susuriin mo ang pahalang at pababâ
pag natiyak ang tamang sagot, ilagay mong sadyâ
may salitâ ngang dito lang nabatid ng makatâ

tarang maglibang, sa palaisipan ay magsagot
sa una lang naman ang noo mo'y mapapakunot
ngunit masasagutan mo't di na pakamot-kamot
at kasiyahan ang tiyak sa iyo'y idudulot

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Halamang gamot

HALAMANG GAMOT

may dalawang pampletong dapat ko palang basahin
hinggil sa halamang gamot na marapat alamin
sa sakit ko'y anong magandang katas na inumin
mula sa halamang gamot, ito'y dapat aralin

magbasa muna, sa dalawang pampleto'y tumuon
una'y nabili ko noon pang nakaraang taon
ikalawang pampleto'y nabili ko lang kahapon
napadaan sa bilihan at natsambahan iyon

nakita sa check up, mayroon akong diabetes
na sanhi kaya may pulmonary tuberculosis
ano bang halamang gamot upang ito'y maalis
o kaya tinamaang baga't bituka'y luminis

kumain ng kasoy, di ang buto, kundi ang bunga
ilaga ang dahon at bulaklak ng sitsirika
ilaga ang balat ng puno't dahon ng banaba
at pakuluan din ang dahon ng Damong Maria

sa dahon at ugat naman ng kogon ay gayon din
sa T.B., bulaklak ng lagundi'y ilaga mo rin
pinakuluang ito'y parang tsaa mong inumin
ito'y isang pag-asa upang tuluyang gumaling

kaya naisip kong magsimulang magtanim bukas
kahit sa pasô ng mga itong ating panlunas
di lamang upang magamot kundi upang lumakas
taospusong pasasalamat na ito'y nawatas

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Paksâ

PAKSÂ

samutsaring paksa'y napulot ko sa panaginip
o kaya ay gising na ako habang nakapikit
gising ang diwa, nagninilay habang naiidlip
kaya kung anu-ano ang naritong nalilirip

pag nakakita ka ng bangin, huwag kang tatalon
pag nalanghap ay sariwang hangin, huwag lumulon
pag nakukuha ka sa tingin, huwag mong ituon
pag nakita'y bakbakan, saan ka naglilimayon

panaginip ang naiisip habang natutulog
ngunit agad magigising pag narinig ang kulog
parang totoo ang pelikula, buti't niyugyog
kasama bilang aktor sa Titanic na lumubog

sinabi sa panaginip ang samutsaring paksâ
ibinulong ng diwata ano bang itutulâ
kaya ngayong pagkagising ay tila namamanghâ
buti't di namamanglaw kundi ngayon ay masiglâ

- gregoriovbituinjr.
11.13.2021

Biyernes, Nobyembre 12, 2021

Ako

AKO

hangga't nasa bundok, di ako ang tunay na ako
tila baga hiram lang ang tangan kong pagkatao
mapagkunwari, nakikisama sa tagarito
mapagpanggap, ibang-iba sa tangan kong prinsipyo
animo'y naghihingalo na ang tunay na ako

nais kong mabuwal sa sariling pinanggalingan
doon sa lansangan at putikan kong nilakaran
kaysa langit na kunwari'y nagbabait-baitan
mabuti pa sa impyernong masiglâ ang katawan
at nasang lipunang makatao'y matupad naman

sa tunay kong pagiging ako'y nais kong bumalik
kaysa nagkukunwari sa bundok at walang imik
sinasayang lang ang buhay na doon isiniksik
lalo't isyu ng bayan ay dinig kong hinihibik
ng obrero, pesante't dukhang dapat isatitik

ako'y makatâ ng putik, makatang maglulupâ
ako'y makatâ ng lumbay, na tula'y luha't sigwâ
ako'y makatâ ng dalitang ano't namumutlâ
at sa uring proletaryo'y makatang laging handâ
na misyong isatitik ang laksang isyu ng madlâ

- gregoriovbituinjr.
11.12.2021

Hamon ng aklat

HAMON NG AKLAT

nakabili ako sa Bookends ng dalawang aklat
isa'y hinggil sa maikling kwento ng manunulat
na may mga komentong dapat ding araling sukat
isa'y nobela ni Isaac Asimov na sikat
na nobelista ng sci-fi, buti't aking nabuklat

sa Bookends nga'y kaytagal ko nang nais makapunta
at nagkaroon lang ng pagkakataon kanina
upang diwa'y paunlarin sa bagong mababasa
at mapaunlad ang kasanayan bilang kwentista
mula sa pagtulâ, aba, ako'y magkukwento na

may aklat akong kalipunan ng maikling kwento
na nilathala na noon ng Aklatang Obrero
iyon ang unang sampung maikling kwentong akda ko
subalit di na nasundan pa ang libro kong ito
sana'y makagawa muli ng panibagong kwento

taospusong pasasalamat sa pagkakataon
upang mabili ang mahahalagang librong iyon
ang halaga'y discounted pa, aba'y salamat doon
pagsulat pa ng science fiction ay malaking hamon
tila ako'y tinawag, at agad akong tumugon

- gregoriovbituinjr.
11.12.2021

ang BookEnds ay isang bookstore sa Lungsod ng Baguio, malapit sa Burnham Park

Kalma lang

KALMA LANG

kalmado pa rin ba ang dagat
kahit na basura'y nagkalat
kahit maraming nabibinat
kahit covid na'y sumambulat

kalmado pa rin ba ang loob
kung ako'y di nakapagsuob
kung sa layon ay di marubdob
kung sa dibdib ay pulos kutob

kalmado pa rin ba ang puso
kung nawala na ang pagsuyo
kung pag-ibig na ay naglaho
kung dumatal na ang siphayo

kalma lang, ang payo sa akin
problema'y huwag didibdibin
anupaman ang suliranin
iyan ay may kalutasan din

- gregoriovbituinjr.
11.12.2021

Habilin

HABILIN

pag ako na'y binurol, may tatlong gabing tulaan
unang gabi'y para sa grupong makakalikasan
ikalawa'y sa kapwa makata, pampanitikan
ikatlo'y luksang parangal, tulaan sa kilusan
habang libing o kaya'y kremasyon kinabukasan

wala na akong ibang hihilingin pa sa burol
pagkat sa panahong iyon ay di na makatutol
bahala na ang bayan kung anong kanilang hatol
sana, sa huling sandali, pagtula'y di maputol
datapwat may isang hiling pang nais kong ihabol

sa lapida'y may ukit na maso na siyang tanda
na ako'y tapat na lingkod ng uring manggagawa
sa ilalim ng pangalan, nasusulat sa baba:
"Makatang lingkod ng proletaryo, bayan at madla
Mga tula'y pinagsilbi sa manggagawa't dukha"

pinagmamalaki kong ako'y nagsilbi ng tapat
bilang aktibistang mulat at kapwa'y minumulat
tungo sa lipunang makatao't lahat ay sapat
makata akong taospusong nagpapasalamat
sa kapwa tibak, sa kamakata, sa inyong lahat

- gregoriovbituinjr.
11.12.2021

Huwebes, Nobyembre 11, 2021

Haplos

HAPLOS

ramdam ko ang paghaplos ni misis
bago siya kanina umalis

haplos na tanda ng paglalambing
kahit di man muna magkapiling

may trabaho siya sa Maynila
ako'y naiwang di makahuma

walang kibo o di makaimik
nasa isip ay isinatitik

gayunman, nanatili ang haplos
na ngayong gabi'y yakap kong lubos

nawa'y magawa lahat ng bilin
di man makatulog ng mahimbing

at inumin ang mga tableta
batay sa nasulat sa reseta

sana'y gumaling na akong lubos
sana'y madama muli ang haplos

- gregoriovbituinjr.
11.11.2021

Punyagi

PUNYAGI

di ako nakasamang lumuwas
ni misis tungo sa kalunsuran;
sa check up ay babalik pa bukas
upang magpatuloy ang gamutan

kayraming dagdag alalahanin:
ang pulmonary tuberculosis
nang doktor ay kanya pang sabihin
na T.B.'y dahil may diabetes

tila isang kanyon ang pumutok
na mukha'y akin ngang nilamukos
mga plema'y dapat kong matutok
kailan ba ito matatapos

ah, nais ko nang lumuwas sana
ngunit sakit ayokong lumalâ
mga plano man ay napurnada
katawan muna'y gawing masiglâ

subalit ako'y magpupunyagi
upang di na magsisi sa huli
bukas muli'y magbakasakali
payo ng doktor, dingging maigi

- gregoriovbituinjr.
11.11.2021

X-ray

X-RAY

natamaan nga ang baga ko, komento ni misis
nang mabasa ang resulta ng x-ray, nang ma-release
ako pala ay may pulmonary tuberculosis
baka epekto ng covid na sa akin dumaplis

dapat magsaliksik upang di na ito lumubha
dapat kong aralin ano ito't dapat magawa
noong nagka-covid, ang oksiheno ko'y bumaba
naagapan naman iyon, buti't di na lumala

di man colored, nakababahala ring magka-T.B.
ingatan ang katawan, umuwi agad sa gabi
bagamat patuloy pa ring sa bayan nagsisilbi
kung makaramdam ng anuman ay agad magsabi

bawat nangyayari'y agad namang itinutulâ
pagkat ito ang kasanayan ng abang makatâ
kwento ng sakit at paggaling ay nasasaakdâ
animo'y paalalang mag-ingat at maging handâ

- gregoriovbituinjr.
11.11.2021

Bago lumuwas

BAGO LUMUWAS

bago lumuwas ng Maynila, nagpa-check up muna
nang malaman kung sa katawan ko'y may nasira ba
nagpa-antigen, buti't negatibo ang resulta
xray, testing ng dugo, general check up talaga

mula sa lalawigan kung saan ako na-covid
pa-Maynila na kami ni misis, walang balakid
anumang resulta ng check up ay dapat mabatid
upang kung mayroon mang sakit ay di na malingid

sa pagbalik ng Maynila'y makikipag-face-to-face
sa mga kasama sa planong aming kinikinis
sabagay, sa tungkulin ko'y ayokong nagmimintis
na ginagampanan kong tapat dugo ma'y itigis

paluwas na kami ni misis, magpapa-Maynila
siya'y may bagong trabaho, ako'y dati, siyanga
magsaliksik, magsalin, magsulat, katha ng katha
bilang secgen ng org, may trabahong dapat magawa

kaya dapat talagang magpalakas ng katawan
sakit ay labanan at ang sarili'y pag-ingatan
palusugin ang bawat kalamnan, puso't isipan
upang tungkuling atang ay talagang magampanan

- gregoriovbituinjr.
11.11.2021

Miyerkules, Nobyembre 10, 2021

Pagbabasa ang aking kanlungan

PAGBABASA ANG AKING KANLUNGAN

pagbabasa ang aking kanlungan
sa panahong yaring diwa'y lutang
kapag buraot ang pakiramdam
kapag panlasa'y walang linamnam
kapag buryong ay di napaparam

sa pagbabasa'y may nararating
lalo't puso't diwa'y nagigising
kunwa'y patungo sa toreng garing
na tambayan daw ng magagaling
na makata't awtor na maningning

pagbabasa ng maraming paksâ
ay malimit ko nang nagagawâ
tulad ng balita, kwento't tulâ
upang diwa'y mapagyamang sadyâ
lalo't akda'y nagbibigay-siglâ

taospusong nagpapasalamat
ang inyong lingkod sa dyaryo, aklat,
magasin, isyung nahahalungkat
pagbabasa'y kanlungan kong sapat
upang maging dilat at mamulat

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Bawal bata

BAWAL BATA

bawal ang bata sa upuan sa harapan ng dyip
di nakaligtas sa akin ang paskil na nahagip
agad nilitratuhan pagkat aking nalilirip
na wasto ang nakasulat, at ako'y napaisip

na kaligtasan agad ng bata ang kahulugan
halimbawa'y isang sanggol na ina ang may tangan
o bata mang di pa pumapasok sa paaralan
na pag biglang nagpreno ang dyip, di sila masaktan

ang kaligtasan ng mga bata'y malaking hamon
lalo't magulang, patunay ang paskil na ganoon
kaya magaling talaga ang nakaisip niyon
kung batas na ito'y saludo sa nagpasa noon

bawal ang bata ipwesto sa madaling disgrasya
sa loob man ng dyip, malayo sa pintuan sila
na sa biglaang preno'y tumilapon, mahirap na
sa naglagay ng paskil, salamat at mabuhay ka!

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Sa Fab

SA FAB

nandito akong muli sa paboritong FabCaffe
datapwat di kape, iniinom ko'y tsokolate
mainit na Dark Choco habang nagmumuni-muni
tangan ang pluma, tikim-tikim, anong sarap kasi

isa ito sa mga malimit kong pagtambayan
kung nais mo akong mahanap ay dito puntahan
at bakasakaling ako'y dito mo matyempuhan
inom lang ng inom habang may pinagninilayan

mamaya, isusulat na kung anong nalilirip
pagkat sa pagmumuni'y marami akong nahagip
tinula ko'y basahin mo't di ka na maiinip
at mababatid mo na rin ang nasa aking isip

kaya sa FabCaffe, taospusong pasasalamat
pagkat dito'y nakaka-relax na't nakasusulat
at kung may suliranin man o ang puso'y may sugat
umorder lang at tumambay sa FabCaffe na'y sapat

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Paalala sa dyip

PAALALA SA DYIP

makatawag-pansin yaong paskil sa nasakyang dyip
matapos magpa-antigen, buti't di na positive
piniktyuran ko ang paskil na kayganda ng hirit
mangingiti ka sa "Bawal ang Kabit, Este Sabit"

dyip sa Baguio iyon, marahil pagsunod sa batas
kung may batas ngang ganito'y di ko pa nawawatas
sa Maynila ko unang nakita't tila paglutas
laban sa sumasabit at nang-aagaw ng kwintas

kaya seguridad iyon para sa pasahero
upang walang basta sumabit sa mga estribo
lalo't may mga isnatser na mabilis tumakbo
kinawawa ang biktimang papasok sa trabaho

bawal na ang kabit, bawal pa ang sabit, kayganda
palabiro man sa paskil, sadyang matutuwa ka
sa pasahero'y seguridad na, paalala pa
salamat sa nakaisip ng paskil, mabuhay ka!

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Sa aklatan

SA AKLATAN

kung sakaling makabisitang muli sa aklatan
nais kong maghapon doon, kahit walang kainan
magbabasa, magsasaliksik, magsusulat lamang
pagbabasa sa aklatan ay gawaing kay-inam

subalit sa pampublikong aklatan ay may oras
na pagdating ng alas-singko'y dapat nang kumalas;
ngunit kung may sariling aklatan, di na lalabas
makakapagbasa ka kahit na papungas-pungas

bumili ka ng aklat, mag-ipon ng babasahin
at sa mga libre mong oras, saka mo basahin
magbasa ka kahit abutin pa ng takipsilim
baka marami kang matuklasan at tutuklasin

dahil ang bawat aklat ay para na ring kapatid
pagkat kayraming kaalamang doon mababatid
mga mensahe ng awtor sa diwa hinahatid
kaya maraming sikretong sa iyo'y di na lingid

- gregoriovbituinjr.
11.10.2021

Martes, Nobyembre 9, 2021

Sagipin ang ating planeta

SAGIPIN ANG ATING PLANETA

kwaderno'y binili dahil sa magandang pamagat
kwadernong tinataguyod ang daigdig ng lahat
na mundong tahanan ay alagaan nang maingat
upang di mapariwara ng ating gawa't kalat

sulatan ng mga katha't ng samutsaring paksa
tungkol sa nangyayari sa kalikasan at madla
tungkol sa nagbabagong klimang ano't lumalala
ang basurang plastik at upos, nakakatulala

"Save Our Planet," ang planeta natin ay sagipin
panawagang ito'y magandang layon at mithiin
sino pa bang magtutulong-tulong kundi tayo rin
na nananahan sa nag-iisang daigdig natin

tara, pag-usapan natin paano isasalba
ang tangi nating daigdig, ang tahanang planeta
pagtibayin ang dapat na plataporma't programa
para sa planeta'y magkapitbisig, magkaisa

- gregoriovbituinjr.
11.09.2021

Lunes, Nobyembre 8, 2021

Makatang nars

MAKATANG NARS

taasnoong pagpupugay sa Pinay, nars, makata
na nagwagi sa British poetry, kahanga-hanga
pangalan niya'y Romalyn Ante, anang balita
sa Jerwood Compton Poetry Fellows napabilang nga

doon sa Britanya, isa siyang tala sa gabi
sadyang nagniningning ang pangalang Romalyn Ante
na co-founding editor pa ng Harana Poetry
na online magazine na sa Ingles kinakandili

di lang makata, tranlator, editor pa't essayist
nars din siyang dalubhasa sa psychotherapeutic
treatment, at marami pa siyang award na nakamit
tunay siyang makatang dangal ng bansa ay bitbit

sa makatang nars, ipagpatuloy mo ang pagkatha
bagamat Pinay kang naririyan sa ibang bansa
mga nakamtan at nagawa mo'y kahanga-hanga
sana maisaaklat na ang iyong mga tula

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato mula sa ulat sa tabloid na Abante, isyu ng Nobyembre 8, 2021, pahina 9

Climate Justice Now!

CLIMATE JUSTICE NOW!

sa pangwalong anibersaryo ng bagyong Yolanda
sa panawagang Climate Justice ay nakikiisa
lalo't COP26 sa Glasgow ay nagaganap pa
kayraming delegadong tinatalakay ang klima

bakit nakiisa ako sa gayong panawagan
isa ako sa nakapunta noon sa Tacloban
nang sumamang magbigay ng relief goods ang samahan
sa mga nasalanta ng Yolanda't namatayan

at isang taon matapos iyon, ako'y nagpasya
sa mahabang lakaran, ang Climate Walk, ay sumama
tutungo kami sa Tacloban mula sa Luneta
naglakad mula Oktubre Dos, at lakad talaga

ilang lalawigan at bayan-bayan ang tinawid
upang mensaheng Climate Justice ay aming ihatid
bakit klima'y nagkaganyan, anong dapat mabatid
anong magagawa ng mga gobyerno't kapatid

nakapaang nilakad ang tulay ng San Juanico
at nakarating sa mismong unang anibersaryo
ng bagyong Yolanda sa Tacloban, Nobyembre Otso
kita'y barko sa lupa't puntod ng mga yumao

makalipas ang isang taon ay naglakad naman
sa ibang bansa, kasama'y naglakad sa Tacloban
ang Pransya'y narating at naglakad sa kalamigan
at pagpasa ng Paris Agreement ay nasaksihan

sa mga nakasama, taospusong pasalamat
sa bawat paglalakbay na tunay na mapagmulat
kaya sa isyu ng klima'y sinusulat ang dapat
tuloy sa hangaring Climate Justice para sa lahat

kaya kumikilos pa ako sa usaping klima
bilang isang manunulat, makatâ, aktibista
panawagang "Climate Justice Now!" ay sinisigaw pa
nang dinggin at kumilos ang mga gobyerno't masa

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato kuha sa Luneta, Oktubre 2, 2014, tangan ng makatâ ang pulang banner

Delta

DELTA

paano ba patutungo sa lungsod na katabi
na mula sa amin ay halos pitong kilometro
ayon sa ulat, delta variant doon ay kaytindi
pagkat nang bilangin, higit sandaan ang may kaso

ang ganoong ulat ba'y ipagwawalang bahala
nais man doong pumunta't may aasikasuhin
ay di mo agad magawa pagkat nababahala
kailangang papeles man ay dapat atupagin

magkagayunpaman, dapat pa rin tayong mag-ingat
lalo ngayong may delta variant na nananalasa
ito'y uri ng coronavirus, ayon sa ulat,
na mas matindi pa raw kaysa covid na nauna

bukod sa delta, may beta variant pang binabanggit
na ayon sa balita'y may limampu't limang kaso
nagka-covid na ako't ayaw muling magkasakit
kaya kalusugan ay pag-ingatan ngang totoo

- gregoriovbituinjr.
11.08.2021

litrato mula sa tabloid na Pilipino Star Ngayon, Nobyembre 8, 2021, pahina 9

Linggo, Nobyembre 7, 2021

Kartilya

KARTILYA

dinaraos tuwing ikapito ng bawat buwan,
ikapito ng gabi, pulong na makasaysayan
doon binabasa ang Kartilya ng Katipunan
sa isang seremonyang talaga namang dibdiban

tulad ng petsa ngayon, ikapito ng Nobyembre
na dinaraos kahit nasa malayo man kami
sumabay man sa Dakilang Rebolusyong Oktubre 
ikasandaang apat na anibersaryo nire

maraming salamat sa pangkat ng Kamalaysayan
o Kaisahan sa Kamalayan sa Kasaysayan
na tuwing sumasapit ang ikapito ng buwan
ay sinasariwa ang Kartilya ng Katipunan

ito'y Kartilyang patnubay sa pagpapakatao
pawang inaaral bago maging Katipunero
sinulat, pinagtibay, pinalaganap sa tao
nina Gat Andres Bonifacio't Emilio Jacinto

higit dalawang dekada ko nang sinasabuhay
ang Kartilyang itong sadyang isinapusong tunay
nakikibaka, maralita't obrero'y karamay
halina't itaguyod sa madla ang gintong gabay

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Wika ng bayani

WIKA NG BAYANI

ang hindi magmahal / sa sariling wikà
ay higit sa hayop / at malansang isdâ
wika ng bayaning / tanyag at dakilà
pamana sa bayan, / sa puso tumudlâ

ang magsamantala / sa obrero't dukhâ
ay kapara na rin / ng kuhila't lintâ
ang sistemang bulok / na kasumpa-sumpâ
ay dapat baguhin / at palitang sadyâ

taludtod at saknong / ng abang makatâ
ay mula sa danas / bilang maglulupâ
na pag sinaliksik / ang mga salitâ
mauunawaan / ang kanyang tinulâ

hinggil sa obrero't / mga maralitâ
yaong karaniwan / niyang mga paksâ
pinag-uukulan / ng panahong sadyâ
upang nasa loob / ay kanyang makathâ

payo ng bayaning / tayo'y maging handâ
sa anumang oras / dumaan ang sigwâ
upang mailigtas / ang mga binahâ
at upang masagip / ang mga nabasâ

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

litrato mula sa google

Sahod

SAHOD

isinusulat kong pataludtod
ang nakakaawa nilang sahod
parang hinihintay sa alulod
patak ng kanilang paglilingkod

pag paksa'y ganyang nakakaluhâ
pagtula'y di na nakakatuwâ
ngunit may tungkulin ang makatâ
na masa'y ipagtanggol sa tulâ

kahit makata'y di mapalagay
bawat isyu'y unawaing tunay
kalutasang dapat matalakay
sahod at lakas-paggawa'y pantay

paano ang dapat nilang gawin
upang mga ito'y pagpantayin
pagkat iyon ang dapat tanggapin
nilang mga sahurang alipin

dapat ay makatarungang sahod
para sa obrerong naglilingkod
makatarungan, pantay na sahod
upang di na sila manikluhod

sa produktong kanilang nalikha
may kapantay na lakas-paggawa
subalit di mabayarang tama
bigay lang ay sahod na kaybaba

negosyo raw kasi ay babagsak
kahit sila'y tumubo ng limpak
obrero'y gumapang man sa lusak
di ibibigay ang sweldong tumpak

anang isang namimilosopo
subukan mo kayang magnegosyo
upang ang ganito'y malaman mo
bakit dapat baratin ang sweldo

at di dapat bayaran ng tama
iyang kanilang lakas-paggawa
baka malaking kita'y mawala
kung ibibigay sa manggagawa

ganyan pag nabisto ang mahika
nitong sistemang kapitalista
kaya manggagawa, magkaisa
baguhin ang bulok na sistema

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021
(Kinatha kasabay ng ika-104 anibersaryo ng Dakilang Rebolusyong Oktubre)

Aanhin pa

AANHIN PA

kasabihang tulad nito
ay pamana sa bayan ko:
aanhin pa ba ang damo
kung patay na ang kabayo

aanhin pa ba ang kumpay
kung wala na ang kalabaw
kanino ka na aakbay
kung katoto mo'y pumanaw

aanhin mo pa ang utang
kung umutang na'y namatay
wala na ngang kasulatan
nakalista pa sa laway

aanhin mo ang pag-ibig
kung may iba kang kaniig
pakakainin mong bibig
sa gutom na'y nanginginig

aanhin mo pa ang kindat
ng bininibing kayrikit
nariyang nakamulagat
ang misis mong anong higpit

aanhin mo ang patuka
kung manok mo'y nawawala
baka kinain ng daga
na hinabol nitong pusa

aanhin mo ang pangulo
kung di nagpapakatao
at wala namang respeto
sa karapatang pantao

aanhin mo pa ang pera
sa palad mo o pitaka
kung may GCash ka na pala
kwarta'y nasa internet na

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Tunggalian

TUNGGALIAN

boksingero kang mahusay
ang madla'y di magkamayaw
nang mapalaban kang tunay
sa katunggaling bakulaw

nakamtan mo ang tagumpay
umuwing pasayaw-sayaw
pulos gastos, pulos tagay
naaksaya'y angaw-angaw

hanggang di ka napalagay
sa pangyayaring lumitaw
lumabas ka lang ng bahay
nang likod mo ay hinataw

namumula na ang latay
gumanti ka't di umayaw
nasaktan na'y di umaray
tuloy pa rin sa paggalaw

sumugod ba'y anong pakay?
inggit ba o pagnanakaw?
bakit ka sinaktang tunay?
ah, ramdam mo'y natutunaw

nang sa banig naparatay
pamilya'y napapalahaw
ramdam mo na'y nasa hukay
tila mundo mo'y nagunaw

- gregoriovbituinjr.
11.07.2021

Sabado, Nobyembre 6, 2021

Ang plant-based menu sa COP26

ANG PLANT-BASED MENU SA COP26 AT ANG KAUGNAYAN NITO SA CARBON FOOTPRINT
Saliksik, sanaysay at tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Upang mabawasan diumano ang carbon footprints ng mga pagkain sa COP26, inihanda ng mga organisador nito ang plant-based menu o yaong mga pagkaing mula sa halaman, tulad ng mga gulay.

Ayon sa inews.co.uk: "The winter squash lasagne, made with glazed root vegetables and vegan cheddar, has been listed as having 0.7kg CO2 equivalent emissions, while the kale pasta, made with spelt fusilli and field mushrooms, comes in at 0.3kg of CO2." Masyadong teknikal pag hindi mo nauunawaan ano ba itong carbon foot prints.

Sa theguardian.com naman: "Plant-based dishes will dominate the menu at the COP26 climate conference, where 80% of the food will be from Scotland. The low-carbon menu includes 95% British food, especially locally sourced Scottish produce, and each menu item has an estimate of its carbon foorprint, "helping attendees make climate-friendly choice."

Nakasaad naman sa greenqueen.com.hk: "Another plant-based dish on the menu is an organic spelt whole-grain penne pasta, which comes with a tomato ragu sauce, kale, and oatmeal-based crumble on top. It's the most carbon-friendly of all, requiring only 0.2 kilograms of CO2 to produce."

Subalit ano nga ba itong tinatawag na carbon footprint, at alalang-alala ang mga organisador nito? Ano ang epekto ng carboon footprint sa atin? At ano ang kaugnayan nito sa ating kinakain?

Ayon sa Oxford dictionary, ang carbon footprint ay "the amount of carbon dioxide and other carbon compounds emitted due to the consumption of fossil fuels by a particular person, groups, etc." Sa Wikipedia, "A carbon footprint is the total greenhouse gas emissions caused by an individual, event, organization, service, place or product, expressed as carbon dioxide equivalent."

Ayon naman sa World Health organization (WHO), "a carbon footprint is a measure of the impact your activities have on the amount of carbon dioxide (CO2) produced through the burning of fossil fuels and is expressed as a weight of CO2 emissions produced in tonnes.

Teka, ang carbon foorprint ay may direktang relasyon sa pagsusunog ng fossil fuel, at walang pagbanggit sa pagkain. Kaya ano ang relasyon ng carbon footprint sa ating kinakain, tulad ng gulay at karne? Ang nakalap na balita at ang kahulugan sa diksyunaryo ay hindi pa natin mapagdugtong. Kailangan pang magsaliksik.

Sa website ng Center for Sustainable Systems ay may ganitong paliwanag: "A carbon footprint is the total greenhouse gas (GHG) emissions caused directly and indirectly by an individual, organization, event of product. It is calculated by summing the emissions resulting from every stage of a product or service's lifetime (material production, manufacturing, use, and end-of-life). Throughout a product's lifetime or life cycle, different GHGs may be emitted, such as carbon dioxide (CO2), methane (CH4), and nitrous oxide (N2O), each with a greater or lesser ability to trap heat in the atmosphere. These differences are accounted for by the global warming potential (GWP) of each gas, resulting in a carbon footprint in units of mass of carbon dioxide equivalents (CO2e).

Ayon pa rin sa nasabing website, hinggil sa pagkain bilang pinagmumulan ng emisyon:
- Food accounts for 10-30% of a household's carbon footprint, typically a higher portion  in lower-income household. Production accounts for 68% of food emissions, while transportation accounts for 5%.
- Food production emissions consist mainly of CO2, N2O, and CH4, which result primarily from agricultural practices.
- Meat products have larger carbon footprints per calorie than grain or vegetable products because of the inefficient conversion of plant to animal energy and due to CH4 released from manure management and enteric fermentation in ruminants.
- Ruminants such as cattle, sheep, and goats produced 179 million metric ton (mmt) CO2e of enteric methane in the US in 2019.
- In an average US household, eliminating the transport of food for one yar could save the GHG equivalent of driving 1,000 miles, while shifting  to a vegetarian meal one day a week could save the equivalent of driving 1,160 miles.
- A vegetarian diet greatly reduces an individual's carbon footprint, but switching to less carbon intensive meats can have a major impact as well. For example, beef's GHG emissions per kilogram are 7.2 times greater than those of chicken.

Sa madaling salita, may bakas ng karbon sa ating kinakain. Ibig sabihin, may inilalabas tayong nakakapag-ambag sa emisyon sa atmospera. Sa paanong porma? Sa pagluluto na lang, may fossil fuel tayong sinusunog sa anyo ng gasul o LPG. Sa paghahatid ng mga produktong gulay mula sa lalawigan patungo sa kalunsuran, may gasolinang sinusunog sa sasakyan.

Mas malaki rin ang carbon footprint ng karne kaysa gulay. Dahil mas magastos ang patabaing baka at baboy kung ikukumpara sa gulay. Pati ang lakas-paggawa ng mangangatay ng hayop ay mas malaki kaysa pagpitas ng gulay. Kaya mas malaki ang carbon footprint ng mga karne kaysa gulay.

Ito ang simple kong pagkaunawa kaya plant-based ang inihahandang pagkain sa COP26 upang mas mababa ang carbon footprint na maiaambag ng mga delegado sa atmospera. At ito rin ang ating itinataguyod upang di lalong lumala pa ang pag-iinit ng klima.

Sa puntong ito, nais kong buodin ang munting talakay na ito sa pamamagitan ng tula:

PAGKAIN AT BAKAS NG KARBON

paano ba uunawain ang bakas ng karbon
o carbon footprint sa mga pagkain natin ngayon 
dapat talagang mabatid ang mga eksplanasyon
upang alam din natin ang gagawin at solusyon

ang carbon footprint ang sukat ng emisyon sa ere
o usok sa atmosperang di makita't masabi
dahil sa pagsunog ng fossil fuel na kayrami
dahil din sa mga coal plants na sadyang malalaki

carbon footprint yaong total ng greenhouse gas emission
dahil sa kagagawan ng tao, organisayon
dahil din sa aktibidad ng mga korporasyon
sa baytang ng paglikha ng produkto'y may emisyon

subalit may carbon footprints din sa pagkain natin
lalo pa sa mga alagang hayop at pananim
mabuting sa bakuran mo manggaling ang pakain
kaysa mula sa ibang lugar sa iyo dadalhin

kumpara sa gulay, mas malaki ang carbon footprint
ng mga karne, ng mga hayop na patabain
kaya sa COP26, gulay na ang hinahain
na malapit lang sa lugar ng pulong ang pagkain

dapat nating maunawaan, talagang masapol
fossil fuel ay sinusunog sa anyo ng gasul
o L.P.G., o natipong kahoy na pinalakol
upang gawing panggatong, makabuo ng espasol

sa munti kong pang-unawa, naibahagi nawa 
ang mga kaalamang dapat mabatid ng madla
pag-isipang mabuti ang ganitong nagagawa
na sistemang ito'y dapat palang baguhing kusa

Mga pinaghalawan:
https://www.theguardian.com/environment/2021/oct/23/cop26-menu-plant-based-dishes-scottish-food
https://www.greenqueen.com.hk/cop26-climate-change-menu/
https://www.veganfoodandliving.com/news/cop26-menu-sustainability-local-plant-based-food/
https://www.republicworld.com/world-news/uk-news/cop26-menu-to-focus-on-plant-based-dishes-to-help-attendees-make-climate-friendly-choices.html
https://inews.co.uk/inews-lifestyle/food-and-drink/cop26-low-carbon-plant-focused-menu-made-with-local-food-will-measure-emissions-of-each-dish-1265977
https://css.umich.edu/factsheets/carbon-footprint-factsheet

Dimas Ugat

DIMAS UGAT

I

ako si Dimas Ugat, makata ng himagsikan
tinutula ang kagalingan ng sangkapuluan
sinusuri ang samu't saring isyu ng lipunan
upang lumaya sa pagdurusa ang sambayanan

ako si Dimas Ugat, yaring makata ng lumbay
na sa mga sugatang puso, doon nakaratay
subalit nagsisipag, patuloy na nagsisikhay
upang ang mga nalulungkot ay mabigyang buhay

ako si Dimas Ugat, makatâ, di man magaling
nakaapak sa putikan, wala sa toreng garing
na maralita't uring manggagawa ang kapiling
makatang piniling dinggin ang api't dumaraing

ako si Dimas Ugat, buhay ko na'y inihandog
upang sagipin ang bayan sa barkong lumulubog
upang sa kapwa dukha'y pitasin ang bungang hinog
at pagsaluhan ng bayan nang lahat ay mabusog

ako si Dimas Ugat, inyong lingkod, naririto
dugo'y ibububo para sa uring proletaryo
kasiyahan ko nang tumula't magsilbi sa tao
inaalay yaring buhay at tula sa bayan ko

II

Dimas Alang si Gat Jose Rizal, bayani natin
bukod sa Pingkian, si Jacinto'y Dimas Ilaw din
si Pio Valenzuela'y Dimas Ayaran ang turing
Dimas Indak si Ildefonso Santos, makatâ rin

- gregoriovbituinjr.
11.06.2021

Paglisan

PAGLISAN

di ko sukat akalaing darating ang panahon
upang di na makatula't sa lupa'y ibabaon
nais sanang maabot ang pitumpu't pitong taon
makasalamuha pa ang sunod na henerasyon

datapwat sadyang ganyan ang buhay, una-una lang
hubad na isinilang, nakabarong na lilisan
tinatanaw ko, ako ba'y may maiiwang utang
na dapat kong bayaran bago man lang mamaalam

sana'y may nagawa ako sa bayang iniibig
at sadyang nakapamuno sa mga kapanalig
habang sinta'y nakaagapay, ako'y kapitbisig
upang prinsipyong niyakap ay di basta malupig

may panahon upang makapagpahinga't humimlay
ngunit ako'y di payag na basta na lang mamatay
dahil ako'y kikilos hangga't may hiningang taglay
upang sa proletaryo't bayan, buhay ko'y ialay

- gregoriovbituinjr.
11.06.2021

Bayani

BAYANI

patay na ang samahan ngunit walang kamatayan
nariyang sinasambit ang samahang Katipunan
at mga nagawa sa kapwa't buong kapuluan
upang lumaya ang bayan sa pangil ng dayuhan

sa mga aping kababayan ay nagmalasakit
sa pagkilos tungo sa paglaya'y nagpakasakit
dangal ng mga ninuno sa balikat ay bitbit
diwa ng Kartilya sa buhay nila'y nakakabit

sila'y totoong bayani nitong Lupang Hinirang
na dapat dakilain dahil tayo'y nakinabang
kaya mga aral nila'y inaral kong matimbang
sinasabuhay ang Kartilyang kanilang nilinang

gagawin ko ang marapat, di man maging bayani
upang sa kapwa'y makatulong, wala mang sinabi
madama ng loob na may naibahaging buti
sa kapwa, sa bayan, sa uri, sa mundo'y nagsilbi

- gregoriovbituinjr.
11.06.2021

Biyernes, Nobyembre 5, 2021

Taumbayan ang bida

TAUMBAYAN ANG BIDA

tinatangka kong magsulat ng kwento at nobela
kung saan nais kong banghay ay akdang walang bida
walang iisang taong ang lahat na'y nasa kanya
kumbaga walang Prince Charming sa tulog na prinsesa

saksi ako sa papel ng madla sa kasaysayan
nakita ko'y mahalagang papel ng taumbayan
na siyang umugit sa kasaysayan nitong bayan
tulad ng Unang Edsang akin noong nasaksihan

bida ang taumbayan, silang totoong bayani
kung wala sila, wala iyang Ramos at Enrile
bayan ang bayani, ang nagpakasakit, nagsilbi
bayani ang bayan, patotoo ko't ako'y saksi

kaya sa pagsulat ko ng kwento o nobela man
walang iisang bida, walang Batman o Superman
walang iisang tagapagligtas ng sambayanan
kundi ang sama-samang pagkilos ng taumbayan

huwag nang asahang may bathala o manunubos
kundi ay pagsikapan ang sama-samang pagkilos
palitan ang sistemang sanhi ng paghihikahos
ganito ang kwento't nobelang nais kong matapos

- gregoriovbituinjr.
11.05.2021

Kwentong bayan

KWENTONG BAYAN

sa ating mga kwentong bayan dapat walang hari
walang reyna, prinsipe, prinsesa, o dukeng imbi
nasaan na sa kwentong bayan ang ating kalahi
tulad ng raha, datu, lakan, na ating kalipi

mayroong hari't reyna sa mga kwentong dayuhan
dahil sadyang may hari't reyna sa kanilang bayan
subalit kung aaralin ang ating kasaysayan
nariyan ang datu, lakambini, lakan, babaylan

dapat sila ang nangingibabaw sa ating kwento
maliban marahil kung sila'y kinahihiya mo
sapagkat mas hanga ka sa mitolohiyang dayo
lalo't di mo batid ang kasaysayan ng bayan mo

kaya hamon sa mga manunulat at kwentista
sa pagsulat ng alamat, pabula, kwentong masa
ikwento ang mga babaylan, sultan, datu, raha
di reyna't hari, dahil wala tayong hari't reyna

may kwentong bayan na ba sa aliping sagigilid
sa namamahay, timawa, at lumayang kapatid
sa mga maralita, manggagawa, magbubukid
na talino't husay nila ang sa bayan ay hatid

ngalan man ng bansa'y mula raw kay haring Felipe
ng Espanya, di tayo liping sa hari magsilbi
tayo'y malayang tao, walang hari o prinsipe
kaya sa ating kwento, taumbayan ang bayani

- gregoriovbituinjr.
11.05.2021

Salawikain

SALAWIKAIN

ang lumakad ng matulin
kung matinik ay malalim
taal na salawikain
ng mga ninuno natin

ang tumakbo ng mabagal
ay di agad hininingal
kung humabol na ang askal
karipas na't mapapagal

bayan nga'y kalunos-lunos
kung mamamayan ay kapos
kung marami ang hikahos
at dukha'y binubusabos

bundok ay kayang tawirin
pag sinimulang lakarin
tuktok ay kayang abutin
pag sinimulang akyatin

payak ang mga kataga
sa isip ay nasok sadya
gumuguhit ang salita
sa kalooban at diwa

- gregoriovbituinjr.
11.05.2021

Huwebes, Nobyembre 4, 2021

Di man matularan

DI MAN MATULARAN

di ko man matularan ang mga obra maestra
nina Balagtas, Amado Hernandez, Abadilla,
Huseng Batute, Francisco Collantes, Rio Alma,
Huseng Sisiw, Benigno Ramos, at Eman Lacaba,
ay patuloy kong tutulain ang buhay ng masa

naging akin ngang inspirasyon ang kanilang tula
upang makalikha rin ng mga tula sa madla
inilalarawan ang buhay ng anak-dalita
pakikibaka't prinsipyo ng uring manggagawa
habang tinutuligsa ang mga trapo't kuhila

lalo't layon at tungkulin ng makata'y manggising
ng mga nagbubulag-bulagan, manhid at himbing
ng mga walang pakialam, ng trapo't balimbing
ng mga walang pakiramdam, mga tuso't praning
ng humahalakhak sa gabi ng tokhang at lagim

patuloy lamang sa pagkatha ang abang makatâ
habang isyu ng masa'y batid, saliksik ang paksâ
habang nagpapaliwanag hinggil sa klima't bahâ
lagi pang kasangga ng pesante, obrero't dukhâ
at kasamang umugit ng kasaysayan ng bansâ

- gregoriovbituinjr.
11.04.2021

Miyerkules, Nobyembre 3, 2021

Puso

PUSO

dinig mo rin ba ang atas ng pusong umiibig
upang mga kutya't linggatong ay iyong madaig
di ba't pag-ibig ang sanhi kung bakit pumipintig
ang iwing pusong sa lamig man ay di palulupig

kung ako'y agila, liliparin ang himpapawid
upang matanaw ang mga baluktot at matuwid
kung ako'y pating, sa kailaliman ay sisisid
upang mga perlas sa inyo'y aking maihatid

ani Balagtas, pag-ibig nga'y makapangyarihan
na pag iyon daw ay pumasok sa puso ninuman
ay hahamakin ang lahat, upang masunod lamang
ang damdaming tunay at talagang ipaglalaban

kaya nang diwata'y makita, agad natulala
di makausap ang nagulumihanang binata
habang ang taludtod at saknong ng abang makata
ay pumipintig na puso sa saliw ng haraya

- gregoriovbituinjr.
11.03.2021

Emosyon

EMOSYON

madalas, naroon akong animo'y nakikinig
sa mga usapang tila sa puso'y nang-uusig
mabuti pang talakayin ang pusong umiibig
kaysa mga usapang ang puso mo'y manginginig

oo nga't nilalayuan ko ang mga emosyon
ayokong makaramdam ng iyakang bumabaon
sa kaibuturan na di na ako makabangon
baka walang makapitan ay mahulog sa balon

sisisirin ko man ang malalim na karagatan
o tatawirin ang pito o walong kabundukan
lahat ay gagawin, huwag lang usapang iyakan
aba'y asahan mo agad iyon ay iiwasan

baka di makatulog, madala sa panaginip
at sa mga gagawin, sa puso na'y halukipkip
matapilok pa sa daan dahil sa kaiisip
mga kataga'y di mabigkas, walang kahulilip

pinatigas man ng karanasan ang pusong bato
subalit sa sermon at luha'y lumalayo ako
iyan nga ang sa kalooban ko'y dumi-demonyo
di maharap ang emosyon, buti pa ang delubyo

mababaw ba ang luha kong basta na lang iiyak
na sa biruan man ay di basta mapahalakhak
subalit hindi, handa akong gapangin ang lusak
upang kapwa'y maipagtanggol at di mapahamak

kung ako'y luluha, tiyak itatago lang iyon
kahit sa harapan ako'y tila astig na maton
pag may nakakaiyak, asahang lalayo roon
upang di basta bumagsak at agad makabangon

- gregoriovbituinjr.
11.03.2021

Ang di lumingon

ANG DI LUMINGON

nang bata pa ako'y / aking natutunan
ang isang kayganda / nating kasabihan:
"Yaong di lumingon / sa pinanggalingan, 
di makararating / sa paroroonan."

anong kahulugan / ng tinurang ito
ng mga ninuno, / pamanang totoo
na bilin sa atin / ay magpakatao
lingunin ang sanhi / ng pagiging tao

isipin mong lagi / saan ka nagmula
kung galing sa hirap / ay magpakumbaba
makisamang husay / sa kapwa mo dukha
lalo't naranasan / ang pagdaralita

kung sakali namang / ikaw na'y yumaman
dahil sa sariling / sikap ng katawan
minsan, lingunin mo / yaong nakaraan
at baka mayroong / dapat kang tulungan

yaong nakalipas / ay ating lingunin
at pasalamatan / silang gabay natin
tulad ng kawayang / yumukod sa hangin
lalo't pupuntahan / ay ating narating

- gregoriovbituinjr.
11.03.2021

Martes, Nobyembre 2, 2021

Tula

TULA

tula ang daan upang sa lubak ay makaahon
habang bagtas ang kumunoy ng covid at depresyon
damdamin ay nilalabas sa taludtod at saknong
di raw kasi makita sa mukha ko ang ekspresyon

habang tinitiis lang ang nararanasang bigat
habang paminsan-minsan pa rin ang pamumulikat
habang iniinda ang nangangalay kong balikat
habang napapatitig sa balantukan kong sugat

mabuti't sa akin ay may tumitinging diwata
at ginagabayan ako ng engkantadang mutya
di hinahayaang anumang sakit ko'y lumala
hanggang init ng katawan ko'y tuluyang bumaba

noong nagdedeliryo'y akin nang isinatitik
ang nasa loob ng walang imik o pagkasabik
mga naranasan sa utak ko'y pabalik-balik
na pawang sa taludtod at saknong naihihibik

- gregoriovbituinjr.
11.02.2021

Palaisipan

PALAISIPAN

ehersisyo mang di halata
sa pabalat nga'y nalathala
anila, "matalas na diwa
palaisipan ang panghasa"

kapag may panahon lang naman
sasagot ng palaisipan
bagong salita'y malalaman
kahit mula sa lalawigan

isa mang pampalipas-oras
o libangan, di man lumabas
tila may kausap kang pantas
na ang talino'y tumatagas

na akin namang sinasahod
ang salitang tinataguyod
na tunay ngang nakalulugod
na sa pagtula'y mga ubod

palaisipang laking tulong
sa mga taludtod ko't saknong
pati na sa anak mong bugtong
upang tumalas pa't dumunong

- gregoriovbituinjr.
11.02.2021

Pagtulos ng kandila

PAGTULOS NG KANDILA

sagisag ng paggunita
ang pagtulos ng kandila
pag-alay sa namayapa
ang pag-alalang ginawa

lalo na't ngayon ay undas
kahit di man tayo lumabas
paggunita'y anong timyas
sa iwing pusong may ningas

kandila man ay iisa
o ito ma'y dadalawa
pagtulos ay pag-alala
na sila nga'y mahalaga

tuwing undas na'y gagawin
kapag undas nga'y gawain
ito'y isa nang tungkulin
sa mga yumao natin

- gregoriovbituinjr.
11.02.2021

Lunes, Nobyembre 1, 2021

Pahiwatig

PAHIWATIG

tunay nga ba ang panaginip na dapat pansinin
at pag-isipan kung ano nga ba ang dapat gawin
anang namayapang lider, ituloy ang mithiin
dahil buhay na namin ang niyakap na layunin

namayapang lider ay nagpayo sa panaginip
o nagunita lamang ang bilin niya sa isip
sa sistemang bulok, manggagawa'y dapat masagip
patuloy na kumilos na prinsipyo'y halukipkip

kaytagal ding kasama ang lider-obrerong iyon
na sa isip o panaginip ko'y nagpayo doon
pagbalik-aralan ang mga dati naming leksyon
magrebyu muli, huwag sa pagtunganga magumon

kung tayo'y isda, nais tayong lamunin ng pating
kung tayo'y sisiw, nais tayong dagitin ng lawin
kung tayo'y langgam, kapitbisig tayong magigiting
bilang tao, lipunang makatao'y ating gawin

huwag hayaan ang kuhilang mapagsamantala
sa pagyurak sa dignidad ng karaniwang masa
di na dapat mamayagpag ang trapo't elitista
na sanhi ng kahirapan at bulok na sistema

salamat sa pahiwatig na sa akin nagpayo
kung manggagawa'y kapitbisig, doon mahahango
upang pagsasamantala ng kuhila't hunyango
sa dukha't karaniwang tao'y tuluyang maglaho

- gregoriovbituinjr.
11.01.2021

Pagkatao

PAGKATAO

payo sa akin nga'y huwag laging nakatunganga
sa kawalan kahit isang masipag na makata
makihalubilo pa rin sa mga maralita
at makipagkapitbisig pa rin sa manggagawa

dapat nang asikasuhan ang anumang naiwang
tungkulin at gawaing sa balikat nakaatang
di dapat kalimutang isang tibak na Spartan
at organisador ng makauring tunggalian

magpalakas ng katawan, muling magbalik-aral
upang sa sagupaan ay di agad matigagal
lalo't buhay ay dedikado sa pagiging kawal
ng kilusang paggawa, kaya huwag hinihingal

di dapat mawala ang ugnay sa sariling uri
bilang proletaryadong may adhikain at mithi
bilang makata'y isulat bawat isyu't tunggali
hanggang mithing lipunang makatao'y ipagwagi

- gregoriovbituinjr.
11.01.2021