Miyerkules, Abril 14, 2021

Paglilinis ng bentilador

PAGLILINIS NG BENTILADOR

bentilador ay isang de-kuryenteng pampahangin
umiikot dahil sa elise o banoglawin
na sa katagalan na rin, nagiging marumihin
na kung di malinisan ay manggigitata ka rin

napakarami nang mga agiw sa bentilador
na nakapatong lamang sa ibabaw ng tokador
kaya akin nang nilinisan, pwera lang ang motor
unang tinanggal ang takip na animo'y andador

ang buong bentilador nga'y maingat kong binaklas
pinunasan ang katawan, ang elise'y kinalas
sinabunan, binanlawan, tubig ang pinanghugas
tinanggal ang agiw, basahang retaso'y pampunas

maiging linisin ng lingguhan, di kada buwan
ang dekuryenteng abanikong ang dulot ay alwan
tandaang elise't katawan lamang ang hugasan
di ang makina o motor, baka masira iyan

sa maruming bentilador, manlalagkit kang labis
lalo na't mabanas ang panahon, nakaiinis
abala sa gawain, tulo ng tulo ang pawis
ah, ginhawa'y dulot ng bentilador na malinis 

- gregoriovbituinjr.

Chili sauce at bagoong lang, ulam na

CHILI SAUCE AT BAGOONG LANG, ULAM NA

marami ang dumidiskarte upang di magutom
tulad ko, pinaghalo ang chili sauce at bagoong
di makalabas, di makabili kahit panggatong
na-lockdown man, nakakatula pa't di nabuburyong

anong tinding salot ang sa bansa'y naninibasib
di maapuhap ang liwanag sa malayong liblib
subalit maghanda pa rin sa anumang panganib
sa panahong itong dapat patibayin ang dibdib

para raw noong panahon ng Hapon, ng Kempei-tai
buti't may mga tanim, mamimitas lang ng gulay
kaysa mamatay sa gutom ay piliting mabuhay
lakasan ang loob, kumilos, tumula, magnilay

upang kasalukuyang sitwasyon ay maikwento
maitula, maisulat, ang sitwasyon ng mundo
manood din ng balita, makinig din ng radyo
bagamat di malaman paano maging kalmado

kahit chili sauce at bagoong lang, basta mabusog
habang mga balita sa puso'y nakadudurog
ano nang klaseng bukas ang ating maihahandog
tila pangarap na lang ang daigdig na malusog

- gregoriovbituinjr.

Martes, Abril 13, 2021

Mag-stay at home kung di magugutom ang pamilya

MAG-STAY AT HOME KUNG DI MAGUGUTOM ANG PAMILYA

mag-stay at home muna ang kanilang paalala
maririnig mong sa telebisyon pa'y kinakanta
mag-stay at home muna ang kanilang propaganda
akala mo'y kaydaling sundin ng dukhang pamilya

mag-stay at home ay payo sa maykaya sa buhay
at hindi sa mga dukhang lagi nang nagsisikhay
kung di kakayod, pamilya'y magugutom na tunay
mag-stay at home ay para lang sa may perang taglay

mag-stay at home muna kung may pagkain sa mesa
at kung di nagsasamantala ang kapitalista
na bantang tanggalin ang manggagawa sa pabrika
o kaya'y gawing kontraktwal ang trabahador nila

mag-stay at home dahil sa lockdown o kwarantina
mag-stay at home muna kung may sapat na ayuda
paano kung wala, aba'y kawawa ang pamilya
kaya dapat tugunan ang problema sa pandemya

sa mga magsasaka, halina't magpasalamat
nang dahil sa kanila'y may mga pagkaing sapat
tatlong beses bawat araw ay naririyang sukat
pag-asa ng masa, tunay na bayani ng lahat

ngayon, dama nating pandaigdigan ang problema
may mga kapalpakan man ay malutas din sana
mga gobyerno nawa'y magtulong para sa masa
walang maiiwan, sana lahat ay may ayuda

- gregoriovbituinjr.

Ilang babasahing pangkalikasan

ILANG BABASAHING PANGKALIKASAN

inipon ko ang ibinigay nilang babasahin
tungkol sa kalikasang dapat alagaan natin
sa mga tulad ko'y inspirasyon ito't aralin
kaya nais kong mag-ambag ng ganitong sulatin

bukod sa pagbabasa nitong mga nakasulat
ay isabuhay din natin ang anumang naungkat
at kung sang-ayon kayo sa nabasa't naurirat
halina't kumilos upang iba din ay mamulat

aralin anong dahilan ng nagbabagong klima
sa mga samahang pangkalikasa'y makiisa
kusang sumapi, kusang tumulong, kusang sumama
at itaguyod ang isang daigdig na maganda

pangarap na isang daigdig na walang polusyon
plantang coal at pagmimina'y isara na paglaon
bakit plastik at upos ay sa dagat tinatapon
bakit sa waste-to-energy ay di tayo sang-ayon

basahin ang Clean Air Act, ang Solid Waste Management Act, 
Toxic Substance, Hazardous and Nuclear Waste Control Act,
Anti-Littering, Pollution Control Law, Clear Water Act, 
bakit dapat nang tuluyang palitan ang Mining Act

inipon ko ang ibinigay nilang babasahin
tungkol sa kalikasang dapat alagaan natin
halina't ganitong sulatin ay ating namnamin
pagkat pawang may makabuluhang aral sa atin

- gregoriovbituinjr.

Tunggalian sa piketlayn

TUNGGALIAN SA PIKETLAYN

nakita ko lamang ang larawang iyon sa opis
anong ganda ng pagkakaguhit, napakakinis
tinanggalan ko ng alikabok hanggang luminis
larawan ng pag-alpas sa hirap at pagtitiis

may pamagat sa ilalim pag iyong tinitigan
nakasulat ng bolpen, "Tunggalian sa Piketlayn"
oo, pagkat iyon mismo ang inilalarawan
mga manggagawang kapitbisig na lumalaban

"Doloricon 87" nasusulat din doon
ibig sabihin, ipininta ni Neil Doloricon
aba'y higit nang tatlong dekada na pala iyon
na tunay na inspirasyon sa magpipinta ngayon

na tulad ko'y inspirasyon din ito sa pagkatha
na sama-samang nakikibaka ang manggagawa
na paabot sa atin ay mapagpalayang diwa
salamat sa larawan, sa laban ay maging handa

- gregoriovbituinjr.

Almusal ko'y pagkatha

ALMUSAL KO'Y PAGKATHA

pagkagising pa lang ay haharap na sa kwaderno
upang isulat agad ang anumang nasa ulo
upang di agad malimutan ang paksa sa kwento
kakathaing tula, sanaysay, mga kuro-kuro

bago mag-agahan, iyon na ang aking almusal
para bagang ang tula'y kape o kaya'y pandesal
habang natutulog, kung saan-saan namamasyal
ang diwa kaya pagkagising ay hihingal-hingal

kayrami kasing pinuntahan, mga nakausap
at nakikipagtalakayan habang nangangarap
madaling araw pa'y magigising, aandap-andap
ang ilawan, pupungas-pungas, mabuting maagap

kaya kwaderno'y ilalabas, magsusulat muli
ng mga danas at tahak, nagbabakasakali
malinaw pa sa diwa ang pakikipagtunggali
at ibaon sa kumunoy ang mga naghahari

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Abril 12, 2021

Patuloy ang paggawa ng ekobrik at yosibrik

PATULOY ANG PAGGAWA NG EKOBRIK AT YOSIBRIK

sa kabila ng lockdown ay patuloy ang paggawa
ng ekobrik at yosibrik kahit na walang-wala
makatulong sa kalikasan nga'y aking adhika
ito'y isa nang layuning nasa puso ko't diwa

nalulunod na sa upos ang ating karagatan
ikatlo sa pinakamarami'y upos na iyan
tambak na ang basurang tao ang may kagagawan
daigdig nating tahanan ay naging basurahan

kaya nagpasya akong huwag magpatumpik-tumpik
maggupit-gupit ng mga plastik at isisiksik
sa boteng plastik upang makagawa ng ekobrik
mga upos ng yosi naman para sa yosibrik

mga gawang sa kalikasan nakakatulong 
lalo na't nasa lockdown, panahong nakakaburyong
kung sakaling sa kolehiyo man ay nakatuntong
anong magagawa mo sa kalikasan, ang tanong

paano lulutasin ang basurang pulos upos
kabaliwan nga ba ang pageekobrik kong lubos
pagmasdan mo ang dalampasigan, kalunos-lunos
basura na'y naglulutangan, isda'y kinakapos 

mga ginagawang ito'y pagbabakasakali
na may magagawa pa upang basura'y mapawi
pagtataguyod din ng pagbabago ng ugali
upang ganda ng kalikasan ay mapanatili

- gregoriovbituinjr.

Pagtipa sa tiklado

PAGTIPA SA TIKLADO

naranasan ko noong tumipa sa makinilya
upang sa guro'y maipasa ang asignatura
nagtitipa pa rin kahit wala na sa eskwela
upang akdang nasa isip ay maitipa ko na

oo, naabutan ko pang magmakinilya noon, 
at gamit ko na sa pagtipa ay kompyuter ngayon
instrumento'y umuunlad paglipas ng panahon
mas nagiging kumplikado kaya aralin iyon

noon, upang dumami ang kopya ng dokumento
gagamit ng carbon paper at salitan pa ito
ngayon, may printer na't i-print kung ilan ang gusto mo
o kaya'y ipa-xerox mo na lang ang mga ito

kaysarap magtipa sa makinilya, anong sarap
dinig mo ang tak-tak-tak, sung, animo'y nasa ulap
sinulat ko sa papel ay tinipa ko nang ganap
lalo't mga tula ng kabataan ko't pangarap

hanggang ngayon, patuloy pa rin akong nagtitipa
ng aking mga karanasan, pagsusuri't haka,
ng misyon, pakikibaka't mapagpalayang diwa
habang buhay pa'y titipain bawat likhang akda

- gregoriovbituinjr.

Magtipid sa tubig

MAGTIPID SA TUBIG

magtipid sa tubig, ang bilin sa akin ng guro
ngunit di ibig sabihin, huwag ka nang maligo
kundi imbes na shower, ang gamitin mo ay tabo
magtipid sa tubig, di tipirin, ito ang payo

at kung magsesepilyo naman, gumamit ng baso
ngunit huwag hayaang tulo ng tulo ang gripo
tanggalin mo muna ang tirang pagkain sa plato
baka kasi ito pa'y makabara sa lababo

pambuhos sa inidoro'y imbak na tubig ulan
planuhin ang gagawin, maglaba lang ng minsanan
huwag isa-isa ang paghugas sa kinainan
tipunin muna't isa lang ang maghuhugas niyan

pag tag-ulan na, dapat may dram o timbang panahod
na sasalo ng tubig-ulan galing sa alulod
pambuhos sa kasilyas, tubig itong nakabukod
pandilig din sa halaman at gulay sa bakod

ituro rin sa mga batang magtipid sa tubig
na mahal ang presyo nito, sa dibdib ay ligalig
paggamit ay planuhing maigi, magkapitbisig
ang mag-aaksaya nito'y dapat lamang mausig

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Abril 11, 2021

Kwadernong pangkalikasan 4

KWADERNONG PANGKALIKASAN 4

tubig ay huwag aksayahin
ang luntiang gubat ay damhin
lunting syudad ay pangarapin
mithing lunti sa mundo natin

salamat sa kwadernong lunti
sa panawagan nito't mithi
kalikasa'y mapanatili
na isang pagbakasakali

na marinig ng mamamayan
ang ating Inang Kalikasan
na puno ng dusa't sugatan
at dapat nating malunasan

tambak na ang basurang plastik
kaya ako'y nageekobrik
dagdag pa ang pagyoyosibrik
na tungkuling nakasasabik

ayusin ang basurang kalat
linisin sa layak ang dagat
nagkakalát sana'y malambat
habang di pa huli ang lahat

walang aayos ng ganito
kundi tayo ring mga tao
dapat nang ayusin ang mundo
at sistema'y dapat mabago

- gregoriovbituinjr.

Kwadernong pangkalikasan 3

KWADERNONG PANGKALIKASAN 3

magaling ang lumikha ng mga kwadernong iyon
mulat sila sa problema ng kalikasan ngayon
anong nangyari nang manalasa ang baha noon
anong epekto sa bayan, saan na paroroon

tatak-pangkalikasan sa kwaderno'y mapagmulat
ekolohiya'y suriin, kumilos tayong lahat
kalikasa'y alagaan, tayo'y hinihikayat
baguhin ang sistema sa mundo ang kanyang banat

tatak-pangkalikasan sa kwaderno'y mapang-usig
humihiyaw ang kalikasan, di natin marinig
kapitalismo'y mapanira, dulot ay ligalig
pagmimina, pagtrotroso, limpak na tubo'y kabig

dinggin ang tinig ng kalikasan, ang kanyang hiyaw
islogan sa kwaderno'y tila sa dibdib balaraw
mga nakasulat doon ay pawang alingawngaw
ng Inang Kalikasang ngayon ay pumapalahaw

maraming salamat, may mga ganitong kwaderno
na nagpapaalala sa mag-aaral, sa tao
na alagaan ang kalikasan, ang buong mundo
panawagang ito'y isabuhay nating totoo

- gregoriovbituinjr.

Kwadernong pangkalikasan 2

KWADERNONG PANGKALIKASAN 2

kalikasan ay alagaan natin
ito'y isang mahalagang tungkulin
na kung sa mundong ito'y dadanasin
ang kalamidad ay mabawasan din

tatak-pangkalikasan sa kwaderno
ay tagapagpaalala sa tao
na huwag magpapabaya sa mundo
kung di man, maging handa sa delubyo

kayrami nang nakaranas ng Ondoy,
ng Yolanda, na unos ang nagtaboy
sa atin sa tahanan, ay, kaluoy
dati'y may bahay ay naging palaboy

nagbabago't nagbabaga ang klima
sa pagharap dito'y handa ka na ba?
polusyon sa kalusugan ng masa
tubig na kaymahal, naaaksaya

paalala sa kwaderno'y kaygaling
na sa masa'y talagang nanggigising
islogan sa kwaderno'y ating dinggin
kalikasan ay alagaan natin

- gregoriovbituinjr.

Kwadernong pangkalikasan 1

KWADERNONG PANGKALIKASAN 1

mga kwadernong iyon ay binili ko kaagad 
sapagkat kalikasan yaong sa akin bumungad
bumunot sa bulsa, sana'y di kulang ang pambayad
pinili ko'y mga pangkalikasang sadyang hangad

bumili muna ng lima dahil kulang ang pera
sana'y di agad maubos, sana'y makabili pa
bukas pa mababalikan ang kwadernong kayganda
kinabukasan nga bumalik, binili'y anim pa

ang balak ko rito'y pangregalo sa inaanak
upang habang maaga'y mamulat sa tinatahak
alagaan ang kalikasan, bundok, ilog, lambak
upang malunasan ang sugat nitong nagnanaknak

oo, dahil sa tao, may sugat ang kalikasan
dahil paligid natin ay ating dinudumihan
dahil daigdig natin ay ginawang basurahan
dahil plastik ay naglipana na kung saan-saan

mga kwaderno'y nagtataguyod at nagmumulat
upang kalikasan ay alagaan nating sukat
upang di malunod sa mga basura sa dagat
sa lumikha ng kwaderno'y marami pong salamat

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Abril 10, 2021

Pusang itim

PUSANG ITIM

anong kasalanan ng pusa kung siya'y maitim
anong kasalanan ng Negro kung sila'y maitim
takot sa pusang itim, dahil ba sa pamahiin
pag may nakitang pusang itim, disgrasya'y darating

pamahiin ay walang siyentipikong batayan
walang patunay sa agham ang paniwalang iyan
panakot lang daw ng matatanda sa kabataan
upang umuwi agad ng maaga sa tahanan

may akdang "The Black Cat" ang makatang Edgar Allan Poe
bantog na awtor ng mga kwentong horror sa mundo
pusang itim nga ba'y nakakatakot na totoo
o sapagkat natakot ang madla sa kwento ni Poe

pag sa paglalakad mo, pusang itim ay nakita
huwag ka na raw tumuloy, baka ka madisgrasya
at baka sa anumang gagawin mo'y malasin ka
tawag sa pagkatakot na ito'y mavrogatphobia

subalit ano bang kasalanan ng pusang itim
upang ituring siyang tagapagdala ng lagim
wala, kundi ipinanganak lang siyang maitim
ang masama'y ang maniwala pa sa pamahiin

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Baliwag na diwa

BALIWAG NA DIWA

bihira lang may mag-like sa tula kong isinulat
di mag-like dahil marahil tulang may tugma't sukat
bagamat baliwag na diwa'y inakdang maingat
bagamat talinghaga'y sisisirin pa sa dagat
kayâ kung nag-like ka, taos-pusong pasasalamat

baliwag na diwa, talinghagang di pa unawa
na kinapapalooban ng layon ko't adhika
sa katutubong panitikan ay namamanata
na itataguyod ang akda sa sariling wika
nawa ito'y mamunga ng nagniningas na diwa

minsan sa pag-iisa ko'y naroong naninindim
hinahatak ang talinghaga sa balong malalim
upang ikwento ang tokhang na karima-rimarim
pagkat maraming tinimbuwang sa gabi ng lagim
agam-agam ang panlipunang hustisya sa dilim

naroroon kaya ang pag-ibig sa mga ulap
habang nananaghoy ang mga pusong naghihirap
ang hustisya kaya'y makakamtan sa hinaharap
karapatang pantao ba'y rerespetuhing ganap
maaabutan pa kaya ang lipunang pangarap

kayraming baliwag na diwang dapat isaisip
nabubuo ang haka sa kutob na di malirip
kinabukasan ng bansa'y paano masasagip
laban sa mapagsamantala, mapang-api't sipsip
kalagayan ay totoo, di isang panaginip

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Abril 9, 2021

Tula sa Araw ng Kagitingan

TULA SA ARAW NG KAGITINGAN

halina't alalahanin yaong kabayanihan
ng mga kababayang lumaban para sa bayan
ikasiyam ng Abril nang bumagsak ang Bataan
sa kamay ng Hapon, ng mananakop na dayuhan

Ikalawang Daigdigang Digmaan nang mangyari
ang sagupaang iyong ang namatay ay kayrami
napasuko ang Pilipino sa gerang kaytindi
sumuko naman ang mga Kanong di mapakali

ang Bataan at Corregidor sa lupa'y nabaon
iyon ang natitirang tanggulan laban sa Hapon
ang Timog-Silangang Asya noong panahong iyon
ay halos nasakop na raw ng bansang Japan noon

prisoner of war ang halos walumpung libong kawal 
ayon pa sa kasaysayan, na atin ding inaral
Death March mula Bagac hanggang Capas, nakagigimbal
sandaang kilometrong hakbang, buti't may tumagal

huwag kalimutan ang nakibakang Hukbalahap
na nagtanggol din sa bayan sa kabila ng hirap
ipinaglaban ang kinabukasang hinaharap
sinagupa ang daluyong ng mga mapagpanggap

Araw ng Bataan, naging Araw ng Kagitingan
na dati ring Araw ng Corregidor at Bataan
taas-kamaong pagpupugay sa kabayanihan
ng mga lumaban at namatay para sa bayan

- gregoriovbituinjr.
04.09.2021

Aswang o akyat-bahay gang?

ASWANG O AKYAT-BAHAY GANG?

sa ibang lalawigan, ang nasa bubong ay aswang
sa lungsod naman, nasa bubong ay akyat-bahay gang
iba't ibang paniniwalang dapat lang igalang
kung paano makaligtas laban sa pusong halang

aralin ang istruktura ng tahanang ginawa
marahil, nasa bubong ay ibon o kaya'y pusa
mahirap nang makaharap yaong kasumpa-sumpa
at papetiks-petiks ka lang, iyon pala'y may banta

huwag pakuya-kuyakoy, alamin ang paligid
baka may nangyayari na't sa iyo'y nalilingid
may nakapasok nang ibang tao'y di mo pa batid
mahirap manggalaiti't lumalabas ang litid

sa kalunsuran din naman ay nauso ang aswang
mga uhaw sa dugo na sa gabi'y nanonokhang
wastong proseso ng batas ay di na iginalang
malalaman mo na lang na kayraming tinimbuwang

higit pa sila sa akyat-bahay, uhaw sa dugo
na buhay ng maraming inosente'y pinaglaho
mag-ingat, maging alisto, dapat loob ay buo
dapat silang panagutin sa krimeng itinago

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Haka sa isang spiderman

HAKA SA ISANG SPIDERMAN

nakakita na naman
ng isang Spiderman
sapantaha ko lamang
baka akyat-bahay gang

buti't wala pang krimen
di pa siya salarin
anong daling pasukin
buti't bantay ko pa rin

mababa lang ang pader
makukuha'y kompyuter
kaya mag-ingat, aber
dahil baka ma-murder

ako'y nagpakita nga
nagluto sa kusina
buti na'ng laging handa
anuman ang magbadya

kaya laging mag-ingat
mahirap makalingat
lalo't baka masilat
sa aktong di masukat

- gregoriovbituinjr

Pinaghalong itlog at zucchini

PINAGHALONG ITLOG AT ZUCCHINI

itlog at zucchini'y pinaghalo
kaysarap naman ng aking luto
almusal muna nang di maglaho
ang tamis ng lutong may pagsuyo

ang zucchini'y padala ni misis
kasama ng maraming kamatis
tila pipinong may ibang bihis
ang zucchining tikman mo't kaytamis

maraming salamat sa zucchini
may pagkain sa araw at gabi
meryenda na ring nakawiwili
habang nakatitig sa kisame

nakakasulat, may inspirasyon
nakakatula, may nalalamon
habang sinusuri ang maghapon
upang maharap ang bagong hamon

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Abril 8, 2021

Ang talambuhay ko'y tula

ANG TALAMBUHAY KO'Y TULA

"A poet's autobiography is his poetry. Anything else is just a footnote." ~ Yevgeny Yevtushenko

bilang makata'y maraming nagtatanong sa akin
anong talambuhay ko't isasama raw sa aralin
ginunam-gunam ko kung ito ba'y espiyang itim
baka nakahandang ako'y ipakain sa pating

dangan kasi'y aktibista itong makatang gala
batid ang isyung desaparesido, nangawala
lalo na't may Anti-Terror Law na talagang banta
sa kung sinong sa may maling gawa'y manunuligsa

hanggang mabasa ko ang sinabi ni Yevtushenko
isang nobelista, mandudula, makatang Ruso
aktor at direktor sa mga pelikula nito
nayong Zima, Siberia, isinilang na totoo

anya, talambuhay ng makata'y ang kanyang tula
ang iba pang tungkol sa kanya'y simpleng talababa
kaya tungkulin, pangarap, tindig, prinsipyo't diwa
ng inyong abang lingkod ang madalas napapaksa

nasa kinathang tula ang aba kong talambuhay
mabasa ito'y matatagos ang buod kong tunay
detalye't petsa'y sa talababa mo mahuhukay
subalit nasa tula ang kabuuan kong taglay

- gregoriovbituinjr.

Ilang kwento ng nagdaang panahon

ILANG KWENTO NG NAGDAANG PANAHON

kaytagal nang nangyari, panahon pa ni Mahoma
nang napasagot ni Tatang ang butihin kong Lola
mahigpit na ang sinturon, naningalang pugad na
katwiran ni Tatang, si Lola'y mahaba ang palda

nineteen kopong-kopong nang naisulat ang salaysay
naggiyera patani ang magkaribal na tunay
nagbalitaktakan sa mga isyung natalakay
nagpayabangan lang ngunit di nakuha ang pakay

panahon ni Limahong ay may naningalang pugad
naroon ang tandang, dumalaga'y gumiri agad
nang malaman ng matatanda'y kasal na ang hangad
at baka raw may nabuong sa tiyan sumisikad

panahon ng Kempei-tai ay maraming nadisgrasya
pagkat ginahasa ng Hapon ang mga dalaga
lumipas ang panahon, dumaa'y deka-dekada
nang maraming lola ang nanawagan ng hustisya

iba't ibang panahong nagdaan sa kasaysayan
ano-anong aral ang ating mahihiwatigan
nang di maulit ang mga mali ng nakaraan
nang hustisya't pantaong karapatan ay igalang

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Ang tema ng World Health Day 2021

ANG TEMA NG WORLD HEALTH DAY 2021

ang tema ng World Health Day ngayong taon ay nabanggit
ng isang kasama sa pahayag niyang kaypait
"Building a fairer, healthier world" ang temang kaylupit
pagbuo ng mundong malusog at pantay ang giit

kaygandang tema, mundong malusog, lipunang pantay
ngunit paano matutupad ang ganitong pakay
kung kapitalismo pa rin iyang sistemang taglay
kung elitista't burgesya'y naghahari pang tunay

pantay na mundo sa ilalim ng kapitalismo
malusog na daigdig kahit walang pagbabago
isang mundong ang karapatan ay ninenegosyo
may hustisya't karapatan ba sa sistemang ito?

oo, pangarap natin ang malusog na daigdig
at may pantay na lipunang ang lahat ay may tinig
pulubi't dukha'y di naiiwan, masa'y di lupig
at sa gahamang kapitalismo'y di nakasandig

kaygandang pangarap, pantay at malusog na mundo
bago maitatag, palitan ang kapitalismo
at tanggalin ang ugnay sa pag-aaring pribado
magkaisa't magkapitbisig ang uring obrero

pag nangyari muna iyan saka natin kakamtin
ang lipunang walang pang-aapi't pang-aalipin
lipunang malusog at pantay ay itatag natin
halina't kumilos, pangarap na ito'y tuparin

- gregoriovbituinjr.

* litrato mula sa google

Miyerkules, Abril 7, 2021

Muli, sa aking diwata

MULI, SA AKING DIWATA

di kayang mabahiran ng lumbay
pagkat laging matimbang ang pakay
habang kasama ang mutyang tunay
iwing pusong ito'y matiwasay

halakhak niya'y kaysarap dinggin
ay, siyang tunay, kaypalad ko rin
tila diwata sa papawirin
na hinahabol lagi ng tingin

malayo man siya'y anong lapit
habang nariritong nakapikit
lalo't palad nami'y magkadikit
diwata ko'y sadyang anong rikit

sa problema'y di nagpapadaig
pagkat solusyon ang nananaig
hangga't ang puso ko'y pumipintig
naririto akong umiibig

- gregoriovbituinjr.
04.07.2021 (World Health Day)

Munting hiling ngayong World Health Day

MUNTING HILING NGAYONG WORLD HEALTH DAY

pandemya, lockdown, coronavirus
sa ulat, libo-libo'y namatay
isang trahedyang kalunos-lunos
sa yugtong ito ng ating buhay

nananalasa ang COVID-19
sa maraming bahagi ng mundo
pag nala-lockdown, walang makain
tila baga pag-asa'y naglaho

kahit na nariyan ang protocol
at ang sarili'y disiplinahin
kung walang makain, mas masahol
gayunpaman, ito'y dapat sundin

subalit kailangang tumindig
ng bawat isa sa nangyayari
ngayong World Health Day ay isatinig
kung ano ba ang makabubuti

palpak nga ba ang pamahalaan
sa pagtugon sa pandemyang ito
na pulos lockdown lang daw ang alam
pulos modipikasyon daw ito

ngayong World Health Day, ang hiling ko lang
ayusin sa bansa'y health care system
kung paano'y dapat pagtulungan
ng eksperto't mamamayan natin

- gregoriovbituinjr.
04.07.21

Mga nilikhang berdugo ng rehimen

MGA NILIKHANG BERDUGO NG REHIMEN

mga naglalaway sa dugo, sangkaterbang aswang
na sa inosente'y walang prosesong nananambang
nakatayo lang ay bigla na lang tinitimbuwang
ng mga nilikhang berdugo ng rehimeng tokhang

ang nais lang daw nila, pasaway ay mapatino
ngunit bakit buhay nito'y kanilang pinaglaho
disiplina't pagkauhaw sa dugo'y pinaghalo
di na iginalang ang batas, nambasag ng bungo

dahil mayhawak ng gatilyo kaya anong yabang
aba'y sagot naman daw sila ng pangulong halang
kaya kaylakas ng loob pumaslang ng pumaslang
atas kasi ng pangulo nilang talagang bu-ang

sila ang mga nilikhang berdugo ng rehimen
dugo't laman ng inosente yaong kinakain
sana'y matigil na ang kanilang pagka-salarin
at panagutin sila sa ginawang mga krimen

- gregoriovbituinjr.

Ang mabait

ANG MABAIT

tawag sa kanila'y mabait, totoo, mabait
marahil dahil sila'y tahimik kaya mabait
di naman maiingay ang daga't kanyang bubuwit
tahimik lang sisirain yaong gamit mo't damit

nais lang namang kumain saanman naroroon
kahit na mumo lang o kaya'y tira-tirang litson
aba'y kapag kinanti mo sila, lagot ka ngayon
gaganti sila't sira-sira ang iyong pantalon

paano mapaglalaho ang mabait na iyan
o kaya iyang mabait ay lasunin mo naman
pag namatay sa sulok, mamamaho ang tahanan
o makabubuti bang sila na lang ay hayaan

ang mabait, ang mababait, naroon sa sulok
maya-maya't magtatakbuhan, may pagkaing bulok
para bagang magnanakaw, tatangayin sa sulok
ng mabait ang itinapong tira-tirang manok

- gregoriovbituinjr.

* pasensya na sa litrato, baka masuka ang iba pag daga ang litrato, kaya mouse na lang ng kompyuter
* litrato mula sa google

Ang payo pagkaihi

ANG PAYO PAGKAIHI

payak na panawagan
disiplina lang naman
inihia'y buhusan
o kaya'y i-flush mo lang

naunawaan mo ba
may gagamit pang iba
ika nga, ikaw pa ba
ang walang disiplina?

ang kapwa'y irespeto
i-flush ang inidoro
may gagamit pa nito
kung ayaw mong masargo

di mapalot, mapanghi
di mangamoy ang ihi
at di nakadidiri
maginhawa palagi

ito lang ay panuto
nang di tayo mamaho
maraming salamat po
sa pagsunod sa payo

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa istasyon ng MRT

Martes, Abril 6, 2021

Ang lambana

ANG LAMBANA

oo, siya nga'y nakita ko na, isang lambana
lilipad-lipad, bubulong-bulong sa aking taynga
nasaksihan niya ang pagdiga ko sa dalaga
na ngayon ay naging kasama ko't napangasawa

anong rikit ng lambanang iyon, palipad-lipad
na di ko matingkala saan nanggaling na pugad
habang kinakayod ko ang niyog ng anong kupad
nag-iingat lamang akong magkasugat ang palad

ang lambana'y naroong tila bantay sa paglaki
gabay ko kahit sa panliligaw sa binibini
patnubay ko laban sa mga tulisan ng gabi
giya upang matalunton ang hahakbangang sibi

anang lambana'y di totoo ang kapre o aswang
ngunit matakot ka sa sinasabi nilang tokhang
buti na lang may lambanang gabay mula pagsilang
upang maiwasan ko ang anumang pananambang

- gregoriovbituinjr.

* lambana - sa Ingles ay fairy
* litrato mula sa google, sa Encantadia ng GMA 7, nagngangalang Muyak ang lambana sa litrato

Soneto 5 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 5 - para sa April 7 (World Health Day)

AYUSIN ANG PHILIPPINE HEALTH CARE SYSTEM!

ayon sa ulat, libo'y namatay sa COVID-19
labingtatlong libong higit na, nakakapanimdim
pag ganito ang nangyayari'y karima-rimarim
ang dapat na'y ayusin ang Philippine Health Care System

anang iba, wala kasing komprehensibong plano
na pulis at militar ang solusyon ng gobyerno
coronavirus ang kalaban, pinuntirya'y tao
naging bulag na tagasunod ng panggulong amo

binaril si Winston Ragos, pasaway ay nasaktan
coronavirus ang kalaban, di ang mamamayan
ang dapat pag-isipan ay kalusugan ng bayan
serbisyong medikal, di militar, ang kailangan

ayusin ang Philippine Health Care System, aming hiyaw
ito'y makatarungang gawin at dapat malinaw

- gregoriovbituinjr.

Soneto 4 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 4 - para sa April 7 (World Health Day)

TRABAHO AT AYUDA, HINDI TANGGALAN!

ramdam ng manggagawa sa lockdown, panay ekstensyon
nawalan na ng trabaho'y kayrami pang restriksyon
wala nga bang plano kaya pulos modipikasyon?
na sa una pa lang ay di malaman ang solusyon?

nagsasara ang kumpanya, kaya pulos tanggalan
pati pagkakataon pa'y pinagsamantalahan
regular na manggagawa'y kanilang pinalitan
ng mga kontraktwal, aba'y napakasakit naman

dapat pangalagaan ang trabaho ng obrero
lalo't pandemya't lockdown pa sa mga lugar ninyo
subalit kontraktwalisasyon pa'y sinabay dito!
sadya bang walang puso ang kapitalistang tuso?

sigaw namin: Trabaho't Ayuda, Hindi Tanggalan!
sistemang kontraktwal ay dapat alising tuluyan!

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Abril 5, 2021

Soneto 3 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 3 - para sa April 7 (World Health Day)

Libre at Epektibong Bakuna Para sa Lahat!

gaano nga ba kamahal ang naririyang bakuna?
kundi man libre'y abotkaya ba iyan ng masa?
paano matiyak di iyan tulad ng dengvaxia
na ayon sa mga ulat, kayraming namatay na

paano ba mawawala ang ating agam-agam
at makumbinsi tayo sa paliwanag ng agham
ang kamahalan ng bakuna'y tila di maparam
sa katulad kong mamamayang dapat makaalam

ulat sa telebisyon, kayraming senior citizen
ang nabakunahan, nakakatuwa kung isipin
di na ba sila magkakasakit, kung di sakitin
sa balita, nakumbinsi bang magpabakuna rin

libre at epektibong bakuna para sa lahat
sa mga manggagawa't dukha, ito sana'y sapat

- gregoriovbituinjr.

Soneto 2 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 2 - para sa April 7 (World Health Day)

Solusyong Medikal, Hindi Militar!

dapat ipaunawa sa tao ang kalagayan
ng sakit na COVID-19 sa ating mamamayan
di dapat pinapalo ang lumabas ng tahanan
mga pasaway ay huwag naman agad sasaktan

dahil ang mga unipormado'y di mga hari
na hahampasin pa ng mga yantok nilang ari
na didisiplinahin kang pilipit ang daliri
na totokhangin ka kaya magdasal na sa pari

ang problema'y ang COVID-19, ang coronavirus
bakit papaluin yaong lumabas na hikahos
na hanap ay pagkain para sa pamilyang kapos
diwa ng unipormado'y sumunod lang sa utos?

solusyong medikal, hindi militar, ang dapat gawin
COVID-19 ang kalaban, di mamamayan natin

- gregoriovbituinjr.

Soneto 1 - para sa April 7 (World Health Day)

Soneto 1 - para sa April 7 (World Health Day)

Libreng Mass Testing, Ngayon Na!

di natin malaman kung sino ang mga maysakit
lalo na sa kapitbahayan nating dikit-dikit
di natin alam na ang kausap nating kayrikit
ay siya palang hahawa sa atin, anong lupit

di rin niya alam na maysakit na pala siya
dahil wala pang testing na naganap sa kanila
lahat na lang tayo'y pawang duda sa isa't isa
kaya dapat mag-face mask at mag-face shield sa tuwina

kung may pag-testing man ay pupunta ka sa ospital
magbayad ka ng anim o pitong libo, kaymahal
paano ang dukhang sa presyo pa lang ay aangal
magbabayad pa sa testing, wala ngang pang-almusal

"Libreng Mass Testing, Ngayon Na" ang ating panawagan
na sana'y agad matugunan ng pamahalaan

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Abril 4, 2021

Ako raw ay isang bolerong makata

AKO RAW AY ISANG BOLERONG MAKATA

ako raw ay isang bolerong makata
isang salawahan sa pagsasalita
di ito totoo dahil pawang bula
ako'y nanunumpang tapat sa salita

ang mga salita'y kaya kong tahiin
pagpupuluputin o pagtatagniin
pagkat makata ngang wika'y hahabihin
di ibig sabihing salawahan na rin

sabi sa Kartilya, sa taong may hiya
ang salita'y sumpa, nakakatulala
ngunit inangkin kong tapat na adhika
ng Katipunerong bayani't dakila

ako'y manunulang tapat sa pag-irog
pagsintang alay ko'y talagang kaytayog
ang totoo niyan, ako ang bubuyog
na mahiyain ma'y makapal ang apog

hanap ko'y bulaklak, ang magandang rosas
na aalayan ko ng pagsintang wagas
kung ako'y makatang bolero'y di ungas
nais kong pagsinta'y parehas at patas

handang ipaglaban ang tanging pag-ibig
sa wasto lang ako makikapitbisig
sa tama lang ako kung inyong marinig
subalit ang mali'y aking inuusig

kaya inyong dinggin ang aking pahayag
sa tula ko'y wala kayong idaragdag
tulang may prinsipyo, tulang pumapalag
pagkat di malambot, diwa'y di matinag

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Ang buhay ng magkasuyo

ANG BUHAY NG MAGKASUYO

ako ang hari, siya ang reyna
ako ang ama, siya ang ina

ako ang barako, ang lalaki
siya ang diwata, ang babae

I am the man but she is the boss
siya nga'y sinisinta kong lubos

kakaiba ang tatak sa baso
na tila baga patama ito

sa pag-ugnayan ng magsing-irog
sa pagsinta nilang anong tayog

sino ang alalay, sinong amo
sino sa taas o sa imbudo

gayunpaman, sila'y magkasuyo
magkasama kahit sa siphayo

na sa ginhawa man o sa hirap
ay lalaging magkasamang ganap

magkasama kahit magkasakit
walang iwanan kahit na gipit

tapat ngang nagmamahalan sila
bilihin ma'y nagmamahalan na

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa isang restawran niyang kinainan

Ang gawaing pagsasalin

ANG GAWAING PAGSASALIN

ang gawaing pagsasalin
ay niyakap kong tungkulin;
makabuluhang gawain
makatuturang layunin

yaong mga kahulugan
ng mga tekstong dayuhan
ay dapat maunawaan
ng babasang mamamayan

binabasa ng marunong
ay tila ba mga bugtong
kaya isasalin iyon
para sa bayan paglaon

isasalin kong maingat
ang anumang nasusulat
salita ma'y anong bigat
uunawain kong sukat

isalin kung ito'y Ingles
o kung ito ma'y Spanish
kahit na salitang Pranses
i-Tagalog nang malinis

misyon ng makatang gala
ang pagsasalin sa madla
misyon kong magpaunawa
sa ating sariling wika

yakap na tungkuling ito'y
pinagbubuting totoo
nang balita nila't kwento'y
mababasa sa bayan ko

ang nobela nila't tula
ang plano nila't adhika
ang prinsipyo nila't diwa
na maunawa ng madla

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Abril 3, 2021

Pasaring

PASARING

"Bakit, sino ka ba? Isang kawawang aktibista..."
minsan ay pasaring sa akin ng mahal kong ina
dahil di na ako maawat sa gawaing masa
sapagkat lagi na raw akong laman ng kalsada

dahil mga tula'y naghahanap ng katarungan
sa mga di ko raw kaanu-anong kung sino man
ako'y tinutuligsa sapagkat nasa kilusan
bakit sarili'y di ko raw isipin, di lang bayan

nabatid ko na ang dakilang layunin, at bakit
ko lilisanin ang kilusang mapagmalasakit
sa ating bayan, sa kapakanan ng maliliit
panlipunang hustisya'y banal na misyon kong giit

aniya pa, di naman nakakain ang prinsipyo
dapat daw maghanap na ng trabahong sumusweldo
at di gumawa ng pang-iistorbo sa gobyerno
di ako napigil ni ina, nagpatuloy ako

dahil nais kong patunayang tapat akong lingkod
di tulad ng gobyernong ang masa ang sinasakyod
tokhang, pagpaslang, maging bingi'y di nakalulugod
buti't may kilusang may prinsipyong tinataguyod

karapatang pantao at panlipunang hustisya
ang kambal na tunguhing dapat makamit ng masa
iyan ang layunin ko bilang simpleng aktibista
at makakamtan iyan pag nabago ang sistema

- gregoriovbituinjr.

Dapat walang chosen one

DAPAT WALANG CHOSEN ONE

ngayong semana santa'y muli na namang narinig
sa telebisyon ang Israel na sa Diyos panig
chosen one daw o piling lahing di raw malulupig
Israel noong iba sa Israel na nanlupig

at nang-agaw ng lupain ng mga Palestino
matapos ang digma'y inangkin na ng mga Hudyo
ang lupang Palestino, tinaboy ang mga tao
chosen one daw sila kaya sa Six-Day War nanalo

lahat ng tao'y pantay, ayon sa Pandaigdigang
Deklarasyon ng Karapatang Pantao, pahayag
ng Nagkakaisang Bansa, taliwas sa chosen one
dapat walang chosen one, pantay ang sangkatauhan

kung may chosen one, di pantay-pantay ang bawat isa
taliwas at magkasalungat ang gayong ideya
tila kasaysayan lang ng Israel ang Bibliya
kasaysayan lang ng lahing Hudyo, di ng iba pa

kay Jacinto'y "Iisa ang pagkatao ng lahat"
doon sa kanyang Liwanag at Dilim ay nasulat
kung may chosen one, may piling tao, sadyang salungat
sa pantay-pantay na trato't karapatan ng lahat

dahil dito'y dagli kong sinara ang telebisyon
sa nakikitang kasalungatan ng relihiyon
pagkakapantay-pantay ng lahat ang aming layon
na ipaglalaban, baguhin ang sistema'y misyon

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Ang mamatay para sa banal na dahilan

ANG MAMATAY PARA SA BANAL NA DAHILAN

"Live for nothing, or die for something." - Stallone, 
sa pelikulang Rambo 4, The Fight Continues
https://www.youtube.com/watch?v=PN49Mw9KVUg

ang mabuhay lang ng walang saysay kundi kumain
o mamatay dahil may ipinaglabang layunin
mas pinili ko ang ikalawa, may adhikain
may prinsipyong tangan at may misyong dapat tuparin

ayokong tumanda lang at tumanda ng tumanda
na kain lang ng kain, subalit walang adhika;
si Gat Emilio Jacinto na bayaning dakila
sa kanyang aral sa Kartilya'y ganito ang wika:

"kahoy na walang lilim kundi damong makamandag
ang buhay na di ginugol sa banal na dahilan"
aral na makabuluhang sadya't may katuwiran
na sinusunod ko maging sa loob ng tahanan

"live for nothing or die for something," ang sabi ni Rambo
doon sa pelikulang may bakbakang todo-todo
mabuhay lang sa wala kundi kumaing totoo
o mamatay dahil may ipinaglabang prinsipyo

sadyang may saysay ang mga pananalitang iyon
sa buhay-aktibista ko'y tunay na inspirasyon
matayo ang lipunang makatao'y aming layon
at nagsisikap tuparin ang banal naming misyon

- gregoriovbituinjr.

Patuloy ang pakikibaka

PATULOY ANG PAKIKIBAKA

nasa lockdown man, subalit hindi nagbabakasyon
kundi nasa isip pa rin ang pagrerebolusyon
dahil patuloy ang salot na kontraktwalisasyon
dahil patuloy pa ang tokhang at pagpaslang ngayon

nasa lockdown man, patuloy pa rin ang pangangarap
na sigaw na panlipunang hustisya'y kamting ganap
na ginhawa'y kamtin ng dukha't maibsan ang hirap
na mapatalsik na ang namumunong mapagpanggap

kaya di kami titigil hangga't di nagwawagi
uusigin ng sambayanan ang mapang-aglahi
pag-uusig sa mamamaslang itong aming mithi
uusigin ang bu-ang na siyang utak at sanhi

di kami uuwi hangga't di matupad ang layon
umuwi man kaming bangkay ay natupad ang misyon

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa isang pagkilos ng mamamayan

Biyernes, Abril 2, 2021

Ang Abril bilang Buwan ng Panitikan

ANG ABRIL BILANG BUWAN NG PANITIKAN

Abril ay itinalagang Buwan ng Panitikan
na kay Balagtas ay buwan din ng kapanganakan
isang araw bago ito'y sa kapatid ko naman
na nagdiwang din kahapon ng kanyang kaarawan

sa kapwa tagapagtaguyod ng literatura
magpatuloy nating isulat ang bansa't kultura
karaniwa't munting bagay mang di pansin tuwina
anong saysay at kasaysayan ng ating historya

patuloy nating itula ang samutsaring paksa
di lang pulos pulang rosas sa iyong minumutya
kundi pati sa paligid, anong tingin ng madla
bakit kayraming gusaling ang nakatira'y wala

may mga kumakatha bilang sariling ekspresyon
kaya di raw pangmasa ang sinulat nilang yaon
mayroon ding inilalarawan ang buhay ngayon
habang iba'y sinusulat ang kanilang kahapon

may iba namang daigdig mismo'y inuunawa
nagtatanong: bakit may kahirapan o may dukha
bakit may mga desaparesidos o winala
bakit hindi maregular ang mga manggagawa

literatura'y di dapat lagi sa toreng garing
mangangatha'y dapat bumaba't dinggin ang hinaing
ng bawat aping nayurakan ng dangal na angkin
habang ngingisi-ngisi lang ang namumunong praning

minsan, ang panitikan ay dapat ding nagsisilbi
sa masa, sa bayan, sa lipunan, di sa salbahe
ilarawan ang buhay ng mga kawawa't api
panitikang nagpapalaya ng gapos sa gabi

- gregoriovbituinjr.
04.02.21

* Sa pamamagitan ng Batas Pambansa Blg. 968, s. 2015, itinalaga ang Abril bilang Buwan ng Panitikang Filipino.

Sa Black Friday Protest ngayong Biyernes Santo

SA BLACK FRIDAY PROTEST NGAYONG BIYERNES SANTO

nagpapatuloy ang protesta laban sa patayan
kahit na Biyernes Santo'y di ito napigilan
kahit may lockdown at wala man kami sa lansangan
protesta'y patuloy laban sa salot na pagpaslang

gamit man ay social media sa ganitong pagkilos
panawagang panlipunang hustisya'y nilulubos
laban sa krimeng ang uhaw sa dugo ang may utos
na buhay ng inosente't dukha ang inuulos

higit pa sa pandemya ng bayrus iyang pagpatay
na walang prosesong nilagay ang batas sa kamay
dahil sa utos ng bu-ang, sila'y di na nagnilay
na ginawa na silang salarin, halang na tunay

Biyernes Santo ang mukha ng bawat namatayan
pagkat ang mga puso'y napuno ng kalungkutan
pagkat ngingisi-ngisi lang ang nag-utos na bu-ang
at nakakalaya pa rin ang mga mamamaslang

kaya ngayong Biyernes Santo, ako'y nakiisa
sa Black Friday Protest ng naghahanap ng hustisya
para sa karapatang pantao, para sa masa
sana, ang utak ng krimeng ito'y mapatalsik na

- gregoriovbituinjr.,04.02.21

Kalinisan

Kalinisan

doon sa lugar ko sa Maynila'y may kasabihan
"Kung hindi mo kayang linisin ang kapaligiran,
huwag mo na lang dumihan," sana'y naunawaan
ng mahilig magkalat kahit sa mismong tahanan

madaling intindihin ang payak na pangungusap
kaydaling unawain ng payak na pakiusap
sa sentido komon ay singlinaw ng puting ulap
subalit nalalabuan ang mga mapagpanggap

sa opisina man ng paggawang tinitigilan
tinitiyak naming malinis ang kapaligiran
may basurahan, walis na tambo't tingting at daspan
kung may pinagkainan ay linisin at hugasan

kung galit tayong gawing tapunan ang ating bansa
ng mga basura ng dayo, kumilos ng kusa
gawin ang dapat, pag may isyu'y dapat laging handa
upang sa sarili man lang ay di kahiya-hiya

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Abril 1, 2021

Makapaglakbay ay muli kong kinasasabikan

MAKAPAGLAKBAY AY MULI KONG KINASASABIKAN

makapaglakbay ay muli kong kinasasabikan
tulad ng paglahok sa Lakad Laban sa Laiban Dam
at nag-Climate Walk mula Luneta hanggang Tacloban
at doon sa Paris ay nakapaglakad din naman

kinasasabikan kong muli ang makapaglakbay
katawan ko'y dapat malusog, maghahandang tunay
nasasabi ito pagkat lagi kong naninilay
na sana'y may pagkakataon muling maibigay

ang una'y tumigil sa Japan ng anim-na-buwan
dalawang dekada matapos ay sa Bangkok, Thailand
tatlong taon matapos ako'y nasa Mae Sot naman
sa hangganan ng Burma't Thailand, dalawang linggo lang

tatlong taon ang lumipas, pangarap ko'y natupad
lumapag sa Guangzhou, Tsina, bago muling lumipad
nakarating ng Lyon sa Pransya bago maglakad
patungong Paris, humakbang ng milya-milyang singkad

sana, matupad ang pangarap kong muling maglakbay
at sa mga nakasama ko, Mabuhay! Mabuhay!
taospusong pasasalamat sa inyo, kalakbay!
nawa'y tanggapin po ninyo ang aking pagpupugay!

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa estasyon ng MRT

Minsan talaga'y napapatunganga sa kawalan

MINSAN TALAGA'Y NAPAPATUNGANGA SA KAWALAN

minsan talaga'y napapatunganga sa kawalan
di maiwasan, lalo't kayraming nasa isipan
pabahay ng dukha'y paano ba ipaglalaban?
kontraktwalisasyon ba'y paano sosolusyunan?
ang mga pagpaslang ba'y paano mapipigilan?

di lamang naman isang tao ang makalulutas
ng panlipunang suliraning dinaan sa dahas
ng samutsaring isyung ginawa ng mararahas
kung paano patalsikin ang namumunong ungas
kung paano maitatatag ang lipunang patas

minsan napapatunganga rin dahil sa pag-ibig
lalo na't nasa malayo ang nais makaniig
lalo't may mga bagay na sa puso'y nakaantig
habang hinaing ng sambayanan ay di marinig
kayraming sigaw subalit animo'y walang tinig

mga isyu'y paano natin iimbestigahan
ng walang takot at walang pipigil na haragan
mga problema ng bayan ay dapat matugunan
kongkretong pagsusuri sa kongkretong kalagayan
at kolektibong pagkakaisa ng mamamayan

napapatunganga sa kawalan sa paghahanap
ng solusyon upang tuluyang maibsan ang hirap
ng sambayanan dahil sa mga pinunong 'corrupt'
sa pagtunganga'y bakasakaling may mahagilap
na hakbang nang mga apektado'y makapag-usap

- gregoriovbituinjr.

* pag-selfie ng makatang gala habang naglalakad kung saan-saan

Tagulaylay sa tagay

TAGULAYLAY SA TAGAY

di matinag ang isip
sa isyung di malirip
sinta'y napanaginip
saya ang halukipkip

serbesa ang kasangga
pagsapit ng problema
sumasarap ang lasa
bulol man sa pagkanta

agilang mandaragit
sa masa'y anong lupit
karapatang ginipit
hustisya ang giniit

mga pinunong bugok
ay pawang inuuk-ok
pagkat sistemang bulok
ay kanilang nilunok

inosente'y pinaslang
dahil atas ng bu-ang
agad itinimbuwang
ng mga salanggapang

mga daga sa kanal
silang mga kriminal
marurumi ang asal
simbaho ng imburnal

ang tuso'y patalsikin
ang bu-ang ay sipain
ang pangkating salarin
ay dapat lang lipulin

baguhin na ang bayan
pati pamahalaan
at itayong tuluyan
makataong lipunan

- gregoriovbituinjr.

* litratong kuha ng makatang gala sa paglalakad kung saan-saan

Munting pagninilay sa animo'y patay na oras

MUNTING PAGNINILAY SA ANIMO'Y PATAY NA ORAS

munting pagninilay sa animo'y patay na oras
kung bakit kayraming pinapaslang ang mararahas
kung bakit kayraming inosente ang dinadahas
kung bakit dapat pangarapin ang malayang bukas
kung bakit dapat itatag ang lipunang parehas

kung bakit karapatang pantao'y dapat igalang
kung bakit panlipunang hustisya'y pinaglalaban
kung bakit dapat organisahin ang mamamayan
kung bakit dapat itayo'y makataong lipunan
kung bakit hindi dapat tumunganga sa kawalan

may panahon ng pagninilay sa pakikibaka
suriin ang bulok na sistemang kapitalista
kung bakit manggagawa't dukha'y dapat magkaisa
at magsikilos para sa panlipunang hustisya
upang tuluyang baguhin ang bulok na sistema

alak man at isang platitong mani ang kaharap
may serbesa man o anumang pulutang masarap
dapat patuloy na paghandaan ang hinaharap
kung paano dudurugin ang mga mapagpanggap
kung paano itatatag ang lipunang pangarap

- gregoriovbituinjr.