Martes, Enero 26, 2021

Mag-yosibrick at upos ay hanapan ng solusyon

MAG-YOSIBRICK AT UPOS AY HANAPAN NG SOLUSYON

Master, sa titisan ilagay ang titis at upos
halimbawang sinigarilyo'y tuluyan nang naubos
sana'y maging malusog ka pa't hindi kinakapos
ng hininga kahit sunog baga ka pa't hikahos

maging disiplinado sa upos mong tinatapon
huwag ikalat at pitikin lang kung saan ayon
upang sa laot di isda ang dito'y makalulon
mag-yosibrik tayo't baka makatulong paglaon

paggawa ng yosibrik ay upang ipropaganda
na dapat gawing produkto ang sa upos ay hibla
kumausap ng imbentor kung ating makakaya
o kaya'y siyentipiko, bakasakali baga

kaya nga upos ng yosi'y huwag basta itapon
baka paglaon ay may makagawa ng imbensyon
mula sa hibla ng yosi, mayari ay sinturon
o kaya'y bag, sapatos, tsinelas, ito ang layon

hindi ba't nagagawang barong ang hibla ng pinya
nagagawa namang lubid ang hibla ng abaka
sa hibla ng upos ng yosi'y may magagawa pa
aralin natin ito bakasakaling magbunga

ikaw, sa problema ng upos, anong iyong tugon?
tara, tulong-tulong tayong gumawa ng solusyon
lutasin na ang basurang upos at titis ngayon
at kung anuman ang iyong mungkahi'y turan iyon

- tula't litrato ni gregoriovbituinjr.

Lunes, Enero 25, 2021

Ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik

matinding panawagang huwag magpatumpik-tumpik
pagkat dagat at tao'y nalulunod na sa plastik
dahil din sa pandemya'y nagkalat na rin ang plastik
ngayong Zero Waste Month, mag-ekobrik at mag-yosibrik

halina't para sa kalikasan tayo'y lumahok
plastik ay gupitin ng maliliit at ipasok
doon sa loob ng boteng plastik ating isuksok
mga plastik naman ay basurang di nabubulok

hanggang maging tila brick na di madurog sa tigas
at gawin din natin ang yosibrik baka malutas
iyang problema ng upos na ating namamalas
na lulutang-lutang sa dagat, sadyang alingasngas

ngayong Zero Waste Month, lumahok tayo't magsikilos
sagipin ang bayan sa basurang plastik at upos
sa usaping ito'y may magagawa tayong lubos
sa kayraming basura'y halina't makipagtuos

- gregoriovbituinjr.
01.25.2021

* Ang buwan ng Enero ay Zero Waste Month. Idineklara ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 760 ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014.

Ang paggawa ng yosibrik

nag-ipon muna ako ng delatang walang laman
saka ginawang ashtray, sa Tagalog ay titisan
upang mga upos at titis ay may paglalagyan
na noong una nga'y labis kong pinandidirihan

ngunit dapat may gawin sa mga upos ng yosi
pagkat sa laot naglulutangan itong kayrami
ang madla'y walang magawa sa basurang sakbibi
na nilalamon ng mga isda't di mapakali

tulad ng ekobrik ay naisip kong mag-yosibrik
kung ekobrik ay pagsiksik ng ginupit na plastik
sa yosibrik naman, pulos upos ang sinisiksik
gamit ang glab at sipit sinuot sa boteng plastik

anong dahilan? bakasakaling may paggamitan
ang hibla ng upos, baka may imbensyong anuman
upang magamit din ang hibla't maging kagamitan
halimbawa'y bag, sinturon, o anumang lagayan

ipapakita kong maraming nagawang yosibrik
upang makumbinsi ang syentipikong magsaliksik
upang upos ay di na maging basurang sumiksik
sa laot, sa lansangan, sa basurahan nga'y hitik

ngayong Enero, Zero Waste Month, tayo na'y lumikha
nitong yosibrik bilang tugon sa problemang sadya
huwag nating gawing basurahan ang ating bansa
iyan ang aking panawagan, kaya ba? sige nga!

- gregoriovbituinjr.
01.25.2021

* Ang buwan ng Enero ay Zero Waste Month. Idineklara ito sa pamamagitan ng Proclamation No. 760 ni dating Pangulong Benigno Aquino III noong 2014.

Nasaan si misis?

tanong nila, nasaan si misis, kasama mo ba?
oo, tanging nasabi ko, lagi siyang kasama
at nagtanong uli sila, e, nasaan nga siya?
narito, narito sa puso ko ang aking sinta
di lang siya nasa puso ko, ang puso ko'y siya

- gregoriovbituinjr.

Libay

ikaw lang ang aking libay ng buong kalupaan
kung saan labis kong minamahal at hinangaan
dahil sa busilak na puso't angking kabutihan
at tigib na kagandahan pag iyong nakagisnan

-gregoriovbituinjr.

libay - babaeng usa, mula sa UP Diksiyonaryong Filipino, pahina 693

Linggo, Enero 24, 2021

Abo sa lupa laban sa salot

nakatulong ang payong lagyan ng abo ang lupa
upang mapigilan ang dahilan ng pagkasira
ng mga dahon ng kamatis na sadyang nawala
may maliliit na susô raw sa lupa'y gumawa

mabuting may tirang abo ng yosi sa titisan
at siya kong inilagay sa lupang aking tinamnan
ng kamatis at napansin kong ito'y napigilan
sana salot na yaon ay mawala nang tuluyan

kinakain ng kulisap ang dahon, akala ko
kaya tanim ay inilayo ng may limang metro
dingding ang pagitan, sadyang inilayo ng pwesto
at humingi rin ng payo sa facebook dahil dito

ngayong may pandemya'y natuto na akong magtanim
upang mawala ang alinlangan sa ambang lagim
buti't tanim kong sili'y di nagalaw ng rimarim
na salot sa lupang dahilan nitong paninimdim

salamat sa mga magsasakang nagpayo niyon
sa facebook, kamatis ko sana'y magbunga paglaon
salamat na rin sa nagyoyosi't nagkasolusyon,
bukod sa proyektong yosibrick ay may bagong misyon

- gregoriovbituinjr.

Paghuhugas ng pinggan sa umaga

paghuhugas ng pinggan, kutsara, tinidor, baso't
iba pa tuwing umaga'y akin nang ehersisyo
pagkat sa umaga malakas ang tulo sa gripo
lalo't sa gabi'y antok na't wala pang tulo ito

paghuhugas nito'y panahon din ng pagninilay
naiisip ang samutsaring paksang makukulay
pulitika, matematika, karaniwang bagay
at pag-alagata sa awit ng pagsintang tunay

habang nagsasabon, mga isyu ng maralita
habang nagbabanlaw, balita't usaping paggawa
habang nagsasalansan, kababaihan at bata
habang nagpupunas, isyu't karapatan ng madla

ang daigdig ay tingnan sa paraang positibo
nakatingala man sa langit o nasa lababo
may pandemya man, tuloy ang laban, tuloy ang bisyo
kong pagkatha ng buhay, tula, sanaysay, at kwento

magandang ehersisyo ang paghuhugas ng pinggan
lalo't kayraming nagkakarambola sa isipan
samutsaring ligaya, libog, agam, alinlangan
paraan din ito ng pagtanggal ng alinsangan

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Enero 23, 2021

Batas ng Kapital

Batas ng Kapital
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakamura. Kailangan lang maglibot at mag-ikot. Walong tali ng okra, P5 isang tali, pito ang laman. Sa talipapa katapat ng palengke. Habang sa loob ng palengke, P10 isang tali, apat ang laman.

Kaya imbes P80 sa walong tali ng okra, nabili ko ito ng P40 lang. Kinapa ko at binali ang dulo, mura pa at di magulang.

Nakamura sa paboritong okra. Marahil, napakarami nito sa pinanggalingan. Law of supply and demand. O kaya, malaki ang bayad sa stall sa loob ng palengke kaya may patong sa presyo ng okra. At maliit ang bayad sa stall sa talipapa kaya mura ang okra.

#buhayvegetarianatbudgetarian

Isuot nang tama ang face mask

nag-selfie ako sa nadaanan kong karatula,
na "Wag Kang Pasaway!" na ang pinta pa'y pulang-pula
at "Isuot nang tama ang iyong mask!" ang sabi pa
pagkat bilin nilang ito sa masa'y mahalaga

nitong panahon ng pandemya'y may banta sa ating
kalusugan kaya dapat na mag-social distancing
face mask at face shield nati'y suutin ang tanging hiling
ito'y paggalang na rin sa iba, sa kapwa natin

tiyaking may alkohol kang dala't laging maghinaw
ng kamay upang kalusugan nati'y di mamanglaw
kaydaling sundin, mag-face mask ka, huwag kang pasaway
igalang ang ating kapwa't kayrami nang namatay

kung di ka man naniniwala sa coronavirus
huwag kaming idamay sa paniwala mong lubos
"Wag kang pasaway!" kahit sumama ka lang sa agos
huwag pasaway pagkat magkasakit ay magastos

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Enero 20, 2021

Ako'y makikiisa kung may Diliman Commune Part Two

Ako'y makikiisa kung may Diliman Commune Part Two
Upang maging bahagi ng bagong kasaysayang ito
Upang labanan ang anumang ligalig at pasismo
Lalo't ako'y aktibista mula paa hanggang ulo

Hindi ako naging estudyante ng U.P, ah, hindi
Ngunit ang tulad ko'y kaytagal ding doon namalagi
Pag may paseminar ang Sanlakas, BMP't kauri
Pag may pagtitipon ang Laban ng Masa'y kabahagi

At sa paseroksan doon, mga libro ko'y ginawa
Doon nagpraktis ang Climate Walk bago mangibang bansa
Kaya bahagi ang U.P. ng pagkatao ko't diwa
Pag ito'y sinaling, sa bagong Komyun kaisang diwa

- gregoriovbituinjr.
01.20.2021

Matapos mabasa ang mga balita sa kawing na:

Huwebes, Enero 14, 2021

Tanagà laban sa pagsasamantala

TANAGA LABAN SA PAGSASAMANTALA

1
aping-api ang dukha
at uring manggagawa
inapi ng kuhila
pagkat mayamang sadya

2
ano bang dapat gawin
upang ito’y tapusin
bayan muna’y suriin
lipunan ay aralin

3
umano sanhi nito’y
pag-aaring pribado
pagkat mayroon nito’y
siyang haring totoo

4
pribadong pag-aari
ay di kapuri-puri
kung ito yaong sanhi
ng dusa sa kalahi

5
napagsamantalahan
ang mga walang yaman
at naghahari naman
yaong tuso’t gahaman

6
ipunang sosyalista’y
pangarap sa tuwina 
obrero, magkaisa
baguhin ang sistema

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, pahina 20.

Miyerkules, Enero 13, 2021

Huwag mahirati sa facebook

HUWAG MAHIRATI SA FACEBOOK

huwag kang mahirating sa facebook nakikibaka
nanunuligsa ng mali gamit ang social media
bagamat walang mali rito pagkat may pandemya
mabuting sa masa'y harapan ding makipagkita

tama lamang na social media'y imaksimisa mo
lalo't may protokol upang di mahawa ang tao
ngunit kung ito lang, nasisikmura mo ba ito?
iba pa rin pag ang masa'y kaharap na totoo

gamitin ang facebook upang balita'y maihatid
gamitin ang social media kung may ipababatid
gamitin ang teknolohiya't labanan ang ganid
at mapagsamantala sa ating uri't kapatid

huwag kang mahirating sa facebook lang kumikilos
mabuting tingnan mo ang buhay na kalunos-lunos
at kausaping personal ang maralita't kapos
at palakasin ang loob nilang mga hikahos

- gregoriovbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 20.

Martes, Enero 12, 2021

Ang salin ng TENANT sa wikang Filipino

ANG SALIN NG TENANT SA WIKANG FILIPINO
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Isa sa mga nakaengkwentro kong salitang talagang dapat pag-isipan kung paano isasalin mula sa Ingles patungong wikang Filipino ay ang TENANT. Ano kaya ang tamang salin ng tenant batay sa gamit nito?

Nagsaliksik ako. Sa dalawang diskyunaryong ginagamit ko ay nakita ko ang kahulugan sa wikang Filipino ang tennt. Sa English-Tagalog Dictionary ni Fr. Leo James English, 33rd printing - 2009, pahina 1062, ang tenant ay:
(1) noun,a person paying rent for the use of land or building. Nangungupahan. Ingkilino (Spanish).
(2) a tenant in land holding: Kasamá.
(3) one that occupies or dwells: Ang nakatira (tumitira).
(4) verb, to hold or occupy as a tenant: Umupa, mangupahan, upahan.

Sa UP Diksiyonaryong Filipino naman, Ikalawang Edisyon 2010, Virgilio S. Almario - Editor, pahina 1241, ang tenant ay: png [Ingles] 1: tao na nagbabayad upang umokupa o gumamit sa lupa, gusali, at iba pa. 2: Agr kasamá. (Ang daglat na Agr ay Agrikultura.)

Sa dalawang diksyunaryo, nangingibabaw ang dalawang salin: nangungupahan at kasamá. Subalit pag iningles natin ang nangungupahan at kasamá, karaniwang hindi agad tenant ang naiisip ng tulad kong laki sa lungsod kundi renter para sa nangungupahan at comrade para sa kasamá, na may tuldik na pahilis sa ikatlong pantig, at companion para sa kasáma kung ang tuldik na pahilis ay nasa ikalawang pantig.

Kaya ano dapat ang salin? Kung gagamitin ko ang nangungupahan batay sa salin ng diksyunaryo, baka mali. Dahil sa palagay ko'y malaki ang kaibahan ng ng renter sa tenant. Ang renter, tulad ng mga nangungupahan ng isang kwarto o isang bahay sa lungsod, ay iba sa tenant. Ang tenant naman ay nangungupahan subalit siya na rin ang nangangasiwa o itinalagang tagapangalaga ng ari-arian ng may-ari. Kaya hindi renter at hindi nangungupahan ang ginagawa kong salin. Sa usapin ng mga maralitang lungsod ay kilala ang katawagang renter dahil din ito ang mga lumilitaw sa mga negosasyon hinggil sa usaping pabahay.

May iba pang salita ang kasamá sa wikang FIlipino, na maaaring pag-isipan din. Sa UP Diksiyonaryong Filipino ay ito ang iba pang kahulugan ng kasama, na ang iba'y nasa wikang lalawiganin: abe, agom, asosyado, gayyem, iba, kada, kauban, kavulun, at kompanyero. Subalit hindi ko iyon magagamit sa ngayon kung mas nais kong maunawaan ng mambabasa ang aking isinalin.

Kaya ano ang dapat na pagsasalin, lalo na ngayong may mga isinasalin akong akda ng ibang manunulat, at ito ngang tenant ang isa sa pinagkunutan ko ng noo. Na marahil ay madali lang sa mga laking probinsya, na may malawak na karanasan sa mga sakahan. Kailangan ko pang umuwi ng lalawigan upang matukoy talaga ang tamang salita sa aking isinasalin.

May nagsabi sa akin, ginagamit na ang tenant sa mga usapan sa wikang Filipino, bakit hindi mo iyon gamitin? Tama naman siya. Baka iyon na nga ang aking gamitin kaysa magsalin pa ng iba. Minsan, naiisip kong isalin ang tenant na tenante, na parang tenyente. Subalit wala naman nito sa diksyunaryo.

Sumang-ayon ako sa sinabi ng aking nakatatandang kapatid na babae na matagal nang nakatira sa lalawigan, na ayon sa kanya ang tenant ay tinatawag na kasama na mabilis ang pagbigkas. Dahil lalawigan ang setting ng akdang aking isinasalin, ginamit ko ang kasamá, na may tuldik na pahilis sa ikatlong titik a at binibigkas ng mabilis, bilang salin ng tenant, at ang kasama na mabagal ang bigkas bilang salin ng comrade o companion.

Sa ganito ko nalutas ang problemang ito. Gayunman, dapat pa ring mas maunawaan ng mambabasa ang gamit ng ating mga tuldik sa balarilang Pilipino, na marahil ay napag-aralan nila nuong elementarya, upang mapag-iba nila ang kasama sa kasamá.

Puspusang pakikibaka

PUSPUSANG PAKIKIBAKA

ayokong dumako sa sentro ng katiwalian
lalo na’y nakakasira ng ating katauhan
na winawalis lang yaong salapi sa hangganan
hinihigaan ang perang galing sa kabang bayan

naroroon lang ako, nakikibakang totoo
kasama ang mga dukha’t laksa-laksang obrero
upang itayo ang isang lipunang makatao’t
yugyugin ang mapagsamantalang kapitalismo

puspusang paglilingkod, puspusang pakikibaka
nangangarap ng pagbabago kasama ng masa
kolektibong kumikilos, walang idolong isa
wala ring manunubos na inaasahan nila

pagkat nasa kamay ng uring manggagawa’t masa
ang pinapangarap nating panlipunang hustisya
tuloy ang laban, patuloy tayong mag-organisa
hangga’t tunay na lipunang makatao’y kamtin na

- gregoriovbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Enero 1-15, 2021, pahina 20.

Biyernes, Enero 8, 2021

Ang proyektong yosibrick

Ang proyektong yosibrick

iniipon ko ang mga upos ng sigarilyo
pagkat isa sa naglipanang basura sa mundo
gagawing parang ekobrick, yosibrick ang tawag ko
tinitipon bakasakaling may magawa rito

di lang ito pagsiksik ng upos sa boteng plastik
kundi mabatid sa basurang ito'y may umimik
may magagawa ba sa upos na nagsusumiksik
sa kanal, lansangan, sa laot nga'y basurang hitik

di ako nagyoyosi, ito'y akin lang tinipon
upang gawing yosibrick habang hanap ay solusyon
sa hibla nito'y baka may magawa pang imbensyon
baka mayari'y bag, sapatos, pitaka, sinturon

ang upos ng yosi'y binubuo ng mga hibla
nagagawang lubid ang mga hibla ng abaka
at nagagawang barong ang mga hibla ng pinya
sa hibla naman ng upos baka may magawa pa

panimula pa lang itong yosibrick na nabanggit
baka may maimbentong hibla nito'y magagamit
na sana'y may magawa pa ritong sulit na sulit
para sa kalikasan, ito ang munti kong hirit

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Enero 7, 2021

Gamit na mantika'y huwag itapon sa lababo

Gamit na mantika'y huwag itapon sa lababo

isang alalahanin yaong sadyang sumambulat
pagkat tayo ang tinamaan sa isiniwalat
ng ulat na kapaligiran nati'y nawawarat
dahil sa ating kagagawang di pala marapat

mga gamit na mantika'y huwag basta itapon
sa lababo, saan ba natin ibubuhos iyon?
itong sabi sa ulat, ano bang kanilang layon?
magsuring mabuti't anong ating maitutulong?

mantika'y maaaring dumaloy sa sapa't ilog
o sa karagatan o sa katubigang kanugnog
papatay sa mga isda, tanim ay malalamog
apektado pa'y ibang nilalang na madudurog

sasakalin ng gamit na mantika ang nilalang
pupuluputan ng sebo ang kanilang katawan
nakababahalang ulat na dapat lang malaman
nang ito'y malapatan ng angkop na kalutasan

- gregoriovbituinjr.

* ang ulat at litrato'y mula sa fb page ng kumpanyang RMC Oil Ecosolutions

Miyerkules, Enero 6, 2021

Mga tiket ng bus

Mga tiket ng bus

basura na ba sila matapos bumaba ng bus
na mahalagang papel sa paglalakbay mong lubos
na naipon ko pala sa bag patunay ng gastos
sa kabila ng tag-araw at pagdatal na unos

maliit mang papel yaong minsan nasusulatan
ng mga salitang dumaplis na napagnilayan
ng taludtod na di dapat mawaglit sa isipan
ng saknong na hangad ay pagbabago ng lipunan

mga tiket ng bus na saksi sa maraming kwento
at karanasan habang ako'y paroo't parito
mga kwentong kung tipunin ay maisasalibro
upang maipabasa sa mga anak at apo

mga tiket bang ito'y dapat ko nang ibasura
pagkat basura na lang sa bag ko't wala nang kwenta
serbisyo sa paglalakbay nga'y iyon ang halaga
subalit dahil nagamit na'y dapat itapon na

- gregoriovbituinjr.

Sa kaarawan ng aking kabiyak

Sa kaarawan ng aking kabiyak

Liberty ang pangalan na kaytagal kong hinanap
Hanggang makadaupang palad ang paglayang hagilap
Liberty, Freedom, Paglaya, Kasarinlang pangarap
Nasa'y pagbabago ng lipunang walang nagpapanggap

Sa kaarawan mo, O, Liberty kong sinisinta
Nananahan ka na sa aking puso't laging kasama
Bawat igkas niring panitik ay ikaw ang musa
Ikaw ang diwata sa balintataw ko't humalina

Sa panahon man ng pandemya't maraming kawalan
Nawa'y lagi kang malusog at malakas ang katawan
Bating mula sa puso'y "Maligayang kaarawan!"
At gaya ng sabi nila, "Have many more birthdays to come!"

- gregoriovbituinjr
01.06.2020

Biyernes, Enero 1, 2021

Di dapat antas-dalo lang

DI DAPAT ANTAS-DALO LANG

dapat kumilos tungong pagbabagong panlipunan
ang ating napapasama sa rali sa lansangan
di dapat antas-dalo ang kanilang kahinatnan
ito'y napagtanto ko sa maraming karanasan

dapat mapakilos silang nagkakaisang diwa
nagkakaisang puso, tindig, dangal, at adhika
pinag-alab ang apoy sa damdaming di humupa
upang palitan na ang sistemang kasumpa-sumpa

di dapat hanggang antas-dalo lang ang mapakilos
kundi unti-unting mamulat bakit may hikahos
sasama sa rali, kakabig dahil kinakapos
pag ganyan ang nangyari'y wala tayong matatapos

kung antas-dalo lang, di nauunawa ang layon
dahil walang magawa't nakatunganga maghapon
dama mo ba'y bigo sa pag-oorganisang iyon?
humayo't maging masigasig sa inyong natipon

- gregoriovbituinjr.
01.01.2021

Pinyuyir Tuol

PINYUYIR TUOL
(an acrostic poem)

Pagbati po sa inyo ng Manigong Bagong Taon
Ito'y mula sa puso't diwang hindi makakahon
Nais kong pasalamatan ang bawat isa ngayon
Yamang naging bahagi kayo ng buhay ko't layon
Uugitin natin ang magandang kinabukasan
Yaring buhay na'y aking inalay para sa bayan
Itatayo ang pinapangarap nating lipunan
Rinig mo iyon sa pintig ng puso ko't isipan
Tutulan bawat pang-aapi't pagsasamantala
Upang makataong lipunan ay maitatag pa
O, Manigong Bagong Taon muli't bagong pag-asa
Lalo't naririto pang malakas at humihinga
- gregoriovbituinjr.
01.01.2021

Huwebes, Disyembre 31, 2020

Karatula sa pinto

Karatula sa pinto

tinitiyak kong naka-lock ang dalawang seradura
subalit napapansin ko'y talagang kakaiba
bakit bukas na ang nasa taas na seradura
gayong kagabi nga'y ini-lock ko itong talaga

ayokong mag-isip ng anuman, subalit dapat
na sa ating pagtulog ay tiyaking nag-iingat
pag madaling araw nga'y maiingay pa sa labas
baka seradura'y pinagtitripan ng pangahas

kaya nagsulat ako ng karatula sa pinto
pinaskil ko sa loob upang kasama'y matanto
mag-ingat, pag lalabas na'y idoble-lock ang pinto
gayon ang gawin pag matulog nang lango o hapo

maging mapangmatyag sa pagbantay ng opis-bahay
mahirap nang masalisihan, baka pa mapatay
dapat laging maging alisto, ingatan ang buhay
upang walang nagmamahal na agad malulumbay

- gregoriovbituinjr.
12.31.2020, 8:49 am

Miyerkules, Disyembre 30, 2020

Wala bang sagutin ang negosyante ng paputok?

Wala bang sagutin ang negosyante ng paputok?

kayraming pangamba sa pagdatal ng Bagong Taon
pagkat marami nang nawalan ng daliri noon
dahil sa paputok, naputukan ang mga iyon
may ligaw na bala ring buhay ng bata'y binaon

Enero a-Uno, kayraming kalat sa kalsada
dagdag polusyon na sa hangin, uusok-usok pa
ligalig din sa alagang hayop ay makikita
baka magdulot pa ng sunog, paputok ang mitsa

pinagamot na ba ng nagbebenta ng paputok
ang mga naputukan, wala pa akong naarok
wala silang pakialam basta sa tubo'y hayok
kawawa ang mga naputulan, panay ang mukmok

wala pang napuputukang kanilang pinagamot
mga pampaospital nito'y di nila sinagot
gayong produktong paputok nila ang dito'y sangkot
tapos wala silang sagutin? sila'y mga salot!

gawaan ng paputok ay ipasara't mapigil
hayok sa tubo ang kapitalistang mapaniil
Bagong Taon ay pinagkakitaan nilang taksil
ngingisi lang silang buhay ng iba'y dinidiskaril

- gregoriovbituinjr.

* Litratong kuha ng makatang galâ habang naglalakad kung saan-saan

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, 2020, pahina 20.

Martes, Disyembre 29, 2020

Tanagà talaga

TANAGA TALAGA

1
ah, tanagà talaga
ang nagawa tuwina
ang nalilikha’y saya
pag diwa’y gumagana

2
minsan, iyang pagkatha
ay nakakatulala
minsan tumitingala
sa ulap tumutudla

3
ang mutya'y kausapin
ang diwata'y sambahin
silang inspirasyon din
sa katha't adhikain

4
nobelang mapagmulat
ang nais kong masulat
lumuluksong pulikat
sa binti'y nababakat

5
di tayo nag-iisa
sa oras ng pandemya
tatayo tayong isa
nang alwan ay madama

6
huwag mong tinutuya
ang aking mga tula
ito'y para sa dukha
at kapwa manggagawa

- gregoriovbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, pahina 20.

Lunes, Disyembre 28, 2020

Halina't mag-ekobrik

HALINA'T MAG-EKOBRIK

halina't mag-ekobrik
huwag patumpik-tumpik
tipunin at isiksik
sa mga boteng plastik
iyang basurang plastik
patigasing parang brick

gagawin nating silya
o kaya'y mga mesa
o baka istruktura
sa hardin o sa plasa
palamuti sa pista
ang plastik na basura

halina't mag-ekobrik
at gupitin ang plastik
saka mo isisiksik
doon sa boteng plastik
patigasing parang brick
iyan na ang ecobrick

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Disyembre 24, 2020

Ang sabi ng paham

ANG SABI NG PAHAM

Ika ng isang paham, tayo'y dapat makialam
sa mga isyung panlipunan, tayo'y makiramdam
walang sinumang nabubuhay sa sarili lamang
kundi magtulungan tayong may samutsaring agam

hindi umiinom ng sariling tubig ang sapa
hindi kumakain ang puno ng sariling bunga
hindi aarawan ng araw ang sarili niya
hindi susuntukin ng tao ang sariling panga

mga sinabi ng paham ay ating unawain
maging masaya't ang sarili'y huwag mong dayain
isang lipunang makatao’y ating pangarapin
ang lipunan, bayan, masa, kapwa'y organisahin

ipagtanggol ang masa laban sa kapitalismo,
laban sa mapang-api, mapagsamantala’t tuso
ang binilin ng paham ay tunay na prinsipyado
kaya mabuhay tayong nakikipagkapwatao

- gregoriovbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 16-31, pahina 20.

Lunes, Disyembre 21, 2020

Tatak na apakan habang nakapila

Tatak na apakan habang nakapila

tiyakin mong maapakan ang tatak sa bangketa
isang metrong distansya'y tiyakin pag nakapila
lalo't bumibili ka sa palengke, groseriya, 
sa mall, hardware, canteen, o maging gamot sa botika

tiyakin nating nagagawa ang social distancing
habang naka-face mask at face shield na dapat suutin
dahil may COVID na hangaring maiwasan natin
upang hindi raw magkahawaan sa COVID 19

panahong ayaw natin, pandemyang nakakapagod
walang trabaho, ang dama'y gutom, wala nang sahod
sitwasyong walang magawa kundi tayo'y sumunod
nakakairitang kalagayan, tayo'y hilahod

sa ngayon, sumunod ang tangi nating magagawa
pakikisama na rin sa mga pumilang madla
kalunos-lunos na sitwasyong di pa humuhupa
na ang dulot sa karamihan ay kaawa-awa

- gregoriovbituinjr.

Biyernes, Disyembre 18, 2020

Pagpupugay sa KPML

Pagpupugay sa KPML

Mabuhay ang K.P.M.L.! Mabuhay!
sa inyo'y taas-noong pagpupugay!
lalo't kayo'y mga kasanggang tunay
na sadyang patuloy na nagsisikhay
upang makamit ang lipunang pakay

lipunang makatao'y itatayo
upang mawala ang dusa't siphayo
na dulot ng kahayukan sa tubo
ng sistemang kalat saanmang dako
at sa dalita'y nakapanduduro

O, K.P.M.L., ituloy ang laban
tungo sa pagbabago ng lipunan
habang prinsipyong sosyalista'y tangan
mapagsamantalang uri'y labanan
nang lipunang makatao'y makamtan

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Disyembre 17, 2020

Kwento ng Dalawang Aso

"Friend is the key of love." 
~ ayon sa karatula sa isang trak

Kwento ng Dalawang Aso

mayroong dalawang itim na asong magkasama
magkaibigan lang ba o magkasintahan sila?
habang tila nakatitig sa nar'ong karatula
"Friend is the key of love" na patama ba sa kanila?

nakita ko lamang ang karatulang nadaanan
kinuha ang kamera't iyon ay nilitratuhan
ngunit biglang sumulpot ang mga aso kung saan
na animo'y may kwento silang nais ipaalam

naks naman! tanging nasabi sa kuha kong litrato
na pag tiningnan mo'y may mababanaag na kwento
ano nga bang pakialam ko sa dalawang aso
kung sila'y nagmamahalan na sa kanilang mundo

- gregoriovbituinjr.

* kuhang litrato ng makatang gala habang naglalakad-lakad kung saan-saan

Lunes, Disyembre 14, 2020

Samutsaring tanagà

SAMUTSARING TANAGA

1
Oo, tuloy ang laban!
Wala dapat iwanan!
Kahit sa kamatayan
Misyon, huwag pigilan

2
tutulog-tulog lamang
sa kanilang pansitan
kaya natutuyuan
pati ang lalaugan

3
mabuti nang iskwater
kaysa lider na Hitler
andami ng minarder
pati mga pagerper

4
pagtingala sa langit
naroong umaawit
ang anghel na kayrikit
na sa puso’y umakit

5
ang binibining mutya
ay totoong diwata
sa ganda’y natulala
puso’y di nakawala

6
ibagsak ang gahaman
baguhin ang lipunan
tungo sa kagalingan
at pag-unlad ng bayan

- gregoriovbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 20.

Sabado, Disyembre 12, 2020

Sa alabok ng kawalan

ihatid mo man ako sa alabok ng kawalan
pagkat turing mo sa akin ay basurang dalatan
pasiya ko'y magpatuloy sa pakikipaglaban
kaysa maging tuod na sa langit nakatanghod lang

mabining rosas ay di ko hahayaang malanta
aalagaan ko't arawang didiligan siya
tulad ng tanim, kamatis, bawang, sibuyas, luya
alagaan ang punong namumunga, santol, mangga

anumang maisip kong kwento, ikukwento ko lang
anumang sumaging paksa ay itutula ko lang
saya, luha, may poot mang sa dibdib naglalatang
basta't sa dukha't kapwa mo'y hindi ka nanlalamang

pag napagod ka'y bumalik ka't huwag papipigil
malayang puntahan ang sinta't halik ay isiil
maging prinsipyado't labanan yaong mapaniil
sa kasama't kaibiga'y huwag kang magtataksil

walang katapat ang katapatan ko sa prinsipyo
ganito ko ilarawan ang niyakap kong mundo
nais kong maabutan pang ang obrero'y nanalo
sa alabok man ng kawala'y maihatid ako

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Disyembre 9, 2020

Tanagà sa Botika

TANAGA SA BOTIKA

Kamimura Botika
gamot ay sadyang mura
tiyak bagong-bago pa
pag bumili'y dito na

sa pangalan pa lamang
nakakaakit tingnan
nakakatuwang bilhan
ng simpleng mamamayan

ito na'y nakaukit
sa diwa ng maysakit
lalo't namimilipit
na sa gastusin, gipit

gamot sa ubo, lagnat,
sipon, mura na't sapat
masasabi mong sukat
ay maraming salamat

- gregoriovbituinjr.

* kuha ang litrato sa Km. 5 ng La Trinidad, Benguet

* ang tanagà ay katutubong tulang may pitong pantig bawat taludtod

Martes, Disyembre 8, 2020

Paghandaan ang Climate Emergency

paghandaang mabuti
ang climate emergency
nang tayo'y di magsisi
doon sa bandang huli

karapatan ng madla
kagalingan ng kapwa
kaligtasan ng dukha
at mga manggagawa

ang klima'y nagbabago
sistema'y di mabago
tao'y natutuliro
pag bumaha't bumagyo

kung pagbabago ay change
at sukli sa dyip ay change
nais nati'y system change
at di iyang climate change

minsan di mapakali
kaya bago magsisi
paghandaang maigi
ang climate emergency

- gregoriovbituinjr.

* Kuhang litrato ng makatang gala sa Urban Poor Assembly noong Disyembre 7, 2020 sa Bantayog ng mga Bayani

Lunes, Disyembre 7, 2020

Respeto

RESPETO

social distancing sa pag-aabang ng masasakyan
sundin ang mga nilagay na bilog sa lansangan
doon kayo umapak, isang metro ang pagitan
habang suot ang face mask upang di magkahawaan

magaling ang nakaisip, sadyang disiplinado
para sa kalusugan at kagalingan ng tao
di ka man maniwala sa COVID, sumunod tayo
bukod sa pakikisama, sa kapwa'y pagrespeto

- gregoriovbituinjr.

Sabado, Disyembre 5, 2020

Paggawa ng ekobrik

PAGGAWA NG EKOBRIK
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nitong Nobyembre 18, 2020, ay nagtungo ako sa tanggapan ng Philippine Alliance of Human Rights Advocates (PAHRA) upang aking pirmahan ang ilang dokumento hinggil sa isang petisyon sa Korte Suprema nang ibinigay sa akin ni kasamang Jackie ang natipon nilang isang bag na walang lamang plastik ng mga kape. Aba’y alam pala niyang ako’y nageekobrik. Ibig sabihin, ginugupit ko ang mga malilinis na plastik, tulad ng mga ubos na kape upang ipasok sa boteng plastik at gawing ekobrik. Patitigasin iyon na parang brick na pawang laman lang ay mga plastik. Para saan ba ito? Ang mga natipong ekobrik ay pagdidikitin upang gawing istruktura, tulad ng upuan o kaya’y lamesa. Maraming salamat, Ate Jackie!

Nananalasa ang mga basurang plastik sa ating kapaligiran, pati na sa ating mga karagatan. Kaya may mga nag-inisyatibang ipasok ang mga plastik sa loob ng boteng plastik upang mapaliit ang basura. 

Nagsimula ito sa Mountain Province, nakita ng isang Canadian, at ginawang kampanya laban sa plastik. Ngayon ay marami nang nageekobrik sa iba’t ibang panig ng daigdig. Nabuo ang Global Ecobrick Alliance o GEA, kung saan isa ako sa nakatapos, at may sertipiko.

Sa paggawa nito, dapat malinis ang mga plastik at walang latak, halimbawa, ng kape. Dahil kung marumi, baka may mabuong bakterya na sa kalaunan ay sisira sa mga ekobrik na ginawang istruktura tulad ng silya o lamesa, na maaaring mapilayan ang sinumang uupo doon. 

Upang matuto pa, tingnan ang GoBriks.com sa internet.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 16.

Biyernes, Disyembre 4, 2020

Bukrebyu: Ang librong "Che: A Graphic Biography" ni Spain Rodriguez

BUKREBYU

ANG LIBRONG “CHE: A GRAPHIC BIOGRAPHY” NI SPAIN RODRIGUEZ
Munting sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nakita ko lang sa aklatan ng Bukluran ng Manggagawag Pilipino (BMP) ang aklat na “Che: A Graphic Biography” ni Spain Rodriguez. Inilarawan niya ang talambuhay ni Che Guevara sa pamamagitan ng komiks, o ng mga larawan. Bagamat nakagawa na rin ako ng libro ni Che Guevara noon, iyon ay pulos mga salin ng mga sulatin ni Che.

Iba ito, talambuhay ni Che na isinakomiks. Nakasulat sa Ingles at magaganda ang pagguhit ng mga larawan, na nasa black-and white, hindi colored. Subalit nakakahalina dahil sa galing ng tagaguhit at awtor na si Spain, kaygandang pangalan.  

Si Che Guevara ang isa sa mga kasamahan ni Fidel Castro nang ipinanalo nila ang rebolusyon sa Cuba noong 1959. Kinikilala siyang “the most iconic revolutionary of the twentieth century”, ayon sa libro. Sabi pa, “It portrays his revolutionary struggle through the appropriate medium of the under-ground political comic – one of the most prominent countercultural art form of the 1960s.” Wow, bigat!

Kaya kahit nasa wikang Ingles ay binasa ko ang kasaysayang komiks na ito. Kung may pagkakataon, nais ko itong isalin sa wikang Filipino.

Inirerekomenda ko itong basahin ng mga estudyante at aktibista, at sinumang nagnanais ng kalayaan ng bayan mula sa kuko ng mapang-api at mapagsamantala.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Disyembre 1-15, 2020, pahina 15.

Miyerkules, Disyembre 2, 2020

Apakang bilog habang nag-aabang ng sasakyan

Apakang bilog habang nag-aabang ng sasakyan

kinunan ko ng litrato ang bilog na apakan
na isang metro ang distansya habang nag-aabang
ng masasakyan sa pagtungo sa paroroonan

tandang sa panahon ng pandemya, tayo'y pumila
social distancing bilang respeto sa bawat isa
bakasakaling COVID-19 ay maiwasan pa

simpleng pagsunod at pagtalima sa patakaran
batas sa inhinyering na gabay sa mamamayan
na kung walang bilog, disiplina'y di mo malaman

may bilog upang sa pila'y di magkalabo-labo
bilog para sa kaayusan at pagkakasundo
habang disiplina raw ang kanilang binubuo

nag-aabang ng sasakyan, bilog na'y aapakan
madali namang makaunawa ng sambayanan
ulo nama'y di binibilog ng pamahalaan

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Nobyembre 29, 2020

Pananalasa ni Ulysses, nagpalubog sa mga lalawigan ng Cagayan at Isabela

PANANALASA NI ULYSSES, NAGPALUBOG SA MGA LALAWIGAN NG CAGAYAN AT ISABELA
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Nagmistulang dagat ang binahang mga lalawigan dahil sa pananalasa ng bagyong Ulysses. Nakakakilabot habang pinapanood sa telebisyon. Paano kung tayo ang nasa kanilang kalagayan? Gutom, antok, pagod, dusa, sakripisyo, agam, mga negatibong karanasang animo’y bangungot.

Ayon sa isang ulat, "Mula sa kanilang mga bubong, nanawagan ng tulong ang mga residente ng Cagayan Valley at Isabela matapos lumubog sa baha ang kanilang bahay - dahilan para idaan ng netizens sa social media ang panawagan na agarang pagsagip sa mga residente. Nasa state of calamity ngayon ang buong probinsiya ng Cagayan, kung saan 9 na ang kumpirmadong patay, apat dito ang natabunan ng landslide, dalawa ang nakuryente habang nagre-rescue, at tatlo naman ang nalunod."

"Ayon kay Cagayan Governor Manuel Mamba, umagos ang tubig-ulan sa mga probinsiya ng Quirino, Nueva Vizcaya, Kalinga, at Isabela sa kanilang probinsiya, dahilan para mag-overflow ang tubig sa Cagayan River at matapon ito sa ilang bayan. Nangyari ang pagbaha kahit walang storm signal na nakataas sa bansa matapos umalis ang bagyong Ulysses sa Philippine area of responsibility."

Sa isa pang balita, "Isinailalim naman sa state of calamity ang Isabela City, kung saan 3 ang namatay batay sa inisyal na tala ng mga awtoridad. Unang nabanggit din ng LGU na nasa 144,000 indibidwal ang naapektuhan ng baha."

At sa isa pang balita, "At sa dulo din umano ng ilog sa Magapit ay paliit o kumikipot ang ang bahagi ng river sa bahagi ng Alcala kaya naiimbudo ang tubig at naiipon doon. Ayon kay PAGASA administrator Vicente Malano, kahit alisin ang tubig na inilabas ng Magat dam, babaha at babaha pa rin ang Cagayan."

Malayo ako sa pinangyarihan subalit noong bata pa ako’y dinanas ko na ang sunod-sunod na pagbaha sa Maynila, kaya habang pinanonood ko ang mga balita’y talagang sindak at awa ang aking nararamdaman. Nais kong makatulong subalit paano? Sa mga evacuation center ay wala nang social distancing. Nangabaha ang mga kagamitan at lumubog ang mga kabahayan. Kahindik-hindik na karanasan bihirang dumating sa buhay ng tao, ang lumubog ang buo mong nayon sa baha. 

Kailangan ng mga nasalanta ang mga pagkaing luto na, dahil hindi sila makakapagluto at nalubog sa tubig kahit ang kanilang kalan. Kailangan din nila ng malinis na inuming tubig, idagdag pa ang gamot sakaling may magkasakit. Mga pampalit na damit, at huwag na nating iambag ang ating mga pinaglumaang damit na para lang sa mga pulubi, sira-sira, butas-butas. Maayos na damit sana.

Nais ding tumulong ng pamunuan ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML) sa mga nasalanta, lalo na yaong mga nawalan ng tahanan, dahil ang karapatan sa paninirahan ang kanilang mandato. Subalit bagyo at hindi demolisyon ang dahilan ng pagkawala ng tahanan ng mga ito. Anuman ang maliit na makakayanan, ay gawin natin ang makakaya, ayon kay Ka Kokoy Gan, ang pambansang pangulo ng KPML. Tayo’y magtulungan sa panahong ito ng pandemya’t kalamidad.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 7-8.

Martes, Nobyembre 24, 2020

Tanagà sa unos

TANAGA SA UNOS

1
kinain ng bangungot
ang inaaring lungkot
pag tagbagyo’y bantulot
na sa puso’y kukurot

2
nanagasa ang unos
at kayraming inulos
na pulos mga kapos
at sa buhay hikahos

3
tayo ba’y beterano
ng mga baha’t bagyo
at resilient daw tayo’t
pinupuring totoo

4
pag bagyo’y nanalasa
maghanda na ang masa
kalamidad pagdaka
ay talagang disgrasya

5
pag bagyo’y rumagasa
aba tayo’y maghanda
lalo na’t ang pagbaha
ay talagang malala

6
gawin natin ang dapat
upang masa’y mamulat
upang hindi masilat
ng bagyong bumabanat

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 16-30, 2020, pahina 20.

Huwag magsindi ng yosi sa kalan

aba'y huwag magsindi ng sigarilyo sa kalan
ito po sa inyo'y munting paalala lang naman
lalo pa't walang niluluto sa kasalukuyan
ang gamitin mo'y lighter o kaya'y posporo na lang

aba'y kaya ngang bumili ng isang kahang yosi
bakit di naman bumili ng sariling panindi
kaymahal ba ng lighter kaysa yosi mong binili
o di na maisip dahil sa yosi nawiwili

baka sabihin mong nauubos lang ay konting gas 
ngunit kung ito'y minu-minuto o oras-oras
paunti-unti, ang gas ay pabawas ng pabawas
maya-maya, wala nang gas pag nagluto ng bigas

kahit ikaw pa ang bumili ng gas, paalala
anumang gamit sa tahanan o sa opisina
ay gamitin mo ng wasto, huwag kang maaksaya
kung tingin mo'y nakikialam ako, pasensya ka

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Nobyembre 15, 2020

Dagdag na tanagà

DAGDAG NA TANAGA

1
nagnanaknak ang sugat
ng kahapong nilagnat
ng santambak na banat
na di nila masipat

2
kanyang ibinubulong
na doon lang umusbong
ang sa buhay pandugtong
masakit man ang tumbong

3
tumitindi ang unos
tila ba nang-uulos
ang baha'y umaagos
sadyang kalunos-lunos

nang si Rolly'y dumatal
tila Ondoy ang asal
talagang nangangatal
ang masang nangagimbal

5
dumating si Ulysses
na ang dulot ay hapis
gamit nila'y nilinis
nitong bagyong putragis

6
nagdidildil ng asin
ang mga matiiisin
kulang na sa pagkain
kapos pa sa vitamin

7
organisadong masa
na dulot ay pag-asa
hanap nilang hustisya
sana'y kamtin pa nila

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2020, pahina 20.

Sabado, Nobyembre 14, 2020

Ang mga bagyong Rolly at Ulysses

Ang mga bagyong Rolly at Ulysses
Saliksik at sanaysay ni Greg Bituin Jr.

Dalawang matitinding bagyo ang sumalanta sa bansa nito lamang unang dalawang linggo ng Nobyembre 2020. Ang bagyong Rolly ay tinatawag na super Typhoon Goni sa ibang bansa, at ang Ulysses naman ay Typhoon Vamco. Dumating ang bagyong Rolly, na ayon sa mga ulat ay kinatakutan dahil sa Category 5 na super-bagyo, na tinawag na "pinakamatinding tropical cyclone sa buong mundo noong 2020." Napakalakas nga nito ayon sa prediksyon. Mabilis itong humina, ngunit matapos manalasa ay nag-iwan ito ng pinsalang nakaapekto sa daan-daang libong katao, at puminsala sa libu-libong bahay.

Nakakabigla rin ang pagdating ng bagyong Ulysses, na ayon sa ulat ay bagyong nasa Kategorya 2, subalit ang pinsalang iniwan nito'y mas laganap, at nagdulot ng pinsala sa agrikultura at imprastraktura, nag-iwan ng 67 na patay, at higit sa 25,000 walang tirahan.

Sadyang maiiyak ka kung ikaw ang tinamaan ng alinman sa dalawang bagyong ito. Sa Ulysses ay naulit ang bangungot ng Ondoy. Ako nga'y muntik nang hindi makasama sa isang lakad sa Thailand kung nalunod sa tubig ang aking pasaporte. Kakukuha ko lang ng pasaporte ko noong Setyembre 25, 2009, naganap ang Ondoy ng Setyembre 26, 2009, at nakalipad ako puntang Thailand kasama ng iba pa noong Setyembre 28, 2009. Ang pinuntahan ko'y isang kumperensya hinggil sa nagbabagong klima o climate change, at isa ang Ondoy sa aming napag-usapan doon.

Ayon sa mga ulat, ang Bagyong Rolly ang pinakamalakas na bagyong naitala sa buong mundo ngayong 2020. Una itong bumagsak sa Pilipinas noong Nobyembre 2, na tumama sa Bato, Catanduanes; Tiwi, Albay; San Narciso, Quezon; at Lobo, Batangas. Bago nito, inilikas ng pamahalaan ang halos 1 milyong residente sa Bicol, ngunit malubhang napinsala ni Rolly ang higit sa 10,000 mga bahay sa Catanduanes lamang. Ang malakas na hangin at malakas na pag-ulan ang sanhi ng pagbaha, pagdaloy sa mga kabukiran ng lahar mula sa bulkang Mayon, mga pagguho ng lupa, at paghalimbukay ng unos (storm surge) sa rehiyon. Nagdala rin ito ng malawak na pagkawala ng kuryente at nasira ang linya ng komunikasyon.

Noong Nobyembre 11 2020 naman, sinalanta ng Bagyong Ulysses ang pangunahing isla ng Luzon na rumagasa ang mapanirang hangin at matitinding pagbagsak ng ulan na nagdulot ng matitinding mga pagbaha sa maraming lugar kabilang na ang Cagayan Valley (Rehiyon 2) na isa sa mga pinakamatinding naapektuhan. Halos 40,000 na mga tahanan ang ganap o bahagyang nalubog sa Lungsod ng Marikina, ayon naman kay Mayor Marcelino Teodoro ng Marikina. At naulit muli sa Marikina ang naranasang bagyong Ondoy noong Setyembre 26, 2009.

Sa pagitan ng Rolly at Ulysses ay dumaan din sina Siony at Tonio. Mabuti't mahina lamang sila. Subalit sa nangyaring bagyong Rolly at Ulysses, napakaraming istoryang kalunos-lunos ang ipinakita sa telebisyon at narinig sa radyo. Nariyan ang naglalakad na mga tao sa baha pasan ang kanilang mga gamit, aso, o kaya'y anak. Nariyan ang mga tao sa bubungan ng kanilang bahay na naghihintay masagip dahil nalubog na ang kanilang bahay sa baha. Nariyang hindi na mauwian ang tahanan dahil nawasak na.

Sa taon-taong bagyong nararanasan ng bansa, masasabing beterano na ba tayo sa baha? Maling sabihin dahil nakakaawa ang sinasapit ng ating mga kababayan. Dapat na seryosong makipagtulungan ang pamahalaan sa taumbayan kasama na ang mga nasa lugar na madaling bahain. Dapat magkaroon ng sistema, mekanismo, istraktura, at mabisang hakbang upang maghanda, at mabisang tugunan at mapamahalaan ang mga natural na kalamidad tulad ng mga nangyaring bagyo. Dapat kasangkot ang mamamayan sa pagtugon, maging responsable, at sundin ang mga protokol. Dapat handa na tayo sa ganitong mga sitwasyon, lalo na’t pabagu-bago ang klima at patuloy pa ring gumagamit ang bansa ng coal-fired power plants na itinuturing na isa sa dahilan ng matitinding bagyo.

Mga pinaghalawan:
https://reliefweb.int/report/philippines/wfp-philippines-typhoon-rolly-situation-report-1-6-november-2020
https://newsinfo.inquirer.net/1359823/typhoon-ulysses-triggers-worst-floods-in-metro-manila-in-years
https://opinion.inquirer.net/135319/five-lessons-from-typhoon-ulysses

* Ang artikulong ito'y unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng pambansang organisasyong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Nobyembre 1-15, 2020, pahina 10-11.

Linggo, Nobyembre 8, 2020

Sa ikapitong anibersaryo ng bagyong Yolanda

sa Yolanda'y higit anim na libo ang namatay,
ayon sa opisyal na ulat, nangawalang buhay
sa tindi ng bagyo'y naglutangan ang mga bangkay
bagong umaga'y tila di na nasilayang tunay

lampas ikalawang palapag ng bahay ang tubig
na tumabon, storm surge yaong nakapanginginig
ng laman lalo't naranasan ang lagim at lamig
ng Yolandang nagdulot ng anong tinding ligalig

napuruhan ang lalawigan ng Samar at Leyte,
lalo ang Tacloban, iba pang probinsya'y nadale
rumagasa ang unos sa kalaliman ng gabi
di madalumat ang lungkot at dusang sumakbibi

mga nasalanta ng Yolanda'y pilit bumangon
nawasak nilang bahay ay itinayo paglaon
nawasak nilang buhay ay bangungot ng kahapon
ang pagtutulungan ng bawat isa'y naging misyon

pitong taon na ang lumipas, ito'y naging aral
sa bansang tulad nating bagyo'y laging dumaratal
maghanda lalo't epekto ng bagyo'y titigagal
sa atin at sitwasyong dulot nito'y magtatagal

sa ganyang pangyayari'y di tayo dapat humimbing
kaya huwag maging kampante pag bagyo'y parating
maging handa, matulog man ay manatiling gising
ang diwa, magtulungan at ipakita ang giting

- gregoriovbituinjr.
11.08.2020

Sabado, Nobyembre 7, 2020

Kahandaan sa panganib

may panganib sa mga tulad kong nakikibaka
para sa kapakanan at karapatan ng masa
upang tuluyang kamtin ang panlipunang hustisya

kaya dapat maging handa anuman ang mangyari
lalo sa ating gawain gaano man kasimple
baka may magalit at tayo'y kanilang madale

gayong para sa kagalingan nitong kapwa tao
ang ating adhika't sa bayan ay nagseserbisyo
lalo't nais na lipunan ay maging makatao

pagkat hustisyang pangklima't pantaong karapatan
ang mga prinsipyong tangan at pinaninindigan
na baka dahil dito tayo'y may masagasaan

kung bulnerable sa karahasan ay maging handa
upang di tayo masaktan, madahas, makawawa
mag-ingat upang pamilya't buhay ay di mawala 

kaya sariling kaligtasan ay dapat tiyakin
seguridad sa pagkilos ay pag-isipan man din
upang di mag-alala ang mga pamilya natin

- gregoriovbituinjr.

* kinatha sa Climate Justice and Human Rights Defenders Training na pinangunahan ng Philippine Movement for Climate Justice (PMCJ), Nobyembre 6-7, 2020.

Biyernes, Nobyembre 6, 2020

Paghahanda ng loob

"Kung ang Bayang ito'y nasasapanganib
At siya ay dapat na ipagtangkilik,
Ang anak, asawa, magulang, kapatid
Isang tawag niya'y tatalikdang pilit."
- Gat Andres Bonifacio, sa kanyang tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan"

paghahanda sa loob ng bawat Katipunero
iyang naturang saknong ni Gat Andres Bonifacio
mula sa tula niyang pumipintig ng totoo
sa puso't iiwan ang lahat para sa Bayan mo

hinahanda ang ating loob sa pakikihamok
laban sa naghaharing dulot ay sistemang bulok
pinananatiling kanilang uri'y nasa tuktok
habang dangal ng dukha't obrero'y nakayukayok

kaya nga ang pagpapasya kong magsilbi sa bayan
at kumilos tungo sa pagbabago ng lipunan
ay mga dakilang misyong aking pinag-isipan
bilang mamamayang prinsipyado't naninindigan

bukod sa Kartilya ng Katipunan, inaral ko
ang Liwanag at Dilim ni Gat Emilio Jacinto
na may aral tungkol sa paggawa't paggogobyerno,
pati na pakikipagkapwa't pagpapakatao

ang bawat tula ni Bonifacio'y makahulugan
ang bawat sanaysay ni Jacinto'y makatuturan
ang bawat akda ni Lenin ay dapat pagnilayan
pagtayo ng lipunang makatao'y paghandaan

- gregoriovbituinjr.

Huwebes, Nobyembre 5, 2020

Di dapat mauwi sa wala ang pakikibaka

di dapat mauwi sa wala ang pakikibaka
ito'y sumagi sa isip nang aking binabasa
yaong mga tala ng himagsikan at ideya
ng Katipunan tungo sa panlipunang hustisya

inialay mo ang buhay mo, nagsasakripisyo
pinag-aralan ang lipunan, sistema't gobyerno
nanindigan at niyakap ang adhika't prinsipyo
kumbinsidong itayo ang lipunang makatao

ah, pakikibaka'y di dapat mauwi sa wala
lalo't marami nang aktibista'y nangawala
ang iba'y kinamatayan na ang inaadhika
habang iba'y nabilanggo, dinukot, iwinala

dapat nating ipanalo ang bawat simulain
upang lipunang makatao'y maitayo natin
walang uring mapagsamantala't mapang-alipin
na ang bawat isa'y nakikipagkapwa-tao rin

tayo'y prinsipyadong di naghahangad ng kagitna
kundi makataong lipunan ang nasa't adhika
dapat mapagtanto, kasama ng obrero't dukha
na pakikibaka'y di dapat mauwi sa wala

- gregoriovbituinjr.

Miyerkules, Nobyembre 4, 2020

Sanay akong mag-isa, sanay akong nag-iisa

sanay akong mag-isa, sanay akong nag-iisa
marahil introvert, loner, o kaya'y letratista
pulos letra ang kapiling, nagsusulat tuwina,
abang makatang nangangarap maging nobelista

isa ring blogerong dapat may tulang inaaplod
sa bawat araw, mga pinag-isipang taludtod
minsan nga ay makikita mo akong nakatanghod
gayong nagtatrabaho't nagsusulat ng may lugod

gayunman, di ako dapat nasasanay mag-isa
dapat may kausap lagi, kolektibo, kasama
dahil naglilingkod para sa bayan at sa masa
di nagsasariling kumilos, lalo't aktibista

may trabaho mang kayang mag-isa'y aking gagawin
tulad ngayon, ilang akda'y aking isinasalin
habang may mga paksang susulatin, tutulain,
habang binabaka ang sistemang mapang-alipin

sanay mang mag-isa'y di dapat lagi nang ganoon
dapat kausap ang dukha para sa nilalayon
dapat kasama ang manggagawa para sa misyon
dapat sa pakikibaka ng bayan nakatuon

- gregoriovbituinjr.

Martes, Nobyembre 3, 2020

Basura

masalimuot ang mundong ginagalawan natin
lalo na't makukulit ay di makuha sa tingin
ang laot ng karagatan kung iyo lang sisirin
maraming isda ngunit iba na ang kinakain

akala mo'y dikya ngunit basurang plastik pala
magaganit na plastik na di manguya ng panga
ng isda, iyon ang dahil ng pagkamatay nila
di lamang sa laot kundi sa ilog, lawa't sapa

kakainin natin ang isdang kumain ng plastik
maluluto natin ang plastik sa isdang matinik
nakasalalay ang kalusugan, tayo'y umimik
anong gagawin natin upang mata'y di tumirik

pagsabihan mo nga ang iba, sila pa ang galit
tungkol sa basura nila, sa iyo'y magngingitngit
gayong pagkakalat din nila'y nakapagngangalit
buti't lagi tayong mahinahon sa bawat saglit

sariling basura'y di nila maibukod-bukod
sa mundong sangkaterba na ang itinayong bakod
daigdig bang ito'y sa basura na malulunod?
kung di tayo kikilos, baka mundo'y maging puntod

- gregoriovbituinjr.

Lunes, Nobyembre 2, 2020

Si Rolly at si Rody

storm surge ang banta nitong matinding bagyong Rolly
habang tokhang ay ginawa na ng matinding Rody

storm surge, tulad sa Yolanda'y kayraming namatay
habang sa tokhang naman ay kayrami nang pinatay

ingat sa storm surge, aba'y dapat nang magsilikas
ingat sa tokhang pagkat kayraming batang nautas

pag-ingatan ang buhay sa matinding bagyong Rolly
mas pag-ingatan ang karapatan laban kay Rody

- gregoriovbituinjr.

Undas sa panahon ng pandemya

ngayong Undas, di makakadalaw sa sementeryo
dahil sa pandemya, ito muna'y isinarado
mahirap daw kung magsisiksikan ang mga tao
walang social distancing, magkahawaan pa rito

ngunit matapos ang Undas, sementeryo'y bubuksan
baka sa unang araw pa lang, tao'y magdagsaan
dapat mag-social distancing nang di magkahawaan
sa loob ng sementeryo, disiplina lang naman

ngayong Undas, kung di man makadalaw sa kanila
ay alam nilang sila'y nasa ating alaala
pagkat sa puso't diwa'y nakaukit sa kanila
na di tayo nakalimot, di man makabisita

magtirik tayo ng kandila saanman naroon
at makakaabot sa kanila ang ating layon
wala man sa sementeryo'y gunita ng kahapon
ay nananariwa't sa puso natin nakabaon

- gregoriovbituinjr.

Linggo, Nobyembre 1, 2020

Sa una kong gabi sa bagong opis

pawisan ako sa unang gabi sa bagong opis
wala pa kasing bentilador kaya tiis-tiis
nagsalansan ng gamit at patuloy na naglinis
mag-isa man doon ay di nakadama ng hapis

itinuloy ko roon ang pagsasalin ng aklat
pautay-utay man sa gabi hangga't ako'y dilat
sa kwaderno'y pinagtitiyagaan kong isulat
ang pahinga'y ang pagkatha ng tulang mapagmulat

ramdam ang tinding alinsangan sa silid na iyon
na animo ako'y isinilid sa isang kahon
at dahil sa antok ay nakatulog na rin doon
habang iwing diwa'y kung saan-saan naglimayon

kaysarap ng tulog pagkat nasa diwa'y diwata
bagamat mag-isang ang kayakap  ay sadyang wala
mag-ingat lamang dahil may paparating na sigwa
at maghandang bakahin ang sangkaterbang kuhila

- gregoriovbituinjr.

* Naglipat kami ng bagong opis mula Lungsod Quezon tungong Lungsod Pasig, Oktubre 31, 2020 ng hapon, at mag-isang natulog doon kinagabihan.

Huling araw ng Oktubre nang kami na'y maglipat

huling araw ng Oktubre nang kami na'y maglipat
ng opisina't mga gamit ay sa trak binuhat
binagtas ang lansangang init ay nakasusugat
na sana'y di mabigat ang pumatong sa balikat

sinalansan muna ng maayos ang bawat karton
dalawang aparador, lamesa, kinarga iyon
sa trak, ibang gamit, aklat, polyeto, papel doon
bagong opisina, bagong labanan, dating misyon

huling araw ng Oktubre ang aming unang hakot
dinala pa rin ang baka mahalagang abubot
mga alaala ng labanang di malilimot
lalo't ito'y makasaysayan at masalimuot

undas man ay patuloy pa rin kaming kumikilos
upang labanan ang pang-aapi't pambubusabos
mag-isa sa gabing nadirinig bawat kaluskos
subalit nakatulog pa rin doon ng maayos

- gregoriovbituinjr.