Miyerkules, Mayo 20, 2020

Kung tinuruan ka

Kung tinuruan ka

kung tinuruan kang lumangoy, dapat mong manilay
na makakalangoy ka't makalulutang ding tunay
upang di malunod at makasagip din ng buhay
ito'y kaygandang kaalamang dapat mong mataglay

kung tinuruan kang bumaril, dapat mong isipin
na payapang komunidad ay ganap mong tungkulin
di upang walang awa kang papatay ng salarin
kundi igalang ang proseso't pigilan ang krimen

kung tinuruan kang bumili, pumili ng wasto
may kalidad ang produkto, katamtaman ang presyo
kayang magbilang ng sukli hanggang huling sentimo
di bibilhin ang di kailangan, kahit pa uso

kung tinuruan kang tumula, iyong isadiwa
na di ito pulos panaginip at pagtunganga
na di ito pawang bituin, bulaklak, diwata
kundi ito'y paglagot din sa gintong tanikala

kung tinuro'y karapatan, dapat kang manindigan
ipabatid din sa kapwa nang ito'y ipaglaban
tiyaking umiiral ang makataong lipunan
at bayang walang pagsasamantala't kaapihan

inhustisya't karahasan ay dapat lang masugpo
lagi ka ring makikipagkapwa't magpakatino
kung natuto ka man sa mga guro mong nagturo
ito'y ibahagi mo sa kapwa't huwag itago

- gregbituinjr.
05.21.2020

Pagkilos tungo sa lipunang pangako

mula sa hirap, kapatid na dukha'y mahahango
kung kikilos upang bulok na sistema'y maglaho
kung baligtarin ang tatsulok ng tuso't hunyango
at makikibaka para sa lipunang pangako

noon nga'y sinabing lupang pangako ang Mindanaw
malawak na lupaing sa kaunlaran ay uhaw
ngayon, lipunang pangako'y sosyalismo, malinaw
na may pagkapantay-pantay sa ilalim ng araw

kalagayang pantay, walang mayaman o mahirap
sama-sama nating buuin ang bunying pangarap
karapatan ay bukambibig, tao'y may paglingap
pakikipagkapwa ng bawat isa'y nalalasap

ating ipaglaban ang marangal na adhikain
na asam na lipunang pangako'y itayo natin
lipunang walang pagsasamantala't aapihin
lipunang di lang sa isip kundi ating gagawin

- gregbituinjr.

Tulang handog sa KPML

O, Kongreso ng Pagkakaisa
ng Maralitang Lungsod, tayo na
baguhin ang bulok na sistema
itayo ang gobyerno ng masa

marangal ang ating adhikain
para sa bayan at kapwa natin
halina't isapuso't diwa rin
ang ating bisyon, misyon, hangarin

maghigpit man kami ng sinturon
sama-samang magrerebolusyon
bulok na sistema'y ibabaon
na natin sa hukay ng kahapon

pagkaisahin ang maralita
at pagbuklurin ang kapwa dukha
kasama ng uring manggagawa
itayo ang lipunang dakila

- gregbituinjr.
05.20.2020

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 16-31, 2020, pahina 20.

Martes, Mayo 19, 2020

Kung ako'y magsusulat ng nobela

paano ba susulatin ang asam na nobela
na sa buhay na ito'y magiging obra maestra
nobelang marahil ay pag-uusapan ng masa
na baka maging klasiko rin sa literatura

maganda nang paghahanda ang magasing Liwayway
na kayraming nobelang inilathala ngang tunay
ngunit sa maikling kwento muna'y magpakahusay
maikli muna bago mahaba ang isalaysay

dapat paghandaan ding mabuti't pakasuriin
ang umpisa, gitna't pagtatapos ng inakda ring
mga maikling kwentong nabasa't nais sulatin
pag sanay ka na'y saka mo na ito pahabain

sa dagli pa lang nahihirapan na sa pagkatha
gayong mas maiksi pa sa maikling kwentong akda
si Harper Lee nga'y isang nobela lang ang nalikha
"To kill a mockingbird" na kinagiliwan ng madla

isang nobela man lang ay magawa ng tulad ko
si Amado V. Hernandez ngang makatang totoo
ay may tula't dalawang nobelang isinalibro
sa nobela kong gagawin, sila'y inspirasyon ko

- gregbituinjr.


Ang tambayan kong palikuran

ngayon nga'y naging tambayan muli ang palikuran
upang doon isiwalat bawat nararamdaman
doon ibinubuhos ang mga kaligaligan
niring diwang kung anu-ano'y napagninilayan

may tigisang kasilyas sa dalawang pintong iyon
at sa isang silid tatambay, aba'y ayos doon
habang diwa'y nasa alapaap naglilimayon
na pamuli ngang naglakbay sa pusod ng kahapon

magigiting ang bayaning sa bayan nga'y nagtanggol
at lumaban hanggang mamatay na di nagpasukol
dinidiligan bawat tanim nang binhi'y sumibol
nang maging halaman o gulay o puno ng santol

ang bawat kinakatha sa diwa'y nakasasabik
pluma'y kayraming sinasabi kahit walang imik
aalis sa palikuran nang masaya't tahimik
na kwento, sentimyento't hibik na'y naisatitik

- gregbituinjr.

Lunes, Mayo 18, 2020

Sinong tatapos sa aklat?

"A writer only begins a book. A reader finishes it." - Samuel Johnson

sinisimulan lamang daw ng isang manunulat
yaong pagkatha ng kanyang binabalak na aklat
at mambabasa na raw ang tatapos nitong sukat
ang sinabi'y matalinghagang dapat ding masipat

marahil, sinimulan lang ng may-akda ang katha
ngunit pagtatapos ng akda'y problema pa yata
kung serye sa magasin ang nobelang nililikha
kung basahin ito'y mambabasa ba'y nagtatakda?

kung simula pa lang ng nobela'y nakakabagot
baka akdang ito'y sa kangkungan na pinupulot
kung ayaw ng mambabasa ang akdang nilulumot
naglathala'y malulugi't sa ulo na'y kakamot

may nobelang sinaaklat na serye sa magasin
"Banaag at Sikat" ay nobelang halimbawa rin
inabangan ng mambabasa't kaysarap basahin
matapos lang ang isang taon ay sinaaklat din

marahil nga'y tunay ang sinabi ni Samuel Johnson
na sa mangangathang kagaya ko'y malaking hamon
isulat lang ba'y gusto o mambabasa'y kaayon?
susulatin ko ba'y aklat na panlahat ang layon?

- gregbituinjr.

Nagsakit-sakitan

may kilalang nagsakit-sakitan pagkat di alam
ang gagawin sa buhay, problema pa'y di maparam
walang plano sa buhay, walang pakialam
di alam ang gagawin, sa sarili'y nasusuklam

nanghihiram ng tapang sa kunwari niyang sakit
mahina ang loob, pinayuhan kong magpainit
sa araw pagkat Bitamina D yaong guguhit
sa bawat hinaymay ng kalamnan, gamot na sulit

di agad nagkakasakit ang may Bitamina D
ngunit malala'y magsakit-sakitan ang sarili
walang magawa, tingin sa sarili'y walang silbi
nag-iisip ng dahilan upang di nasisisi

wala raw ginagawa, walang kita, walang sahod
sa telebisyon na lang kasi laging nakatanghod
buhay na lang ba'y ganito, na tulad ng alulod
o baguhin ang pananaw sa buhay, huwag tuod

maghanap ng gagawin, magkaroon ng layunin
buhay ay gawing makabuluhan, may adhikain
tumulong sa kapwa, misyong marangal ay yakapin
di ka na magsasakit-sakitan, susulong ka rin

- gregbituinjr.

Libro imbes na yosi ang bisyo

mas mabuti pang pabilhin mo na ako ng libro
ngunit di mo ako mapabili ng sigarilyo
pagkat pagbabasa na ang kinagisnan kong bisyo
wala kasi akong mahita sa yosi o damo

napayosi rin ako noong aking kabataan
dahil naman sa pakikisama o barkadahan
subalit bisyong iyon ay agad kong napigilan
nang mapasama sa kilusang makakalikasan

sayang lang ang pera sa usok, sabi sa sarili
wala ngang pambili ng kanin, usok pa'y bibili?
mas mabuti pa ang ensaymada't busog ka dine
at pagbabasa'y naging bisyo kong kawili-wili

bagamat biniling libro'y di agad nababasa
binili iyon na pamagat at paksa'y kayganda
minsan isa o dalawang kabanata lang muna
mabuti na ang ganito't nakakapagbasa pa

- gregbituinjr.

Linggo, Mayo 17, 2020

Ang patpat ng ekobrik

Ang Patpat ng Ekobrik (ecobrick stick)

mahalaga ang paggamit ng patpat ng ekobrik
upang mga ginupit mong plastik ay maisiksik
sa boteng plastik din na paglilibingan ng plastik
patpat na kawayan lang ang gamitin mong paniksik

aangat lang ang mga plastik sa loob ng bote
kung wala kang pantulak sa plastik na anong dami
di lang ginupit na plastik ang isiksik sa bote
kundi malambot ding plastik na ikakabig dine

malambot na sando bag ang magtutulak pababa
sa tulong ng patpat na kawayang gamit mong kusa
di pwedeng metal kundi kawayan nang di masira
ang boteng plastik, na ekobrik mo ring ginagawa

ang malambot na plastik ang kukubkob sa ginupit
hanggang sa pinakababa't patitigasing pilit
na pag pinisil mo'y parang batong di mo mabinit
ekobrik na sa tigas parang brick na magagamit

- gregbituinjr.

Magkalintog man dahil sa page-ekobrik

nagkakalintog o nagkakapaltos din talaga
sa daliri sa paggupit ng plastik na basura
ayos lang iyon, sa kalikasan ay ambag mo na
paunti-unti man, nakadarama ka ng saya

ito ngang lintog ko'y halos di ko na naramdaman
daliri'y nakasakbat sa gunting, nakita na lang
na may lintog, marahil ay tanda ng kasipagan
o di kasipagan kaya madaling malintugan

gayunman, lintog na ito'y simbolo ng ekobrik
mga ginupit na plastik na ating isiniksik
sa boteng plastik, patitigasin mong talagang brick
nang makabawas sa kalat, walang patumpik-tumpik

magkalintog man at magkalipak, ito'y paggawa
ng makababawas sa basura mong nalilikha
basta makatulong, lintog na ito'y balewala
habang naggugupit, nagninilay, at kumakatha

- gregbituinjr.

Ang maging tibak

"Besides being a poet, to be an activist is my calling. ~ GBJ"

isa lang ako sa tinawag upang maging tibak
magsisilbi sa bayan, pamumuhay ay payak
danasin man ang hirap, wala ritong pisong pilak
nagpasya akong ganap, buhay ko'y dito tiniyak

pagyakap sa aktibismo'y pagtanggap sa layunin
sumama ako dahil marangal ang adhikain
lipunang makatao'y itayo ang simulain
upang sosyalismo't panlipunang hustisya'y kamtin

magtatatlong dekada nang ito ang aking misyon
uring manggagawa'y kasamang nagrerebolusyon
kasama rin pati magsasaka sa nilalayon
at nakikibaka para sa makataong nasyon

internasyunalismo ang prinsipyo't diwang yakap
na anuman ang lahi'y dapat tubusin sa hirap
pagkakapantay sa lipunan ang aming pangarap
rason kung bakit kami'y naging aktibistang ganap

kahit sa mga tula ko'y nakikibakang tunay
nagrerebolusyong yakap ang simpleng pamumuhay
sosyalismo sana'y makamit habang nabubuhay
ito na ang aking buhay hanggang ako'y mamatay

- gregbituinjr.

Sabado, Mayo 16, 2020

Halina't maglaro ng sudoku

matapos magbasa't magsulat, o magtanim kaya
matapos mag-ekobrik, magdilig man, o maglupa
maglalaro na ng sudoku sa selpon kong luma
animo'y matematika itong kahanga-hanga

tunay nga bang sudoku'y inimbento ng Igorot
dahil balangkas nito'y parang sa sundot-kulangot
pagkain sa kawayan at baong tamis ang dulot
siyam na hilerang tila sudoku pag sinundot

mula SUnDOt-KUlangot ay tinawag na sudoku
habang nasa kwarantina'y nilalaro-laro ko
di pa magastos na di tulad ng sudokung libro
na kailangan pang bilhin upang maglaro nito

may app ng sudoku, i-download mo sa iyong selpon
at laruin matapos ang gawain sa maghapon
magandang pangrelaks, pumokus, bilisan ang aksyon
huwag lang hayaang sarili mo'y dito magumon

- gregbituinjr.



Ekobrik ang libingan ng mga plastik

Ekobrik ang libingan ng mga plastik

sa lahat ng mga plastik, libingan n'yo'y ekobrik
panawagang sa boteng plastik na kayo isiksik
ito ang maaaring gawin sa lahat ng plastik
lalo't naglipana na sila, anong iyong hibik?

mamangka ka sa dagat, ang plastik nga'y naglutangan
malapit sa amin ang Manila Bay, iyong tingnan
hinampas ng alon ang plastik sa dalampasigan
akala ito'y pagkain ng isdang nagbundatan

may dapat tayong gawin upang ilibing ang plastik
huwag sa laot pagkat mata ng isda'y titirik
mayroon din daw microplastics na kahindik-hindik
na di na malaman kung saan-saan nakasiksik

ilibing ang mga plastik ng pinagkainan mo
kung nais mo'y isama ang mga plastik na trapo
i-ekobrik lalo't mga plastik ang mga ito
nang di na lumutang sa dagat at makaperwisyo

- gregbituinjr.

Nakarami na rin ako ng nagawang ekobrik

nakarami na rin ako ng nagawang ekobrik
sa boteng plastik ay pinagsikapan kong isiksik
ekobrik ay libingan na ng laksa-laksang plastik
ekobrik ay libangan ko na ring nakasasabik

kayraming naipong plastik habang may kwarantina
pinatitigas na parang bato, pindutin mo pa
pag binato ng plastik ni misis, masakit pala
parang haloblak ang ginawang ekobrik, ano ba?

isang tulong na rin ito sa ating kalikasan
upang basura'y mabawasan sa kapaligiran
isang ekstrang gawain man ito'y pinagsikapan
upang makatulong din sa kapwa't sa sambayanan

ang naipong plastik sa malaking bag na'y naubos
ang basura'y di napunta sa laot, nakamenos
pakiramdam mo'y masaya't nakatulong kang lubos
ginawa sa panahong kwarantina kahit kapos

- gregbituinjr.


Biyernes, Mayo 15, 2020

Ayoko nang umabot ng otsenta sa pagtanda

ayoko nang umabot ng otsenta sa pagtanda
na inabot ko lang iyon dahil nakatunganga
na di ka man lang nakatulong sa bayan o madla
mabuti nang mamatay sa laban kaysa tumanda

mahalaga laging may nagagawa ka sa bayan
sa iyong kapwa tao, maging sa kapaligiran
may nagagawa ka ba para sa kapayapaan?
ipinaglaban mo ba ang pantaong karapatan?

mabuti nang makipaglaban at baka magwagi
mabuting maglingkod sa bayan kaysa naghahari
kung bulok ang sistema'y bakit pinananatili
ayokong tumanda kung tahimik na lang palagi

ayokong kain, tulog, trabaho, paikot-ikot
kain, tulog, trabaho, kain, tulog, nababansot
ang utak, ayokong tumandang turumpong kangkarot
kung ganito lamang, otsenta'y ayokong maabot

- gregbituinjr.

Kinsenas na naman

Kinsenas na naman, sahod ng mga manggagawa
Ibigay sana'y tamang presyo ng lakas-paggawa
Natataguyod sana ang magandang halimbawa
Subalit switik nga ang kapitalistang kuhila
Espesyal na araw na aba pa rin ang paggawa

Nagtatrabaho upang ang pamilya'y may makain
Ang kalusugan ng pamilya'y dapat atupagin
Sa bawat araw, kitang sahod ay dapat ipunin
Na pati edukasyon ng anak ay iisipin
Ang pag-iimpok para bukas ay mahalagahin

Nananatiling ganyan, paikot-ikot ang buhay
Ang kinsenas at katapusan ay dapat manilay
Manggagawa kang sa pamilya'y kayraming inalay
Anak mo sana'y magsikap at mag-aral ngang tunay
Na ganyan pa rin ang iyong buhay hanggang mamatay

- gregbituinjr.

Ang kalayaan sa pamamahayag

ANG KALAYAAN SA PAMAMAHAYAG
Sinaliksik at sinulat ni Greg Bituin Jr.

Sa ating Konstitusyong 1987, Artikulo III, Seksyon 4, ay nasusulat: "No law shall be passed abridging the freedom of speech, of expression, or of the press, or the right of the people peaceably to assemble and petition the government for redress of grievances." ("Walang batas na dapat ipasa na pumipigil sa kalayaan sa pagsasalita, ng ekspresyon, o ng pamahayagan, o ang karapatan ng mga tao sa mapayapang pagtitipon at hilingin sa pamahalaan upang malunasan ang mga hinaing. - salin ni GBJ.)

Ito rin ang pinaninindigan ng ating publikasyong Taliba ng Maralita. Kaya patuloy tayong gumagawa, nagsusulat ng mga akda, at naglalathala ng ating pahayagan. Dahil ang kalayaan sa pamamahayag ay karapatan ng bawat mamamayan. Walang anumang batas ang dapat pumigil sa kalayaang ito.

Sapagkat patuloy ang pagdaloy ng komunikasyon, animo’y walang hanggang ang mga titik sa bawat pahina, patuloy ang daloy ng mga salita lagpas pa sa hangganan ng mga bansa. May mata ang balita, may tainga ang lupa, ayon nga sa isang kasabihang Pinoy. Kaya inaabot ng ating pahayagan ang mata at tainga ng kapwa dukha. Subalit may nais pumigil ng kalayaang ito, tulad ng naganap na pagsasara ng ABS-CBN, ang naganap na pagkapaslang sa mahigit 30 mamamahayag sa Maguindanao massacre noong 2009 at di mabilang na pagpaslang sa mga mamamahayag. Ilang titik lamang subalit makapangyarihan ang mga titik na nasa pahayagan.

Bilang mamamahayag ng Taliba ng Maralita, malaking pundasyon ng ating isinusulat ang mga salita. Kaya mabigat ang nakaatang na responsibilidad sa bawat salitang ating ipinahahayag. Kaya dapat maingat tayo upang hindi tayo mapahamak sa mga halibyong (o fake news), at talagang seryoso tayong ang bawat isinusulat natin ay batay sa tunay na pangyayari. Dahil hindi na natin mai-edit ang mga impormasyong isinulat natin pag ito’y nalathala na at naipamahagi na ang pahayagan sa kapwa maralita.

Subalit dapat nating gampanan ang ating misyon – ang magbalita, mag-ulat, magmulat at mambatikos kung kailangan. Mahalaga’y naninindigan ang Taliba ng Maralita sa katotohanan at pagmumulat sa mga kapwa dukha tungo sa pangarap nating lipunang makataong iginagalang ang dignidad at pagkatao ng bawat mamamayan.

* Isinulat para sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at nalathala sa isyu nito ng Mayo 1-15, 2020, pahina 2.

Huwebes, Mayo 14, 2020

Ingat, baka matibo

ingat, baka matibo, ang sabi ng aking pinsan
nang minsang kami'y naglalakad doon sa tubuhan
may tibo raw na anong liliit sa sa dahon niyan
na dapat ko raw iwasan upang di masugatan

dahil doon, maraming salamat sa kanyang payo
kaya sa masukal, nag-iingat ng taos-puso
di lang sa ahas mag-ingat kundi pati sa tibo
pagkatakot sa madadawag ay agad naglaho

kaya kahit mapunta ako sa ibang probinsya
mag-ingat sa madadawag ay ginagawa ko na
mahirap maisahan, kahit tibo lang ay isa
aaringking ka sa sakit, buong araw na dusa

may lason man o wala, pag sa balat mo'y tumusok
kung kagat man ng langgam iyon ay di ko pa arok
magandang pagsasanay nang makaiwas sa tusok
maging maingat saan mang mapasuot na sulok

- gregbituinjr.

Paninilip

naninilip siya sa butas nang aking mahuli
ngunit di siya umaamin, walang sinasabi
upang malaman ang totoo'y sisilip din dini
upang magkasala rin ako't dalawa na kami

paano kung ako'y pagbintangan ding namboboso
o kaya'y nagmamanman siya't may ibang sikreto
depende marahil sa lugar o katayuan n'yo
kung matatakasan agad ang sitwasyong ganito

bakit nga ba may masasaya kapag naninilip
dahil ba pulos libog ang nadama't naiisip
o baka tumatayo na kapag nananaginip
kaya dapat ilabas ang kung anong halukipkip

sana'y walang mangyaring masama sa binosohan
sana'y hanggang silip na lang ang kanyang maranasan
huwag na sanang sumobra't lumampas sa hangganan
at panatilihin na lamang ang kapayapaan

- gregbituinjr.

Nagagalit sa sarili

nagagalit sa sarili pag ako'y pumapalpak
di ko sinisisi ang asawa ko't mga anak
o kahit kaibigan, kakilala, kamag-anak
sarili lang ang sisisihin pagkat ako'y tunggak

bakit iba'y sisisihin sa pagkakamali ko
sila nga ba ang talagang nagkamali o ako
mahirap bang sa sarili'y tanggapin ang mali mo
tatanggapin ko ang mali upang makapagwasto

ilang beses na rin ba akong gumapang sa lusak
ilang beses na sa pagkilos muntik mapahamak
ilang beses nang nakatikim ng suntok at tadyak
ilang beses na rin ba akong gumanti't nanapak

kapalpakan ko ba'y maisisisi ko sa iba
o sarili'y pakasuriin at mag-analisa
magwasto upang makapaglingkod pa rin sa masa
sarili'y ayusin kung narito ang diperensya

nangyari'y pagnilayan, magwasto kung kailangan
magpakatao ka pa rin sa harap ng sinuman
makipagkapwa, di man makatao ang lipunan
gawain at tungkulin mo'y pagsikapang galingan

- gregbituinjr.

Bukrebyu sa aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan"

Bukrebyu: Ang aklat na SI ANDRES BONIFACIO AT ANG HIMAGSIKAN ni Jose P. Santos
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Nabili ko ang aklat na Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan noong Disyembre 9, 2019 sa Popular Bookstore sa Lungsod Quezon sa halagang P50.00 lang. Laking tuwa kong magkaroon ng makasaysayang aklat na ito para sa aking koleksyon.

Ito'y sinaliksik at sinulat ni Jose P. Santos at may Paunang Tula ni Jose Corazon de Jesus. Umaabot ito ng 52 pahina at ikalawang paglilimbag na ito noong 1935.

Isinalaysay dito ni Santos ang mga nasaliksik niyang talambuhay ni Gat Andres Bonifacio, tinalakay at nilathala rin ng buo ang mga sanaysay ni Bonifacio na "Ang Dapat Mabatid ng mga Tagalog" at "Katipunang Mararahas ng mga Anak ng Bayan", dalawang liham ni Bonifacio, at kanyang mga tulang "Pag-ibig sa Tinubuang Bayan", "Katapusang Hibik ng Pilipinas", "Tapunan ng Lingap" at "Ang mga Cazadores", at salin ni Bonifacio ng Mi Ultimo Adios ni Gat Jose Rizal.

May kopya rin ng ulat ni Heneral Lazaro Makapagal, na pinadala kay Jose P. Santos, may petsang Hunio 27, 1929, hinggil sa naganap noong Mayo 10, 1897, nang pinaslang sina Andres at Procopio Bonifacio ng grupong pinamunuan ni Makapagal.

Naroon din ang dalawang ulat, may petsang Marso 31 at Nobyembre 26, taon 1926, si Epifanio delos Santos, direktor ng Philippine Library and Museum, hinggil sa mga natuklasang buto ni Bonifacio.

Anupa't napakaraming datos ang ating malalaman tungkol sa buhay, sulatin, at kamatayan ng ating dakilang bayani. Dapat din itong mabasa ng sinumang nagmamahal sa kalayaan ng bayan at nakikibaka para sa kaginhawaan ng bawat tao sa daigdig.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2020, pahina 16.

Miyerkules, Mayo 13, 2020

Tanong ni esmi

ano na namang iniisip mo, tanong sa akin
ang laman ng isip ko'y kayhilig niyang tanungin
nagagambala tuloy ang pagninilay sa hangin
lumilipad na naman ang isip sa papawirin

ano bang nasa isip ko habang nakatunganga?
kayhirap bang sagutin, o nasa isip ko'y wala?
iniiba ko ang usapan, may panibagong paksa
ano bang lulutuin ko, anong ulam mamaya?

kahit di naman iyon ang talagang nasa isip
baka kakatha o may diwata sa panaginip
baka sa gilid ng balintataw ay may nahagip
baka prinsesa'y nasa panganib, dapat masagip

tanong sa akin, ano na namang iniisip mo?
o bakit sa ganyang klaseng tanong, ako'y kabado?
dapat bang laging may handang sagot na inimbento?
tortyurer ko ba siya nang ako'y nakalaboso?

ano bang lulutuin, anong ating uulamin?
handang tugon, eh, paano kung tapos nang kumain?
at pipikit na, ewan ko, paano sasagutin
pagkat di ko alam anong bigla kong sasabihin

marahil, nasa isip ko'y mababasa sa akda
biyograpiya raw ng makata'y nasa kinatha
ngunit may nasa isip na di dapat tinutula
anong nasa isip ko, tula, tulala, o wala?

- gregbituinjr.

Dahil walang pagemaker, ginamit ko'y microsoft word

sa paggawa nga ng dyaryo, pagemaker ang gamit ko
ngunit sa mga computer shop ay wala na ito
kaya microsoft word na'y gamit ko sa pagdisenyo
ng pahayagan, ng magasin, maging ng polyeto

isulat muna sa papel ang iyong inaakda
para handa na pag sa kompyuter ka na nagtipa
pag may wifi, pwedeng sa facebook sa selpon gumawa
pag nasa kompyuter na, saka kopyahin ang katha

nakaplano na sa isip ang buong pahayagan
isulat sa notbuk bawat pahina't nilalaman
ige-grayscale mo sa internet ang mga larawan
ilagak sa facebook group o i-email lahat iyan

saanmang computer shop, microsoft word ay laganap
sulatin mo'y i-download sa facebook o email na app
o i-copy paste muna sa notepad ang iyong na-tayp
mula notepad sa microsoft word, ilipat mong ganap

i-column sa isa, dalawa, batay sa disenyo
parang pagemaker pero microsoft word ang gamit mo
batay sa plano, ilagay mo ang teksto't litrato
pag natapos na'y tiyaking mai-p.d.f. ito

i-u.s.b. ang p.d.f. file, pag may pondo'y dalhin
sa palimbagan upang maging dyaryo o magasin
bahala silang maglimbag hanggang ito'y tiklupin
pag gawa na'y ipamahagi o ibenta mo rin

- gregbituinjr.

Kung walang kompyuter, magdisenyo sa selpon

kailangang sadya ng matinding pagtitiyaga
kung selpon lang ang iyong gamit sa bawat pagkatha
buti't may app na pwede kang magdisenyo't lumikha
ngunit app ay araling mabuti nang maunawa

kung walang laptop at walang bukas na computer shop
malaking tulong sa gawain ang na-download na app
microsoft word, gmail, notepad, mada-download mong ganap
photo editor, wordpress, sa internet nga'y laganap

lalo't kwarantina, wala kang anumang magamit
kundi selpon lang, oo, selpon lang na anong rikit
saan ka man pumunta ay madali mong mabitbit
dapat lang magtiyaga kung gusto'y nais makamit

huwag kang maaburido, matutong magtiyaga
teknolohiya'y maraming hinahain sa madla
aralin ang app, paisa-isa't may magagawa
huwag mainip, selpon man, maraming malilikha

- gregbituinjr.

Martes, Mayo 12, 2020

Buhay na bibitin-bitin

buhay na bibitin-bitin
ay laging pakaisipin
di dapat sising alipin
kundi tayo'y kawawa rin

magsikap lagi't magsikap
pagkat daig ng maagap
ang masipag, kung mangarap
tayo'y dapat may paglingap

isang kahit, isang tuka
ang buhay ng maralita
nawa'y huwag matulala
pag kahirapa'y lumala

wala mang kasiguruhan
ang buhay ng mamamayan
suriin mo ang lipunan
pati na pamahalaan

bakit ba may asindero
bakit may kapitalismo
nasaan ang pagbabago
bakit may uring obrero

kanilang pinanatili
ang pribadong pag-aari
kaya mayama'y nagwagi
at mga dukha'y pighati

kaya dapat maghimagsik
kung ayaw mata'y tumirik
rebolusyon na ang hibik
laban sa mga suwitik

pangarap nating sumaya
tila may bagong pag-asa
itatayong sama-sama
ang lipunan nitong masa

- gregbituinjr.

Kwento ng pagkamulat

nagisnan ko ang liwanag sa aking mga mata
mula sa pagkahimbing ay dumatal ang umaga
tila sikat ng araw ay panibagong pag-asa
habang kinakaharap ang laksang pakikibaka

namulat akong di magkapantay ang kalagayan
ng samutsaring tao sa kinagisnang lipunan
tanong ko: bakit may mahirap, bakit may mayaman
sistema'y inaral upang di magulumihanan

di ko mawari bakit ganito sa bayan natin
dapat ang lipunang ito'y suriin at baguhin
mayaman ang mapagsamantala't mapang-alipin
gayong dukhang inaapi'y mga kapwa tao rin

"Iisa ang pagkatao ng lahat," ang sabi nga
ni Gat Emilio Jacinto na bayaning dakila
dahil dito'y hinanap ang diwang mapagpalaya
hanggang aking makasama ang uring manggagawa

nagsuri't aking natutunan ang kanilang layon
sila pala'y may dakilang papel upang bumangon
ang mga api't pinagsasamantalahang nasyon
prinsipyo ng uring manggagawa, ito ang tugon

dahil sa kanila'y namulat ako't naririto
prinsipyo't misyon ng uring obrero'y niyakap ko
at aming itatayo ang lipunang makatao
salamat sa nagmulat sa akin, mabuhay kayo!

- gregbituinjr.

Kwento ng pagkabulag

nawala na ang liwanag sa aking mga mata
di na mapagmasdan ang mga tanawing kayganda
di na rin masilayan ang magagandang sagala
ang mga nasa isip ay di na rin maipinta

pakiramdam ko, tila ba daigdig na'y nagunaw
pati pakikipagkapwa tao'y di na matanaw
na panlipunang hustisya'y may tarak na balaraw
totoo pa'y kayraming batang sa tokhang pumanaw

di ko lubos maisip bakit dapat pang mabulag
gayong mata'y iningatan lalo't nababagabag
kayraming krimeng naganap at batas na nilabag
pati na karapatang pantao'y pupusag-pusag

buti't bulag na di kita ang karima-rimarim
na pulos krimen, pagpaslang, korupsyon, paninimdim
sakaling makakita muli't di sanay sa dilim
nawa'y may hustisya pa rin sa kabila ng lagim

- gregbituinjr.

Lunes, Mayo 11, 2020

Bihirang magkape

bihira pa rin akong magkape, tulad ng dati
nagtitipid ng panggastos kaya di nagkakape
maliban kung may mag-alok sa pulong at nagsabi
ngunit di na magkakape kung ako pa'y bibili

lalo ngayong kwarantina, si misis ay mahilig
magkape kaya napapakape rin ang makisig
dapat nang magtipid ngayong panahon ng ligalig
kaya nagkakasya na lang sa mainit na tubig

kung sanay kang magkape, umaga, tanghali, hapon
gabi, di na ito basta-basta magawa ngayon
walang sahod, walang pambili, at walang limayon
buhay-lockdown na ito, tipid-tipid pag naglaon

masarap namang magkape lalo't kapeng barako
nagpapaaraw sa umaga't nageehersisyo
subalit sa panahong ang sitwasyon ay ganito
may dahilang maging kuripot, nasa lockdowan tayo

- gregbituinjr.

Patuloy ang page-ekobrik kahit umuulan

patuloy ang page-ekobrik kahit umuulan
kaylakas ng tikatik, aba'y nagraragasaan
animo'y may demolisyon, yero'y nag-aangasan
habang nage-ekobrik ay patuloy sa paggampan

matagal maggupit, daliri rin ay nangangalay
dapat din, loob ng plastik ay malinisang tunay
punasan ng basahan o banlawan at isampay
walang latak ng pagkain ang plastik na ginutay

mga ginupit ay ipapasok sa boteng plastik
dapat malinis upang walang mikrobyong sumiksik
dapat di rin basa, patpat na kahoy ang paniksik
gagawing sintigas ng bato ang bawat ekobrik

habang kwarantina, sa page-ekobrik tumutok
doon ililibing ang plastik na di nabubulok
mai-ekobrik din kaya ang mga trapong bugok
dahil mga plastik din itong nakasusulasok

- gregbituinjr.

Ngitngit ng kalikasan

kanina'y tirik ang araw, subalit nagbabadya
ang pagbuhos ng malakas na ulan, biglang-bigla
sa yerong bubong tila bato'y nagbagsakang lubha
sa nangingitim na ulap ay biglang kumawala

ibinuhos na ng kalikasan ang kanyang ngitngit
lalo't usok ng coal-fired power plants ay abot-langit
nang mapuno ng plastik ang dagat, nakakagalit
kalikasan ay nagwala't sa lupa gumigitgit

tuwang-tuwa naman ang magsasaka't nadiligan
ang mga tanim niyang nilinang sa kabukiran
habang animo'y basurahan ang mga lansangan
nagbaha pagkat sa kanal, plastik na'y nagbarahan

biktima ng ngitngit ng kalikasan ay tayo rin
batas ng kapaligiran ay alamin at sundin
huwag mo nang dumihan kung di mo kayang linisin
kalikasan ay buhay kaya alagaan natin

- gregbituinjr.

Linggo, Mayo 10, 2020

Bakit nga ba marami raw pasaway sa Maynila

Bakit nga ba marami raw pasaway sa Maynila

bakit nga ba marami raw pasaway sa Maynila
habang lockdown, laging iyon ang nababalita
dahil ba pasaway talaga ang taga-Maynila
o malapit kasi roon ang tagapagbalita

palibot ng Maynila ang mayorya ng masmidya
nasa Lungsod Quezon, Pasay, Makati, at saan pa
sa Malabon at Navotas ay swerteng makapunta
sila'y nasa sentro ng pulitika't ekonomya

nasa Maynila ang Malakanyang, ang nasa rurok
ng gobyerno, at pasaway din ba ang nasa tuktok
laki akong Maynila, sa distrito ng Sampaloc
kaya minsan naaamoy ang nakasusulasok

nasa Maynila rin ang matatandang kolehiyo
ang U.S.T., pinagdiwang na'y pang-apat na siglo
ang Letran ngayong apatnadaang taon na nito
pati ang La Salle, Mapua, San Beda, Ateneo

ang Kongreso'y nasa Q.C., Senado'y nasa Pasay
sakop ng Metro Manila, sila rin ba'y pasaway
ang totoo, nasa Maynila ang masmidyang hanay
kaya balita pag nilatag ay pambansang tunay

nasa Maynila ang balita, napapag-usapan
ng mga komentarista sa radyo't pahayagan
magrali sa Mendyola't pambansa na ang latagan
ganyan ang Maynila, na pasaway lang ay iilan

- gregbituinjr.
05.10.2020

Gisingin mo ako sa tagal nang pagkakahimbing

Gisingin mo ako sa tagal nang pagkakahimbing

gisingin mo ako sa tagal nang pagkakahimbing
na diyosa ng kagandahan ang aking kapiling
na kasama ko'y prinsesa mula sa toreng garing
na baka pantasyang ito'y tunay pag di nagising

sasabihing ako'y binangungot ng kagandahan
na isa palang diwata ang aking nakatipan
habang ako'y dalitang kapiling ng kagipitan
na ginhawa ng bayan ko ang tanging kasagutan

mutya'y naglalayag sa diwa ng abang makata
na tila bilanggong nakagapos sa tanikala
na sa pagkakahimbing ay tila di makawala
na tanging saksi sa kanya'y ang lobong maninila

dapat na akong magising, mayroon pang labanan
tulad kong mandirigma'y dapat handa sa digmaan
kasama'y hukbong mapagpalaya sa sagupaan
tunggaliang dapat na naming mapagtagumpayan

- gregbituinjr.

Ayokong maging pabigat

Ayokong maging pabigat

Ayokong maging pabigat, ito ang aking hiyaw
Yayao akong di pabigat sa mundong ibabaw
Oo, nagsusuri akong may ibang natatanaw
Kumilos man akong may batong pasan bawat araw

O, kung wala kang pag-ibig sa kapwa kung sakali
Nakibaka ka kaya upang obrero'y magwagi?
Ginhawang asam ng uring manggagawa ang binhi
Maghandang buwagin ang sistemang mapang-aglahi

Aktibista akong may adhikaing sinimulan
Ginagampanan kong lubos ang tungkuling pinasan
Iniisip ang kapakanan ng masa't samahan
Ng uring manggagawa, ng dukha, di ng iilan

Gising ang diwa sa samutsaring isyu't problema
Pagkamulat ko'y mula sa uring obrero't masa
At nangangarap baguhin ang bulok na sistema
Bisig ko't kamaong kuyom ay tanda ng pagbaka

Ibig kong mag-ambag sa ginhawa ng kapwa tao
Gaya ng pangarap ng dakilang Katipunero
Ayokong maging pabigat, buhay ko ang ambag ko
Tatahakin ang landas ng lipunang makatao

- gregbituinjr.
05.10.2020

Happy Mother's Day! - a Tagalog poem

Happy Mother's Day, pagpupugay sa lahat ng nanay!
Anak po'y naritong nagpapasalamat ng tunay!
Pagkat kayo'y inang mahal! Mabuhay po! Mabuhay!

Pangarap po namin ay naabot dahil sa inyo
Yamang pagmamahal ninyo sa anak ay solido
Mahal po namin kayo! Kami sa inyo'y saludo!

O, inay, na nag-alaga mula sinapupunan
Tigib ang pag-aaruga sa anak nang isilang
Heto kaming tumatag para sa kinabukasan

Espesyal pong araw na ito. Happy Mother's Day po!
Ramdam itong pagpapahalagang mula sa puso
Sa inyo, pagmamahal namin ay di maglalaho!

Dahil sa inyo, matatag at may dignidad kami
At pinag-aral, pinangaralan hanggang paglaki
Yamang kayong aming magulang ang aming bayani

- Greg Jr. and Liberty
05.10.2020

Sabado, Mayo 9, 2020

Ilang tanaga sa karapatan

karapatang pantao'y
dapat nirerespeto
oo, tibak man tayo'y
nais ng pagbabago

bagong sistema'y nais
dukha'y di na magtiis
sa hirap, dusa't hapis
na dapat nang mapalis

dapat mong ipaglaban
ang bawat karapatan
huwag mong kalimutan
ang iyong kaapihan

saan nga ba papunta
ang balikong sistema
na ang dulot sa masa
ay pawang pagdurusa

dapat lang maghimagsik
bago mata'y tumirik
tatanggalin ang tinik
sa buhay na tiwarik

bawat danas ay alab
upang mitsa'y magsiklab
himagsik ay lagablab
nang sistema'y matungkab

kaya mabuting gawin
yakapin ang layunin
gawin ang simulain
tuparin ang tungkulin

kilos na, kaibigan
baguhin ang lipunan
ipagtanggol ang bayan
mula sa kaapihan

- gregbituinjr.

* tanaga - uri ng katutubong tulang may pitong pantig bawat taludtod

Huwag palahin ang lupa ng mga pinagpala

huwag palahin ang lupa ng mga pinagpala
baka barilin ka ng tanod ng tusong kuhila
pribadong pag-aari daw nila'y kayraming lupa
na nais mo mang linangin, may sangkaterbang hidwa

lupa ng mga pinagpala'y huwag mong palahin
tinawag silang asindero di dahil sa asin
ang titulo'y inimbento upang lupa'y maangkin
magsasakang naglinang ng lupa'y paaalisin

lupang nilinang ng magsasaka'y biglang naglaho
kahit naririyan lang, inagaw para sa tubo
at nang dahil sa kapitalismo't burgesyang luho
itinaboy ang magsasaka doon sa malayo

kung lupang inagaw ng iba'y papalahin mo man
magsasaka't manggagawa'y dapat kasama riyan
sila ang sepulturero ng
sistemang gahaman
ang lupang pinagpala'y gagawin nilang libingan

- gregbituinjr.

Balintunang kaunlaran

may nabasa akong kung anu-anong lumaganap
pag-unlad daw ngunit di ko maunawaang ganap
narating daw ng tao ang buwan, ng mahihirap
habang sa araw, dumating ang tuso't mapagpanggap

nalikha na rin ng tao ang bomba atomika
na sadyang yumanig sa Nagazaki't Hiroshima
bomba'y naglipana rin sa ilang sikat na kasa
pati sa sinehan at kabaret, kayraming bomba

saksihan kung paano nagbibigayan ang langgam
habang kape mo'y binabantuan ng maligamgam
ang panliligaw ba'y aabutin ng siyam-siyam
kung magandang dalagang bukid ang iyong inasam

iiwasan ba o lulunasan ang COVID-19?
habang wala pang makitang lunas, iwasan natin
aralin din ang lipunan at sistema'y suriin
at ang bagong hinaharap ay paghandaan na rin

- gregbituinjr.

Biyernes, Mayo 8, 2020

Pasaring

tahimik lang ako kahit laging pinariringgan
ng kung anu-ano, tila ako'y sinisiraan
kaya maaga akong nagluluto ng agahan
sa gabi'y nasa kusina't lahat na'y huhugasan

bingi-bingihan na lang, puso'y ginagawang bato
kaysa manapak, masisira lang ang sarili mo
pabayaan na lang ang mga ugaling ganito
kahit nanggigigil gulpihin, tawanan lang ito

ayoko nang makasama ang ganyang magngangawa
sobra na kung sabihin kong mamatay siya nawa
ngatngatin ko na lang ng hinlalato ang kuhila
pakyu, pinapakyu ko na lang ang kanyang bunganga

panahon nang sa ganitong tao'y mapahiwalay
pag nakakasama siya'y di ako mapalagay
gayunpaman, tungkuling tangan ko'y di mapipilay
ipakitang ako pa rin ang pinakamahusay

- gregbituinjr.

Patuloy sa page-ekobrik

nagpapatuloy pa rin ako sa page-ekobrik
anuman ang tawag basta't ginugupit ang plastik
ginagawa habang lockdown kaysa mata'y tumirik
nagbibigay ng siglang tila sa akin nagbalik

habang kwarantina pa'y marami ring nagagawa
maging malikhain lang at maraming malilikha
nag-iisip, naggugupit, ang diwa'y kumakatha
maya-maya, sa katabing kwaderno'y itatala

mga nagupit na'y ipapasok sa boteng plastik
bawat nagupit ay isisiksik nang isisiksik
hanggang tumigas na animo'y batong itinirik
na magiging upuan o mesa ng katalik

ituring mong ito'y ehersisyo sa iyong lungga
pag nangalay ang kamay, saka ka lang tumunganga
sa puting ulap at bughaw na langit tumingala
baka musa ng panitik ay dumalaw sa diwa

- gregbituinjr.

Alaala ng isang gipit

pag may sampung piso sa bulsa
bibilhin ko ba'y ensaymada?
o isang kanin sa kantina?
ito kaya'y mapapagkasya?

dalawang dekada'y nagdaan
na ganito ang karanasan
lalo't pitaka'y walang laman
natutuliro ang isipan

isang pultaym na walang-wala
kumilos para sa adhika
pagkat ang masa'y lumuluha
kailanga'y bagong simula

ganito ang yakap kong buhay
na buong pusong inaalay
ngunit dapat pa ring magsikhay
para sa marangal na pakay

- gregbituinjr.

Huwebes, Mayo 7, 2020

Kotang tula sa lockdown

Kotang tula sa lockdown

ngayong may lockdown ay tinutukan ko ang pagkatha
at plinano kong bawat araw ay may tatlong tula
karaniwan sa umaga pa lang, kota nang sadya
may hapon pa't gabi, pag sinipag, may bagong akda

ngunit kung sanaysay, gawa ko'y isa bawat araw
minsan ay wala, basta't tatlong tula'y umaapaw
dalawa, apat, lima, anim, pitong tula'y mapalitaw
na mula puso't diwa ng makata'y kaulayaw

patuloy ang pagkatha ng makatang aktibista
na karamihan ng tula'y paglilingkod sa masa
sa tula idinadaan ang sentimyento't puna
pati na adhikaing pagbabago ng sistema

may mga tula hinggil sa mumunting bagay
bata, bato, buto, buko, butil, ang naninilay
danas, dusa, hirap, lalo na't di ka mapalagay
ah, kayraming paksa't tula ang makata ng lumbay

kota kong tatlong tula bawat araw na'y gawain
minsan, lampas na sa kota, basta't ako'y sipagin
at ngayon, ito'y tila isang ganap na tungkulin
na matapos man ang kwarantina'y gagawin pa rin

- gregbituinjr.
05.07.2020

Kwento ng isang latang sardinas

noong ako'y binata pa'y tipid lagi sa gastos
anumang nasa pitaka'y tinitipid kong lubos
sa ulam nga'y nakaplano kung anong matutustos
isang latang sardinas nga'y di agad inuubos

maliit, pulang lata ng sardinas ang bibilhin
malasa't maanghang itong akin pang hahatiin
pang-almusal, pananghalian, panghapunan na rin
nakakabusog din, basta't marami ka lang kanin

sa turo-turo, tatlong kanin, kalahating ulam
sa kolehiyo pa'y nasanay nang iyan ang alam
tila ba sa tulad kong dukha'y iyan ang mainam
basta't busog ka't bayad, wala silang pakialam

natutunan ko iyon sa aking paggala-gala
nang umorder ng kalahating sardinas ang mama
at isang platong kanin sa turo-turo ng dukha
tila ba pulubing namamalimos ng kalinga

ako'y isang tibak na laging walang pamasahe
mabuti pa ang pulubing may sariling diskarte
isang latang sardinas lang, may ulam hanggang gabi
nakaraos muli ang isang araw, aking sabi 

- gregbituinjr.

Asahan mo

ASAHAN MO

asahan mo, irog
ang aking pagluhog
puso'y dinudulog
pagsinta'y kaytayog

asahan mo, sinta
nasa puso kita
laging narito ka
buhay ko't lahat na

asahan mo, giliw
sa harana'y saliw
pagsinta't aliw-iw
na di magmamaliw

asahan mo, hirang
saka'y nililinang
upang huwag lamang
poste'y binibilang

alam mo, mutya
ng buhay kong dukha
pagsinta'y panata
at tunay na sumpa

asahan mo, liyag
puso kong binihag
mo'y naging panatag
salamat sa habag

asahan mo, mahal
pagsinta mang bawal
o pagsinta'y banal
kita'y magtatagal

- gregbituinjr.

Mga dalit sa karapatan

MGA DALIT SA KARAPATAN
* Ang dalit ay katutubong pagtula na may walong pantig bawat taludtod

karapatang magpahayag
ay di dapat nilalabag
pag ito na'y tinitibag
masa'y dapat nang pumalag

karapatang magsalita
ay di dapat masawata
pag ito'y binalewala
dapat mag-alsa ng madla

karapatang magtrabaho
sana'y sapat yaong sweldo
sa lakas-paggawa'y sakto
at di lugi ang obrero

karapatan sa pabahay
sapat, disente, matibay
doon ka magpahingalay
at buuin yaring buhay

pati na ang kalusugan
ay atin ding karapatan
kung may sakit malunasan
kung gamot, bigyan o bilhan

kung walang libre, bili ka
kung mahal ang medisina
magtanong sa generika
bakasakaling may mura

karapatan sa pagkain
dalawang rason, alamin
kung may digma't sasakupin
o kalamidad sa atin

kung isa sa dal'wa'y wala
maghanapbuhay ang madla
ibenta'y lakas-paggawa
nawa'y iyong naunawa

karapatang maeduka
karapatang magprotesta
pati pag-oorganisa
at magtipon sa kalsada

marami pang karapatan
ang di ko nabanggit diyan
ngunit kung ito'y yurakan
ipagtanggol, ipaglaban

- gregbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lunsod (KPML), isyu ng Mayo 1-15, 2020, pahina 20.

Sa musa ng panitik

kaysarap titigan ng ngiti't maamo mong mukha
maganda mong mata't ngiti'y di makatkat sa diwa
inspirasyon na kita sa lahat kong ginagawa
diwata kitang sa panaginip ko'y di mawala
ikaw ang hinehele niring puso, O, diwata
musa ka ng panitik, paraluman ng pagkatha

- gregbituinjr.

Miyerkules, Mayo 6, 2020

Pananaw sa pagsasara ng ABS-CBN

tuwang-tuwa sila't natupad ang gusto ng poon
isang kapitalistang masmidya'y dinurog ngayon
tila ba tinupad nila'y isang malaking misyon
na kritiko ng poon ay tuluyang maibaon
na kung sakaling magising ay di na makabangon

higit labing-isang libong obrero'y apektado
sa panahong may COVID pa'y nawalan ng trabaho
baka di rin magtatagal ang pangyayaring ito
makikiusap ang kampong senador ng pangulo
pagbibigyan, lalakas ito pag kumandidato

baka nililigaw na tayo sa kanilang drama
pasalamat at lockdown, walang tao sa kalsada
kayraming unipormado, animo'y martial law na
subalit di mapipigil kung magpahayag ang masa
lalo't ayaw din nila ang lupit ng diktadura

babagsak din ang animal, babagsak ang animal
pagkat di habambuhay ang paghahari ng kupal
busalan man ang masmidya't masa'y di makaangal
mag-aalsa rin ang masa, di ka makakatagal
ibabagsak din ang pusakal sa tronong pedestal

- gregbituinjr.

Ulam na brocolli'y pampatibay at pampalusog

malalaking brocolli yaong dinala sa bahay
kahapon, ginayat, niluto, inulam na gulay
kaysarap ng pagkaluto, sadyang mapapadighay
at umaliwalas din ang mukhang di mapalagay

paggising sa umaga'y ito pa rin ang inulam
tila gamot na agad gumaan ang pakiramdam
nagpainit sa araw, naligo ng maligamgam
at anumang pagkabalisa'y agad na naparam

umaga'y anong rikit, dama'y di na naninimdim
mabuti pang mamitas ng mga sariwang tanim
pag tirik na ang araw ay doon ka na sa lilim
habang paruparo sa bulaklak ay sumisimsim

ulam na brocolli'y pampatibay at pampalusog
pag ganito ang ulam mo'y tiyak kang mabubusog
at sa hapon ay madaramang kaysarap matulog
na tila abot na ang pangarap mong anong tayog

- gregbituinjr.

Sumugod ang tandang sa tarangkahan ng pag-ibig

sumugod ang tandang sa tarangkahan ng pag-ibig
sinundan ang inaheng nais niyang makaniig
sa pagkurukok, tila puso'y kaylakas ng pintig
tanda ng ligayang animo'y may haing pinipig

anong rikit ng paglitaw ng araw sa silangan
nakakapanginig ang simoy ng hanging amihan
kayputi naman ng alapaap sa kalangitan
na tila sa buong araw ay may kapayapaan

habang yaong tandang ay patuloy lang sa pagpupog
at ang inahen, maya-maya lang ay mangingitlog
paano nanligaw ang tandang, pagsinta'y niluhog?
nag-alay din ba ng palay at matamis na niyog?

Balagtas: "O, pagsintang labis ng kapangyarihan"
napakalayong tinig na narinig pa ng tandang
kaya sumisintang puso'y namugad nang tuluyan
kasama ang sintang bubuo ng kinabukasan

- gregbituinjr.

Martes, Mayo 5, 2020

Itinatanim ko'y binhi

Itinatanim ko'y binhi

itinatanim ko'y binhi upang maging halaman
sa bawat araw ay palalaguin, didiligan
tulad ng gulay nang may mapitas pag kailangan
at nang may makain din ang pamilya't mamamayan

itinatanim ko'y binhi upang masa'y mamulat
na pakikipagkapwa'y pag-uugaling marapat
na kung tayo'y magpapakatao, ito na'y sapat
upang lipunang makatao'y asamin ng lahat

halina't magtanim, magandang binhi ang ihasik
binhing walang pagsasamantala ng tuso't switik
binhi upang baguhin ang sistema't maghimagsik
laban sa puno, sanga't bunga ng burgesyang lintik

itanim natin ang binhi't diwang mapagpalaya
sa kalsada't piket man, kasama'y obrero't dukha
palaguin ang pagkakaisa ng manggagawa
at lipulin din ang damo ng burgesyang kuhila

- gregbituinjr.

Pluma ko'y bakliin mo man

nais kong maramdaman nilang kahit sa sulatin
na di ako nag-lie low, pagkilos ko'y tuloy pa rin
nasa kwarantina man, ginagawa ang tungkulin
komentaryo't tuligsang tula ang palipas hangin

patuloy na nakikiramdam at di humihimbing
sa problema't isyu ng masa'y nanatiling gising
diwa ng dalita'y katha, wala sa toreng garing
sa manggagawa't maralita laging nakakiling

di natutulog kahit sa karimlan itong pluma
upang magpaliwanag, tumuligsa o pumuna
lumalaban sa pang-aapi't pagsasamantala
sa akda nilalarawan ang sakripisyo't dusa

pluma ko'y bakliin mo man, patuloy sa pagsulat
pintig ng puso't daloy ng diwa'y di maaawat
magpapatuloy pa rin sa gawaing pagmumulat
wala man sa kalsada'y tangan pa rin ang panulat

- gregbituinjr.

Sa ika-202 kaarawan ni Karl Marx

SA IKA-202 KAARAWAN NI KARL MARX
(Mayo 5, 1818 - Marso 14, 1883)

mabuhay ka, Karl Marx, at ang iyong mga sinulat
na sa uring manggagawa'y sadyang nakapagmulat
di pagkapantay sa lipunan ay iyong inugat
at teorya mo't pagsusuri sa mundo'y kumalat

kasama si Engels ay nagsulat ng manipesto
at inyong sinuri ang sistemang kapitalismo
tinalakay bakit dapat mamuno ang obrero
upang panlipunang hustisya'y makamit ng husto

ugat ng kahirapan ay pribadong pag-aari
sinuma sa isang pangungusap: dapat mapawi!
pagsasamantala'y tiyaking di na manatili
at buong uring manggagawa ang dapat magwagi

salamat, Karl Marx, sa obrang Das Kapital, mabuhay!
sa iba mo pang akdang inaaral naming tunay
sa iyong ambag upang lipunan ay maging pantay
sa kaarawan mo, taas-kamaong pagpupugay

- gregbituinjr.

Lunes, Mayo 4, 2020

Munting sulyap sa talambuhay

Munting sulyap sa talambuhay

tatlong taon ding naging machine operator noon
tangan ko'y makina, manggagawang regular doon
nag-resign, nag-aral, b.s. math ang kinuhang iyon
naging manunulat pangkampus ng apat na taon
di pa editor nang sumumpa't niyakap ang layon
di nagtapos, nag-pultaym, iyan ang aking kahapon

wala na sa isip ang aming pinag-aaralan
kaya nagpasya akong makibaka ng tuluyan
sa campus paper ay mababasa ang pasyang iyan
at umalis sa apat na sulok ng pamantasan
nasa isip lagi'y ang kinabukasan ng bayan
inaral ang sistema, rebolusyon at lipunan

dugo'y mainit noon laban sa pambubusabos
kumampi sa pinagsasamantalahan at kapos
pag pulong, malayo'y nilalakad, walang panustos
at tinitiis ang gutom dahil walang panggastos
aral sa matematika, pati buhay tinuos
at nilulubos ang aldyebra sa buhay kong kapos

ikinasal kaya may asawang naging kaakbay
hinarap ang sinasabing bago ko raw na buhay
habang ang prinsipyo'y tangan pa rin sa bawat lakbay
sa problema't paglutas ng problema na'y nasanay
patuloy lang gawin ang misyon ko't tungkuling taglay
kung sa pakikibaka'y nawalay, ako na'y patay

- gregbituinjr.
05.04.2020

Tigil daw muna ang produksyon

bumalik ang sigla ko bilang dating manggagawa
nang gadgarin itong karot na kusa kong ginawa
alalayan si misis sa proyekto naming handa
ang pinulbos na karot na ibebenta sa madla

sampung malaking karot bawat araw ang kota ko
sinubukan muna, dalawang araw nang ganito
dalawampung karot sa dalawang araw na ito
upang makarami'y kinse na kaya ang gawin ko

kayraming nakabilad, dinadapuan ng langaw
para bang uulan, araw ay lumubog-lumitaw
tama na muna, si misis ang sa akin ay hiyaw
tigil muna ang produksyon, sa akin ay malinaw

sa bawat araw, prinograma ko na ang gagawin
sampung karot tuwing umaga ang kukudkurin
bilang manggagawa, ang target kong kota'y tungkulin
sigla bilang dating obrero'y nagbalik sa akin

konti lang ang nakabilad, tigil na ang produksyon
habang nasa antas kami ng eksperimentasyon
sa pag-aaral ng pulbos na karot nakatuon
tagumpay nito nawa'y kamtin namin pag naglaon

- gregbituinjr.

Ang kinayod kong karot

kalahating batya ang kinayod kong sampung karot
kaysarap pagmasdan habang sa ulo'y kumakamot
dapat maligo matapos magkayod, aking hugot
habang mamaya'y mag-uulam ng talbos at hawot

kahapon ay sampung malaking karot, ngayon uli
sinimulan ko nang matapos makapananghali
di ko man mapuno ang batya, kahit kalahati
kayod ng kayod, gadgad ng gadgad, paunti-unti

sa umaga, maggadgad muna ng karot ang gawa
sa tanghali, magluluto, kakain, titingala
sa langit upang pagnilayan ang anumang paksa
sa hapon, patuloy ang gawa, sa gabi'y pagkatha

matapos maggadgad, linisin lahat ng ginamit
kaldero, pinggan, panggadgad, batya, silya'y iligpit
maayos ang maghapon, magdamag nama'y pusikit
randam ay maaliwalas, kahit na nanlalagkit

- gregbituinjr.

Walang asukal sa kape

kung may asukal pangkape, ilagay nang sumarap
kung walang asukal, di na ako naghahagilap
ayos na ang kape, di man matamis pag nalasap
kaysa bibili ng asukal, panggastos pa'y hanap

masarap din ang walang asukal, lalo't barako
na inumin ng tulad kong barakong may prinsipyo
para sa masa't mga kapatid nating obrero
masarap, malasa, magigising ang katawan mo

halina't uminom ng kapeng barako, kasama
habang nagninilay at kumakatha rin tuwina
ng alay na tula sa manggagawa't magsasaka
habang sinusulat din ang ginawa sa umaga

tumitigas ang itlog sa tubig na pinainit
lumalambot naman ang pinakuluang kamatis
sa barako'y nangingitim ang tubig kahit saglit
tandang sa diyalektika'y may iba't ibang bihis

- gregbituinjr.

Linggo, Mayo 3, 2020

Planong pinulbos ng karot

maraming karot ang sa frontliners ay ibinigay
na iniuwi naman nila sa kanilang bahay
mga magsasaka'y sa frontliners ito inalay
pagkat sa mga pamiliha'y di pasadong tunay

dahil dito'y wala nang magawa ang magsasaka
kaysa raw mabulok lang ay mapakinabangan pa
ibinigay sa frontliners ang mga di nabenta
gayunman, salamat kahit wala na silang kita

bagong ani ang karot na di niya pinagdamot
may maliliit at may mga malalaking karot
si misis sa kaanak na frontliner nakihakot
upang di agad mabulok, si misis ay may sagot

ipreserba ang karot at gawing pulbos, durugin
kaya agad kong sinimulan ang kanyang mithiin
sampung malalaki'y tinalupan ko't gagadgarin
gamit ang panggadgad, ito'y aking paliliitin

pag maliliit na, sa araw ay agad ibilad
mungkahi kay misis ng amiga niyang mapalad
at talagang sinipagan ko naman ang paggadgad
dikdikin hanggang maging pulbos, ibenta't umunlad

panghalo raw sa niluluto ang karot na pulbos
pampalakas raw upang hininga'y di kinakapos
nais kong makarami kaya agad kong tinapos
pulbos na karot pag nabenta'y mayroong panggastos

- gregbituinjr.

Tula sa World Press Freedom Day

World Press Freedom Day, araw ng malayang pagpahayag
Oo, araw din ito ng mga mamamahayag
Rinig mo ba kung kalayaang ito'y nilalabag?
Lalo't ginigipit ang mga tinig na matatag.

Damhin mo't suriin ang ating abang kalagayan
Paano lulunasan ang suliranin ng bayan
Ramdam mo ba ang problema't daing ng mamamayan?
E, kung karapatan na natin ang sinagasaan?

Sa aming nayon ay may kalayaang magsalita
Sa inyong lungsod, bakit bingi ang namamahala?
Freedom of the press, na panlaban natin sa kuhila
Rinig ko'y armas din ito ng inaaping dukha

Espesyal na araw na di lang para sa masmidya
E, kung gayon, para rin ito sa obrero't masa
Diktadura'y naibabagsak kahit ang mapera
Oo, ito'y armas laban sa mapagsamantala

May World Press Freedom Day na dapat nating gunitain
Dahil sinikil noon ng diktadura't salarin
Atin ding pagpugayan ang mga bayani natin
Yamang ito'y pinaglaban nila para sa atin.

- gregbituinjr.
05.03.2020

Hindi ako tambay

Hindi ako naging tambay na walang ginagawa
Isang araw laging may isa o higit pang tula
Nagsusulat din ng sanaysay, kwento't ibang akda
Diyata't ito ba'y tambay kahit nakatunganga?

Iniisip ang paksa, nakatunganga sa langit
At mamaya lang, diwa'y kayrami nang naiguhit
Kathang samutsari mula suri't danas na bitbit
Obra maestrang sana'y may gantimpalang makamit

Tambay ay tagay ang madalas na inaatupag
Anak ay pababayaang pang umiyak magdamag
Maghapong nasa inuman, asawa'y binababag
Bakit nais pa niyang tumambay, ayaw magsipag?

Ako'y di naging tambay, sa langit tumunganga man
Yamang inaakda'y pamana sa kinabukasan.

- gregbituinjr.
05.03.2020
(uri ng tula: soneto at akrostika)

Pag nawalan ka na ng prinsipyo, di ka na tao

pag nawalan ka na ng prinsipyo, di ka na tao
ang sarili mo'y ikinumpara mo na sa aso
bahag ang buntot at laging nakasuso sa amo
na tulad din ng mapagsamantalang tuso't trapo
nakahimod lagi sa tumbong ng kapitalismo

- gregbituinjr.

Sabado, Mayo 2, 2020

Sa bahay muna tayo

Sa bahay muna tayo

Sa panahong nananalasa pa ang COVID-19
Ang kaligtasan ng bawat isa'y isipin natin.

Bahay daw muna tayo habang nasa kwarantina
Ang coronavirus sa mundo pa'y sumasalanta
Hatid nito'y sakit, lungkot, kamatayan at dusa
Atin ding pag-ingatang di mahawa ang pamilya
Yamang lunas dito'y di pa matagpuan ng syensya.

Manatili sa bahay ang ambag natin sa bayan
Upang di magkasakit ang pamilya't ang sinuman
Ngunit gutom ng masa'y dapat pa ring malunasan
At nang sa kanilang bahay na'y di magsilabasan.

Tahanan ang kanlungan habang may coronavirus
At dito muna tayo habang lockdown ay di tapos
Yaong bawat pamilya nawa'y di pa kinakapos
O, hanggang saan ang problemang ito'y di matalos.

- gregbituinjr.

Coronavirus ang kalaban, di ang mamamayan

tinitigan ko ang bituin sa langit kagabi
habang nasa isip ang sangkatutak na nangyari
bakit dalawang kasama ang agad na hinuli
at papasukin ng pulis ang sa bahay nagrali

Araw ng Paggawa, at may social distancing pa rin
hinuli rin ang mga boluntaryong nagpakain
ang magpahayag at magpakatao na ba'y krimen?
di makaunawa ang nanghuling may pamilya rin

pag may pagkilos, nagpahayag, huhulihin agad
ng may mga katungkulang ang utak ay baligtad
sinusunod lang ba nila ang pangulong may sayad?
kabugukan ng sistema'y tuluyan nang nalantad

nagtatanong pa rin bakit bansa'y nagkaganito
COVID-19 ang kalaban, di ang karapatan mo
dahil ba hazing ang disiplina ng mga ito?
hazing ang natutunan, di karapatang pantao

coronavirus ang kalaban, di ang mamamayan
solusyunan ang gutom, di lalabas ng tahanan
ang karapatang magpahayag ay huwag pigilan
di krimen ang tumulong at magpahayag sa bayan

- gregbituinjr.

Maging makatao habang lockdown

Maging makatao habang lockdown

bigyan mo ng face mask ang walang face mask na "pasaway"
pagkat botika'y naubusan ng face mask, pasaway
imbes baril sa kaluban, alkohol ang ilagay
huwag agad bugbugin ang lumabas  lang ng bahay

parang sardinas na sa loob ng bahay, kay-init
hayaang sa labas ng bahay, makahingang saglit
papasukin mo agad at huwag basta magalit
at sa pangulong may sayad, huwag basta pagamit

solusyon niya sa problema'y "patayin ko kayo"
pulos pananakot, palibhasa'y sira ang ulo
di marunong gumalang sa karapatang pantao
laging naglalaway sa dugo ang drakulang ito

di ba't COVID-19 ang kalaban, di mamamayan
kaya respetuhin nyo ang pantaong karapatan
kung sa mga tuligsang tula ko'y maasar ka man
sisihin mo'y sarili mo't ang iyong kagagawan

patuloy kong tutuligsain ang tuso't kuhila
santong burgesyang tingin sa sarili'y pinagpala
di sasantuhin ng pluma kahit mayamang lubha
subalit mapagsamantala sa mga kawawa

- gregbituinjr.

Biyernes, Mayo 1, 2020

Mensahe sa tilaok

sa bawat pagtilaok ng tandang tuwing umaga
animo'y nagsasabi siyang may bagong pag-asa
na minsan di mo matingkala ang naaalala
habang may nasusulyapan sa gilid nitong mata

nagising na ang Haring Araw, ating salubungin
ang bagong umaga ng may magandang adhikain
kahit na puso't diwa'y puno ng alalahanin
kung paano harapin ang salot na COVID-19

tilaok ng tandang ba'y iisa lang ang mensahe?
pagbati ng magandang umaga ang sinasabi?
sa binibini, sa ginoo, kahit sa tutubi
na di raw dapat magpahuli sa mamang salbahe

baka maraming mensahe ang kanyang pagtilaok
gumising na kayo, baka mahuli sa pagpasok
maghanda na kayo't sa gawain ay magsilahok
ako'y gutom na, may palay ba kayo? anang manok

- gregbituinjr.

Kahit nasa lockdown ngayong Mayo Uno

Kahit nasa lockdown ngayong Mayo Uno

kahit nasa lockdown, panawagan ko'y magkaisa
ang buong uring manggagawa kasama ng masa
maging organisado, maging malakas na pwersa
sa lipunan, kayong tagalikha ng ekonomya

taas-kamaong pagpupugay sa uring obrero
taas-noo ring sumasaludo sa proletaryo
halina't itaas natin ang kaliwang kamao
kamanggagawa't mga kauri, mabuhay kayo!

halina't baklasin na ang pribadong pag-aari
pagkat ugat ng kahirapan ng dukha't kauri
itayo ang lipunang makataong ating mithi
na walang nagsasamantala't walang naghahari

ngayong Mayo Uno ay muli nating panindigan
ang mga prinsipyo't adhikang ating nasimulan
at lupigin ang burgesya, naghahari't gahaman
habang itinatayo ang makataong lipunan

- gregbituinjr.
05.01.2020

Soneto ngayong Mayo Uno

Soneto ngayong Mayo Uno

Ngayong Mayo Uno, taas-kamao sa obrero
Ginagawa ninyo'y dapat lamang bigyang-saludo
Ang bumubuhay sa ekonomya ng bansa'y kayo
Yinayari ninyo'y tunay ngang para sa progreso

Oo, ngayong Mayo Uno, paggawa'y ipagdiwang
Na karapatan ng manggagawa'y dapat igalang
Gumigising sa umaga, nagtatrabaho hanggang
Makakaya, otso oras o may obertaym man lang

Asamin nating silang imortal ay maghimagsik
Yamang pinagsasamantalahan ng tusong switik
O, manggagawa, kayo'y magkaisa, aming hibik
Upang itayo ang lipunan ninyong natititik

Nawa, kahit lockdown, makita ang pagkakaisa
Organisadong manggagawa'y malakas na pwersa

- gregbituinjr.
05.01.2020