Miyerkules, Marso 25, 2020

Pang-unawa sa panahon ng COVID-19



may diskriminasyon ba mula sa ilang probinsya?
kung nanggaling kang Wuhan, China, o Metro Manila?
pag galing ka bang Maynila, kahina-hinala na
mula N.C.R., buong Luzon na ang kwarantina
upang sa COVID-19 ay di tayo mabiktima

inunawa naman natin ang dapat unawain
upang di naman tayo mahawa ng COVID-19
subalit karapatang pantao ba'y nasasaling?
salamat naman kung may nagbibigay ng pagkain
nakikita lang sa balita ngunit di maangkin

hanggang kailan ba magtitiis laban sa salot
di na makalabas ng bahay at baka madampot
nagtitiis mamaluktot pag maiksi ang kumot
kaunti na lang ang nakakain, nakalulungkot
paano malalagpasan ang nangyayaring gusot

kumusta ang mga maralitang walang tahanan
at ang mga nagsilikas nang pumutok ang bulkan
paano ang mga manggagawang di masahuran
nilalagnat na ang daigdig at ang ating bayan
sa panahong ito'y dapat lang tayong magtulungan

- gregbituinjr.

Martes, Marso 24, 2020

Bilin sa mga kasama sa panahon ng COVID-19


Bilin sa mga kasama sa panahon ng COVID-19

magpatuloy sa pagbabasa ng mga teorya
ng mga bayaning nagtagumpay na sa pagbaka
suriin ang mga karanasan nila't historya
paano nila binago ang bulok na sistema
iyan muna ang gawin habang nasa kwarantina

bakasakaling may idulot din itong mabuti
anong teoryang inaral mo, anong masasabi
magbasa-basa, mag-aral umaga hanggang gabi
mga nabasa mo'y ibahagi't huwag iwaksi
pag kwarantina'y natapos na'y makipagdebate

habang nag-iisip saan kukunin ang pangkain
at paano COVID-19 ay ating pipigilin
paghandaan ang paparating na kakabakahin
magbayanihan pa rin upang di tayo gutumin
sa panahong ito ng ligalig sa bayan natin

- gregbituinjr.

Madaling araw na ngunit gising pa rin ang diwa

madaling araw na ngunit gising pa rin ang diwa
nagbubulay-bulay, nakikibaka't kumakatha
paano ba magwawagi ang uring manggagawa
ibagsak ang sistemang bulok ng mga kuhila

di maaaring agila'y lagi sa papawirin
napapagod din ito't tiyak magpapahinga rin
di buong buhay niya'y makalulutang sa hangin
bababa rin siya't maghahanap ng makakain

di mapamunuan ng ibon ang isda sa dagat
sapagkat magkaiba sila ng uri at balat
tulad ng kaibhan ng dukha't mayayamang bundat
lalo't dukha'y laging gutom at sa yaman ay salat

paano pamumunuan ng burgesya ang masa?
sasakalin sa leeg upang mapasunod nila?
paano ba mababago ang bulok na sistema?
maninikluhod na lang sa panginoong burgesya?

madaling araw, mag-uumaga, bukangliwayway
tanghali, hapon, dapithapon, laging nagninilay
takipsilim, hatinggabi, at patuloy ang buhay
puputok na ang liwanag, ikaw ba ay sasabay?

- gregbituinjr.

Lunes, Marso 23, 2020

Sumisiklab ang poot na nakakulong sa dibdib

sumisiklab ang poot na nakakulong sa dibdib
manggagawa'y di na makapagtrabaho ng tigib
sarado ang mga lungsod, tira muna sa liblib
tinatahanang dampa animo'y palasyong yungib

nauubos na ang pondo't gutom na ang kaharap
dahil sa salot ay naapektuhan ang pangarap
ngunit sino nga ba ang sa bawat isa'y lilingap
kundi tayo-tayo rin, at bawat isa'y mangusap

dahil ss salot, nagkwaratina't di mapalagay
nagmistulang ermitanyo sa liblib na barangay
tangan ang kwaderno'y kung anu-anong naninilay
huwag lamang mahawa ng sakit na lumalatay

naiinis sila't isip ng isip ang makata
kaysa manood ng telebisyon, katha ng katha
sulat man ng sulat ay nakikinig ng balita
huwag lang sa kwarantina, sanidad ay mawala

- gregbituinjr.

Tumatagay pa rin ng salabat sa dapithapon


tumatagay pa rin ng salabat sa dapithapon
inaaliw ang sarili sa kwarantina roon
paano ba itutuloy ang sinumpaang misyon
at magampanang husay ang adhikain at layon
sa mga nangyayari'y paano makatutugon

balikan ang mga sinulat ng bayaning mulat
habang nasa kwarantina pa'y magbasa ng aklat
paano aayusin ang mga basurang kalat
pagkakaisa ng uri'y paano isusulat
tara, uminom muna ng masarap na salabat

- gregbituinjr.

Patuloy pa ring nakakuyom ang aking kamao

patuloy pa ring nakakuyom ang aking kamao
tandang nasa pakikibaka ang iwing buhay ko
mula sa proletaryo ang niyakap na prinsipyo
nagsusulat, nagpopropa para sa sosyalismo

nag-asawa man, o may pagbabago man sa buhay
ngunit para sa layon, patuloy na nagsisikhay
pagkat ito na'y sinumpaang tungkulin at taglay
sa puso't diwa, at mismong buhay ko ang patunay

saanman ako naroroon, saanman mapunta
patuloy kong gagampanan ang pag-oorganisa
upang sama-sama naming baguhin ang sistema
obrero'y maitayo ang lipunang sosyalista

di magmamaliw ang layunin at adhikang iyon
tuloy ang pagbaka sa kasalukuyang panahon
sa buong buhay ko'y dapat matupad ko ang misyon
dapat ipagwagi ng obrero ang rebolusyon

- gregbituinjr.

Linggo, Marso 22, 2020

Naglalatang ang poot sa gabi ng mga unos

naglalatang ang poot sa gabi ng mga unos
sisiklab ang galit ng masa sa pambubusabos
ng mga yumaman sa pagsasamantalang lubos
at sa bangin ng dusa dinala ang mga kapos

masakit sa mata ng mayayaman ang iskwater
kaya pupuksain nila kahit na dukhang mader
sa kapitalismo'y tuwang-tuwa ang mga Hitler
lalo na ang mga hunyangong may tangan sa poder

kulangpalad na dukha'y lagi pang kinukulata
tila di tao ang trato sa mga maralita
walang modo, walang pinag-aralan, hampaslupa
kaya nais pulbusin ng naghaharing kuhila

bumagyo't bumaha man, dalita'y maghihimagsik
bubunutin nila sa lipunan ang laksang tinik
pribadong pag-aari'y aagawin nilang lintik
upang ipamudmod sa dukhang laging dinidikdik

- gregbituinjr.

Salamisim ng isang ermitanyo


Salamisim ng isang ermitanyo

ako'y ermitanyong nanahan sa malayong yungib
kaysarap mamuhay roon pagkat payapa't liblib
magtatanim, mangangaso, basta't kaya ng dibdib
ngunit dapat alam umiwas sa mga panganib

pakuya-kuyakoy man, nag-iisip, nagninilay
malayo sa kalunsurang punong-puno ng ingay
o, kaylamig ng hangin habang nagpapahingalay
habang nasa duyang sinabit sa punong malabay

pinagmamasdan ko ang mga bituin sa gabi
pag nakahiga na sa munting dampa't nagmumuni
kumusta kaya ang lipunan ng tuso't salbahe?
mapagsamantala pa rin ba sila't walang paki?

lumayo man ako sa lungsod nang makapag-isip
nais ko pa ring tumulong upang dukha'y masagip
ngunit kung ermitanyo na't iba nang nalilirip
di ko pa batid, buti pang ako muna'y umidlip

- gregbituinjr.

Hibik sa World Water Day


Hibik sa World Water Day

Hibik sa World Water Day nitong manggagawa't dukha:
Ibaba ang presyo ng tubig! Ibaba! Ibaba!
Bakit pinagtubuan ang likas-yaman ng bansa?
Ito'y serbisyo, di negosyo ng tuso't kuhila!
Karapatan ito ng tao, ng lahat, ng madla!
Subalit inaangkin ito ng ilang maykaya
Ang tubig na'y ninenegosyo ng kapitalista
Waring ito'y likas-yamang inari ng burgesya
Oo, pag-aaring nagpapayaman sa kanila
Raket ng mga kuhila't dusa naman sa masa!
Lahat may karapatan sa tubig. Inyo bang dinig?
Dapat sinumang umangkin nito'y ating mausig!
Winaglit na ba ang ating karapatan sa tubig?
At dahil ito sa kapitalismong bumibikig?
Teka muna, ang bayan ay sa tubig nakasandig!
Espesyal ang tubig sa ating bawat mamamayan
Ramdam nilang pag nagmahal ito'y dagok sa tanan
Di ito dapat magmahal, tao'y pahihirapan!
Ang tubig ay para sa lahat, sa dukha't mayaman
Yamang tubig na di dapat inaari ninuman!

- gregbituinjr.
03.22.2020

Sabado, Marso 21, 2020

Tula sa World Forestry Day


TULA SA WORLD FORESTRY DAY

World Forestry Day ang bunying araw ng kagubatan
Oo, ang pangangalaga nito'y pananagutan
Ramdam mo ba bakit mga puno'y sinusugatan?
Lalo't kaylaki ng silbi nito sa sambayanan...
Dahil pagkasira nito'y may epekto sa atin
Forest o gubat, ito'y pagnilayan nang masinsin
O suriin bakit ito'y dapat mahalagahin
Rinig mo ba ang tibok ng gubat sa bayan natin?
Estado nito'y nakakalbo, ano bang nangyari?
Sakim ay ginawang troso ang puno't pinagbili
Tinagpas ang puno nang magkapera ang salbahe
Rinagasa ang pagputol, di ako mapakali.
Yumayanig sa puso pag gubat na'y winawarat
Dahil karugtong ng buhay ang ating mga gubat
Ah, gubat na'y alagaan ng buong pag-iingat
Yamang ito'y yaman ng bayang protektahan dapat.
- gregbituinjr.
03.21.2020

Soneto 3 sa World Poetry Day 2020


Soneto 3 sa World Poetry Day 2020
(sa anyo ng 2-3-4-3-2)

World Poetry Day, na isang araw ng panulaan
O araw ng makata't ng tulang may katuturan

Ramdam mo ba pati tibok ng tulang bibigkasin
Lasap mo ba paanong taludtod ay bibigkisin
Dama mo bang pinapatag ang daang lalandasin

Pantighaw sa nadamang uhaw ng mananaludtod
Organisadong saknong na di sana mapilantod
Espesyal na paksa'y sa alapaap natalisod
Talinghaga't taludturang tunay sa paglilingkod

Rinig mo ba ang bawat hibik ng obrero't dukha
Yamang wala silang yamang di nila napapala
Dusang nararanasan ay paano mawawala

Asahang sa World Poetry Day, tayo'y magtulaan
Yapos ang prinsipyong pagkakapantay sa lipunan

- gregbituinjr.
03.21.2020

Soneto 2 sa World Poetry Day 2020


Soneto 2 sa World Poetry Day 2020

Walang tula kung walang mga makatang kumatha
Opo, pagnilayan mo ang kanilang talinghaga
Rindi man ay madarama sa kanilang kataga
Lalo't ginagabayan ng mga wastong salita
Dahil tula ang buhay nilang pawang palaisip
Prinsipyo't pilosopiya'y karaniwang kalakip
Organisado, may tugma't sukat na halukipkip
Edukado, di man nag-aral, katha'y nililirip
Taludtod at saknong ay hinahabi ng mataman
Rebolusyon man ay kakathain para sa bayan
Yayariin ang tulang may lambing o kabangisan
Dahil ito'y ambag ng makata sa santinakpan
Anumang mangyari, tula nila'y di pagkakait
Yumanig man sa daigdig, kakatha silang pilit.
- gregbituinjr.
03.21.2020

Soneto 1 sa World Poetry Day 2020



SONETO SA WORLD POETRY DAY

World Poetry Day, na isang araw ng panulaan
O araw din ng mga makata't talinghagaan
Rahuyo ang indayog, tugma't sukat, kainaman
Luluhod ang mga bituing pinagpitaganan
Dahil ang tula'y hiyaw at bulong ng sambayanan.

Pag-ibig ang kinatha't tila ba may pangitain
O, pagsintang tunay na makapangyarihan pa rin
Espesyal na araw na di galing sa toreng garing
Talinghagang mula sa pawis ng masang magiting
Ramdam ang bawat danas at salitang dapat dinggin
Yumayanig sa kaibuturan ng diwang angkin.

Didiligin ng salita pati tibok ng puso
At nadarama'y bibigkasin nang di masiphayo
Yapos ang mga taludturang sa putik hinango.

- gregbituinjr.
03.21.2020

Biyernes, Marso 20, 2020

Ang tulang "Estremelenggoles" sa panahon ng COVID-19


ANG TULANG "ESTREMELENGGOLES" SA PANAHON NG COVID-19

nabasa ko na noon ang tula ni Rio Alma
na "Estremelenggoles" ang ipinamagat niya
hinggil sa sakit na sa isang bansa'y nanalasa
at ang hari'y nag-atas na lutasin ang problema
ang sakit na yaon ay COVID-19 ang kapara

tula niya'y sa utak ko na lang natatandaan
pagkat wala sa akin ang aklat na katibayan
marahil nasa ibang bahay o nasa hiraman
ngunit "Estremelenggoles" ay di ko nalimutan
lalo't nananalasa ang COVID-19 sa bayan

maraming namatay sa sakit, kahila-hilakbot
samutsari na'y ginawa ng mga manggagamot
upang malunasan ang sakit na sa madla'y salot
nilinis ang buong paligid, basura'y hinakot
di malaman kung saan mula ang sakit na dulot

problema'y di malunasan, palala ng palala
ngunit nilutas ng makata sa dulo ng tula
hari'y nagbigti, Estremelenggoles, biglang-bigla
sakit ay nawala, kaya buong baya'y natuwa
aral: COVID-19 ay malulunasan ding pawa

- gregbituinjr.
03.20.2020

Ang maglingkod sa bayan


ANG MAGLINGKOD SA BAYAN

"The most fulfilling life is the life in service of others." ~ Edgar Jopson

mabuhay ka, Edgar Jopson, sa iyong sawikain
na sa pakiwari ko sa bayan ay tagubilin
magandang prinsipyong nararapat lamang yakapin
pagkat di makasarili, maganda ang layunin

iyan din ang panuto sa nagisnang paaralan
mula elementarya, hayskul hanggang pamantasan
maglingkod, di sa sarili, kundi sa kapwa't bayan
di magpayaman, kundi maglingkod sa sambayanan

sa Kartilya ng Katipunan, aral nito'y ambag
sa unang taludtod pa lang nito'y mapapapitlag
buhay na di ginugol sa layuning anong rilag
ay kahoy na walang lilim o damong makamandag

hanggang ngayon, aral na iyan ay magandang gabay
nang magkaroon ng kabuluhan ang iwing buhay
kaya ayokong nakatunganga o nakatambay
magsikhay, di sa sarili, kundi layuning lantay

"Iisa ang pagkatao ng lahat," itong sabi
ni Gat Emilio Jacinto, bunyi nating bayani
kaya sa buhay na ito sa bayan ay magsilbi
buhay na may layunin, di maging makasarili

- gregbituinjr.
03.20.2020

Kamayan Forum, Tatlong Dekada


KAMAYAN FORUM, TATLONG DEKADA

Kamayan para sa Kalikasan Forum, pagbati
At kayo'y nakatatlong dekadang nananatili
Mahusay ang pamumuno't sadyang pagpupunyagi
At di tumigil sa inyong pagkilos na masidhi
Yumabong pa sana kayo't nawa'y naritong lagi

Ako'y taospusong nagpupugay sa inyong lahat
Na kung wala kayo, ako'y wala rin ditong sukat
Forum na maraming kamaliang isiniwalat
O tinalakay kung saan problema'y siniyasat
Rinig at dama ang kalikasang inuurirat

Upang bakasakaling malutas na ang problema
Masa'y mamulat, kalikasa'y alagaan nila
Tatlong dekada na ang Kamayan Forum, tatlo na
At patuloy pang iiral ang forum sa tuwina
Tunay ngang inambag ng forum sa bansa'y pamana

Lagumin ang kasaysayan ninyo'y kaysarap damhin
Oo, pagkat tatlong dekada'y kaygandang limiin
Na pati pintig ng kalikasan ay ating dinggin
Green Convergence, SALIKA, CLEAR, sa iba'y salamat din
Dedikasyon ninyo sa forum ay dapat purihin

Edukasyon ang alay ng forum sa sambayanan
Kabataan, manggagawa, masa, kababaihan
Ah, Kamayan Forum, dapat ka lang pasalamatan
Dahil inspirasyon ka't ambag mo'y makasaysayan
Ang pasalamat nami'y tagos sa puso't isipan

- gregbituinjr.
03.20.20

* Pagpupugay sa buwanang Kamayan para sa Kalikasan Forum sa kanyang ikatatlumpung (30) taon ngayong Marso 2020. Isinilang ang kauna-unahang Kamayan para sa Kalikasan Forum noong Marso 1990 sa Kamayan Restaurant EDSA. Pagpupugay din sa Triple V Restaurant sa patuloy ninyong pagsuporta sa buwanang talakayang ito. Mabuhay kayo!

Huwebes, Marso 19, 2020

Ang Hasik ng Katipunan, ang Buklod ng BMP, at ang KASAMA ng KPML

ANG HASIK NG KATIPUNAN, ANG BUKLOD NG BMP, AT ANG KASAMA NG KPML
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

May ninuno pala ang BUKLOD ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP) at ang dating KASAMA ng grupong Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML). Ito ang HASIK ng KKK o Katipunan nina Gat Andres Bonifacio.

Sa aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, ay nabanggit ang pagbubuo ng Hasik na maihahalintulad sa pagbubuo ng Buklod ng BMP, at dating KASAMA (Kapatiran ng mga Sosyalistang Aktibistang Maralita), ng KPML na binago na't ginawa na ring Buklod na ibinatay sa BMP. Sa pahina 21 ng nasabing aklat ay nasusulat: 

25. - Sa papaanong paraan ginagawa ang pagkuha ng kasapi? - Sa bawa't pook ay nagtatayo ng isang wari'y lupon na kung tawagin ay "Hasik" na binubuo ng tatlo katao na parang tatlong tungko. Ang "Hasik" na ito ang siyang sa inot-inot ay nanghihikayat upang may sumapi sa "Katipunan". Pagdamidami na ng mga kasangayon ay saka pa lamang itinatayo ang "Balangay" na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon. Ang mga "Hasik" na yaon ay di na ipinagpatuloy ng malapit na ang tangkang panahon sa paghihimagsik, pagka't ang mga taong baya'y halos naguunahan nang sila'y mapabilang sa "Katipunan".

Sa aklat na “Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka” na nalathala noong ika-150 kaarawan ni Gat Andres Bonifacio noong Nobyembre 30, 2013, pahina 21, ay nakasulat naman:

“Sa larangang pang-organisasyon, isinaayos ang balangkas ng kilusang lihim sa pamamagitan ng sistemang hasik o tatsulok. Ang “Hasik” na ito ang matiyagang nanghihikayat ng bagong miyembro ng Katipunan. Kapag marami-rami na ang kasang-ayon ay saka itinatayo ang “Balangay” na pinamumunuan ng isang lupon na ang mga tungkulin ay tulad din ng sa Kataastaasang Lupon.”

Ang pagbubuo ng Buklod ng BMP ay naisulat ng namayapang Ka Popoy Lagman sa akda niyang PAGKAKAISA na nalathala sa magasing Tambuli ng BMP noong Disyembre 1998. Halina't sipiin natin ang ilang bahagi nito:

"Dapat ay mas madali ang magbuo ng grupo o sirkulong pampulitika ng lima hanggang sampu katao sa bawat kompanya (tawagin natin na mga buklod) kaysa magbuo ng unyon na kinakailangang dumaan sa mga ligal at teknikal na proseso. Upang mapatampok ang pampulitikang tungkulin at katangian ng BMP, mas wasto at mas mahusay na ang magiging ispesyalisasyon nito ay ang pagbubuo ng network ng mga grupo o sirkulong pampulitika sa pinakamaraming kompanyang maaabot nito na mas nakatuon sa pampulitikang pagkamulat, pagkakaisa, pagkakaorganisa at pakikibaka ng masang manggagawa bilang uri."

"Oryentasyon ng mga buklod na ito ang aktibong paglahok sa pang-unyong pakikibaka nang hindi binabago ang prinsipal na diin sa pampulitikang pag-oorganisa. Bawat lider, organisador at aktibista ng BMP ay dapat magkaroon ng mga target na kompanyang tatayuan nila ng mga buklod. Dapat ay walang tigil ang araw-araw na pagbubuo ng mga buklod na ito hanggang sa malatagan natin ang mayorya ng mga kompanya sa buong bansa ng ganitong network ng sosyalistang pagkakaisang makauri bilang preparasyon sa paglubha ng krisis ng globalisasyon at pag-igpaw ng kilusan ng uring manggagawa sa antas ng pampulitikang pakikibaka."

Sa bahagi naman ng KPML, binuo noon ang KASAMA upang maipalaganap ang makauring pagkakaisa ng mga maralita bilang proletaryado at ng uring manggagawa sa kabuuan. Katatampukan ang KASAMA ng pag-oorganisa at pampulitikang pagmumulat. Ayon sa dokumentong Oryentasyon ng KASAMA: "Ang KASAMA ay isang pampulitikang grupo o sirkulo (mga 5-10 katao) ng mga mulat na maralita sa loob ng isang lokal na organisasyon at komunidad na kinikilusan ng KPML, o kaya'y mga indibidwal na maralitang wala pang organisasyon sa isang komunidad."

"Binuo ang KASAMA bilang katuwang ng KPML sa pagkokonsolida sa ating mga kinikilusang komunidad. Pagkat sila ang mga mulat (may mataas na pampulitikang kamalayan) na maralita sa loob ng kanilang mga lokal na organisasyon, pangungunahan nila ang kanilang samahan sa mga pagkilos sa loob at labas ng kanilang mga komunidad, at magsasagawa ng pagmumulat sa hanay ng kasapian at maging sa iba pang organisasyon at mga kalapit pang komunidad. Ang mga KASAMA ang siyang magiging gulugod sa pag-oorganisa at pagkokonsolida ng ating organisasyon at mga komunidad na kinikilusan."

Sa ngayon, napagpasyahan na ng KPML na mas mainam na gamitin ang Buklod, at pinalitan na ang katawagang Kasama bilang pagtalima sa atas ng BMP, kung saan kasaping organisasyon ang KPML, na magtayo ng Buklod sa mga komunidad ng maralita upang palakasin ang sosyalistang kilusan.

Maraming salamat sa Katipunan, at may pinagmanahan pala ang BMP at KPML bilang mga mapagpalayang organisasyon tungo sa pagtatayo ng lipunang walang pang-aapi at walang pagsasamantala ng tao sa tao.

Mga pinaghalawan:
aklat na "Kartilyang Makabayan: Mga Tanong at Sagot Ukol Kay Andres Bonifacio at sa KKK" na sinulat ni Hermenegildo Cruz, (inilimbag, 1922), pahina 22
aklat na “Andres Bonifacio: Buhay at Pakikibaka” na nilathala ng Bonifacio 150 Committee (B150C)
http://popoylagman.blogspot.com/2009/07/pagkakaisa-akda-ni-ka-popoy-lagman.html
http://kpml-org.blogspot.com/2010/10/ang-pagbubuo-ng-kasama.html

* Unang nalathala sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2020, pahina 18-19.

May kwento bawat dukha

MAY KWENTO BAWAT DUKHA
(6 pantig bawat taludtod)

may kwento ang bawat
dukhang di masukat
sila'y laging salat
ang maykaya'y bundat

turing ng maykaya
hampaslupa sila
sa luha'y sagana
pasasa sa dusa

palad nila'y buksan
hipuin ang tiyan
dama'y kagutuman
sa ating lipunan

sila'y nilulugmok
ng sistemang bulok
masa'y binubukbok
sa bayang inuk-ok

kaya pinangarap
nilang mahihirap
tapusin ang lasap
na kinakaharap

gisingin ang bayan
imulat ang tanan
sistema'y palitan
ng bagong lipunan

pagsasamantala'y
dapat mawala na
bulok na sistema'y
pawiin ng masa

silang mga kapos
ay dapat kumilos
at wakasang lubos
ang pambubusabos

- gregbituinjr.

* Unang nalathala sa Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 16-31, 2020, p. 20

Miyerkules, Marso 18, 2020

Salamat sa alkohol


SALAMAT SA ALKOHOL

nagkakaubusan na ng nabibiling alkohol
sa mga tindahan, sa botika, grocery at mall
pinakyaw ng maypera nang walang kagatul-gatol
habang ang iba'y naubusan na't di nakahabol

pagkat pananggol ang alkohol sa banta ng COVID
subalit ang mga namakyaw ay mistulang ganid
na di naisip ang kapwa't kababayang kapatid
isip ay sarili sa problemang salot ang hatid

dapat lumikha pa rin ng alkohol sa pabrika
ngunit doblehin ang sahod ng manggagawa nila
alkohol nga'y kailangang-kailangan ng masa
huwag lang pagtubuan, bagkus itindang mas mura

O, alkohol, ikaw ang una upang sansalain
ang bantang salot ngayong panahon ng COVID-19
kayraming mikrobyo sa mundong dapat mong durugin
tunay kang bayaning dapat pasalamatan namin

- gregbituinjr.
03.18.2020

Pagninilay sa panahon ng COVID-19


PAGNINILAY SA PANAHON NG COVID-19

aba'y di ito ang panahon ni Cupid, datapwat
sa panahon ng COVID-19, sakit na'y nagkalat
habang mga gobyerno sa bansa nila'y nag-ulat
epidemya'y daigdigan na ang isiniwalat

marami'y nabigla, nagkumahog, hilong talilong
ayaw mahawaan, kaya sa bahay na'y nagkulong
community quarantine ang sa masa'y sumalubong
upang maiwasan ang sakit na dumadaluhong

dito nga sa bansa'y nagpanic-buying na ang tao
upang maibsan ang gutom kung lalala pa ito
sundalo't pulis na'y nasa daan, tila martial law
obrero'y pinigilan, sa bahay daw magtrabaho

tila dinaluhong tayo ng dambuhalang lintik
epidemyang salot sa buong mundo na'y nahasik
sa problemang ito'y di dapat magpatumpik-tumpik
dapat ito'y malutas bago mata'y magsitirik

- gregbituinjr.
03.18.2020

Martes, Marso 17, 2020

Sa gabi ng mga kuliglig

SA GABI NG MGA KULIGLIG

naririnig ko ang kuliglig sa gabing madilim
tulog pa sila kaninang tanghaling makulimlim
ngayon, kay-iingay nila't tila may sinisimsim
sa isang punong malabay na noon pa tinanim

magkapitbisig, ang hiyawan ng mga kuliglig
puso ng kalikasan ay pakinggan bawat pintig
damhin ang init ng bawat isa ngayong taglamig
at sabay-sabay umawit sa malamyos na tinig

dinig ng taumbayan ang awitang kakaiba
animo'y iniindayog ng magandang musika
sa pusikit na karimlan anaki'y may orkestra
at ipinagdiriwang ang buhay na taglay nila

salamat sa mga awit sa malungkot na gabi
at nagninilay habang nakatitig sa kisame
nakikinig sa kuliglig sa kantang hinahabi
ang umaga'y panibagong pag-asa, yaong sabi

- gregbituinjr.

Tinititigan ko ang mga bituin sa gabi

tinititigan ko ang mga bituin sa gabi
nakatunganga sa langit, tila di mapakali
nasaan kaya ang Big Dipper o Alpha Centauri?
at nasaan din ang Orion's Belt na sinasabi?

mas mainam yata kung may sariling teleskopyo
marahil ay tulad ng ginamit ni Galileo
sumusulpot ba ang bulalakaw minu-minuto?
o matagal-tagal na panahong hintayan ito?

marahil malayo-layo pa'y aking tatahakin
upang pag-aralan ang buhay ng mga bituin
suriin di lang daigdig kundi kalawakan din
mga buntala ba'y sa araw umiikot pa rin?

ang mga bituin sa gabi'y tala sa umaga
subalit dahil sa araw ay di natin makita
noon pa hanggang ngayon, bituin ay nariyan na
gabay ng mandaragat, sa karimlan ay pag-asa

- gregbituinjr.

Lunes, Marso 16, 2020

Si Espiridiona Bonifacio



SI ESPIRIDIONA BONIFACIO
Maikling sanaysay at saliksik ni Gregorio V. Bituin Jr.

Sino nga ba si Espiridiona Bonifacio, o Nonay? At ano nga ba ang ambag niya sa Katipunan?

Nakabili ako ng dalawang aklat na tiglilimampung piso lang ang isa noong Disyembre 9, 2019 na pumapatungkol kay Gat Andres Bonifacio at sa Katipunan. Ito'y ang "Kartilyang Makabayan", na sinulat ni Hermenegildo Cruz (Inilimbag sa Maynila noong 1922), umaabot ng 70 pahina, at ang "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" na sinulat ni Jose P. Santos (Ikalawang Pagkalimbag, 1935), umaabot naman ng 43 pahina.

Dito'y nabasa ko ang ilang tala sa buhay ni Ginang Espiridiona Bonifacio. Bagamat sa isang aklat ay mali ang tala, na iwinasto naman sa isa pang aklat.

Sa pahina 6 ng "Kartilyang Makabayan" ay ganito ang nakasulat:

"2. - Nagkaroon ba siya ng mga kapatid? (na tumutukoy kay Gat Andres Bonifacio) - Apat: sina Ciriaco, Procopio, Petrona, at Troadio. Ang dalawang una at itong huli'y patay na at ang babai'y buhay pa. Ang babaeng ito ay siyang naging asawa ng nasirang bayaning Teodoro Plata, isa sa mga masikhay na kasama ni Andres Bonifacio."

Sa pahina 1 ng "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ay ganito naman ang nakasulat:

"Sa mga nagsilabas at napalathalang biograpiya ni Andres Bonifacio ay sinasabing lima lamang silang magkakapatid, at sa limang iyan ay iisa raw ang babae na hindi pa tumpak ang pagkakasulat ng pangalan. Nguni't sa pagsusuring ginawa namin ay aming nabatid na sila'y anim na magkakapatid at hindi lima. Sa anim na iyan ay dalawa ang babae, si Espiridiona, hindi Petrona na gaya ng sinasabi ng maraming kasaysayan, at Maxima. Ang matanda sa lahat ay ang Andres, sumusunod ang Ciriaco, pangatlo ang Procopio, pang-apat ang Espiridiona, ikalima ang Troadio at bunso ang Maxima."

Idinagdag pa sa sumusunod na talata hinggil kay Espiridiona: "Ang Espiridiona na naging maybahay ng bayaning Teodoro Plata, isa sa bumubuo ng unang triangulo ng Katipunan at naging Ministro de Guerra ng pamahalaan ni Andres Binifacio, ay buhay pa."

Nakalathala naman sa pahina 4 ng "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ang larawan ni Ginang Espiridiona.

Nabanggit muli si Espiridiona sa pahina 18 ng nasabing aklat, hinggil sa nag-iisang tula naman ni Procopio:

"Isang tula naman ni Procopio, kapatid ng Supremo, ang iniwan ni Andres Bonifacio kay Ginang Espiridiona, kapatid na babae ng Supremo, bago siya lumabas ng gubat..."

"Ang tulang ito ay buong-buong nasasa-ulo ni Ginang Espiridiona na nagkaloob sa akin ng salin."

Tatlo sa magkakapatid na Bonifacio ang nagbuwis ng buhay sa pakikibaka para sa kalayaan. Sina Andres at Procopio ay pinaslang ng mga tauhan ni Heneral Emilio Aguinaldo noong Mayo 10, 1897 sa Bundok Buntis, Maragondon, Cavite, habang si Ciriaco naman ay napatay sa Limbon. May pagtalakay hinggil kay Troadio, subalit kaunti lamang ang ipinatid sa atin tungkol kay Espiridiona. Wala nang nabanggit na anupaman tungkol kay Maxima, maliban sa siya ang bunso sa magkakapatid.

Sa website na filipino.biz.ph ay ito naman ang pakilala kay Espiridiona Bonifacio:

"The youngest sibling of Andres Bonifacio, she helped the Katipuneros even when she had just lost her husband, Teodoro Plata."

"At a designated spot, she would wait for the rebels to give guns stolen or collected from attacks on Spanish soldiers. As they would race back into hiding, she would quickly stash the weapons under her big skirt."

"Aside from her husband, she also lost her three brothers Ciriaco, Procopio, and Andres who were killed by forces loyal to Aguinaldo in 1897."

Gayunman, tila hindi nila nabasa ang aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" at hindi nila alam na si Maxima ang bunsong kapatid ni Andres Bonifacio, at pang-apat sa anim na magkakapatid si Espiridiona o Nonay. Gayunman, sinipi ko iyon dahil sa ikalawang talata, na ambag ni Nonay sa himagsikan. At isinalin ko iyon sa ganito: "Sa isang itinalagang lugar, hihintayin niya ang mga manghihimagsik na magbigay ng mga baril na ninakaw o nakolekta mula sa mga pagsalakay sa mga kawal na Kastila. Tulad ng pagtalilis nila upang magkubli, mabilis niyang itatago ang mga sandata sa ilalim ng malaki niyang baro."

Sa tagalog wikipedia ay ito naman ang ulat hinggil kay Espiridiona:

"Si Espiridonia de Castro Bonifacio (14 Disyembre 1875 – 26 Mayo 1956) ay isang Katipunera at bayaning Pilipino. Siya ay isa mga unang babaeng kasapi ng Katipunan na itinatag ng kanyang nakatatandang kapatid na si Andres Bonifacio. Ang iba pa niyang nakatatandang kapatid ay sina Ciriaco Bonifacio at Procopio Bonifacio."

"Noong siya ay labingpitong taong gulang pa lamang, siya ay nagpakasal noong 1893 kay Teodoro Plata na isa rin sa mga nagtatag ng Katipunan. Siya ay nabalo nang bitayin si Plata sa Bagumbayan (Luneta) noong 1896 nang matuklasan ng mga Kastila ang Katipunan. Di naglaon, matapos paslangin ang kanyang mga nakatatandang kapatid ng mga alagad ni Emilio Aguinaldo sa Cavite, siya ay kinupkop ng isang pamilyang taga-Cavite rin na may apelyidong Distrito upang itago sa mga tumutugis na alagad ni Aguinaldo, na nais din siyang paslangin. Matapos ang himagsikan, napangasawa niya ang isa sa mga anak ng pamilyang kumupkop sa kanya."

"Si Espiridiona Bonifacio-Distrito ay namatay noong Mayo 26, 1956 sa Paco, Manila. Siya ay nakahimlay sa Manila South Cemetery. Siya ang nalalamang pinakahuling kapatid ng Supremo na nabuhay pagkatapos ng pananakop ng mga dayuhan sa Pilipinas."

Kapansin-pansing isang araw lang ang tanda ni Ginang Espiridiona sa kasamang matalik ng kuya Andres niya na si Gat Emilio Jacinto, ang sinasabing Utak ng Katipunan, na isinilang noong Disyembre 15, 1875.

Panghuli, inalayan ko ng soneto o tulang may labing-apat na taludtod si Ginang Espiridiona. Ito'y nasa anyong akrostika, o tulang pag binasa ang unang titik ng bawat taludtod ay may mababasang salita.

SONETO KAY GNG. ESPIRIDIONA
tula ni Gregorio V. Bituin Jr.

Ginang Espiridiona, bunsong kapatid ni Andres,
Na naghimagsik din sa Kastilang mapagmalabis
Gutom at pagod ay binata, kahit na magtiis
Esposa ni Plata, lumaban sa dayong mabangis
Sa panahon ng himagsikan ay sadyang lumaban
Panahon ay ibinigay para sa masa't bayan
Inisip din kung paano makatulong sa tanan
Rebolusyonarya, Katipunera, makabayan
Isa ka ring dakilang bayani ng bansa, Nonay!
Dahil tumulong kang sadya sa himagsikang tunay
Ikasawi man ng kabiyak, mabuhay! Mabuhay!
O, Espiridiona, taas kamaong pagpupugay!
Nawa'y di malimot ang ambag mo sa himagsikan
At kahit munti man ay dapat kang pasalamatan!

Mga pinaghalawan:
Kartilyang Makabayan, ni Hermenegildo Cruz, Maynila, 1922
Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan, ni Jose P. Santos, 1935
https://filipino.biz.ph/history/hero/espiridiona_bonifacio.html
https://tl.wikipedia.org/wiki/Espiridonia_Bonifacio

Ang dalawang aklat hinggil sa Katipunan, na nabanggit ng sanaysay
Ang litrato ni Espiridiona Bonifacio sa pahina 4 ng aklat na "Si Andres Bonifacio at ang Himagsikan" ni Jose P. Santos
Ang nagsaliksik at nagsulat ng munting sanaysay

Linggo, Marso 15, 2020

Nilalagnat na daigdig

NILALAGNAT NA DAIGDIG

nilalagnat na rin ang tahanan nating daigdig
marami na ring sa COVID-19 ay nangalupig
kaya magbayanihan na tayo't magkapitbisig
upang ang karamdamang ito'y di tayo madaig

marami na'y nilalagnat ngunit di matingkala
kung kailan ang pananalasa nito'y huhupa
sarili na'y ikinukulong upang di mahawa
at di na makahawa kung may sakit nang malala

tama namang uminom ng tubig upang di mauhaw
tama rin namang minsan sa alkohol ka maghinaw
at tama rin namang laging magsabon ka't magbanlaw
huwag lang magkasakit na dama'y tila balaraw

kailangan ng lakas nina Hercules at Atlas
upang daluhungin ang salot na di pa malutas
at kuyom man ang kamao'y naghahanap ng lunas
upang sakbibi ng sakit ay tuluyang maligtas

- gregbituinjr.

Sa panahon ng ligalig

SA PANAHON NG LIGALIG

tila baga magsasaklob na ang langit at lupa
pagkat nariyan na ang salot na pagala-gala
unti-unting nilalagnat ang mga mahihina
hanggang sa sila'y magdusa't maging kaawa-awa

bihira nang lumabas ang paruparo't bubuyog
pagkat mga rosas sa hardin ay di na malusog
sa talulot at nektar ay tila di mabubusog
habang ang munting halamanan ay aalog-alog

sa mundo'y naglipana ang samutsaring sakit
sa bulsa, sa puso't isip, sa matang nakapikit
di pa makalikha ng mga marubdob na awit
habang naririnig lang ay pawang hikbi at impit

marami nang taranta sa panahon ng ligalig
butse'y pumuputok ng nilalagnat na daigdig
kabi-kabilang balita'y sadyang nakatutulig
gamot nga ba rito'y di maunawaang pag-ibig?

- gregbituinjr.

Sabado, Marso 14, 2020

Ayokong maglaba sa washing machine

ayokong maglaba sa washing machine at kawawa
pagkat wawasakin lang nito ang aking pagkatha
paglalaba'y panahon ng pagninilay ng akda
sa pagitan ng pagkusot at naglipanang bula

may washing machine man sa bahay, nais kong magkusot
habang pinagninilayan ang samutsaring gusot
binabalangkas na paano durugin ang salot
kinakatha ang nangyayari sa bawat sigalot

puti't dekolor ay dapat munang ipaghiwalay
tulad ng tula't kwentong binubukod munang tunay
unahin ang puti bago ang labadang may kulay
batya'y igiban ng tubig at labada'y ilagay

kanawin mo ang pulbos o gamitin ang bareta
tulad ng tula, mga rekado'y ihanda muna
taludtod, saknong, pantig, sukat, talinghaga't rima
kusutin ang puti, palu-paluin, at ikula

iba ang ginagawa ko sa may kulay na damit
tulad ng kwento, may bida, banghay, eksena, bwisit
may sorpresa, ibinibigay, ipinagkakait
kusutin, banlawan, pigain, isampay, isipit

kaysa washing machine, kaysarap na baro'y kusutin
habang nagninilay ng mga paksang susulatin
pag baro'y natuyo, paplantsahin na't susuutin
tulad ng tulang natapos na ari nang bigkasin

- gregbituinjr.

Biyernes, Marso 13, 2020

Hibik ng isang kulangpalad

nais kong magbaril sa pagitan ng mga mata
upang matapos na ang paghihirap sa tuwina
ngunit pag nangyari ito, ako'y katawa-tawa
pagkat di ito gawain ng isang aktibista

di ba't niyakap ko'y hirap at simpleng pamumuhay
nakibaka, nabugbog sa rali, at nagkapilay
minsan nang nakulong, natortyur, sakbibi ng lumbay
dahil lang sa hirap, ngayon pa ba ako bibigay

pinapataas ko lang ngayon ang sariling moral
ngunit hanggang kailan kaya ito magtatagal
pakiramdam ko'y sampid na di na kayang umatungal
di na mawari bakit di dapat magpatiwakal

tila kakampi ko na lang ay ang aking panulat
puno ng harayang di ko batid saan nagbuhat
ako ba'y hangal na laman ng puso'y di mabuklat
o ako'y inutil na mata'y di na makamulat

- gregbituinjr.
03.13.2020 (Friday the 13th)

Huwebes, Marso 12, 2020

Di pantasya ang pakikibaka para sa karapatang pantao

halina't makiisa sa daigdig ng pagkatha
isang mundong may karapatang pantao'y malikha
walang pang-aapi't pagsasamantala sa madla
may pagkakapantay sa lipunan, wala nang dukha

ngunit di pantasyang mundo ang ating kailangan
kundi may totoong karapatan sa daigdigan
sa ngayon, karapatan ay dapat pang ipaglaban
at magtulong-tulong tayong baguhin ang lipunan

tara, kapatid, karapatang pantao'y ihatid
sa ating kapwa, karapatan nila'y ipabatid
subalit paano kung tayo'y sa dilim ibulid
pagkat tingin ng gobyerno tayo'y mga balakid

ang sabi nga nila: "Makibaka! Huwag matakot!"
labanan natin ang mga polisiyang baluktot
balakid sa karapatang pantao'y malalagot
kung sama-samang pupuksain ang pinunong buktot!

- gregbituinjr.

* tulang nilikha at ikalawang binigkas sa bidyo-talakayan ng grupong IDefend hinggil sa karapatang pantao, bandang ikaanim ng hapon, Marso 12, 2020

Labanan ang terorismo ng estado

LABANAN ANG TERORISMO NG ESTADO

I

bakit kaya ang kongreso'y tila gigil na gigil
nang senado'y pinasa ang anti-terrorism bill

batas upang karapatang pantao'y masikil
at karapatan nating magpahayag ay masupil

instrumento ng gobyerno upang makapaniil
at ang buhay ng tao'y basta na lang kinikitil

ang paniniil nila'y dapat tuluyang mapigil
lalo ang pagsasabatas ng anti-terrorism bill

II

pagtatanggol lang ang batas sa naghaharing uri
na nais protektahan ang pribadong pag-aari

upang magpatuloy pa ang kanilang paghahari
at kanilang kapangyarihan ay mapanatili

pipigilang mag-unyon para sa "industrial peace"
na kapayapaan upang manggagawa'y magtiis

huwag nang umangal sa kalagayan sa pabrika
magtiis, sweldo ma'y di makabuhay ng pamilya

III

susugpuin na agad ang sinumang magpahayag
at sa katahimikan ng negosyo'y mambabasag

sa batas ng bansa'y awtoridad pa ang lumabag
subalit karapatang pantao'y di matitinag

aktibista kaming kung may buntot di nababahag
dahil sa mga kabuktutan kami'y pumapalag

IV

bawat aktibista'y para sa bayan, mapagmahal
naninindigan, nakikibaka, at mararangal

kalaban ng aktibista'y mga pinunong hangal
kalaban din ng tibak ang teroristang pusakal

terorista'y yaong nananakit ng mamamayan
lalo't pinunong may utos ng tokhang at patayan

- gregbituinjr.

* ang tulang ito'y inihanda upang bigkasin sa bidyo-talakayan ng grupong IDefend hinggil sa karapatang pantao, sa ikalima ng hapon ng Marso 12, 2020

Miyerkules, Marso 11, 2020

Paano sasagipin ang mundo mula sa kapitalismo?

paano sasagipin ang mundong pinagharian
ng kapitalismong yumurak sa dangal ng bayan
paano susugpuin ang sakim, tuso't kawatan
na naglipana sa iba't ibang pamahalaan

pagbabago'y dapat maganap sa lipunan ngayon
ating isigaw: Kooperasyon, Di Kumpetisyon!
Regularisasyon Na, at Di Kontraktwalisasyon!
Pagbabago sa pamamagitan ng Rebolusyon!

paano ba sisingilin ang naghaharing uri
sa pagsasamantala nila't pagyurak ng puri
ng mamamayang naghihirap, magnilay, magsuri
bakit ugat ng hirap ay pribadong pag-aari

di ba't nagpapasahod sa obrero'y obrero rin
lahat ng kanyang sinweldo'y sa sarili nanggaling
iyan ang sikreto ng sahod na dapat isipin
sahod na di galing sa kapitalistang magaling

sistema'y baguhin, manggagawa'y magkapitbisig
iparinig ang lakas ng nagkakaisang tinig
bawat unyon, bawat obrero ang dapat mang-usig
nang iyang naghaharing uri'y tuluyang malupig

- gregbituinjr.

Martes, Marso 10, 2020

Ang patalastas ng Breeze at ang kabayanihan ni Roger Casugay


ANG PATALASTAS NG BREEZE AT ANG KABAYANIHAN NI ROGER CASUGAY
Maikling sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Napanood ko sa bus bago ako umuwi ng bahay ang isang magandang patalastas ng Breeze sa telebisyon.

Dahil dito'y naalala ko ang pagkakapareho ng istoryang iyon sa nangyaring kabayanihan ng ating kababayang si Roger Casugay, na isang surfer at naging gold medalist noong Southeast Asian Games 2019 na naganap sa bansa.

Sa patalastas ng sabong Breeze, maraming batang lalaki ang nagpaligsahan sa pagtakbo. Marahil ay marathon o 100 meter-dash na takbuhan. Ipinakitang nangunguna ang dalawang bata sa takbuhan, subalit biglang nadapa at lumubog sa putik ang isa sa dalawang bata. Ang batang nangunguna sa takbuhan ay napalingon, at sinaklolohan ang batang nadapa. Hanggang maunahan na sila ng iba pang bata.

Tinulungan ng nangungunang bata ang batang nadapa sa putik at halos di na nakabangon. Tila naiiyak pa ang batang nadapa, kaya sinaklolohan niya ito't inalalayan patungong finish line. Dahil sa putik sa damit ng bata, kinakailangan umanong labhan iyon gamit ang Breeze upang muling pumuti.

Sa huli, binigyan ng Sportsmanship Award ang batang sumaklolo sa batang nadapa sa putik. Ang maikling kwentong iyon ay kinuha ng Breeze sa loob ng tatlumpung segundo, na karaniwang tagal ng isang komersyal.

Halos ganito rin ang kwento ng bayaning Pinoy sa Southeast Asian Games. 

Ayon sa mga ulat, nagpaligsahan na sa surfing noong Disyembre 6, 2019, araw ng Biyernes, sa Monaliza Point sa La Union. Nangunguna noon si Roger Casugay laban sa Indonesian surfer na si Arip Nurhidayat nang mapansin niyang nasira ang tali sa surfing board ni Nurhidayat kaya nalaglag ito't tinangay na ito ng malalaking alon. Dali-daling bumalik si Casugay at tinulungan niya pabalik sa baybayin si Nurhidayat. Sinagip ni Casugay si Nurhidayat na hindi iniisip ang karera upang kamtin ang gintong medalya.

Hinayaan na ni Roger Casugay ang gintong medalya upang mailigtas ang isang kapwa katunggaling Indonesian mula sa pagkalunod. Kinilala at pinuri si Casugay sa social media dahil sa kanyang ginawang kabutihan. 

Sa kalaunan ay nanalo ng gintong medalya sa ikalawang labanan nila ni Nurhidayat na nakakuha ng bronze medal, habang ang silver medal ay nakuha naman ng kapwa Pinoy na si Rogelio Esquivel.

Ang batang sumaklolo sa kanyang kapwa bata, na di alintana ang medalya sanang makukuha, at ang ginawa ni Roger Casugay, ay tunay na kahanga-hanga. Mabuting halimbawa sa mga nakapanood ng patalastas, at nakapanood din ng Southeast Asian Games 2019, ang kabutihan nilang ginawa sa kanilang kapwa. Ang isa'y nadapa't halos di makabangon nang lumubog sa putik, at ang isa'y nalaglag sa kanyang surfing board at nailigtas sa maaaring maganap na pagkalunod.

Maganda ang konsepto ng mga patalastas ng Breeze na karamihan ay tungkol sa pagtulong ng mga bata. At ang bago nilang patalastas na ito, sa tingin ko o sa sarili kong palagay, marahil ay batay sa magandang halimbawa ni Roger Casugay. Naiba lang ang tagpuan subalit ang balangkas ng kwento ay halos pareho.

Ano kaya kung imbitahan ng Breeze si Roger Casugay sa kanilang patalastas? Wala lang, naisip ko lang.

Ginawan ko sila ng tula dahil sa kanilang kabayanihan.

WALA MANG GINTONG MEDALYA

mabuting halimbawa, magkaibang paligsahan
sa komersyal, mga bata'y unahan sa takbuhan
sa Southeast Asian Games, sa surfing naman ang labanan
ngunit katunggali nila'y nadisgrasyang tuluyan

sumaklolo ang bata sa kapwa batang nadapa
nalublob sa putik, di na makabangon ang bata
nalaglag sa tubig ang surfer niyang kasagupa
tinulungan ito ni Casugay, kahanga-hanga

di na nila naisip kamtin ang gintong medalya
basta't kalabang nasa gipit ay tulungan nila
ginawa nila'y tunay na halimbawang kayganda
at talagang inspirasyon na dapat maalala

nakuha man nila o hindi ang asam na ginto
mas magandang kamtin ang nagawa ng gintong puso
pagpupugay, gawang mabuti'y sa inyo'y di bigo
kaya pasalamat namin sa inyo'y buong-buo

- gregbituinjr.
03.10.2020

Pinaghalawan:
https://en.wikipedia.org/wiki/Surfing_at_the_2019_Southeast_Asian_Games
https://qz.com/1763786/filipino-surfer-roger-casugay-is-the-hero-of-the-2019-sea-games/
https://www.facebook.com/BreezePhilippines/

Lunes, Marso 9, 2020

Soneto sa Diksyunaryo


Soneto sa Diksyunaryo

Ang diksyunaryo'y isang librong kaysarap namnamin
Na reperensya ng katutubong salita natin
Gamiting pantulong sa paglabas ng saloobin
Di kaya'y sa pakikipag-usap o sa sulatin.
Ito'y talasalitaang sadyang maaasahan
Kung kailangan sa pag-uulat at panitikan
Saliksikin ang mga salitang magkahulugan
Yaman nga ng ating wika'y doon matatagpuan.
Unabin muna ang bigas bago ito isaing
Naku, kaysarap madama ng iyong paglalambing
Alas-kwatro ng madaling araw, ako na'y gising
Ramdam ko'y saya pagkat nakatulog ng mahimbing.
Yumayabong ang wika, patunay ang diksyunaryo
Oo, kasabay nito'y dapat umunlad din tayo.
- gregbituinjr.

Linggo, Marso 8, 2020

Pagpupugay sa kababaihan

ngayong Pandaigdigang Araw ng Kababaihan
salamat, lola, inay, ate, tita, at katipan
pagkat kayo ang kalahati ng sandaigdigan
taas-kamaong pagsaludo sa kababaihan!

karapatan ng mga babae'y tinataguyod
ng KPML at ZOTO, sadyang nakalulugod
sa pakikibaka'y di tayo basta mapapagod
sa pagtaguyod sa karapatan at paglilingkod

mga mangggawang kababaihan, magkaisa!
mga kababaihang maralita, magkaisa!
at sama-samang baguhin ang bulok na sistema
itaguyod ang lipunang walang pagsasamantala

- gregbituinjr.,03.08.2020

Sabado, Marso 7, 2020

"Sige, barilin mo ako": Ang Kamatayan nina Che Guevara at Eman Lacaba

"Sige, barilin mo ako!"
KAMATAYAN NINA CHE GUEVARA AT EMAN LACABA
Saliksik at sanaysay ni Gregorio V. Bituin Jr.

Kapwa sila rebolusyonaryo ng kani-kanilang panahon. Kapwa sila mga intelektwal na nakatapos ng pag-aaral. Kapwa sila namundok upang ipaglaban ang kanilang paniniwala. Pareho silang nadakip ng mga kaaway. At pareho nilang sinabihan ang bumaril sa kanila ng ganito: "Sige, barilin mo ako!"

Si Ernesto "Che" Guevara (Hunyo 14, 1928 – Oktubre 9, 1967) ay isang rebolusyunaryong Marxista mula Argentina, manggagamot, manunulat, pinuno ng gerilya, diplomat, at teoristang militar. Isa siya sa mga pangunahing pigura ng Rebolusyong Cubano, kasama ni Fidel Castro.

Si Emmanuel Lacaba (December 10, 1948 – March 18, 1976), na kilala bilang Eman Lacaba, ay isang Pilipinong manunulat, makata, sanaysayista, tagapaglaraw (playwright), manunulat ng maikling kwento, iskrip at awit, at isang aktibista, na itinuturing na "makatang mandirigma" ng Pilipinas.

Nagpasiyang umalis sa kanyang panunungkulan sa pamahalaan ni Fidel Castro si Che Guevara upang maikalat ang rebolusyon sa Africa at South America. Ngunit nabigo si Che sa Bolivia. Noong hapon ng Oktubre 8, 1967, binihag si Guevara at dinala ng mga sundalo patungo sa isang silid ng paaralan sa bayan ng La Higuera sa Bolivia, mga apat na milya ang layo mula sa kung saan siya nadakip, ayon sa talambuhay ni Richard Harris,  “Death of a Revolutionary: Che Guevara’s Last Mission.”

Naging instrumento sa pagdakip kay Che Guevara si Félix Rodríguez, isang operatiba ng Cuban American CIA na nakaposte bilang opisyal ng militar ng Bolivia. Nagkausap sila ni Che. Matapos iyon ay umalis si Rodríguez at nag-atas sa isang kawal na barilin sa ilalim ng leeg si Che upang maging opisyal na kwento na napatay si Guevara sa labanan.

Ang mga huling salita ni Guevara ay kay Sgt. Mario Teran, ang sundalong naatasang bumaril sa kanya, ayon sa talambuhay na sinulat ng mamamahayag na si Jon Lee Anderson na ang pamagat ay "Che Guevara: A Revolutionary Life."

“I know you’ve come to kill me,” sabi ni Che Guevara kay Teran. “Shoot, you are only going to kill a man.” Sa wikang Filipino ay ganito: "Sige, barilin mo ako, papatay ka lang naman ng isang tao."

Nagpaputok si Terán, at natamaan si Che Guevara sa mga bisig, binti at dibdib.

Samantala, isang umaga noong 1976, nag-agahan si Lacaba at ang kanyang yunit sa isang bahay sa Tucaan Balaag, Asuncion, Davao del Norte. Nakita sila ng mga Elemento ng Philippine Constabulary - Civilian Home Defense Front (PC-CHDF), kasama ang taksil na nagngangalang Martin, at sila'y pinagbabaril ng walang babala. Dalawa sa kanyang mga kasama ang napatay. Si Lacaba ay binaril at dinakip, kasama ang isang buntis na nagngangalang Estrieta.

Sa pagpunta nila sa Tagum, nagpasya ang PC-CHDF na hindi nila dadalhin ang sinumang bilanggo. Unang binaril si Estrieta. Nang oras na ni Lacaba, isang sarhento ang nagbigay ng pistola kay Martin at inutusan siyang barilin si Lacaba. Medyo nag-atubili umano yung Martin, ngunit tiningnan siya ni Lacaba at sinabi, “Go ahead. Finish me off.” na sa wikang Filipino'y "Sige. Tapusin mo na ako."

Iyon ang mga huling salita niya. Ang isang bala ay dumaan sa kanyang bibig at lumabas sa likuran ng kanyang bungo. Si Emmanuel Agapito Flores Lacaba, 27 taong gulang, ay namatay sa Davao del Norte, noong Marso 18, 1976.

Mga Pinaghalawan:
https://www.englishclub.com/ref/esl/Quotes/Last_Words/I_know_you_are_here_to_kill_me._Shoot_coward_you_are_only_going_to_kill_a_man._2720.php

* Unang nalathala sa publikasyong Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod, isyu ng Marso 1-15, 2020, mp. 18-19.

Huwebes, Marso 5, 2020

Kayabangan

KAYABANGAN

mayabang, mayaman, likas na ugali'y lumitaw
para siyang langaw na nakatungtong sa kalabaw
kung matahin ang dukha, animo'y isang halimaw
huwag daw hihipuin ang kotse't magagasgas daw

mapagmalaki, palalo, tila baga kayumad
o anak ng kutong sa ulo ng tao bumabad
matapobre ang dating kahit maningalang pugad
ang tingin sa sarili'y pogi kahit mukha'y askad

kung tutuusin, sa kanya'y di dapat makialam
kahit nakikita mong kung umasta'y mapang-uyam
hayaan na lang siya upang ngitngit mo'y maparam
alagaan ang sarili't di ka dapat magdamdam

marami ngang mayayabang, pasikat sa dalaga
aba'y kaya nilang gumastos kaya mapoporma
kaya pasensya ka, pagkat tulad mo'y walang pera
sagutin man sila ng dilag, anong paki mo ba

huwag kang manibugho sa dilag mong minamahal
basta't naririyan kang namumuhay ng marangal
may iba pang nararapat sa iyong pagpapagal
na pag nakasama mo'y ginhawa ang iluluwal

- gregbituinjr.

Miyerkules, Marso 4, 2020

Dalit at Gansal sa Dukha

DALIT SA DUKHA

pag gutom na ang sikmura
paano ka papayapa

mga dukha'y ipaglaban
ang burgesya'y paglamayan

ang mang-iwan ng kasama
ay higit pa sa basura

maralita’y ipagtanggol
labanan ang mga ulol

wala mang sandaang piso
basta’t nagpapakatao

DALIT - uri ng katutubong tulang may walong pantig bawat taludtod

GANSAL SA DUKHA

tinagurian mang iskwater
kaharap ma’y malaking pader
itaboy man ng mga Hitler
lalabanan ang nasa poder

tahanan ba ang relokasyon
ng biktima ng demolisyon?
doon ba ay may malalamon?
gutom ba’y magigisnan doon?

mga berdugo’y anong lupit
gayong kung ngumiti’y kaybait
karapata’y pinagkakait
sa maralitang nagigipit

ang tahanan ko man ay dampa
ay nagpapakataong pawa
di baleng ako’y isang dukha
basta’t mabuti’y ginagawa

GANSAL - uri ng katutubong tulang may siyam na pantig bawat taludtod

* Unang nalathala ang mga tulang ito sa pahayagang Taliba ng Maralita, ang opisyal na publikasyon ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), isyu ng Marso 1-15, 2020, p. 20

Martes, Marso 3, 2020

Palikerong palaboy

palikerong palaboy ako noong kabataan
matipuno ang katawan ngunit di katabaan
ligaw pa rin ng ligaw kahit maliit ang kuwan
ngunit malaki ang pag-ibig sa nililigawan

maliit ang alawans kaya sa dilag ay pipi
ligaw pa rin ako ng ligaw kahit ako'y torpe
pag kaharap siya'y tulala na't walang masabi
kaya dinaan sa tula ang sintang binibini

nanliligaw, walang pera, mahirap pa sa daga
ngunit kaysipag kumilos para sa manggagawa
kaya nga sa dalaga'y may diskarte't matiyaga
at bakasakaling mapasagot ang minumutya

di naman ako ang tipo ng palikerong playboy
mahilig sa tsiks subalit palikerong palaboy
minsan nga, nakatitig na lang sa mata ng apoy
pagkat binasted ng dalaga kaya nagngunguyngoy

minsan masarap balik-balikan ang kwentong iyon
sa sampung niligawan, isa'y sinyota maghapon
habang isa'y inasawa ko't kasama na ngayon
at iyan ang kwento ng maligaya kong kahapon

- gregbituinjr.

Lunes, Marso 2, 2020

Pagtaas ng kaliwang kamao nina Ka Eddie Guazon at Ka Popoy Lagman

PAGTAAS NG KALIWANG KAMAO NINA KA EDDIE GUAZON AT KA POPOY LAGMAN
Maikling sanaysaY ni Gregorio V. Bituin Jr.

Leftist daw kami. Makakaliwa. Marahil iyan din ang dahilan kung bakit kaliwang kamao ang aming itinataas tuwing inaawit namin ang walang kamatayang kantang Internasyunal.

Nakita ko rin ang dalawang litratong inilathala ng dalawang grupo kung saan nakataas ang tikom na kaliwang kamao nina Ka Eddie Guazon, (Agosto 13, 1925 - Mayo 19, 1989), ang unang pangulo ng Kongreso ng Pagkakaisa ng Maralitang Lungsod (KPML), at ni Filemon "Ka Popoy" Lagman (Marso 17, 1953 - Pebrero 6, 2001), ang unang chairman ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ang litrato ni Ka Eddie Guazon na nakataas ang kuyom na kaliwang kamao ay nalathala sa inilabas na magasin para sa unang anibersaryo ng kanyang kamatayan noong 1990. Makikita sa nakakwadrong litrato ni Ka Eddie ang mga titik na KPML. Nagisnan ko na rin noon pang 2001, nang maging staff ako ng KPML, na nakasabit ang kwadrong ito ni Ka Eddie sa tanggapan ng KPML.

Ang litrato naman ni Ka Popoy Lagman na nakataas ang kuyom na kaliwang kamao ay nalathala sa inilabas na imbitasyon ng Teatro Pabrika para sa Konsyerto ng Pagpupugay noong Abril 27, 2001, na ginanap sa Bahay ng Alumni sa UP Diliman. Ginawa rin nilang kober ang imbitasyong iyon sa album ng mga litrato ng naganap na konsyerto.

Nakagisnan ko nang itinataas ang kaliwang kamao sa maraming pagtitipon, mula nang maging kasapi ako ng kilusang sosyalista noong 1993, lalo na sa pagtatapos ng isang rali kung saan inaawit ang Internasyunal. Subalit bakit nga ba tayo tinawag na makakaliwa o leftist?

Sa artikulong "Where Did the Terms 'Left Wing' and 'Right Wing' Come From?" ng history.com, ay ganito ang nakasulat:

"Today the terms 'left wing' and 'right wing' are used as symbolic labels for liberals and conservatives, but they were originally coined in reference to the physical seating arrangements of politicians during the French Revolution. 

The split dates to the summer of 1789, when members of the French National Assembly met to begin drafting a constitution. The delegates were deeply divided over the issue of how much authority King Louis XVI should have, and as the debate raged, the two main factions each staked out territory in the assembly hall. The anti-royalist revolutionaries seated themselves to the presiding officer’s left, while the more conservative, aristocratic supporters of the monarchy gathered to the right." 

Halos ganito rin ang nakasulat sa en.wikipedia.org: "The political terms 'Left' and 'Right' were coined during the French Revolution (1789–1799), referring to the seating arrangement in the French Estates General: those who sat on the left generally opposed the monarchy and supported the revolution, including the creation of a republic and secularization, while those on the right were supportive of the traditional institutions of the Old Regime."

Nasa kaliwa o makakalikwa ang nais ng pagbabago, nasa kaliwa ang lumalaban sa naghaharing uri, nasa kaliwa ang sumusuporta sa rebolusyon. Nasa kanan o makakanan ang naghaharing uri, burgesya, elitista, tagapagtaguyod ng pribadong pag-aari at mga alipores nilang pulis at militar.

Kaya nga ang pagtaas ng kaliwang kamao ay tanda rin ng pagiging kaliwa, lalo na sa ideyolohiya, sa adhikaing pagbabago para sa lahat, at hindi para sa iilan. Halina't itaas natin ang kaliwang kamao tanda ng ating pagkatao bilang mga sosyalistang nakikibaka para sa sosyalismo.

Pinaghalawan:
https://www.history.com/news/how-did-the-political-labels-left-wing-and-right-wing-originate
https://en.wikipedia.org/wiki/Left-wing_politics

Bakit nasa blog ang aking mga tula

alam mo ba kung bakit agad kong inilalagay
sa blog ang aking mga tula? upang di mawala!
nasa mundo na ng internet, di na mawawalay
ang mga pinaghirapan kong tula't ibang akda

dahil pag namatay ako, baka maibasura
lamang ni misis ang mga tulang aking tinipon
dahil ayaw niyang ibahagi ko lang sa masa
ang aking kinatha kundi itago ko't maipon

kung kailangang may isumite sa patimpalak
may mahuhugot daw akong piyesang nakatago
subalit ayoko namang tula ko'y nakaimbak
walang mag-asikaso't baka tuluyang maglaho

kinakatha ko na'y pamana ng henerasyon ko
para sa mga henerasyong di na magigisnan
ano bang paninindigan ng tulad kong blogero
anong nangyayari ngayon, anong ipinaglaban

ano ang kamatis at mga karaniwang bagay
nangyari sa sinalanta ni Ondoy at Yolanda
kinakatha ko'y sa blog na agad kong nilalagay
nang tula'y di na mawala, lalo't ako'y patay na

- gregbituinjr.

Linggo, Marso 1, 2020

Ang Diwata ng Gubat

napakaganda ng kanyang mukhang di masilayan
sabik nang makita ang diwata ng kagubatan
nawa'y makaharap ang pangarap kong paraluman
tulad ni Maryang Makiling o Maryang Sinukuan

diwata ng kagubatan ay makikita ko rin
pangako sa sarili, mutya'y dapat kong maangkin
dapat na akong magtungo sa puno ng mulawin
o sa apitong na pitong ulit kong aakyatin

ako'y isang makatang nahirati na sa lumbay
nais ko ring lumigaya't puso naman ang pakay
pagkat diwata ng gubat ang laging naninilay
lalo na't adhikain niring puso'y gintong lantay

ayoko nang mabusog sa awit na malulungkot
nagsisikap akong lumbay ay tuluyang malagot
nawa diwata ng gubat ay aking mapasagot
at dadalhin siya sa kaharian ko sa laot

- gregbituinjr.