IMBES "PERO" AY "NGUNIT" O "SUBALIT"
nagsisimula si Kara David sa "Pero"
sa pagsusulat daw ng iskrip bilang intro
na salitang Kastilang iniiwasan ko
pagkat may katumbas sa wikang Filipino
madalas sa aking pagkatha'y ginagamit
na imbes na "PERO" ay "NGUNIT" o "SUBALIT"
ito'y BUT sa Ingles na palagi kong bitbit
kaya "pero" ay iniiwasan kong pilit
baka sasabihin nilang ako'y purista
wikang Filipino'y tinangkilik talaga
kaya magtataguyod nito'y sino pa ba?
kundi ang gaya kong dukha't lingkod ng masa
gamit sa maralita't uring manggagawà
imbes na sa gahaman, burgesya't kuhilà
halina't itaguyod ang sariling wikà
at nang matangkilik ang katutubong diwà
- gregoriovbituinjr.
06.22.2025
* bidyo mula sa pahina ni Kara David sa kawing na: https://fb.watch/Ank48PGUH_/
* paksa'y Scriptwriting Tips: Episode 4 - The Power of 'Pero' in Writing Your Introduction
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento