Sabado, Abril 4, 2020

Kung ako'y umabot sa edad sisenta'y kwatro


Kung ako'y umabot sa edad sisenta'y kwatro

minsan, pag nasa edad ka nang kalahating siglo
di mo na iniisip tatagal pa ang buhay mo
mapalad ka nga't naabot pa ang edad na ito
bonus na kung sa edad sisenta'y umabot ako

"When I'm sixty-four", sabi nga sa awit ni John Lennon
ngunit di na siya umabot sa edad na iyon
pinaslang siya sa gulang na apatnapung taon
"When I'm sixty four", halina't baybayin ang kahapon

namatay si chess grandmaster Bobby Fischer, ang Da Best,
na edad ay bilang ng parisukat sa larong chess
tulad din ni world chess grandmaster Wilhelm Steinitz
sa edad sisenta'y kwatro nang sa mundo'y umalis

anong kwento ng buhay ko, akin bang masusulat
sa bawat taon sa bawat bilang ng parisukat
pagkabigo't tagumpay ba'y paano masusukat
umabot sa sisenta'y kwatro'y di ko madalumat

sa itim na bloke'y maitim din ba ang kahapon
sa puting bloke'y gaganda ba ang iyong sitwasyon
piyesa'y itim man o puti, pag-isipan iyon
buhay ay di lang kahapon, may bukas din at ngayon

ipaglaban ang karapatang pantao't dignidad
magpakatao lagi't isinilang tayong hubad
gawin natin anong mabuti, anuman ang edad
pag umabot sa sisenta'y kwatro, tayo'y kaypalad

- gregbituinjr.
04.04.2020

John Lennon (Oktubre 9, 1940 – Disyembre 8, 1980)
Bobby Fischer (Marso 9, 1943 – Enero 17, 2008)
Wilhelm Steinitz (Mayo 17, 1836 – Agosto 12, 1900)

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento