Linggo, Abril 5, 2020

Ano ang rali?


Ano ang rali?

ang rali'y gawaing magpahayag ng sabay-sabay
madalas kasi'y di pakinggan kung mag-isang tunay
nagrarali ka dahil sa isyu'y di mapalagay
kaysa di magrali't sarili'y hayaang mamatay

mabuting maglahad kaysa sikilin ang damdamin
mabuting magsalita kaysa tumahimik lang din
ang gutom na di matiis, sa sigaw mo lunurin
kung mag-isa ka lang, sino ang sa iyo papansin

sabay-sabay na pagpapahayag ng mamamayan
ang rali dahil kung mag-isa ka'y di pakikinggan
ayusin ang pagkilos upang maparating naman
ang mensaheng dapat dinggin ng kinauukulan

kung di marinig, isulat sa plakard ang mensahe
nang makita ng madla ang tindig mo't sinasabi
paraan ng pagpahayag, huwag mag-atubuli
sabayang pagpapahayag ang esensya ng rali

nag-iisip din ang dukhang di na kaya ang gutom
nangangalampag sila sa mga utak-marunong
na nasa poder, na ibinoto rin nila noon
sakaling sa hinaing nila'y agad na tumugon 

rali'y pagdulog din ng problema sa mga paham
matugunan ang isyu't dapat silang makialam
at maabot din ang publikong dapat makaalam
upang isyu'y pag-usapan nang ito'y matugunan

- gregbituinjr.

Walang komento:

Mag-post ng isang Komento